Napapamura na lang ako sa isipan ko ngayon. Pakiramdam ko ay nawalan ako ng kaluluwa saglit. Akala ko ay masasaksak na ako ng lalaki, ngunit tinadyakan pala siya ni Zephyr. Tumalsik ang lalaki at nabitawan din niya ang hawak niyang kutsilyo. Umiiyak naman na lumabas ng Burger Garage ang waitress.
“Hoy! Bumalik ka rito!” sigaw pa ng lalaki sa kaniya. Dahil bukas na ang pinto ng Burger Garage, napansin ko na kikilos na ang mga pulis na nasa labas. Tumayo naman ako at tinulungan si Nixon na makipaglaban sa lalaki.
Ngunit mabilis na nakuha ng lalaki ang kutsilyo. Napaatras kami ni Nixon dahil itinutok niya na naman ‘yon sa amin.
“You are now surrounded by detectives. We are detectives from Detective Station District. Kaya sumuko ka na para hindi lalong mas malala ang maging kaso mo,” sambit ko. Naglabas pa si Paige ng posas at ipinakita sa lalaki na nasa harapan namin. Sunod ay may binunot siya sa kaniyang tagiliran. Isa ‘yong baril. Itinago naman niya ang kutsilyo niya. Baril na ngayon ang nakatutok sa amin.
“Ang kailangan ko lang ay pera. Makakaligtas kayo rito kapag naibigay niyo na sa akin ang lahat ng pera na mayroon kayo. Iposas ninyo ang mga kamay niyo sa pader. Alam ko naman na may mga posas kayo!” utos pa niya sa amin. Hindi muna kami sumunod at saka niya ikinasa ang kaniyang baril.
“Sige, ipoposas namin ang aming mga sarili. Hindi kami lahat ay may posas,” sambit ko. Ipinosas ko ang kamay ko sa bakal na nasa itaas ko. Sunod naman ay ipinosas ko ang isa kong kamay sa kaliwang kamay ni Paige. Sunod-sunod naming ipinosas ang mga kamay namin sa isa’t-isa. Hanggang sa ang dulong posas kay Nixon ay walang nakalagay.
“Ayos na ba ang ganito? Huwag mo na kaming tangkain na saktan dahil mas lalala lang ang mangyayari sa ‘yo kapag nahuli ka na. Wala ka rin namang tatakasan dito. Hindi rin kami lalaban na sa ‘yo. Kaya sana ay wala kang gawin na masama sa amin,” pakiusap pa ni Nixon sa kaniya. Ako naman ay chill lang na nakatayo rito.
Hindi ko mailabas ang phone ko dahil nga dalawang kamay ko ang nakaposas. Tiningnan ko naman si Detective Cason sa labas. “Huwag mo silang sasaktan. Napapalibutan ka namin!”
Hindi nakinig ang lalaki kahit sinigawan na siya ng gano’n. Nakita ko pa sa balita sa labas na live na kami ngayon. May billboard screen na nasa harapan namin kaya nakikita ko kung ano ang ibinabalita na ngayon. Nakita ko naman na napatingin na sa akin si Detective Cason. ‘Yon na ang hinihintay ko.
Sinenyasan ko siya na pumasok na rito sa loob. Bahagya kong itinatango ang ulo ko sa kaniya. Nakita ko pa na kumunot ang noo niya pero nanatili pa rin na nakatingin sa akin. Sinenyasan ko siya na pumasok na sa loob at tumitingin pa ako sa lalaki na nasa harapan namin ngayon. Nang sa gano’n ay mas maintindihan ni Detective Cason ang ibig kong sabihin. Sunod naman ay medyo binulungan ko si Paige. Kailangan makarating kay Nixon ang mensahe. Patuloy pa rin naman na kinakausap nina Nixon at Zephyr ang lalaki.
“Sabihin mo ito kay Zephyr. Kailangang makarating kay Nixon ang tungkol dito. Kailangang masipa ni Nixon ang kutsilyo ng lalaki sa tagiliran niya, saka niya poposasan ang kamay ng lalaki. Gawin niya nang mabilisan,” mahinang sambit ko kay Paige. Nagtataka naman siya na napatingin sa akin. Ngunit inilingan ko na agad siya para hindi na niya ako kwentiyunin pa.
Ibinulong niya na ‘yon kay Zephyr. Sana lang ay magawa ni Zephyr na sabihin ‘yon nang ayos kay Nixon, nang hindi naririnig ng lalaki. Tiningnan ko muli si Detective Cason at mukhang napansin na niya na may binabalak kaming gawin dito. Tumango muli ako at sasabihin na ni Zephyr kay Nixon ang plano ko.
“Kung ayaw mong sumuko, mapipilitan kami na barilin ka rito mula sa labas! Bibilangan ka namin hanggang tatlo. Sumuko ka na at lumabas ng ayos mula riyan, o ‘di kaya ay mas lalala pa ang sitwasyon mo kapag hindi ka pa nakinig sa amin,” sambit naman ni Detective Walker. Napatingin ang lalaki roon at tumawa pa. Sinimulan nang sabihin ni Zephyr kay Nixon ang plano ko.
“What? Pero may hawak siyang—”
“Ano ang pinagbubulungan ninyo riyan?!”
“Do it now!“ sigaw ko. Nataranta naman si Nixon at agad na sinipa ang lalaki sa tagiliran dahil naroon ang kutsilyo. Bigla niyang ini-lock ang isang posas sa isang kamay ng lalaki. Kaya naman ngayon ay magkakadikit na kaming lahat. Dahil sa pangyayari na ‘yon, itinutok pa niya ang baril niya sa amin. “Damn! What should we do now?!” natataranta na sigaw ni Nixon.
“Huwag kayong matakot, wala namang bala ang baril niya,” kampante na sagot ko. Biglang tumigil ang lalaki at saka ko muling tiningnan sina Detective Cason. “Pumasok na kayo rito ngayon,” utos ko pa.
Hinila ng lalaki ang isang niyang kamay na nakaposas at umakmang aabutin ang kutsilyo na tumalsik na. Mabilis ko naman na hinila ang sarili ko dahil nasa dulo ako, nang sa gano’n ay hindi niya maabot ang kutsilyo. Mapapahamak kaming lahat kapag naabot niya.
Mabuti na lang at mabilis na nakapasok sina Detective Cason sa loob ng Burger Garage. Inapakan niya ang isang kamay ng lalaki saka hinuli ito. Isa-isa naman kaming tinulungan ni Detective Walker. Natanggal na ang posas sa mga kasamahan ko at naposasan na rin ang dalawang kamay ng lalaki. Ngunit nagtataka naman ako na napatingin kay Paige. Kami na lang dalawa ang hindi pa natatanggal ang posas. Natanggal na rin ang posas ng kamay ko na nakalagay sa bakal.
“Bakit hindi mo pa inaalis ang posas nating dalawa?” nagtataka at walang gana na tanong ko sa kaniya. Alangain naman siyang ngumiti sa akin saka napakamot sa kaniyang ulo.
“Hehe. Pasensya ka na, nakalimutan ko pa lang dalhin ang susi ng posas na dala ko. Kaya sa station pa natin ito matatanggal,” sagot niya. Nagulat naman ako roon.
“What?! Hindi ako komportable na maglakad palabas at nakaposas pa ako sa ‘yo,” reklamo ko agad. Nakakainis naman! Hindi ko inaasahan na ganito kamalas ang araw ko ngayon. Hindi ko na nga nakuha ang hinahanap ko kanina sa lamesa ni Detective Cason, tapos hindi pa naging maayos ang pagkain namin dito. Kung bakit pa kasi naisipan ni Zephyr na rito pa kami kumain. Mabuti na lang at walang nangyaring masama sa amin.
“Ayos lang ‘yan. Mabilis lang din naman ang biyahe natin,” sambit pa ni Nixon. Halata naman na inaasar niya ako ngayon. Lumabas na kami sa Burger Garage at marami agad mga reports ang lumapit sa amin. “Mabuti naman at nalaman niyo agad na wala pa lang bala ang baril na hawak niya. Ayos lang ba ang pakiramdam ninyo?” tanong ng isang reporter.
“Nakakakaba dahil muntik nang manganib ang mga buhay namin. Pero mga aspiring detectives po kami, kaya normal lang sa amin ang gano’ng pangyayari,” sagot naman ni Zephyr.
Tumutok naman sa akin ang isang reporter. Hindi ako sanay sa ganito karaming atensyon. Pero hindi naman ako makatakas ngayon dahil hindi ko maaaring hilahin si Paige at pumunta na agad sa sasakyan. Sana ay kanina pa ako nakatakas sa mga medya na ito. “Paano mo nasabi na walang bala ang baril ng lalaki kanina?” tanong sa akin ng isang reporter na lalaki.
“Alam ko kung ano ang tunog ng baril na hawak niya kanina. Magkaiba ang tunog kapag maya bala o walang laman. Kaya napagtanto ko na tinatakot niya lang kami kanina,” sagot ko.
“Mga baguhan lang ba kayo sa Detective Station?”
“Pwede niyo bang sabihin ang mga pangalan ninyo?”
“Magagaling kayong lahat at mahusay magplano. Nakita namin kung paano kayo bumuo ng plano kanina nang hindi napapansin ng kriminal.”
“Iniligtas ninyo ang mga estudyanteng customers at ang dalawang nagma-manage ng Burger Garage!”
“Paano kayo nakapag-isip agad ng gagawin kahit na delikado ang sitwasyon na kinalalagyan niyo kanina?”
Marami pa silang mga tanong sa amin, ngunit agad na silang hinarang ng mga pulis. “Kailangan nilang magpahinga ngayon dahil sa naranasan nila. Kaya huwag niyo na muna silang tanungin ngayon,” sambit ni Detective Walker.
“Hindi ba pwede na magkaroon kami ng interview sa kanila? Masiyadong maganda ang kuha namin sa kanilang videos sa loob. Kaya gusto rin namin ng formal interview kasama sila.”
Nagpupumilit pa ang ibang mga reporters pero agad na kaming sumakay sa sasakyan. Hindi na rin kailangan ng interview sa amin dahil istorbo pa sa oras ng pagtatrabaho namin ‘yon. Ayoko rin naman na magkaroon ng interview. I hate medias. Hindi naman lahat ng ibinabalita nila ay totoo, madalas ay puro kasinungalingan lang ang nababalita.
"Bakit malungkot ang itsura mo ngayon, Kyson? Nahuli naman ang lalaki na nang-hostage sa atin kanina, 'di ba?" tanong naman sa akin ni Nixon. Tumitingin pa siya sa mga kamay namin ni Paige na nakaposas pa rin hanggang ngayon. Halata naman na nang-aasar si gago. Lalo na at hindi ko talaga gusto na madikit sa mga babae. "Manahimik ka nga, Nixon," inis na sagot ko.
Nakakainis. Sa dami ba naman ng pwede niyang makalimutan, 'yong susi pa ng posas ang nakalimutan niya. She's so irresponsible. Simula noon at hangggang ngayon ay hindi pa rin siya nagbabago. Basta na lang siyang umaakto nang hindi muna nag-iisip ng ayos. Ngunit naalala ko na naman ang nangyari sa kaniya noon. Pero hindi ko siya magawang kawaan kahit na naalala ko 'yon. Sobra na talaga ang pinagbago ko. Wala na akong iba pang naiisip ngayon kundi ang sarili ko lamang. Wala akong oras para pakialaman ang buhay ng ibang tao at maaawa ako sa kung ano ang kinahinatnan ng buhay nila.
Nagtawanan naman silang dalawa sa reaksyon ko. "Parang sobrang sama ng loob mo na nakaposas ka pa rin sa akin ngayon. Ginusto ko ba ito? Hindi ko rin naman ginusto na maiwanan ko ang susi ng posas ko. Isa pa, kasalanan mo naman kung bakit tayong dalawa ang nakaposas ngayon. Pwede naman kasi na isa sa kanila ang hilahin mo kanina, bakit ako pa ang ipinosas mo sa sarili mo," sabat naman ni Paige sa usapan namin. Inirapan pa niya ako.
"Hindi ko rin naman ginusto na ikaw ang maiposas ko sa akin. Alangan naman na mamili pa ako kahit nasa delikadong sitwasyon na tayo kanina," sarkastiko kong sambit. Siya naman ang iresponsable dahil posas niya 'yon.
"Tama na 'yang sagutan ninyo. Bumalik na tayo sa station. Ikaw ang magmaneho," utos ni Detective Cason kay Nixon. Nakapasok na pala sila sa sasakyan. Mabilis na sumunod si Nixon at umalis na kami mula sa Burger Garage. Nang makabalik na kami sa station ay ikinulong na agad ang lalaki. Mukhang hindi na siya kailangan pang kwestiyunin ngayon. Titingnan din ang mga impormasyon tungkol sa kaniya dahil baka may mga krimen na siyang nagawa noon pa.
Nagpunta naman kami sa meeting room. Inalis na ang posas namin ni Paige. Tahimik lang kami na nakatayo roon at hinihintay ang dalawang detectives na pumasok sa loob. Dumating naman sila sa loob at napakunot agad ang noo ko dahil sa reaksyon ng mukha ni Detective Cason. Masama ang kaniyang mga tingin sa amin. Ano na naman kaya ang problema ng isang 'to? Kung makatingin siya sa amin ngayon ay para bang may nagawa na naman kaming mali tulad kahapon. Dalawang araw pa lang kami rito ay para bang hirap na hirap na ang mga kasama ko sa trato sa amin ni Benjamin Cason.
"Akala niyo ba ay pupurihin ko kayo dahil sa ginawa niyo kanina? Hindi niyo alam na sobrang delikado nang ginawa niyo! Ikaw!" Itinuro pa niya ako habang sumisigaw siya. Deretso lang ang mga mata ko na nakatingin sa kaniya at walang reaksyon ang itsura ko.
"Nakita ko na ikaw ang nakaisip na iposas ang mga sarili ninyo. May hawak na baril ang lalaki na kaharap niyo kanina, tapos ipinosas niyo pa ang sarili ninyo? Paano kung totoong may bala ang baril niyang 'yon? E 'di napahamak pa kayo at magiging sakit pa sa ulo namin dahil mga perwisyo kayo. Hindi namin sagot ang mga buhay niyo kung sakali man na may mangyaring hindi maganda sa inyo. Maswerte lang kayo kanina dahil walang bala ang lalaki na 'yon! Masasagot mo ba ang mga buhay ng mga kasamahan mo kung sakali man na isa-isa kayong binaril kanina?" pangaral pa sa akin ni Benjamin.
"Ang mahalaga naman ay maayos na kami ngayon at walang nangyaring hindi maganda sa amin. Hindi ba at 'yon naman ang mahalaga? At isa pa, ang lalaki na 'yon ang nagsabi sa amin kanina na iposas ang aming mga sarili. Alam ko na rin naman na walang bala ang baril na hawak niya, kaya sinunod namin ang gusto niya. Nang sa gano'n ay maisagawa namin ang plano na naisip ko. Kung sakali man na may bala 'yon, hindi naman namin gagawin na iposas ang aming mga sarili. Hindi ako gano'n katanga," matapang na sagot ko.
Nakitaan ko ng galit si Detective Cason dahil sa pagsasagot ko. Sinamaan niya ako lalo ng tingin saka mas nilapitan ako. "Bakit ganiyan ka kung sumagot sa akin? May ipinagyayabang ka na ba? Bakit ganiyan ka rin makatingin sa akin simula pa kahapon? Para bang may galit ka talaga sa akin matagal na. Kilala mo ba ako?" nagtataka na tanong niya sa akin. Gusto ko siyang ngisian o 'di kaya ay tawanan dahil sa mga tanungan niya sa akin.
"Kahapon lang ang unang beses na nakita kita sa personal. Sinagot ko lang ang mga tanong mo sa akin kanina kaya huwag mong isipan ng iba pang ibig sabihin. Wala namang nangyaring masama sa mga kasamahan ko dahil sa plano ko kanina. Lalo na at hindi ko rin naman sila ipapahamak. Sinesenyasan pa kita kanina, ngunit mukhang hindi mo nahulaan iyon."
Pumagitna naman sa amin si Detective Walker upang umawat. "Palagi na lang mainit ang ulo mo simula nang dumating sila rito kahapon. Tama naman ang isinagot niya. Wala rin tayo sa sitwasyon nila kanina. Kung gano'n din naman ang mangyayari sa akin ay baka parehas lang din ang nagawa ko sa nagawa nila kanina," sambit niya.
"I am now warning you. You're getting into my nerves. Baka gusto mong hindi mo makamit ang pinapangarap mo?" banta pa niya sa akin.
"Wala naman akong ginagawang masama at labag sa lahat ng rules ang regulations ng station na ito. Kaya hindi ako natatakot sa banta mo na 'yan. Sa pagkakaalam ko ay kailangan muna ng sapat na dahilan upang ma-aprubahan ng mga nakapwesto sa itaas kung gusto mo na mapaalis ako mula rito," sagot ko pa.
"Ang yabang mo talaga kung magsalita ka. Tingnan lang natin kung hanggang saan ang tapang mo."