PROLOGUE
“Totoo ba na buntis ka?"
Pigil ang galit na tanong ni Philippe sa anak.
Napayuko na lamang si Megan habang umiiyak.
Sandaling natahimik ang lahat nang mga oras na iyon.
“Sumagot ka!”
Napasigaw na si Philippe dahil sa pananahimik at pag-iyak na isinasagot sa kaniya ni Megan.
“Daddy… I’m so sorry,” tanging nasambit ni Megan. Napaupo na siya at halos mapaluhod sa harapan ng kaniyang ama habang patuloy pa rin sa pag-iyak at paulit-ulit na humihingi ng tawad
Napatulala at napaluha na lamang si Philippe dahil hindi pa rin nagsi-sink in sa kaniya ang lahat.
“Hindi ko sinasadya, Daddy… hindi namin sinasadya!” patuloy pa ni Megan sa harapan ng kaniyang ama, habang walang tigil sa pag-agos ang mga luha sa kaniyang mga mata.
“Alam mo… hindi ko alam kung anong klaseng pagkukulang ang ginawa ko kung bakit ka... kayo ng mga kapatid mo nagkaganiyan! Ano, ha?! Sabihin mo!... Megan, alam ko rin na hindi ko kayo gaanong natututukan dahil nagtitiwala ako sa inyo kahit na minsan ay may mga maling bagay kayong napagdedesisyunan. Pero sa pagkakataong ito, sinira mo ang tiwala ko, Megan! Dahil diyan sa ginawa mo!... At iyan ang pinakamalaking pagkakamaling nagawa mo na hindi ko kayang tanggapin!”
Napakuyom naman ng kamao si Lance, bago siya nag-angat ng tingin kay Philippe. “I’m sorry, Sir... Huwag po kayong magalit sa anak ninyo dahil wala po siyang kasalanan dito… Ako po lahat ang may kasalanan. Hindi ko naman po sinasadya ang nangyari sa amin, kaya sana po, mapatawad ninyo ako.”
“Lance, bakit, ha? Pagkatapos ng lahat na ginawa ko para sa inyong apat, ito lang ang igaganti mo sa akin?” May bahid pa rin ng luha sa gilid ng mga mata ni Philippe, habang nakatingin kay Lance.
Matapang pa rin ang mukha ni Lance, ngunit bakas din sa kaniyang mga mata ang nanggigilid na mga luha. “Sir, sorry ho talaga… At saka hindi ko rin naman ho sinasadya na mahalin ang anak ninyo.”
“Sorry talaga, Daddy… Hindi ko alam na hahantong sa ganito.” Napahawak pa si Megan sa braso ng kaniyang ama, habang patuloy pa rin ang paghingi niya ng tawad rito.
Sa halip na pakinggan ang paghagulgol at paghingi ng tawad ng anak, hinawi lamang ni Philippe ang kamay nito. “Lumayo ka sa akin!”
“Daddy…”
“Alam mo, Megan! Sa lahat ng papatulan mo! ’Yung trabahador pa natin, ha?! Matalino ka! Mataas ang pinag-aralan mo! Pero ano itong nangyari, ha?! Bumagsak ka sa lalaking ’to?!” Tinuro pa ni Philippe si Lance.
Nagtiim-bagang si Lance. “Sir, alam kong lumaki lang ako sa hirap. Pero hindi ibig sabihin no’n, bawal na ho akong umibig, lalo na kung sa isang katulad ni Megan… na mayaman, matalino, at may pinag-aralan... Sir, kahit ganito lang ho ako, may kaya po akong patunayan, alang-alang sa pagmamahal ko sa anak ninyo, lalo na po at magkakaanak na po kami.” Tila hindi pa rin kababakasan ng pangamba at takot ang mukha ni Lance, habang kaharap nila si Philippe.
“Philippe, tama na ’yan. Nand’yan na ’yan, eh. Wala na tayong magagawa,” singit na ni Hilda.
Napalingon sa kaniya si Philippe. “Isa ka pa, Hilda! Kaya lumalaking pabaliktad ’yang mga alaga mo dahil kinukunsinti mo! Simula noong nawala ang asawa ko, ikaw na ang pinagkatiwalaan at pinagbantay ko sa mga ’yan. Para kahit papaano, may mag-aalaga at maggagabay sa mga anak ko dahil hindi ko naman puwedeng pabayaan ang kompanya ko... namin... dahil ’yon lang ang ikinabubuhay namin! Para pagdating ng araw, hindi maging kagaya ko ang mga anak ko na lumaki sa hirap! Tapos ano? Malalaman ko na lang na hahantong sa ganito ang mga anak ko? Ano’ng klaseng pagbabantay ba ang ginawa mo at nagkaganiyan ang mga anak ko?!”
Hindi na lamang umimik si Hilda sa mga nasabi sa kaniya ni Philippe at halatang nagpipigil na lamang siya ng kaniyang mga luha.
