Kabanata 7

1803 Words
"Gaya ng sinabi niyo nuon sa amin na sadyang mapanganib ang kagandahang taglay ni Prinsesa Adena, kung kaya't pinatakip niyo ang kaniyang mukha ng maskarang may makapangyarihang mahika. Naisip ko lamang na baka siya rin lamang ang may kakayahang makapagpaalis sa kaluluwang ligaw na sumapi sa katawan ni Prinsipe Adonis. Alam naman nating lahat na kadilim ang lumikha sa mga kaluluwang ligaw na katulad nila, na hindi matahimik at hindi makatawid sa kabilang buhay dahil malaki ang mga nagawa nilang kasalanan." Ang paglalayag ni Prinsesa Glius sa bathalang hari at sa inang reynang nakatingin sa kaniya. "Naisip ko na rin 'yan. Pero sadyang napakadelikado nitong gagawin natin dahil maaaring mapahamak lalo ang prinsipe." Ang sinaad ng hari na may bakas ng pag-aalala para sa binatang prinsipe na nakaupo pa rin sa may bintana. "Ano na ang gagawin natin ngayon? paano kung tuluyan nang masakop ng mga kaluluwang ligaw ang katawan ng ating anak?" nangangambang batid ng reyna na may pamumuo ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata. "Kailangan nating subukan." Ang nagsalita naman ay si Prinsesa Aurora na kanina pang walang imik habang nakatanaw siya sa kinaroroonan ng prinsipe. Napalingon naman ang lahat sa kaniya na may bakas ng pagkagulat sa kanilang mga mata. "Anong sinabi mo?" mahina ngunit mariin na iginiit ng reyna sa kaniya na may guhit ng kunot sa kaniyang noo. "Wala na ho tayong iba pang pagpipilian. Mas lalo lang din mapapahamak ang prinsipe Adonis, kung pababayaan na lamang natin siyang ganiyan. Hindi natin 'to maitatago sa mga diwata at bathala sa labas ng palasyo ng panghambuhay. Malalaman at malalaman din nilang lahat ang sitwasyon ng prinsipe ngayon at baka mas lalo pa lumala ang sitwasyon ng buong kaharian ng Drima, kapag nalaman nila na napasukan ng kampo ng kadiliman ang katawan ng prinsipe." Pagpapaliwag ni Aurora sa dalawang kamahalan na nakatingin at nakikinig sa kaniya. "Kahit na! hindi mo ba nakikita kung gaano kadelikado ang sitwasyon niya ngayon? maaari siyang mamatay sa sumpa ng kapangyarihan ni Prinsesa Adena!" galit na sambit ng reyna sa dalaga habang magkasalubong ang dalawang kilay nito. "Sa tingin niyo ba, hindi rin siya mamamatay kung pababayaan na lang natin siyang ganiyan?" ang tinugon pa ni Aurora sa kaniyang ina na mas lalo nitong ikinagalit. "Talaga bang nag-aalala ka sa kondisyon niya o dahil may iba ka pang motibo rito?" mahinang saad ni Glius na ikinalingon at ikinabigla nilang lahat. "Ano ang sinabi mo?" mariin na turan ni Aurora kay Glius. "Totoo bang kabutihan lang ang nais mong mangyari para sa prinsipe? o 'di kaya naman ay pinagdadasal mo na sa kaloob-looban mo na sana ay mapahamak siya upang malipat sa'yo ang trono ng amang hari?" ani ni prinsesa Glius na ikinagulat nilang lahat. Maging ang bathalang hari ay nanlaki ang mga mata sa kaniyang narinig at mabilis na napatunghay sa kinaroroonan ni Prinsesa Aurora. "Anong sinabi mo? sandali nga lang, pinapalabas mo ba na hinahabol ko ang trono ng amang hari sa kaniya?" napangisi naman si Aurora at saglit na niyuko ang kaniyang ulo, sabay nagbuga ito ng malalim na paghinga. "Hindi ba?" nakangiwi rin namang turan ni Glius na mas lalong ikinagalit ni prinsesa Aurora sa kaniya. Sa sobrang galit nito ay bigla na lamang niyang tinulak papalayo si Glius, gamit ang sarili niyang kapangyarihan. Sa lakas ng pagkakatulak niya sa dalaga ay tumama ang likuran nito sa pader at natumba sa sahig. "Aurora!" tinawag siya ng inang reyna ngunit tila hindi siya naririnig nito at hindi siya pinapansin. Bakas sa mukha ng prinsesa ang lubos na pagkagalit na nararamdaman niya mula sa kaniyang dibdib. Sa mga sandaling iyon ay wala siyang ibang nakikita sa kaniyang paligid, maliban na lamang kay Glius na