VIII

1518 Words
And once again, Thalia was cold. As close as a stranger. Hindi maintindihan ni Alonzo kung bakit ganoon ang kanyang asawa kahit na madalas naman na ganoon ang trato sa kanya nito. Alam niyang malambing lang ito kapag may kailangan at minsan ay hindi lang talaga niya tinitingnan ang anggulo na ginagamit lang siya ng kanyang asawa dahil isa siguro iyon sa mga bagay na hindi niya matatanggap. He was genuinely and wildly in love with her, so why could she not see that? “Amore, kumain ka na ba?” usisa niya rito nang makapasok siya sa opisina nito at nakasubsob ito sa trabaho. Tinapunan lang siya nito ng tingin dahilan para magpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. “Kumain ka muna…” “Leave me alone, Alonzo. Marami akong ginagawa,” walang kaemo-emosyong saad nito habang nagtitipa sa computer nito. “Kung wala kang magawa, puntahan mo si Esay at tulungan mo siyang mamili. Just don’t pester me.” Nakaramdam ang lalaki ng kaunting kirot sa kanyang puso nang marinig ang itinuran ng kanyang asawa. Sa tono at pananalita nito ay para siyang alikabok o sagabal na ayaw nitong makita, ‘ni malapitan man lang. Tanggap niya kung may ginawa siyang mali ngunit ilang beses na ba niyang sinubukan na tumulong? Thalia always blocks him and tells him to go f*ck himself. Kapag tumatawag naman si Hugo Corleone sa asawa niya ay nag-iiba ang hiltasa nito, at sinasabihan pa siya na lumabas muna sandali sa silid upang makausap nito ang lalaki sa pribadong paraan. He sighed as he left the room, his shoulders heavy and his eyes fixated on the floor. Ayaw niya mang aminin ay naiirita siya. Nagagalit. Hindi niya maintindihan ang asawa niya. Minsan pakiramdam niya ay tila marami itong tinatago sa kanya kaya ito malayo, kung hindi man ito malambing dahil may kailangan. At hindi niya masisisi ang sarili kung minsan ay hindi siya makukuntento sa limos nitong atensyon at pagmamahal sa kanya. Nahagod na lamang ni Alonzo ang kanyang batok at nagtungo sa may pool area. Inilabas niya ang pakete ng imported na sigarilyong nakatabi sa loob ng kanyang coat. Bahagya na iyong lukot ngunit hindi niya iyon inalintana. Naglabas siya ng isa at sinindihan iyon. Hinayaan niyang manuot ang bahagyang mapait na lasa niyon sa kanyang lalamunan habang nakatitig sa asul na katubigang pumupuno sa malalim na pool. Mahal niya man ito ay minsan naiisip niya rin na tila hindi naman ganoon ang nararamdaman para sa kanya ng asawa niya. And he hated that idea. Muling nagpakawala ng malalim na buntong-hininga si Alonzo bago muling sinulyapan ang bintana ng opisina ni Thalia sa ikalawang palapag ng kanilang magarbong tahanan. If he could only make her open her heart fully to him… Hinintay niya lang maupos nang tuluyan ang sigarilyo niyang hawak bago muling pumasok sa loob ng mansiyon. Dahil nabuburyong ay naisipan niyang magliwaliw sa bayan kahit sandali lang. Palagi siyang pinagsusuot ng kanyang asawa ng face mask na minsan ay may kasamang sombrero kapag lumalabas kaya naman nang lumabas siya ay nakasuot na siya ng itim na baseball cap, itim na face mask, itim na turtleneck at slacks. Sumakay siya sa kanyang asul na Yamaha at pinaharurot iyon palabas ng malaking property nilang mag-asawa. Pawang palayan at taniman ang nadadaanan ni Alonzo sa magkabilang bahagi ng kalsada. Malalaki ang hacienda sa bahaging iyon ng San Esteban, at marami sa mga iyon ay nagtatanim ng palay at mais. Minsan niya na ring nasubukang tumulong sa palayan noong nag-uumpisa pa lang siyang maka-recover sa kanyang pagkaka-comatose ngunit ngayon ay hindi na masyado dala na rin ng pagiging abala sa kanyang trabaho at sa pag-alalay sa kanyang asawa. Nang marating ang plaza ng San Esteban ay kaagad na nagtungo si Alonzo sa isang maliit na mall upang iparada ang kanyang motorsiklo. Wala siyang ibang bitbit kung hindi ang kanyang wallet at smartphone. Iniwan niya ang kanyang helmet sa motorsiklo at nag-umpisang mag-ikot-ikot. Wala namang masyadong makikita sa plaza maliban sa ilang mga paninda ng mga lokal na taga-roon. Medyo marami nang tao noong mga oras na iyon siguro ay dahil na rin sa papalapit na fiesta sa San Esteban. Naisin man ni Alonzo na magpunta roon kasama si Thalia ay hindi niya naman ito maaya. Aalis ito at mawawala ng halos isang buwan, maliban sa katunayan na tiyak na hindi ito papayag sa nais niya. Sa kanyang pagliliwaliw ay napansin niya ang pamilyar na pigura ni Teresa na humahangos at lingon nang lingon sa likuran nito. Maraming bitbit ang dalaga at nakasuot pa