“Daddy, tama na po ’yan!” Hindi na rin napigilan ni Margaux ang manahimik at maluha sa tabi dahil sa tensiyong nangyayari sa pagitan ng kaniyang ama at nina Megan na bigla pang siningitan ni Hilda.
“Huwag kang makialam dito, Margaux!” Tiim-bagang itinuro pa siya ni Philippe.
Ngunit hindi nagpatinag si Margaux at taas-noo pa rin siyang tumingin sa kaniyang ama.
“O, baka naman pati ikaw? At kayong mga magkakapatid?” Isa-isa pang tinuro ni Philippe ang kaniyang mga anak na naroon din. “May relasyon na rin ba kayo sa mga ’yan?” Ang mga lalaking nasa tabi at kanina pa mga walang imik ang tinutukoy niya. “Sabihin nga ninyo sa akin. Ano pa ba ang mga hindi ko nalalaman sa loob ng pamamahay na ’to habang nasa trabaho ako?!”
Napapaiyak na lamang ang mga anak ni Philippe.
“Ngayon, walang sumasagot sa inyo kasi totoo… Alam ninyo… Ginago n’yo akong lahat sa sarili kong pamamahay! Pinagkaisahan n’yo ako! Mga wala kayong utang na loob!”
“Daddy…” Yakap-yakap at hinahaplos na lamang ni Hilda ang mga bisig ni Megan habang wala pa rin itong humpay sa pag-iyak.
“Ito ang tatandaan ninyo! Kahit kailan, hindi ako nagkulang sa pagpapaalala sa inyo… Anuman ang mangyari sa pinasok ninyo ngayon, kayo na ang magsisisi ro'n!”
Tuluyan na ring naging emosyonal si Moira at saka tumingin sa ama.
“Daddy, patawarin mo kami.”
Akmang lalapit pa siya sa ama, ngunit kaagad na itinaas ni Philippe ang kaniyang palad upang sabihin kay Moira na huwag siyang magtatangkang lumapit.
“Manghingi man kayo ng tawad sa akin… huli na ang lahat,” sabi pa ni Philippe sa mga ito.
Umiiyak na lamang ang iba sa kanila.
“Bukas na bukas din… aalis na ang mga lalaki rito sa bahay. At pag-uwi ko kailangan wala na sila... Kapag lumabas at umalis na sa pamamahay na ito… hindi na dapat kailanman babalik.”
Nang tuluyang tumalikod at umalis si Philippe sa kanilang harapan ay umusbong ang katahimikan sa buong pamamahay.
Walang sinuman ang nakapagsalita at tanging maririnig lamang ay ang mga hikbi ni Megan at ang mabibigat na paghinga ng mga taong naiwan sa kusina.
Napatitig si Lance sa direksiyong nilakaran ni Philippe. Hindi niya alam kung alin ang mas mabigat.
Ang mga salitang binitiwan ba nito o ang katotohanang sa isang iglap, tila nagbago ang lahat?
Alam niyang wala na siyang karapatang umatras.
Hindi dahil matapos niyang malaman na may batang nabuo sa sinapupunan ni Megan at matapos din niyang makita kung gaano kasakit para kay Philippe ang nangyari.
At lalong hindi, matapos niyang mahalin si Megan nang higit pa sa inaakala ng lahat.
Dahan-dahan siyang lumapit kay Megan. “Megan.”
Nang tuluyan na siyang makalapit ay agad siyang niyakap ni Megan at humagulgol ito sa kaniyang mga bisig. “Lance… Ano na ang gagawin natin?” tanong pa nito.
Mahigpit din niyang niyakap pabalik ang babae. “Hindi kita iiwan.”
“Pero galit si daddy…”
“Alam ko.”
“Baka tuluyan niya na tayong itakwil.”
Napapikit si Lance habang marahang hinahaplos ang buhok ni Megan, kahit papaano'y gumaan man lang ang pakiramdam nito.
Napatingin sa kanila ang iba.
Walang makapagsabi kung ano ang magiging buhay nila pagkatapos ng gabing iyon.
Sapagkat kinabukasan, apat na lalaki ang kailangang umalis sa bahay na minsan nilang itinuring na tahanan.
At limang magkakapatid ang kailangang humarap sa isang pamilyang unti-unting nababasag dahil sa mga lihim na matagal nilang itinago.
Ngunit higit sa lahat...
May mga pusong hindi na kayang ibalik sa dati.
Dahil minsan, ang pag-ibig ay dumarating sa panahong hindi ito inaasahan.
Sa taong hindi dapat mahalin.
Sa mundong hindi dapat pagsaluhan.
At sa pagitan ng dalawang buhay na tila langit at lupa ang pagitan.
Ngunit paano kung ang pag-ibig mismo ang magiging dahilan upang subukin nila ang distansiyang iyon?
Saan sila dadalhin ng kanilang mga desisyon?
At hanggang saan nila kayang lumaban? Kapag ang pag-ibig ay kailangang suwayin ang mismong agwat na naghihiwalay sa kanila?