kasalukuyan namang bumabangon mula sa pagkakatumba niya sa sahig. "Tumigil na kayong dalawa! prinsesa Aurora at prinsesa Glius!" saway naman ng bathalang hari sa kanilang dalawa ngunit hindi pa rin nagpatigil ang dalawang dalaga at gumanti pa si Glius kay Aurora, gamit naman ang sarili niyang kapangyarihan. Parehong may kinalaman sa tubig ang kapangyarihan nina Aurora at Glius, kung kaya't napuno rin ng tubig ang bawat sulok ng kuwartong iyon. "Sabing tumigil na kayo!" sigaw ng inang reyna pero hindi pa rin nagpaawat ang dalawang dalaga. Hanggang sa nakarinig sila ng malakas na pagkulog at pagkidlat mula sa kalangitan na ikinahinto at ikinatigil nilang lahat. Maging sina Glius at Aurora ay natigilan nang mapansin ang pagdilim ng buong kalangitan. "Prinsesa Haiji!" sigaw ng inang reyna nang mapukaw ng atensyon niya ang prinsesang nagpupumiglas sa kamay ni Prinsipe Adonis, habang mahigpit siya nitong sinasakal sa kaniyang leeg. Napabitaw naman si prinsesa Aurora kay Glius at parehong nanlaki ang kanilang mga mata sa gulat nang mapalingon sila sa kinaroroonan ng dalawa. Namumula na ang buong mukha ni Prinsesa Haiji at halata sa mukha nito na nahihirapan na siyang huminga. Ngunit lubos na mas malakas ang enerhiyang taglay ngayon ni Adonis, kaya kahit ano pang pagpupumiglas ang gawin niya sa kaniya ay hindi siya makatakas. Kumaripas naman ng takbo si prinsesa Aurora, patungo sa kinaroroonan ng dalawa at upang sagipin ang nakakabata niyang kapatid na si Haiji. Subalit bago pa man siyang tuluyang makalapit kay Adonis ay bigla naman siyang nahinto sa paghakbang at napaluhod na lamang sa sahig nang maramdaman ang pagsikip at mahigpit na pagsakal mula sa kaniyang leeg. "Prinsesa Aurora!" sigaw ng inang reyna sa dalaga nang masaksihan ang paghihina nito sa kapangyarihang taglay ngayon ng prinsipe. Lumingon naman si Adonis sa kinaroroonan ni prinsesa Aurora na nakangiwi ang gilid ng kaniyang labi at kulay itim ang buong mata nito na mas lalo nilang ikinagulat lahat. "Hindi ito maaari. Masyadong malakas ang enerhiyang ng mga kaluluwang sumapi sa kaniyang katawan at kung hindi natin sila mapapaalis kaagad ay baka tuluyan nilang maangkin ang katawan ng ating anak." Nangangambang saad ng hari sa kanila na mas lalong ikinatakot ng reyna na nakatingin sa sitwayson ng kaniyang mga anak. "Mahal, gumawa ka ng paraan. Iligtas mo ang mga anak natin, pakiusap." Naluluhang sambit ng reyna sa kaniyang labi habang mahigpit siyang nakakapit sa braso ng hari. "Ipagpatawad niyo ako sa aking gagawin." Ang nagsalita naman ay si Prinsesa Adena na biglang humakbang patungo sa kinatatayuan ni prinsesa Glius. "Sandali lang, anong gagawin mo?" bigla siyang nahinto sa paghakbang nang hawakan siya sa kamay ng reyna at pinigilan sa binabalak niyang gawin. "Ipagpatawad niyo, mahal kong reyna. Ngunit kaunting oras na lamang ho ang natitira upang masagip natin sa bingit ng kamatayan si prinsipe Adonis." Malumanay na saad ni prinsesa Adena sa kaniyang ina at pagkatapos niyang sabihin iyon ay kusa niyang inalis ang kamay ng reynang nakahawak sa kaniya. "Prinsesa Adena!" tinawag pa siya ng reyna at tipong pipigilan pa sana siya nito, subalit napigilan din naman siya kaagad ng hari at hinawakan siya ng mahigpit sa magkabilaang braso niya. "Ipikit niyo ang inyong mga mata." Ani ni prinsesa Adena habang naglalakad siya patungo sa kinaroroonan nina prinsipe Adonis at Prinsesa Haiji. Nilagpasan niya si Prinsesa Glius na nakayuko ang ulo at nakapikit ang dalawang mga mata, ganoon rin naman si prinsesa Aurora na namimilipit sa pagkakasakal sa kaniyang leeg habang nakaluhod pa rin ito ang mga binti nito sa sahig. "Haiji! ipikit mo ang 'yong mga mata!" sigaw ni prinsesa Adena sa kaniyang kapatid. Sinunod din naman siya kaagad ni Haiji at