LUMIPAS ang mga araw na napapansin ni Tanya na palaging wala sa mansion si Gela. Hindi niya ito naabutan dahil nagtatrabaho na siya. Umaalis siya ng alasyete sa mansion kasabay ang mga magulang nila at madalas ay late na itong umuuwi dahil nago-overtime siya sa trabaho.
Hindi nila nakakasabay sa breakfast si Gela magmula nang makapagtapos na sila sa pag-aaral. Dahil madalas ay late na itong bumangon o kaya ay sa mga kaibigan niya ito tumutuloy. Hindi naman sinisita ng mag-asawa si Gela dahil abala ang mga ito sa trabaho. Isa pa, may sarili ng pag-iisip si Gela at nasa wastong edad na rin ito. Alam na nito ang tama sa mali. Kaya hinahayaan na lamang nila ang dalaga dahil alam din naman nilang hindi ito makikinig sa mga pangaral nila.
"Hindi kita maintindihan, Ma'am Tanya. Bakit mas gusto mong maging intern kahit pwede ka naman sa matataas na posisyon dito sa kumpanya niyo? Mas gusto mong nagiging utusan kaysa ikaw ang nag-uutos?" tanong ni Myla kay Tanya, kasamahan niyang intern ang dalaga.
Napangiti naman si Tanya na patuloy sa pag-aayos ng mga files na ipinapagawa ng HR Manager sa kanya. Alam ng lahat na anak ng boss nila si Tanya. Kaya kahit intern lang ito sa kumpanya, mataas ang respeto ng mga empleyado dito lalo na't mabait ang dalaga at hindi mahirap kausapin. Kung ibang anak ng boss lang kasi ito, hindi ito makikisalamuha sa mga empleyado. Pero iba si Tanya. Unang tingin pa lang ng mga tao sa kanya sa kumpanya, nakagaanan na kaagad nila ng loob ang dalaga.
Hindi ito maarte. Hindi rin ito gaanong sosyal sa pananamit. Umaayon sa trabaho niya bilang intern ang bawat suot at hindi rin makapal ang make-up nito. Gano'n pa man, masasabing si Tanya ang may pinakamagandang mukha sa kumpanya. Idagdag pang palangiti ito at mabait kaya lahat ay kasundo niya.
"Gusto ko kasing matuto muna, Myla. Hindi dahil anak ako ng may-ari e boss na rin ako. Gusto kong paghirapan kung ano ang naaabot ko. Bata pa ako at gusto ko, habang tumatanda ay natututo ako dito sa kumpanya." Tugon ni Tanya na hindi sinusulyapan ang katrabaho nitong katabi lang ng kanyang cubicle.
"Kaya mahal ka namin e. Biro mo, kasundo namin ang anak ng boss namin. Kung sabagay, napakabait nga naman nila boss kaya kanino ka pa ba magmamana, 'di ba?" saad ni Myla dito na napangiti na lamang.
Abala sa trabaho ang dalawa nang dumating ang isang kasamahan nilang intern. Humahangos pa ito na sumulpot sa opisina nila Tanya. Napaangat ng mukha si Tanya nang tumuloy ito sa cubicle niya.
"Bakit?" tanong ni Tanya dito.
Hinihingal itong huminga ng malalim bago nagsalita.
"Ma'am Tanya, may dumating na bisita si boss at ipinapatawag ka sa opisina nila. Pumunta ka na raw ngayon doon," saad nito na hinihingal pa.
Napailig nito ang ulo na itinabi na muna ang mga ginagawa.
"Sino ang bisita ng daddy?" tanong ni Tanya dito.
"E. . . mapapangasawa mo daw iyon, ma'am. Iyon ang narinig kong bulung-bulungan e." Nakangiwing sagot ng dalaga dito na napakurap-kurap.
"Ano? Mapapangasawa ko?" pangungumpirmang tanong ni Tanya na naituro ang sarili.
"Opo, ma'am."
"Hell no." Bulalas ni Tanya na nagpaalam sa mga kasama at umakyat ng opisina ng ama niya.
Habang nasa loob ng elevator, napapapilantik ng mga daliri. Kabado ito na hindi maipaliwanag ang nadarama habang paakyat ang elevator na sinasakyan.
PAGDATING nito sa floor kung saan ang opisina ng kanilang ama, diretso itong naglakad ng hallway. Sa dulo kasi ng pasilyo naroon ang opisina ng ama niya. Akupado ng opisina ng CEO ang buong floor kaya pribado doon at walang basta-bastang nakakaakyat doon na walang permiso.
Napatayo naman ang secretary ng ama nito mula sa kanyang cubicle sa harapan ng pintuan ng opisina ng kanilang boss. Yumuko ito kay Tanya na ngumiti at nagbigay galang sa anak ng boss nila.
"Good morning po, Ma'am Tanya. Hinihintay na po kayo sa loob ni sir." Magalang saad ng secretary na kumatok na muna sa pintuan bago iyon binuksan.
"Thank you, Max." Tugon ni Tanya na ikinangiti at tango nito.
Pumasok si Tanya sa opisina ng kanyang ama. Naabutan niya naman ito na may kausap na binata sa may sala. Napalingon ang dalawang lalake dito at napangiting tumayo na makita ang dalaga. Diretsong naglakad si Tanya na sa ama niya nakamata kahit dama niyang nakatitig sa kanya ang kasama nito.
"There you are, my daughter. Come, join us." Wika ni Thomas na bumeso sa anak nito.
"Dad, I'm busy po. Ano po ba ang kailangan niyo?" diretsong tanong ni Tanya.
Naupo ito sa sofa na kaharap ang dalawang lalake. Nagkatinginan pa ang dalawa kaya siya napasulyap sa binatang katabi ng ama niya. Napaawang siya ng labi. Bumilis ang t***k ng puso niya na mapatitig sa binata at makilala ito.
Si Leo Stefan!
"I know that you're busy, sweetheart. Pero kasi, may mahalaga tayong bisita ngayon at gusto ka naming makausap nang masinsinan." Kalmado at seryosong saad ng ama niya.
Bumaling si Tanya sa kanyang ama. Puno ng katanungan ang mga mata nito.
"Tungkol saan po ba at kailangan ng approval ko, Daddy?" tanong ni Tanya sa ama na napasulyap pa sa katabi at alanganing ngumiti sa dalaga.
"Uhm, nagkausap na kami ng ama ni Leo. Makikipagsosyo tayo sa pamilya nila at napagdesisyunan din namin na. . . na ipakasal ang anak namin sa isa't-isa. We asked Leo and he chose you, sweetheart. Ikaw ang gustong pakasalan ni Leo sa inyong dalawa ni Gela." Pagtatapat ni Thomas ditong napaawang ang labi na natulala sa narinig!
"W-what? Ipapakasal niyo po ako kay Leo?" pangungumpirmang tanong ni Tanya sa ama na marahang tumango.
"Yes, hija." Tugon ng ama nito.
"Daddy!" reklamo ni Tanya na napatayo.
"Please, sweetheart. This is for your own good. Mas makakabuting kay Leo ka magpakasal kaysa kung sino d'yan. Leo is a nice guy. Tiyak na magkakasundo din kayo. Isa pa, malaking tulong ito sa kumpanya natin, hija." Pangungumbinsi pa ni Thomas dito na napailing at sapo sa ulo.
Nanghihina itong muling naupo na sapo pa rin ang ulo. Natahimik naman ang dalawang lalake. Nakamata sa dalaga na kitang hindi sang-ayon sa mga napagkasunduan nila.
"Tanya, I'll take care of you. Isa pa, magpapakasal tayo pero hindi kita ikukulong. Magagawa mo pa rin ang mga gusto mo. Hindi kita pagbabawalan lalo na ang pwersahin kang bigyan ako ng anak. I'll give you enough time, Tanya. Just agree to our marriage, please?" pakiusap ni Leo dito.
Dahan-dahang nagdilat ng mga mata si Tanya. Walang emosyon ang mga matang tumitig sa binata. Kahit sobrang gwapo nito at kitang may magandang pangangatawan, hindi pa rin iyon sapat sa kanya para magpakasal dito. Napalunok naman si Leo na nangungusap ang mga matang nakatitig sa dalaga. Pabor kasi sa kanya na nagkasundo ang mga magulang nila na ipakasal silang dalawa. Dahil noon pa man niya hinihintay ang dalaga.
"Leo, I don't love you. I don't even know who you are. I just know your name pero hindi kita kilala personally. Hindi ba't ang awkward naman na magpakasal tayo e hindi natin kabisado ang isa't-isa? We're like strangers to each other. Kaya paano tayo magsasama sa iisang bubong?" kalmadong saad ni Tanya dito na pilit ngumiti sa dalaga.
"Matututunan mo rin akong mahalin, Tanya. Sigurado ako doon. Isa pa, kahit kasal na tayo, hindi naman kita pipilitin sa mga bagay na ayaw mo e. Unti-unti nating kilalanin ang isa't-isa. Basta sa ngayon. . . kailangan nating magpakasal." Sagot ni Leo na matiim na nakatitig sa mga mata ni Tanya.
"May isa pa akong kapatid, Leo. Siya na lang. Anak din naman nila daddy si Gela e." Tugon ni Tanya dito na napalunok at kita ang pagdaan ng kirot at kabiguan sa mga mata nito.
"A-ayoko kay Gela. Hindi naman ako intresado sa kanya." Diretsong sagot ni Leo dito na napataas ang isang kilay.
"So, sinasabi mo bang intresado ka sa akin kaya ako ang gusto mong pakasalan?" may pagkasarkastikong tanong ni Tanya dito.
"Yes. Because I'm waiting for you thou. If you don't remember me? Kasama ako sa mga bisita mo noong debu mo. From that day, I'm waiting for you. Alam kong bata ka pa kaya hindi na muna ako nanligaw sa'yo." Seryosong sagot ni Leo habang matiim na nakatitig sa mga mata nito.
Napalunok si Tanya na nag-iwas ng tingin sa binata. Hindi niya kasi matagalan ang matiim na pagkakatitig ni Leo sa kanya. Idagdag pang kaharap niya ang kanilang ama kaya nahihiya siya. Hindi siya sanay na may nagtatapat ng damdamin sa kanya na nakaharap pa ang magulang niya.
"Please, think about it, Tanya. I promise, liligawan pa rin kita kahit mag-asawa na tayo." Malambing ungot pa nito na malamlam ang mga matang nakatitig sa dalaga.
Napabuntong hininga ng malalim si Tanya. Tumitig sa ama niya na nagtatanong ang mga mata.
"Anak, if you're going to ask my opinion, I'll agree with him. Hindi lang ito tungkol sa kinabukasan ng kumpanya natin kundi. . . para mapunta ka sa tamang lalake. At si Leo iyon, sweetheart." Pangungumbinsi din ni Thomas sa dalaga na napailing at hilot sa sentido.
"Alam po ba ng mommy ang tungkol dito?" tanong niya sa ama na marahang tumango. "What did she say?"
"Kung ano raw ang pasya mo, susuportahan ka niya, sweetheart." Mababang sagot ni Thomas sa dalaga.
Napanguso naman si Tanya. Napapaisip sa alok ng ama nito. Kung tatanggi kasi siya, ipapasa nila si Leo kay Gela para matuloy pa rin ang ugnayan ng kanilang negosyo sa pamilya ni Leo. Napatikhim ito na maalala ang debu niya. Kung saan ipinakilala niya si Leo kay Gela at kita kung gaano kamangha si Gela dito na halos ayaw nang bitawan ang kamay ni Leo. Napangisi ito sa kaisipan para makabawi-bawi manlang sa mga atraso ni Gela sa kanya.
"Fine. Para sa kumpanya. . . magpapakasal kami ni Leo."