“Lik, kung mararapatin mo ay gusto ko sanang maitalagang katiwala ang iyong anak bilang personal na alalay ni prinsipe Adonis.” Sabi ng mahal na hari sa mag-asawang Lik at Hyza, habang kasama nila ang nag-iisang anak na si Hyrim.
Ilang sandali pa bago sumagot ang ginoo sa Hari at nadatnan niya ang kaniyang anak na may bakas ng pag-aalala sa kaniyang mukha.
"Patawarin mo ako, kamahalan." Sabi niya sabay lumuhod sa harap ng hari at reyna. Nagulat ang mag-asawa sa kaniyang pagluhod at nagkatinginan sila.
"Parusahan niyo na lang po ako dahil hindi nararapat para sa isang maharlikang dugo 'tulad ni prinsipe Adonis, na magkaroon ng mababang uri ng alalay at bukod pa roon ay kulang pa sa karanasan ang aking anak." Pagsusumo ng ginoo sa kamahalan dahilan para mapangiwi ito at umilin ng ulo.
“Yan lang ba ang problema mo? kung gayon ay mas mabuting isailalim si Hyrim sa ilang pagsasanay, sa lalo't madaling panahon." Ang tinugon ng hari sa kaniya, ngunit nakiusap pa rin si Lik sa kaniya at lalo pang nagpakababa.
Nanindigan ang mahal na hari sa kaniyang binitawang salita at maging ang reyna ay hindi makapaniwala sa pagpapakumbaba ng kanilang magiting na kawal.
“Nakikiusap ako sa iyo, kamahalan. Hayaan akong makahanap ng isang tapat na tagapagtanggol para sa mahal na prinsipe." Nagsusumamo siya.
“Kalapastanganan!” biglang sumigaw si Prinsesa Aurora sa bandang likuran nila.
“Prinsesa,” sabi ni reyna Nara sa kaniyang panganay na anak habang sinusundan ito ng tingin.
“Paano mo nagawang tanggihan ang mahal na hari? sino ka ba sa tingin mo?” mariing sinambit ng Prinsesa kay Lik, na may matalim na tingin sa mga mata. Biglang lumuhod ang asawang si Hyza sa harapan ng Prinsesa at iniyuko ang ulo.
“Ako ang humihingi ng tawad sa iyo, mahal na Prinsesa, sa ginawang kalapastanganan ng aking asawa sa mahal na hari. Patawarin mo rin ako, mahal na Hari at mahal na Reyna." Malumanay na tinuran ni Hyza sa kanila. Natahimik ang dalagang prinsesa at saka umakyat sa trono para maupo sa tabi ng reyna.
Naikuyom ni Lik ang kaniyang mga kamao at nagsalubong ang kaniyang mga kilay. Lumapit sa kaniya si Hyza at pinatong ang isang kamay sa galit na kamao ng asawa. Lumingon ang kaniyang asawa at nagtama ang kanilang mga tinginan sa isa't-isa.
"Uminahon ka lang, mahal ko." Ang sinabi ni Hyza sa asawang si Lik, sa pamamagitan ng isipan.
Ang mag-asawang Lik at Hyza ay isa sa pinakamagaling at pinakamatalinong lawin sa kaharian ng Drima. Kaya naman sila rin ang pinili ng makapangyarihang hari na mamuno sa mga kawal at sa mga mandirigma sa pangkalahatan. Isa sa mga kakayahan ng isang lawin ay basahin ang isip o kung ano man ang nasa isipan ng isang immortal. At isang lawin lamang ang may kakayahang gawin ito.
Gayunpaman, biglang tumayo si Prinsipe Adonis at bumaba mula sa trono kung saan naroon ang mag-asawa.
"Prinsipe Adonis, saan ka pupunta?" tawag sa kaniya ni Prinsesa Aurora. Hindi niya ito pinakinggan at tahimik lang na tumingin kay Hyrim. Sinundan siya ng tingin ng hari at reyna, maging sina Lik at Hyza ay napatingin sa kaniya.
Lalapitan na sana siya ng mga kawal, ngunit kaagad na sumenyas ang mahal na hari gamit ang isang kamay niya na payagan siyang lapitan ang kaibiga nito.
Nakuha ni Prinsipe Adonis ang buong atensyon ng lahat. Pagkatapos ay huminto ito sa harapan ni Hyrim at pinagmasdan siyang mabuti sa mata.
Biglang napatayo si Lik nang mapagmasdan niya ang ekspresyon ng mukha ng Prinsipe.
Saglit siyang lumingon sa mahal na hari at muling tumingin sa munting Prinsipe na nakatayo sa harapan ng kaniyang anak.
"Bakit ganiyan ka makatingin sa akin? may dumi ba ako sa aking mukha?" sabi ni Hyrim mula sa kaniyang isipan habang nakatitig sa mga mata ng prinsipe.
Umiling si Adonis at humakbang siya ng isa pa palapit kay Hyrim.
"Wala naman. Gusto mo bang maglaro tayo?" ang tinugon nito sa kaniya na ikinagulat ng mag-asawang Lik at Hyza. Napatayo ang reyna at si Prinsesa Aurora sa naging reaksyon ng mga mukha ng mag-asawa.
"Anong nangyayari?" usisa ng reyna na may halong pag-aalala sa tono ng boses nito. Lumingon ang ginoo sa kaniyang kamahalan at iniyuko ang kaniyang ulo.
"Maaari mo bang ibunyag sa amin kung ano ang nangyayari sa aming Prinsipe?" sabi ng mahal na hari kay Lik.
"Natatandaan niyo pa ba ang sinabi sa iyo ng matandang ermitanyo noong tayo ay pumunta sa Maluwalhating kagubatan?" sa sinabi niyang iyon ay napaisip ang mahal na Hari at tumango sa kaniyang ulo.
“Oo, naalala ko. Ano ang kinalaman ng matandang ermitanyong iyon sa aking anak?”
usisa nito sa ginoong lawin.
"Hindi ba't sinabi nito sa inyo noon na bibiyayaan niya kayo ng isang anak na magpoprotekta sa buong kaharian ngunit magiging kakaiba sa lahat ng nilalang sa kaharian ng Drima?" aniya.
"Tama ka, naaalala ko nga ang sinabi niya." Sang-ayon nito sa kaniya.
“Sa tingin ko po kamahalan, si Prinsipe Adonis ang tinutukoy ng matandang ermitanyong iyon.” Nang masabi niya ito ay nagpakita naman ng gulat na reaksyon sa mukha ang mahal na hari, sabay tumingin ito sa kinaroroonan ng kaniyang anak.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya na bakas sa mukha niya ang pagdududa.
"Ang prinsipe ay nakakabasa ng isip, na tanging mga lawin lamang ang makakagawa." Sagot niya na mas lalo nitong ikinagulat.
"Imposible!" sigaw ni Prinsesa Aurora sa kaniya kaya napalingon silang lahat sa dalaga.
"Sinasabi mo ba na si Prinsipe Adonis ay hindi dugong maharlika at isa lang siyang hamak na lawin katulad mo?!" dagdag niya na may diin sa tono ng pananalita niya.
“Prinsesa Aurora! dahan-dahan ka sa iyong pananalita. Hindi ganiyan ang wastong pagsasalita bilang isang Prinsesa!” sinuway ng mahal na hari ang kaniyang anak. Natahimik si Prinsesa Aurora at tinaasan ng isang kilay ang maginoong lawin.
Napansin iyon ni Hyza, ang asawa ni Lik at tila hindi niya nagustuhan ang ipinakitang ugali ng Prinsesa sa asawa nito. Pero pinigilan lang niya ang sarili at nag-iwas ng tingin dito.
“Pagpasensyahan mo na lamang ang sinabi sa iyo ng Prinsesa, Lik. Ang kaniyang isip ay bata pa at wala pa siyang karanasan upang gumanap nang mahusay bilang isang Prinsesa.” Iyon lang ang nasabi ng hari sa ginoo.
