Teresa would never lie if it was not part of her job. Parang matatanggal ang panga niya kung hindi lang iyon nakakabit nang makita niya si Alonzo na nakatayo sa tabi ng isang kulay grey na Jeep Wrangler convertible. Nakasuot ang lalaki ng polo na bukas ang tatlong unang butones at kupas na maong na pantalong naka-tuck in sa loob ng boots na suot nito. Sa edad na kuwarenta ay hindi maikakaila na guwapo at matipuno pa rin ang magkapatid na Romano. Hindi na siya magtataka kung bakit baliw na baliw si Signora Valentina at ang kanyang Ma’am Thalia sa mga kabiyak ng mga ito. Maliban sa makapangyarihan ay saan pa ba sila makakahanap ng guwapo na kapareho nila ng antas sa buhay? Isa pa, himala na lang talaga na umabot sa edad na kuwarenta ang dalawa bago makahanap ang mga ito ng makakasama at mapag-isipan na lumagay sa tahimik.
Nang lalo pang makalapit ay bahagyang nakahinga nang malalim si Teresa dahil na rin naisipan niyang isuot ang damit na pinadala ni Alessandro. Kahit papaano ay hindi siya magmumukhang gusgusin kapag itinabi sa kanyang amo at hindi rin naman magmumukhang kabit nito. Hindi halata na mamahalin ang suot niyang checkered na polo at pantalon. Ang tanging mura na suot lang yata ng dalaga ay ang rubber boots na itim, nahanap niya sa bodega ng villa. Napalingon pa ang lalaki sa kanya nang marinig ang tunog ng damong naaapakan. Napangiti. “Ready to go?”
Tumango siya at tumawa. “Opo, Sir.”
Nang makasakay sa loob ng Jeep Wrangler ay tahimik na iginala ni Teresa ang kanyang mga mata. Wala ang tauhan ng kanyang among babae dahil base na rin sa kanyang obserbasyon ay palaging nasa X ang karamihan sa mga ito, at ang iba naman ay inaasikaso ang kanilang warehouse malapit sa pier. Kaya rin siguro ipinagkatiwala sa kanya ni Thalia ang asawa nito ay dahil na rin wala itong ibang mauutusan.
Mainit noon dahil tanghali na. Ngunit kahit na anong init pa ng paligid ay hindi mapigilan ni Teresa na ipikit sandali ang kanyang mga mata at namnamin ang hangin na naglalaro sa kanyang buhok. Sa dami ng mga nangyari sa buhay niya simula noong umalis siya sa Arnold Intelligence Service at maisipan na magtrabaho sa ilalim ni Alessandro Romano at ng Paradiso ay halos hindi na malaman ng dalaga kung gaano kabilis lumipas ang mga buwan. At heto siya ngayon, kasama ang hinihinala niyang pumatay sa kanyang ama.
Habang nagwawala ang kanyang puso sa tuwing naiisip ang mapanukso nitong galaw at ang mapanganib na laro ng puso ng isang Alonzo Romano.
“Bagay sa ‘yo kapag naka-tirintas buhok mo,” wala sa loob na komento ng lalaki habang nagmamaneho. Mahina itong natawa. “Pero sa tingin ko, pareho kayo ni Thalia. Kahit na anong ayos, maganda.”
Bahagyang tumaas ang kilay ni Teresa sa komentong iyon ng lalaki. Hindi niya maintindihan kung nilalandi ba siya nito o sinsero ang sinabi ng lalaki. Mahina na lang siyang tumawa at kinolekta ang kanyang buhok na nililipad ng hangin gamit ang isa niyang kamay at iniipit iyon gamit ang scrunchie na nasa kamay niya. “Pasensya na, sir, kung nakaka-distract ang buhok ko.”
Umawang ang labi nito ngunit mas pinili ng lalaki na hindi magsalita. Pinaharurot na lamang nito ang kanyang sinasakyan sa gitna ng medyo mabako-bako na daan. May kalayuan din ang entrance ng Echiverri Farms mula sa Villa Diaz, siguro ay dahil na rin sa halos sampung libong ektarya ng lupain at sakahan na pagmamay-ari ni Don Luis Echiverri, ang pinakamayaman sa lugar. Base na rin sa ginawa niyang background check bago siya sumulpot sa Villa Diaz ay mabait ang Don at kasing-edad ni Alonzo. Magaling daw itong makisama at mahal ng mga tao roon dahil ito ang nagbigay ng maraming trabaho sa bayan ng San Esteban. Walang magiging problema kung sakali man na masangkot ito dahil ayon na rin kay Alessandro ay hindi naman daw nakikialam ang Don sa mga problema ng kapitbahay. Wala namang magiging komplikasyon kung sakali.
Kinamayan niya si Don Luis nang salubungin sila nito sa may tapat ng gate ng malaking Echiverri Farms. Pinakilala nito ang sarili at ang kasama nitong si Francis San Juan, na sa pakilala ng Don ay kaibigan daw nito. Sandali pang nagkumustahan ang kanyang Sir Alonzo at ang dalawang lalaki habang siya naman ay palinga-linga, pinapanood ang mga trabahador ng plantasyon na abala sa pag-aasikaso sa mga ani.
