Hindi inaasahan ni Teresa na kinabukasan ay mabubungaran niya ang kanyang among lalaki na naka-porma, habang nililinis ang Kawasaki big bike nito sa likurang bahagi ng malaking mansiyon. Doon daw sila dadaan para hindi mapansin ng mga tauhan ng asawa nitong palaging nakamatyag.
Ngayong nasa harapan niya ito ay hindi mapigilan ni Teresa na mahigit ang kanyang paghinga. Hindi niya maikakaila at siguro ay paulit-ulit niya na ring naiisip, na kahit na may edad na ang kanyang amo ay matikas pa rin ang tindig nito at pangangatawan. Lalong bumagay sa katawan nito ang suot nitong asul na checkered polong bukas ang dalawang unang butones, na naka-tuck in sa faded na pantalon nitong pinarisan pa ng cowboy boots at hat. Kung hindi niya lang ito kilala, pagkakamalan niya na haciendero ang lalaki.
Lihim na sumikdo ang kanyang puso nang tumingin ito sa kanya at tumayo. Napatuwid ng tayo si Teresa ngunit bahagya siyang napangiwi nang maramdaman ang kirot ng kanyang binti na napilay. Nang mapatingin naman siya sa kanyang amo ay may halo ng pag-aalala ang mga mata nito ngunit kaagad din nitong iniiwas ang tingin. Pinunasan pa nito ang kamay nito na bahagyang nabahiran ng grasa. Isinabit ang basahan sa balikat nito bago naglabas ng shades at isinuot. “Sigurado kang ‘yan ang isusuot mo, Esay?”
Wala siyang ibang nahanap na disenteng damit kung hindi ang baby blue niyang spaghetti-strap na bestida na may maliliit na bulaklak na disenyo. Iyon lang kasi ang damit niyang maayos, maliban sa ilang tee shirt at pantalon na kanyang naisalba simula noong takbuhan niya ang mga pagkakautang niya sa mga Romano. “Wala na po akong ibang damit na disente, Sir…”
Nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga at binuksan ang compartment ng motorsiklo nito upang ipasok doon ang basahang hawak. Pagkatapos ay naglabas ito ng isang straw hat na may garter na nakakabit. Iniabot iyon ng lalaki sa kanya. “Kay Thalia ‘yan, pero isuot mo muna. Ma-sa-sunburn ka.”
Para siyang nakuryente nang dumaplis ang mga daliri nila sa isa't isa. Tumikhim naman si Alonzo at sumakay na sa big bike nito. Mabilis na isinuot ng dalaga ang sumbrero at umangkas na rin. Humawak siya sa likurang bahagi ng motor ngunit kinuha ni Alonzo ang kanyang mga kamay at ipinakapit sa mga balikat nito. “Mabilis ako magpatakbo, baka malaglag ka.”
Hindi malaman ni Teresa kung init lang ba ng panahon, o kilig, ang may dulot ng pag-init ng kanyang mga pisngi. Humawak siya sa balikat ng lalaki habang ang isa niyang kamay ay nakahawak sa laylayan ng kanyang bestida. Mahina siyang napatili nang pinasibad ng lalaki ang motor nito nang wala man lang pasabi. Ngunit mayamaya lamang ay isang mahinang tawa na ang tumatakas mula sa mga labi ng dalaga.
Ginintuan ang mga palayan na kanilang nadadaanan sa magkabilang gilid ng kalsada dahil na rin malapit na ang anihan. Maganda ang panahon noong araw na iyon, at hindi niya maikakaila na bahagya niyang nakalimutan ang sakit ng kanyang binti, o ang kanyang kakaba-kabang dibdib. Sino ba namang hindi? Ganitong…
May sinabi ang lalaki na hindi niya naintindihan. Ngunit mayamaya ay bumagal ang takbo ng motorsiklo at bumaba ang lalaki. “Maupo ka sa harapan ko, ‘wag sa likod. Baka malaglag ka pa.”
“Ha?” gulat na bulalas niya. “Huwag na po, Sir! Ayos lang ako…”
Wala na siyang nagawa nang maupo ito sa likuran niya. Lalo na nang bahagya siyang makulong sa loob ng mga bisig nito. Nalalanghap niya ang mamahaling pabango ng lalaki. Pabango na mas lalo pang nakapagpahina sa kanyang mga tuhod. Ibinaba nito ang kanyang suot na sombrero bago muling pinaharurot ang motorsiklo.
Oo na. Tanga na kung tanga. Alam niya namang mali na mahulog sa kanyang amo na may sabit na, pero bakit naman kasi ganoon ito umakto? Tila hindi pa ito aware sa binibigay nitong kakaibang sensasyon sa kanya. Libo-libong boltahe ng kuryente ang dumadaloy sa kanyang katawan sa tuwing nagkakadikit ang kanilang mga katawan. Kahit nakakabingi ang katahimikan, nalulunod naman siya sa tunog ng puso niyang tila nais na yatang lumabas mula sa kanyang dibdib.
“E Sir, mamahalin po ang laptop niyo… May mabibilhan po ba kayo ng gano’n dito sa San Esteban?”
Mahinang tumawa ang lalaki. Diyos ko, bulong ng isipan ni Teresa. Maski tawa niya e napakaguwapo… “Minamaliit mo ba ang San Esteban, Esay? Kahit na probinsya na ‘to at medyo malayo sa X, may mga mall pa rin naman dito at electronics shop. I’m just going to buy a temporary one. Pagbalik ni Thalia, sasabihin ko sa kanya na nasira ‘yong luma kong ginagagamit para masamahan niya akong bumili sa siyudad.”