ito ng maid uniform na binili ng kanyang asawa para sa lahat ng kanilang mga katulong. Hingal na hingal ito at pawisan kaya naman napagtanto ni Alonzo na baka nasa panganib ito. Napatingin siya sa pinanggalingan ng dalaga at napansin ang mga kalalakihang tiyak niyang armado ng baril. Matatangkad iyon at kaagad niyang napuna ang tattoo ng mga ito sa leeg. Bilang isang Romano, lahat ng mga nagiging kasapi ng famiglia ay kailangan magpa-tattoo sa leeg ng isang malaking letrang ‘R’. Isa iyong paraan nilang dalawa ni Alessandro upang malaman kung kasapi ba nila ang kaharap o hindi. May ispesipikong disenyo iyon at guhit kaya naman mahirap iyong pekein. Maski sa damit ng mga ito, ang mga suot na coat ng kanilang tauhan ay palaging may letrang ‘R’ na nakaburda sa may dibdib. Kaya naman nasisiguro niyang tauhan iyon ng kanyang kapatid. Bakit hinahabol ng mga ito si Teresa? Bakit tila takot na takot ang dalaga? Hindi na nagdalawang-isip pa si Alonzo. Para bang kusa nang nagdesisyon ang kanyang katawan para sa kanya at bigla na lamang siyang naglakad papalapit sa dalaga at pasimple itong hinila papasok sa isang madilim na eskinita, isang kamay ay nakatakip sa bibig nito. “Don’t shout. Hinahabol ka ba ng mga tauhan ng kapatid ko?” Tumango ang dalaga habang mahigpit ang kapit sa kanyang braso. Muli ay pasimpleng sumilip si Alonzo sa may pader at napansin niya na palinga-linga ang mga lalaki. Magkadikit ang kanilang katawan ni Teresa kaya naman ramdam niya ang panginginig nito. Binitawan niya ang dalaga at napansin niya na mangiyak-ngiyak na ito habang pilit na binibitbit ang bayong na hawak. “S-s-sorry, Sir—” “Don’t be,” tipid niyang sagot bago kinapa ang revolver na nakaipit sa kanyang pantalon. “It’s the norm for the Romanos. For now, let’s let them pass by before leaving this alley. Mahirap na at ayaw kong makapagdulot ng panic sa ibang tao sa plaza. Get behind me.” Sinunod naman ni Teresa ang utos niya at talagang nagtago ito sa kanyang likuran at nagsumiksik. Muling sinilip ni Alonzo ang mga lalaki. Patungo sa direksiyon nila ang mga ito dahilan upang abutin niya ang kamay ng dalaga at mahigpit iyong hawakan. Nang maramdaman ang paglapit nito ay nakaisip si Alonzo ng plano. Kaagad niyang isinuksok ang kanyang revolver sa puwesto kung saan madali niya itong mabubunot at isinandig ang dalaga sa pader. Itinukod niya ang isa niyang kamay roon at inilapit ang kanyang mukha rito kasabay ng paglaki ng mga mata ng dalaga. Bago pa man makahuma si Teresa ay mahina na siyang bumulong. “Huwag kang gagalaw.” He could not help but to stare deep into her brown eyes, so innocent and naive as she shivered under his body. Ayaw niya mang aminin ay alam ni Alonzo na maganda si Teresa, at hindi niya iyon maikakaila. Ang ilong nitong hindi man katangusan ay katamtaman lang ang laki na bumagay sa mukha nito, o ang labi nitong mamasa-masa… Iyon ang mukhang nagpahinto ng kanyang magulong mundo noong unang gabing nagkita sila. “Sir…” “Sshh,” mahina niyang saway rito kasabay ng pag-igkas ng kanyang kamay upang ikulong ito lalo sa loob ng kanyang mga bisig. “Stay still…” Palihim niyang sinulyapan ang mga lalaki na maglakad palampas sa eskinitang kanilang pinagtataguan. Nang masiguro na wala na ang mga ito ay muli niyang sinulyapan ang dalagang nakakulong sa kanyang mga bisig, na kanina pa walang imik. Pulang-pula ang mga pisngi nito habang nakatitig sa kanya. Naiilang na hinagod niya ang kanyang batok at tumikhim. “Sumabay ka na sa ‘kin pauwi, Miss Rufin. Mahirap na.” Doon lang parang nagbalik sa ulirat ang dalaga. Nahihiyang nag-iwas ito ng tingin at humugot ng malalim na buntong-hininga bago siya muling sinulyapan. “Salamat, Sir Alonzo…” Bahagya niyang inilayo ang kanyang katawan upang makalakad ito ngunit siguro ay dala na rin ng panginginig ng tuhod ng dalaga ay muntik na itong mawalan ng balanse, kung hindi niya lamang nasalo ang beywang nito. Kapwa silang natigilan at hindi niya mapigilan ang sarili na makaramdam ng kakaibang sensasyon sa kanyang dibdib habang mataman siyang pinagmamasdan ng dalaga. Umangat naman ang kamay nito upang dahan-dahang ibaba ang kanyang face mask. Napalunok si Alonzo. Pareho ba sila ng naiisip? Unti-unting tinawid ni Teresa ang distansiya sa pagitan ng kanilang mga mukha. Walang lakas si Alonzo na pigilan ito kahit na alam niyang mali. Hindi niya magawang— Naantala ang pag-iisa ng kanilang mga labi nang mag-umpisang pumatak ang malalaking butil ng tubig-ulan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD