Muling nataranta si Alex. Nalito na siya kung alin ang pang-first day na damit ni Nico. Nahalukay niya kasi at napag-sama-sama.
“Alex, my clothes.” Palabas nang banyo si Nico at nagulat siya sa nakita. “Jesus, what did you do?” Nakakalat ang mga damit niya sa ibabaw ng kama.
“S-sir, wait lang.” Isa-isang hinawakan ni Alex ang mga damit ngunit hindi na niya matandaan ang bilin ni Saj.
“Tok, Tok, Tok.”
“It’s Rigor, open the door,” naiinis ng wika ni Nico. Mukhang hindi sanay sa mabilisan na kilos ang bago niyang assistant.
Binuksan ni Alex ang pinto at pakendeng-kendeng na pumasok ang stylist. May hatak itong malaking suitcase.
“Ay! Bongga! Ano ang nangyari?” Nakatawang komento ng stylist habang nakatingin sa mga damit na nakakalat sa kama.
“Look what she did to my clothes?” Nakasimangot na si Nico at nakapamaywang pa habang si Alex naman ay natatarantang hinahanap ang listahan ng instructions na ibinigay sa kanya ni Saj.
“Sorry, napag-sama-sama ko,” paumanhing wika ni Alex. Pinagpawisan na ang kanyang noo kahit malamig ang aircon. ‘Nasaan na ba kasi ang list na yun?’ bulong niya sa sarili.
Hinimas-himas na lamang ni Nico ang kanyang batok. Nasanay kasi siya sa mabilis na kilos ni Saj. “Where’s my boxer’s?” Nakihanap na rin siya sa kanyang kailangan. Nagkasabay pa sila ni Alex sa pagdampot ng kanyang kailangan.
Kusang binitiwan ni Alex ang puting boxer brief para sa binata. Umiwas siya ng tingin dito habang nagsusuot ng underwear sa ilalim ng tapis na tuwalya.
“Relax, Papa Nics,” maarteng wika ni Rigor habang binubuksan ang dalang suitcase. “Here are your suits para sa dinner ninyo ni Miss Regina Amor. I brought four sets para marami kang pagpilian. Papa Lex, unahin mo ng i-hanger ito, mamaya mo na lang gawin yan. Ako na ang bahala kay Papa Nics.” Dinampot nito ang isang sky blue collared shirt at denim jeans, mga brands na ini-endorse ni Martin Grey. Matapos nitong i-blow dry ang buhok ni Nico ay pinagbihis niya ito. Dahil fitted shirt ang suot kaya lalong lumabas ang tikas ng katawan ng binata. “Oh la la, kaguwapo gyud,” kinikilig na wika ni Rigor.
Nai-hanger na ni Alex ang mga suits ni Nico sa cabinet. Nahanap na rin niya ang mahabang listahan ng paalala ni Saj para sa mga susunod na gagawin.
“My rubber shoes, please” wika ni Nico habang nakatayo sa harap ng salamin at tinitingnan ang sariling tindig.
Kinuha ni Alex ang puting rubber shoes, isa lamang ito sa ilang pares ng sapatos na dala nila at inilagay sa paanan ni Nico para ipasuot.
“Wait, the shoelaces were crumpled,” puna ni Nico ng damputin ang rubber shoes, “ironed it first.”
Napaangat ng tingin si Alex kay Nico at parang gusto niyang tumawa pero pinigilan niya. May dala siyang plantsa dahil bilin ni Saj na plantsahin ang mga nagugusot na damit pero hindi niya akalain na pati sintas ng sapatos ay kailangan plantsahin. Dali-dali niyang tinanggal ang sintas at pinalantsa.
Pagkatapos makapagbihis ng binata ay iniabot niya kay Nico ang relo, hankie, wallet, aviator shades at ang latest model nitong flip-top cellular phone, mga bagay na hindi nawawalay sa katawan nito ayon sa listahan ni Saj.