Lihim na napangiti si Teresa. Tiyak niya na wala naman sigurong mangyayaring hindi maganda.
O iyon ang akala niya.
Bahagyang napamulagat si Teresa nang simula sa kanyang pagdating ay napansin niya ang tila ba pagdikit-dikit sa kanya ng matipunong Don, na dahilan ng pagpisik ng kanyang katabi at ang matatalim na titig ng isang babaeng sa tantiya niya ay kasing-edad ng kanyang Ma’am Thalia mula sa may hindi kalayuan. Hindi naman siya pumalag nang tanungin siya ng Don kung gusto niya bang tumulong sa pagpitas ng mangga.Sinulyapan niya ang amo niyang lalaki ngunit nahatak na ito ng iba pang mga trabahador patungo sa may plantasyon ng pinya. Nakalingon pa ito sa kanya ngunit kaagad din siyang nag-iwas ng tingin at napatianod na lamang sa hatak ni Don Luis.
“Señor, may iniiwasan ba tayo?” natatawang usisa niya dahil napapansin niya ang bilis ng hakbang ni Don Luis habang tinatahak ang daan patungo sa taniman ng mangga. “Nagmamadali po kayo, e.”
Bahagya itong natawa sa kanyang itinuran at binagalan ang lakad nito. “Siguro nga. At mukhang meron ka ring tinatakasan, Miss Teresa.”
Mahina siyang tumawa at pasimpleng lumingon sa daang tinungo ni Alonzo. “Siguro nga rin po. O sadyang excited lang ako na mamitas ng mangga.”
Tumawa ang Don pero hindi na ito nag-usisa pa. Nang marating nila ang plantasyon ay kaagad siyang tinuruan ni Don Luis kung paano ang tamang pagpitas ng mangga. Hindi naman kataasan ang mga puno ngunit binigyan pa rin siya ng Don ng isang panungkit na may buslo upang gamitin sa pagpitas. Dahil mabilis matuto ay nakagamayan ng dalaga ang ginagawa at unti-unting bumibilis ang kanyang pagkilos.
Noon lang siya ulit nakaramdam ng kalayaan sa buong tanang buhay niya.
Pabalik na sila ng Don sa Hacienda Echiverri noong hapon na iyon at tinulungan siya nito na bitbitin ang isang basket na naglalaman ng hinog na hinog na mga manggang ilan lang sa napitas niya kanina. Hindi niya mapigilan na matawa sa mga kuwento nito tungkol sa kabataan nito at ang mga karanasan nito sa Hacienda dahil sa totoo lang, magaan kausap si Don Luis. Nasa estado sila ng kuwentuhan at palagayan ng loob nang mapatingin siya sa unahan at makita si Alonzo Romano na tila nag-e-enjoy sa pagtulong sa pagpapaligo sa isa sa mga kabayo na naroroon. Bahagyang umangat ang gilid ng kanyang labi nang mapansin na nakatawa ang lalaki at tila ba walang dinadamdam. Noon niya na lang ito nakita ulit na ganoon.
“Humahanga ka ba kay Alonzo?”
“Po?” gulat na bulalas ni Teresa. Masyado ba siyang halata na tinititigan niya ang kanyang among lalaki? “Wala—”
Tumawa lang ang Don. Tinapik nito ang kanyang balikat. “Huwag kang mag-alala, hindi naman ako ‘yong tipo na tsismoso o nag-i-istir ng away. Sa pagitan n’yo ‘yan ni Alonzo. Hindi ako dapat mangialam.” Tumikhim ito. “Pero sana alalahanin mo na may asawa na siya, Esay. May hinihintay na siya sa silid niya tuwing gabi at hindi ikaw ‘yon.”
Mahina at mapaklang natawa ang dalaga bago sinulyapan ang Don. “Hindi ko rin naman pinapangarap, Don Luis. Kasi alam ko naman na matindi ang pagtibok ng puso niya kay Ma’am Thalia. Kahit na minsan, hindi nasusuklian ‘yong nararadaman niya. Kahit na minsan, alam kong mas kaya ko siyang mahalin sa higit na paraang alam niya.”
Parang matatawa si Teresa sa itinuran. Hindi siya kasi makapaniwala na nasasabi niya iyon, lalo na at para lang naman ito sa misyon niya at hindi isang seryosong bagay na dapat niyang buhusan ng emosyon. Aalis din siya kapag nakapaghiganti siya. At mas lalong hindi siya dapat mahulog kay Alonzo Romano, ke sehodang may asawa man ito o wala.
Ito ang lalaking kumitil sa buhay ng kanyang ama, at kahit na mahulog pa siya rito o maakit ng hubog nito at ang palaisipan sa katauhan nito, hindi niyon mabubura ang galit na nararamdaman niya.
Pero paano niya mapaghihiwalay ang kanyang misyon at usaping puso, kung sa tuwing tinititigan siya ni Alonzo, naghuhuramentado ang kanyang dibdib?
Napangiti ito nang makalapit siya rito. Ipinunas ng lalaki ang mga sabon sa kamay nito sa suot na pantalon. “Halika na, Esay, umuwi na tayo. Akala ko hindi mo na ako babalikan, e.”