“Naiintindihan ko, kamahalan. Nadala lang siguro ng emosyon ang mahal na prinsesa at masyado rin akong nagpadalos-dalos sa aking pagsasalita.” Magiliw nitong isinaad, ngunit ngumisi si Prinsesa Aurora at umupo sa kaniyang trono.
Napabuga lamang ng malalim na paghinga ang mahal na hari at sinapo ang sariling noo gamit ang kaniyang mga kamay. Lumapit sa kaniya ang mahal na reyna at hinagod ang likod nito para pakalmahin siya.
“Basta ipagpatuloy mo lamang ang iyong sinasabi kanina, Lik at papakinggan ka namin.” Ang sinabi ni reyna Nara kay Lik. Muling itinaas ng ginoo ang kaniyang ulo at lumingon siya kung nasaan ang Prinsipe.
"Malakas ang pakiramdam ko na may kakaibang dugong dumadaloy sa mahal na Prinsipe,"
"Ituloy mo lang," sabi ng mahal na hari kaniya.
“Prinsipe Adonis, ipinadala ng pinakamakapangyarihang ibon sa lahat. Isa siyang Ibong Adarna. Siya ang may pinakamalakas na kapangyarihan sa lahat ng imortal, ngunit ang kapangyarihang taglay niya ay sadyang delikado dahil ito ay may kakayahang wasakin ang buong kaharian ng Drima. Maging ang pinakamakapangyarihang Bathala na katulad ng kamahalan ay kayang pantayan ng Prinsipe at mahigitan pa ito.“ Nang sabihin niya iyon ay nanlaki naman ang kanilang mga mata sa gulat at hindi makapaniwala sa kanilang natuklasan.
“Sinungaling!” biglang sigaw ni Prinsesa Aurora, sabay tumayo siya.
“Huwag kayong maniwala sa panloloko na sinasabi ng lawin na iyan! paano mo matitiyak na mas makapangyarihan siya kaysa sa aking amang hari? ano ang iyong patunay, lapastangan na lawin?” mariing sinambit ng Prinsesa sa maginoong kawal, dahilan para mas lalo itong magalit dito. Ngunit napayuko lang si Lik at pilit na kinakalma ang sarili.
Ilang sandali pa ay muling nabasag ang katahimikan nilang lahat nang iangat ni Lik ang ulo niya at tumingin sa Prinsesa na may ngisi sa gilid ng labi niya.
“Bakit hindi mo siya subukan, mahal na Prinsesa? para makasigurado ka kung totoo nga ba aking ang sinasabi o gawa-gawa ko lamang?” ang tinugon niya sabay hinawakan ni Hyza ang kamay ni Lik, upang pawiin ang galit na nararamdaman ng kaniyang asawa.
Ngumiwi ang dalagang Prinsesa at tinignan siya ng may paghamon sa kaniyang mga mata.
"At ano naman ang magiging kapalit kung sakaling mapatunayan ko sa lahat na mali ang iyong sinasabi?" ani ng dalaga sa kaniya.
Nilapitan naman siya ng mahal na reyna at hinawakan siya sa braso upang pigilan ito, habang ang hari namang nakaupo sa kaniyang trono ay panay ang paghimas sa kaniyang noo na may guhit ng kunot.
“Prinsesa Aurora, ano ba ang sinasabi mo riya at bakit ka nagkakaganiyan?" mahinang winika ng reyna sa dalaga. Hindi siya pinakinggan ng Prinsesa at matalim pa rin siyang nakatitig sa kinaroroonan nina Hyza at Lik.
“Kung sakali, nagkamali ako sa pagtukoy sa totoong kapangyarihan ng Prinsipe. Handa akong ipagsapalaran ang aking buhay bilang kabayaran sa kalapastanganan at paghatol ko sa kakayahan ng hari at ni Prinsipe Adonis.” Sagot ng ginoo sa kaniya habang matapang na nakatayo sa harap ng kamahalan.