nagkataon namang napalingon si Adonis sa kaniya, kaya tinanggal niya kaagad ang maskarang suot niya. "Umalis kayo sa katawan ng prinsipe!" malakas at mariin na sambit ni Adena sa kaniyang bibig habang direkta siyang nakatitig sa mga mata ng prinsipe. Sumpa kung ituring ng buong Drima ang kapangyarihang taglay ni prinsesa Adena. Siya na sana ang prinsesang pinakamaganda sa buong kaharian nila, kung hindi lang sinumpa ng mga inggiterang diyosa ng kadiliman ang kaniyang mukha. Halos kasisilang pa lamang sa kaniya nuon ng inang reyna nang matuklasan ng mga diyosa ng kadilim ang pagkasilang ng babaeng bukod na ipinagpala sa lahat. Sanggol pa lamang ay agaw pansin na ang kagandahang taglay nito at halos may mga binatang imortal na kaagad ang nakaabang sa kaniyang paglaki. Si Lyra, ang isa sa mga pinakamakapangyarihang mangkukulam sa kaharian ng kadiliman. Kinilala rin siya bilang pinakamagandang mangkukulam sa kanilang kaharian. Maraming binatang imortal ang nahuhumaling sa kaniya nuon, ngunit nang maisilang si prinsesa Adena ay unti-unti na siyang iniiwasan at nilalayuan ng mga ito. Nakarating sa kaniya ang balita na isinilang na ang pinakamagandang imortal sa kanilang daigdig. Nung una ay binalewala lamang niya ito, ngunit hindi niya inaasahan na dadayuhin ang prinsesa pagkatapos kumalat sa buong sanlibutan ang kagandahang taglay nito. Kaya si Lyra ay nahikayat ng magtungo sa nasabing palasyo, upang puntahan ang bagong sila na sanggol. Kasama niya ang tatlong makapangyarihang mangkukulam na alalay niya at doon pa lamang sa labas ng palasyo ay natanaw na nila kaagad ang mga nakapilang imortal na nagnanais na masilayan din ang mukha ni prinsesa Adena. Naniniwala kasi sila na malaking pagpapala mula sa pinakamataas at makapangyarihang bathala ang taglay na kagandahan ng prinsesa. Sinasabi rin nila na baka sa kaniya ibinigay ng mga bathalang nasa itaas ang kapangyarihan na magpapanatili sa kaayusan at kapayapaan ng buong kaharian ng Drima. Mayroon din namang nagsasabi na may kakaibang kapangyarihang taglay ang nasabing sanggol na ito. Na kung sino man ang makakakita sa kaniyang mukha ay biglang lalakas ang kanilang katawan at babata ang kanilang mga itsura, na mas lalo namang ikinasabik at ikinatuwa ng lahat. Hindi lang haka-haka ang tungkol sa usapin na kumakalat tungkol sa kaniya. Dahil maging ang hari ay nakaramdam ng lakas at gaan sa kaniyang katawan, matapos niyang masilayan ang mukha ng prinsesa. Gayunpaman ang kapangyarihan niyang iyon ay naging panandalian lamang. Dahil binawi at sinumpa ang kaniyang mukha ng mga pinagsama-samang kapangyariha ng mga Diyos ng kadiliman at kabilang na roon si Lyca na siyang tumawag sa kanila upang pigilan ang kapangyarihang mayroon ito. "Ang kahit sino mang imortal na namumuhay sa mundong ito ang makakita sa iyong mukha ay mamamatay." Ang salitang binitawan ni Lyca sa walang kamuwang-muwang na sanggol. Kaya magmula non, imbis na kahumalingan at mahalin siya ng lahat ay nilalayuan at iniiwasan na lamang siya. Ang walang humpay sanang kaligayahan sa kanilang daigdig ay bigla namang napalitan ng pagdanak ng dugo. Marami nang imortal ang namatay, matapos nilang masilayan ang mukha ni prinsesa Adena. Sa una ay mahuhumalingan sila sa kagandahang taglay nito, ngunit paunti-unti ay kinakain ng itim na mahika ang kanilang mga isip hanggang sa masiraan sila ng ulo at maisipan nilang kainin ang mukha ng prinsesa. Ngunit bago pa nila tuluyang magawan ng hindi maganda ang prinsesa ay pinupugutan na ito kaagad ng ulo, gamit ang matalas at mahabang espada ng bathalang hari. Kaya ang propesiyang sinumpa ni Lyca para sa prinsesa ay nagtuloy-tuloy pa at mas lalo pang dumami ang bilang ng mga imortal na namatay sa kamay ng hari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD