KRISTINA'S POV
“Tine, sigurado ka na ba?” tanong sa akin ng aking kaibigan na si Ivy. Kasamahan ko ito sa aking trabaho at ito lang ang may alam sa aking mga plano.
“Sigurado na ako. Hindi ba matagal ko na itong plano?”
“Correction. Plano niyo ni Bryce. Ikaw pa nga ang umako sa kalahati ng pamasahe niya hindi ba? Pati nga pocket money niya nagbigay ka pa” pairap na sabi nito. Katrabaho ko ito at nang mga oras na iyon ay ang aming lunch break.
“Huwag ka maingay, baka marinig ka ng iba” saway ko rito.
Kilala rin kasi sa opisinang ito ang aking boyfriend na si Bryce dahil noong bago pa ito pumunta ng Spain ay dati rin itong empleyado ng nasabing banko. Pagkagraduate ko palang sa kolehiyo ay nag- apply ako kaagad at pinalad na makapasok sa isang kilalang banko. Nagkakilala kami ni Bryce ng nalipat ito mula sa ibang branch kasabay nito ang paghire naman kay Ivy. Nagkagustuhan kami ni Bryce hanggang sa nagkaroon na nga kami ng relasyon. Umabot ng dalawang taon ang aming relasyon hanggang sa ma-promote ako sa trabaho at maging isang bank manager sa branch na iyon. Ilang buwan palang ang nakalipas ay nagpaalam na sa akin si Bryce na magpupunta ito sa bansang Spain para makipagsapalaran. Noong una ay hindi ako pumayag pero nangako ito na pagkatapos lang ng isang taon ay susunod daw ako roon at tutulungan niya rin ako na makapunta doon. Pero dalawang taon na ang nakalipas subalit wala pa rin ang ipinangako ni Bryce kapag tinatanong ko naman ito kung may naipon ito ay palagi nitong sinasabi sa akin na naipadala niya na raw lahat sa kanyang mga magulang.
“Mare, sigurado ka bang walang ibang babae ang jowa mo doon?” tanong pabulong sa akin ni Ivy
“Sigurado naman akong wala,Marz. Lagi naman kaming nagkakausap eh nitong mga nakaraang araw lang hindi kasi nagbago ang shift niya sa trabaho.” pangangatwiran ko
“Are you sure? 100% sure?”
“O- Oo naman” sabi ko na kahit ang sarili ko ay kinukumbinsi ko na rin.
“Okay. Sabi mo eh” anito pero hindi pa rin kumbinsido sa aking sinasabi.
“Alam niya ba ang plano mo?” Napangiti naman ako sa tanong nito
“Hindi. Actually, balak ko sana siyang surprisahin.”
“Baka naman ikaw ang masurpresa” bulong nito
“Anong sabi mo,Marz?” ulit kong tanong dito dahil hindi ko masyadong naiintindihan ang sinasabi nito.
“Ang sabi ko, kung ano ang magiging plano mo at tska kung may panggastos ka na ba?” bwelta nito.
“May ipon na nga ako at nakabili na rin ako ng ticket. Ang problema ko na lang ay mukhang kukulangin ang pocket money ko. One month pa naman ang inilagay ko ng araw ng ilalagi ko roon.”
“Magkano ba ang dapat na pocket money mo?”
“Dapat mga nasa mahigit 200k dahil 30 days ‘yun”
“What?!! 200k?! Ang mahal, Mare! Teka, magkano na ba ang naiipon mo?” gulat na tanong ni Ivy
“Nasa 180k palang. Nasa 50k pa kulang ko,eh next week na ang flight ko” sagot ko naman dito
“Next week na kaagad? Tapos 30 days, paano ang trabaho mo?”
“Magreresign na ako, Marz. Baka bukas dalhin ko na ang resignation letter ko”
“Mare baka nabibigla ka lang? Ano naman ang gagawin mo sa Spain? Tourist Visa ang hawak tapos maghahanap ka ng trabaho? Paano kapag hindi ka kaagad nakahanap ng trabaho tapos nag-expire na ang bisa mo? Anong gagawin mo? My God Mare, huwag ka magpadalos-dalos sa mga desisyon mo” histerikal na sabi nito sa akin.
“Hindi naman siguro ako pababayaan ni Bryce at isa pa, matagal na namin plano ‘yun hindi ba?” saad ko. May bahid ng pag-aalala sa kanyang mukha. Bumalik kami sa aming mga trabaho ng makitang dumadami na naman ang mga taong pumapasok.
Kinabukasan ay nagpasa na ako kaagad ng aking resignation letter at nang sumunod na araw ay inayos ko na ang aking mga gamit para sa opisina. Inayos ko na rin ang iba ko pang papeles na kailangan ko pang lakarin at ng makumpleto na ang lahat ay saka ako umuwi ng probinsya upang personal na magpaalam kina Mama at Papa.
Pagkakita palang sa akin ni Mama ay sinalubong niya ako ng yakap. Katabi nito si Papa na halata sa kanilang mga mukha ang pagkasabik.
“Pumasok na tayo, Nak. Hinanda ko ang paborito mong ulam” yaya kaagad sa akin ni Mama,
“Domeng, kunin mo naman ang gamit ng anak mo.” utos pa nito kay Papa na kinuha kaagad ang aking mga dala- dalahin na isang malaking maleta. Iniuwi ko na kasi ang aking mga gamit habang ang iba ko pang kasangkapan gaya ng kutson ay iniwan ko na sa inuupahan ni Ivy.
Ipinapakita sa akin ng aking mga magulang na masaya sila na nakauwi na ako subalit dama ko naman na nalulungkot sila. Pagkatapos ng hapunan ay naupo kami sa sala at tahimik na nanonood ng palabas sa aming tv habang nakaunan ako sa kandungan ni Mama kagaya noong ako ay bata pa. Alam ko na mahal na mahal ako ng aking mga magulang at hindi nila ako magawang pagsabihan tungkol sa aking naging desisyon.
Ipinagpalit ko ang aking pagiging bank manager sa isang walang kasiguraduhang bagay..
Habang nakahiga at sinusuklay ni Mama ang aking buhok ay tumabi naman si Papa sa akin saka iniabot ang isang puting sobre.
“Alam namin ng Mama mo na hindi ka na mapipigilan sa gusto mo kaya susuportahan ka na lang namin” sabi ni Papa habang nakatingin sa Tv.
Napakunot naman ang aking noo at saka binuksan ang sobre. Nagulat ako at napaupo ng makita ang laman nito.
“Pa, andami nito. Saan niyo nakuha ito?” gulat kong tanong habang inilalabas ang perang laman ng sobre at sinubukan ko iyong bilangin.
“Binenta ko yung bulog na palahian natin. Huwag kang mag-aalala, may kilaw (Lalaking baka na bat) pa naman ako” sabi ni Papa
“Pero Pa, hindi ba iyon ang pinakamalaking baka dito sa atin? Bakit niyo binenta?”
“Anak, tanggapin mo na iyan. Nag- iisa ka naming anak at susuportahan ka namin sa kung ano ang plano mo sa buhay.” sabat naman ni Mama. Unti- unti naman akong nakaramdam ng hiya sa aking sarili at tila ba nakokonsensya dahil ang sinabi ko lamang sa kanila ay magttrabaho ako at nakahanap na ako ng employee sa Spain dahil sa tulong ni Bryce.
Alam ko na hindi nila ako papayagan na magpunta roon lalo na kapag nalaman nilang tourist visa lang ang hawak ko at puro kasinungalingan lang ang aking mga sinabi.