Bahagyang sumimangot ang gilid ng mga labi ng dalaga nang marinig ang sinabi ng lalaki. Para siyang kumawala sa pantasyang kanina niya pa ginagalawan. Oo nga pala. May asawa ang kanyang amo at…
“Don’t worry, I won’t tell Thalia that you came with me. Isa pa, kung malaman naman niya, sagot kita, Esay. After all, I was the reason why you sprained your ankle.”
Muling nagging tahimik ang biyahe dahil parang pinto ng kabaong na ipininid ng lalaki ang bibig nito. Ngunit kahit na ganoon, hindi mapigilan ng dalaga na makaramdam ng kilig—bagaman mali— sa mga salitang itinuran ng kanyang among lalaki.
Nang makarating sa plaza ay dumiretso silang dalawa sa isa sa dalawang mall sa lugar. Inalalayan pa siya ng lalaki na makasakay sa elevator hanggang sa marating nila ang pinakadulong electronics store sa hilera ng mga tindahan sa loob. Nang pumasok sa loob ang lalaki ay pinaupo siya nito sa may labas bago ito tuluyang dumiretso sa loob ng opisina ng tindahan. Tahimik na ginugol ng dalaga ang kanyang oras sa pagtingin-tingin sa mga naka-display sa estante at lalagyan na mga gadget. Nakayuko siya at tinitingnan ang mga laptop na naka-display nang marinig ang komosyon sa loob ng opisina.
“Tell Alessandro I’m not going back. At wala akong pakialam, Mr. Xiao, kung bitbitin pa ng kapatid ko ang lahat ng mga tauhan namin dito sa San Esteban para lang mapilit ako. I’m happy here! I’m… I’m not hurting anybody here…”
“And you think you’re actually helping Alessandro if you keep on running away from your problems and sins, Alonzo?”
“That’s why I stayed away! But you people… you keep on looking for me and trying to bring me back. Stop looking for someone who doesn’t want to be found, will you? I don’t even remember what happened months ago, so how am I going to—”
“Thalia’s going to hurt you, Alonzo! Why don’t you f*cking listen to us? Alam mo na malaki ang galit niya sa ‘yo!”
Narinig niya ang tawa ng lalaki at mahinang kaluskos na para bang kahon na binuhat. “Mahal ko ang asawa ko, Mr. Xiao. So please… just treat me as if I died. After all, I’ve forgotten everything that happened months ago. I’m trying to live like a blank slate now. At kung balak man akong saktan ni Thalia o hindi, kung kawawain niya man ako o hindi, ako na ang may problema niyon. Stay out of it and go back to Paradiso where there are a lot of people loving and definitely waiting for the two of you.”
Napatuwid ng pagkakaupo si Teresa nang marinig niya ang yabag ng kanyang amo na papalabas ng opisinang iyon, may bitbit na kahon ng laptop sa kabilang kamay. Ngumiti ito sa kanya at sinenyasan siya. “Let’s go, Esay. Bumili na rin tayo ng mga damit mo at ilang stock sa bahay. My treat.”
Halos hilahin siya ng lalaki palabas ng tindahan na iyon. Ngunit hindi iyon naging hadlang upang masulyapan niya ang Intsik na lalaking sumunod sa paglabas ni Alonzo sa opisina nito. Tinanguhan siya ng lalaki bago sinusugan na sumunod na lamang sa kanyang amo.
Nang makalayo sila ay napansin niya ang panginginig sa kamay ng kanyang kasama. Sandali siyang huminto sa paglakad at hinawakan sa pulso ang lalaki. “Sir, ayos ka lang ba? May problema po ba?”
Ngumiti naman si Alonzo at tumawa. “I’m fine, sorry. Gusto ko lang maabutan ‘yong sisig na niluluto do’n sa dulong stall sa may kabila ng plaza. Masarap daw, sabi no’ng binilhan ko ng laptop.”
Hindi ka magaling magsinungaling, Vittorio Alonzo Romano, sa isip-isip ng dalaga habang nagapatianod sa lalaki. Habang naglalakad ay naramdaman niya ang pag-ba-vibrate ng kanyang smartphone na nasa loob ng kanyang bitbit na sling bag. Nang tingnan niya kung sino ang nagpadala ng mensahe ay bahagyang nanlaki ang kanyang mga mata.
Napatago siya sa likuran ng kanyang amo nang makita ang isang matangkad na lalaking may puting buhok na tila ba may hinahanap sa dagat ng mga taong naglalakad sa plaza. Nanginig ang kalamnan ni Teresa nang mag-umpisa itong maglakad sa gawi nila, ang mata ay nakapako sa kanya.
Bahagya siyang nakahinga nang maluwag nang lampasan siya nito. Ngunit wari ay napansin iyon ng kanyang amo kaya naman hinapit nito ang kanyang beywang.
“Kung sinusundan ka na naman ng isa sa mga tauhan ng kapatid ko, ‘wag kang mag-alala. Hindi ka nila gagalawin hangga’t kasama mo ako.”
Bahagyang nakaramdam ng assurance si Teresa. Tinanaw niya ang lalaking may puting buhok na paikot-ikot pa rin sa plaza, halatang may hinahanap. Kung siya man iyon o hindi, hindi niya na balak na malaman pa. Ngunit ang tanging alam ng dalaga ay kakaunting panahon na lang ang mayroon siya upang maisakatuparan ang kanyang mga plano at magawa ang parte niya sa isang kasunduan.
Bakit nandito si Leopold? Ako kaya ang hinahanap niya?