Ikalawang araw nila iyon na nasa Echiverri Farms para tumulong sa pag-aani. Maagang umalis si Don Luis at ang babaeng nakita kahapon ni Teresa na nalaman niya ay kaagapay pala ng Don sa pag-aasikaso sa pabrika nito sa siyudad. Hindi naman umalis si Alonzo Romano sa kanyang tabi kaya naman ngayon ay nasa gitna sila ng malawak na parang habang may hawak itong gulok at tinatagpas ang mga matataas na talahib sa paligid. Pababa na ang araw noong sandaling iyon at pabalik na dapat sila sa Hacienda Echiverri nang bumuhos ang pagkalakas-lakas na ulan kanina lamang. Kapwa naman silang may suot na kapote ngunit pinagpasyahan na lamang nilang dalawa na huwag munang bumalik at maghanap na lamang ng pansamantalang masisilungan.
Kung puwede lang siyang lumayo kay Alonzo, kahapon pa siguro ginawa ni Teresa ang bagay na iyon. Ngunit hindi niya naman ito maiwanan dahil sa napakaraming rason, lalo na at pinapabantayan ito ni Thalia at ni Alessandro sa kanya, maliban sa posibilidad na baka mahalata nito ang kanyang agenda kung lalayo na lang siya bigla. Isa pa, amo niya ito. Paano naman siya lalayo sa amo niya? Higit sa lahat, kahit papaano, pakiramdam niya ay… ligtas siya. Lalo na kapag kasama niya ang lalaki. Nakakatawa mang isipin o pakinggan lalo na at hindi naman siya ang tipo ng babaeng nangangailangan ng tulong, pero pakiramdam niya ay walang mangyayaring masama sa kanya basta kasama niya si Alonzo.
“Dito muna tayo habang hindi pa tumitila ang ulan,” deklara ng lalaki bago binuksan ang pinto ng isang lumang kamalig na sa tantiya niya ay matagal nang hindi ginagamit, dala na rin ng may pagka-giray na itsura nito. Tinakpan na ng kahoy ang mga bintana at parang matatanggal mula sa hamba ang pinto nang buksan iyon ni Alonzo. Sa kabila ng itsura ng kamalig ay wala na silang naging iba pang pagpipilian. Kaysa naman sumuong sila sa napakalakas na ulan ay hihintayin na lamang nilang tumila iyon.
Pinaghintay siya sandali ni Alonzo sa unahang bahagi ng kamalig habang bitbit nito ang flashlight nito. Nilibot sandali ng lalaki ang paligid upang tingnan kung may iba bang tao roon, hayop, o kung ano pa man na maaaring magdulot ng kapahamakan. Mayamaya ay bumalik ang lalaki, may bitbit na maliliit na bangkito. Hindi mapigilan ng kanyang puso na kumabog nang pagkalakas-lakas nang paupuin siya ng lalaki at mag-umpisa itong gumawa ng maliit na siga sa lapag. Malayo naman ang mga dayami mula sa kanilang kinaroroonan kaya naman hindi natakot ang dalaga na baka pag-umpisahan iyon ng apoy.
“Ang tahimik mo yata, Esay,” untag ni Alonzo sa kanya na bahagyang ikinapitlag ng dalaga.
Tumawa lang siya at pinagkiskis ang kanyang mga palad. “Medyo nilalamig lang, Sir Alonzo…”
Napaawang ang kanyang labi nang hubarin nito ang suot na kapote at isuot sa kanya. Ngumiti ito at bahagya pang ginulo ang kanyang buhok. “Sa ‘yo na muna ‘yan, naiinitan na ako, e.”
Ang awkward, bulong ng isipan ni Esay habang tahimik silang nakaupo sa loob ng kamalig, hinihintay na humina ang tunog ng ulan at kulog sa labas. Naririnig niya pa ang hagupit ng hangin ngunit tila mas malakas ang tunog ng kanyang kumakabog na puso, ayaw tumigil, ayaw huminto.
“Salamat sa… pagsama mo sa ‘kin dito,” basag ni Alonzo sa katahimikan bago pinulot ang maliit na kahoy sa lapag at nag-umpisang mag-drawing ng kung ano-ano sa lupa. “Medyo nabuburyong na rin kasi ako sa villa at wala rin naman akong ibang makausap. Mahirap talaga kapag naiiwan ka mag-isa…”
Palihim niya itong sinulyapan. “E Sir Alonzo, bakit hindi niyo po sinasabi kay Ma’am ‘yong nararamdaman n’yo? Sigurado naman po na maiintindihan kayo no’n, lalo na at mag-asawa kayo…”
Mapaklang tumawa ang lalaki. “It doesn’t always work like that, Esay.” Nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. “Sometimes you have to sacrifice your feelings for the person that you value the most. Nagseselos ka sa katrabaho niya? Minsan pipiliin mo na lang na hindi magsalita. Na hindi ipakita ‘yong selos mo kasi alam mo na panggagalingan lang ‘yon ng away. Minsan pipiliin mo na lang na habaan ang pasensya mo kasi ayaw mo na magsigawan kayo, o masaktan n’yo ang isa’t isa. There’s no such thing as a perfect relationship, or a perfect partner… It’s all about tolerance. Kung hanggang saan at hanggang kailan mo kayang tiisin ang ugali at kilos ng isang tao kasi mahal na mahal mo siya.”
Tuluyan na siyang napalingon sa lalaki dahil sa itinuran nito, bahagyang natatawa. “Siguro hindi ako sasang-ayon sa sinabi mo, Sir…” Tumaas ang kilay nito at tila ba naenganyo na makinig. Nag-iwas ng tingin si Teresa at inalala ang kanyang yumaong ama. “Sabi sa ‘kin ni Papa no’ng buhay pa siya, mahalaga na palagi kayong nag-uusap ng partner mo, o ng asawa mo… Kasi hindi naman sila manghuhula. Hindi nila kakayanin na palaging hulaan nang hulaan ang nararamdaman mo kung hindi mo rin sasabihin. Isa pa, kung mag-aaway lang din siya kapag nag-usap kayo, hindi kaya may problema rin sa parte niya? Bakit ka naman matatakot na magsalita o matanong, kung alam mo naman na sapat naman ‘yong atensyon at pagmamahal na binibigay mo?”
Napuno ng katahimikan ang silid at kaagad na natauhan si Teresa mula sa kanyang mga sinabi. Nang sulyapan niya ang kanyang among lalaki ay bahagya itong nakatawa habang nakatingin sa kanya. Naramdaman ng dalaga ang pag-iinit ng kanyang pisngi kaya naman kaagad siyang nag-iwas ng tingin. “Ang lalim no’n, Esay, a—”
“Sinasabi ko lang naman nasa isip ko, Sir!” depensa niya. Ginulo niya ang kanyang buhok at inirapan ang lalaki. “Kapag pa naman nagmamahal ka, natatanga ka.”
Lalong gumuhit ang mapangbuskang ngiti sa mga labi ni Alonzo Romano. “Bakit, may natitipuhan ka ba? Maraming guwapo sa mga tauhan ng asawa ko, ‘yong iba ro’n Espanyol pa. Sabihin mo lang at baka puwede kitang maireto.”
Tumawa lang ang dalaga at nailing. “Hindi ako interesado sa kanila, Sir…”
Pero kung sa ‘yo, medyo oo.
Muling namayani ang katahimikan sa loob ng kamalig. Siguro ay dahil pareho silang naubusan ng sasabihin. O sadyang pinili lang nilang dalawa na hindi na magsalita. Alin man doon, tila nabunutan siya ng malaking tinik sa lalamunan dahil hindi na nag-usisa pa ang lalaki.
Siguro nga, tinatakasan niya lang din ang nararamdaman niya. Pero masisisi ba ni Teresa ang sarili? Misyon niya si Alonzo. Hindi niya pinaghahalo ang personal na buhay sa kanyang paghihiganti. Hindi siya nagpapalunod sa damdamin niya dahil alam niyang walang magandang maidudulot kung mag-uumpisa siyang makaramdam ng awa, lalo na ng pagmamahal para sa kanyang target. Ginagawa niya lang ang trabaho niya. Ginagawa niya lang ang lahat sa ngalan ng kanyang yumaong ama.
“Sometimes I just can’t make myself tell Thalia my complaints,” Alonzo started. “She’s busy with everything, you know? She’s very hands-on with the business that her parents left her. Ayoko naman na dumagdag sa isipin niya.” Mahina itong natawa. “Kunsabagay, medyo sanay na rin naman na ako sa pananahimik. Ever since I was a kid, I’ve always done that, suffering in silence…”
Funny, it was. Just when she thought that she would never, ever, trust a f*cking person like Alonzo Romano, Teresa found herself sitting beside him, waiting for the storm to stop, under a secluded barn in the middle of nowhere, listening to his goddamn story. Feeling a soft spot developing just for him.
Just for the man who murdered her father.