“By the way Alex, share kayo ni Rigor ng room.” wika ni Nico habang nagsusuot ng relo sa galanggalangan, “all rooms were full that’s why Tito Tony can’t book a room for you. Okay lang ba sayo?” Tumingin si Nico ng bahagya kay Alex. Tumango lang ito at wala siyang narinig na reklamo mula rito.
“Don’t worry, Rigor is harmless. Right Riyanna?” Pinanlakihan pa niya ng mata ang stylist bilang babala.
“Naman, masyado akong maganda para kay Papa Lex ‘no.” pasupladang biro ni Rigor na nagpakendeng-kendeng ng balakang.
Ang dalawang bodyguards ni Nico ang kanyang kasama ng bumaba siya sa venue ng prescon. Naiwan na si Alex sa hotel room para ayusin pa ang ibang gamit ni Nico.
“Whew, pinagpawisan ako kay Mr. Sungit.” Natatawa pa rin si Alex sa pinaplantsa sa kanyang sintas ng sapatos. Siguro nga kapag artista kailangan perpekto at walang kapintasan na dapat makita ang mga tagahanga. Pero guwapo nga as in ubod ng guwapo pala ni Martin Grey sa personal. Lihim nga siyang napalunok ng una niyang makita. Ipinilig niya ang ulo at iwinaksi ang iniisip sa binata. Dahil isang linggo sila sa hotel kaya inilagay na niya sa banyo ang lahat ng kailangan ni Nico. Mayroon din namang supplies katulad ng libreng sabon at shampoo ang hotel pero mas gusto ng binata na gamitin ang mga iniindorso na sabon at shampoo. Lahat na yata ng parte ng katawan ni Nico ay pinagkakitaan na nito sa pag-indorso ng produkto. Sa sobrang tanyag ng binata, ito na yata ang artista na may pinakamaraming billboard ads na makikita sa mga highways at malls. Pagkatapos niyang mag-ayos ng mga gamit ni Nico ay inilipat niya ang kanyang sariling backpack sa kuwarto nila ni Rigor. Sinamantala na rin niya na makapag-shower ng mabilis at nagbihis.
Paglabas niya ng banyo ay nakaupo sa sarili niyang kama si Rigor at may tangan na baso ng alak.
“Papa Lex, malungkot ako. Halika saluhan mo ako.” Iniabot ni Rigor ang isang basong may alak.
“Naku, hindi ako puwedeng uminom. Bawal sa akin ang uminom,” ‘Tomador pala ang isang ito’, sa isip niya. Sinimulan niya na ring ilagay sa cabinet ang ibang laman ng kanynag backpack.
“Sige na, kaunti lang,” pamimilit pa ni Rigor, “samahan mo naman ako.”
“Hala, bakit ka ba naglalasing? Di ba bawal pag nasa trabaho?”
“Shhhh,” senyas ni Rigor na inilagay sa bibig ang hintuturo. “Gusto ko lang naman makalimot.”
“Bakit?” interesadong wika ni Alex dahil nakalarawan sa mukha ng kausap ang kalungkutan.
“Papa Lex, na-inlove ka na ba?”
“Ha eh, Uh-oo” nagulat na sagot ni Alex. Sa gulang niyang bente kuwatro ay wala pa siyang ideya sa tinatanong ni Rigor.
“Naranasan mo na bang iwanan ng mahal mo, Papa Lex?”
“Bakit ikaw naranasan mo na ba?” tanong din ang naging sagot ni Alex.
“Oo, maraming beses na.” Nagsalin uli ng alak si Rigor at saka tinungga, “Malungkot ako ngayon kasi nag LDR kami ng boyfriend ko.” Suminghot si Rigor at mukhang pinipigilan ang emosyon.
“Long Distance Relationship? Mahirap nga yun.” sang-ayon naman ni Alex.
“Alam mo, Papa Lex, ang malas ko talaga sa pag-big. Noong nasa probinsiya pa ako, may dyowa ako na bangkero. Madalas sagot ko ang gasolina ng bangka niya tuwing mamamasyal kami sa dagat. Ang kaso,” naluluha na si Rigor.
“Anong nangyari?” Naupo si Alex sa gilid ng kanyang kama. Mainam na pakinggan niya si Rigor para maibsan ang sama ng loob nito.
“Itinanan niya ang kaklase namin.” Sunod-sunod na ang tungga ng alak ni Rigor. “Tapos noong nasa college ako naging dyowa ko yung varsity player sa school namin. Ako ang nagbabayad ng dormitory fee niya at binibilhan ko siya ng basketball shoes. Pero pagka-graduate namin, girlfriend na niya ang muse ng kanilang team.” Ang bote ng alak na ang tinutungga ni Rigor. “Noong pumasok akong assistant stylist sa movie outfit, may naging dyowa akong stunt man. Binilhan ko siya ng motorbike at ipinakilala sa mga kaibigan kong producers. Nang mabigyan ng break sa pelikula ay nakalimutan na ako at naging dyowa niya at nabuntis ang kanyang leading lady. Ang saklap di ba, Papa Lex?” Panay-panay ang tungga ni Rigor ng alak habang lumuluha. “At pagkatapos muling tumibok ang puso ko sa isang medical student. Tinulungan ko rin siya sa kanyang upa sa apartment, pati tuition niya at pangako niya sa akin na pagagandahin niya ako kapag naging plastic surgeon na siya,” muling tinungga ni Rigor ang natitirang alak sa bote, “pero kanina umalis na siya papuntang America. Papa Lex, LDR na kami.” Humagulhol na si Rigor.
“Tama na,” kinuha ni Alex mula sa kamay ni Rigor ang bote ng alak na ubos na ang laman. “LDR lang pala, babalik din naman yun,” pampalubag-loob niyang wika.
“LDR , last day of relationship Papa Lex,” mas lumakas pa ang palahaw ni Rigor.
Naintindihan ni Alex ang ibig sabihin ni Rigor, “lilipas din yan.” Hinagod-hagod niya ang likod nito at pagkatapos ng ilang segundo ay tumihaya ito sa kama at naghilik na.
Biglang may kumatok sa pinto at narinig ni Alex ang tawag ni Nico. Nag-alangan siyang pagbuksan ng pinto ang binata dahil makikitang lasing si Rigor pero baka magalit naman ito sa kanya.
“Alex, where’s Rigor? May sasabihin-” wika ni Nico pagkapasok sa loob at napatingin sa humihilik niyang stylist. “What happened to him?”
“Sir, nalasing eh.” Hindi nagawang magsinungaling ni Alex dahil baka magsungit uli si Nico sa kanya, “may problema kasi.”
“What?” napatapik sa noo si Nico sa inis. “Alex, you better stay in my room.”
“Ha?” gulat na wika ni Alex. Kung mahirap matulog na kasama ang baklang si Rigor ay mas mahirap matulog sa kuwarto ni Nico.
“I said you sleep in my room. He’s drunk. Can’t you see?” naiinis na tinapunan ng tingin ni Nico ang tulog na stylist.
“Sir, lasing na lasing yan. Bukas na yan magigising,” paastig na wika ni Alex.
“Sure ka?”Alam niyang bakla si Rigor pero hindi lubos ang tiwala niya rito dahil lalake pa rin ito.
“Sure na sure,” pabaretonong wika ni Alex.
“O-okay,” nag-aatubiling wika ng binata, “Sige, bahala ka, basta maaga tayo bukas aalis,” pahabol na salita nito bago lumabas ng kuwarto.
Tumango si Alex. Ibinagsak na rin ang pagal na katawan sa higaan. Kailangan niyang maging handa kinabukasan. First day pa lang niya ay nakatikim na siya ng kasungitan ni Nico. Mahirap pala ang maging alalay ng artistang sikat, sa isip niya. Nakatulugan na rin ni Alex ang pag-iisip.
==
Maagang dumating ang grupo ni Nico sa location shooting sa isang beach resort. Inihahanda na ang set at props at kapag beach ang location, lahat ng staff ay naka shorts at t-shirts lang. Komportable ang lahat ng mga kasuotan. Lihim siyang natatawa kapag napapatingin siya kay Alex. Naka jogging pants at oversized T-shirt ito at pinatungan pa ng hoody jacket with matching cap at rubber shoes.
Nagsimula na si Nico na magkabisa ng kanyang mga lines habang naghihintay ng kanyang take. Mahigpit ang director kaya ayaw ng maraming re-takes dahil importante dito na matapos ang project na sakto sa production budget. Darating din si Regina Amor, ang superstar for all seasons. Mother and son ang roles nila at dream come true ito sa kanya dahil matagal na niyang pangarap na makatrabaho ang superstar.
Natapos ang first shooting day at pabalik nang hotel ang grupo ni Nico, Kasama niya sa service van ang dalawa niyang body guards, ang kanyang stylist at si Alex. Walang kibo si Alex sa kanyang tabi at diretso lang tingin nito. Naisip ni Nico na nagsungit siya dito sa unang araw pa lang nilang makasama. “Dude, masyado kang malungkot.” Gusto niyang magkaroon ng harmony sa pagitan nila. “Inisip mong siyota mo ‘no?” pabiro niyang binundol ng kanyang braso ang braso ni Alex pero ang tutoo nakatingin siya sa pisngi nito. Wala siyang nakikitang bakas ng taghiyawat sa pisngi at pink ang kulay ng lips nito.
“Hindi, Sir.” Tipid na sagot ni Raffy na hindi nilingon ang kausap. Paano ba siya lilingon eh lumapit ito ng upo sa kanyang tabi.
“How old are you Alex?” Tantiya ni Nico ay hindi magkalayo ang kanilang mga edad.
“Twenty five Sir.” sagot ni Alex pero ayaw pa rin niyang tumingin sa kanyang kausap.Pakiramdam niya ay nakatitig ito sa kanyang mukha.
“Pwedeng mag-request, stop addressing me Sir, call me Nico.”
“Okay Sir. Este sige...Nico.” Sinulyapan ng bahagya ni Alex si Nico. Kinabahan siya sa interes ng binata sa buhay niya.
“Ano nga pala name ng parents mo, Alex?”
Natigilan salit si Alex, “Nanay ko, Antonia Magdalo at tatay ko naman Gregorio Magdalo.”
“Saan kayo nakatira?” Tumagilid si Nico sa pagkakaupo. Pinagmasdan niya ang makinis na pisngi ni Alex. Talagang ayaw makipag-eye to eye contact nito kanya.
“S-sa Bulacan,” matipid na sagot naman ni Alex.
“May mga kapatid ka?”Patuloy si Nico sa interogasyon. Iniisip kung galit ba ito sa kanya o sadyang mahiyain lang.
“Meron, sampu.” sagot naman ni Alex na nakatitig lang sa ibaba.
“Sampu?” Natawa si Nico, “masipag pala ang tatay mo,” pabirong dugtong ng binata. Nakita niya na napangiti naman ito sa kanyang biro.
“Di naman masyado,”pabirong sagot naman ni Alex sa komento ng binata. Matipid siyang ngumiti ngunit nakayuko. Ayaw niyang mabasa ng kausap ang mga mata niya.
Magtatanong pa sana si Nico ng huminto na ang kanilang service van. Nakarating na pala sila sa hotel.
“By the way Alex,” wika ni Nico ng makababa sila ng service van,” maaga uli tayo bukas, sleep early at wag ka ng sumama kay Rigor baka gumimik pa yan.” Tinapunan ni Nico ng tingin ang kanyang stylist na nakaupo sa tabi ng driver sa harap.
“Yes Nico,” wika ni Alex habang hatak-hatak ang isang maleta ng mga gamit ni Nico papasok ng hotel.
“Hey Jaks, you’re here,” tumigil si Nico ng makakita ng kakilala.
Nagulat si Alex ng makilala ang binati ni Nico. Mabilis niyang iniwan si Nico at dumiretso na siya sa elevator dahil hawak naman niya ang susi ng kuwarto ni Nico.