FOREVER.
Ito yata ang sagot sa tanong ko one-year ago.
Kung sino man ang nag imbento sa virus na ito, utang na loob pakibawi na.
Pumapasok na sina Kuya Arthur at Kuya Jerrick sa trabaho, samantalang ako na nag-aaral pa, stuck at home pa rin. Hindi ko nga alam kung bakit parang mas hirap pa ako ngayon sa online classes kaysa noong face to face pa. Isang taon na rin ang lumipas pero hindi ko pa rin masabing nakapag-adjust na ako.
Huling balita ko'y may mga vaccines nang na-develop para maging lunas sa virus. Pero aabutin pa yata ng ilang taon bago bumalik sa ayos ang lahat.
“Tiara, hinahanap ka ni Papa!” sigaw ni Kuya Jerrick.
Umikot ang mga mata ko. Alam naman nilang ayaw kong kausap si Papa. Ang hirap lang ngayon dahil nauubusan na ako ng dahilan para hindi siya kausapin. Paano’y maghapon na akong nasa bahay, hindi tulad noong may face-to-face classes pa.
“May kausap lang!” sigaw ko pabalik, dahil nasa kwarto ako at nasa sala sila sa baba.
Nakahiga ako sa itaas ng double deck, nagpapahinga pagkatapos ng online classes ngayong araw. Binalik ko ang tingin sa phone ko at nagpatuloy sa pagba-browse sa f*******: News Feed. Nang magsawa, lumipat naman ako sa Youtube para manuod ng isang music video na trending ngayon. Ayon nga lang ay kinailangan ko pang hintayin matapos ang isang advertisement sa simula nito.
Blanko lang ang isip habang nakatitig sa screen ng phone, hindi ko alam kung paano akong na-engganyo dahil sa online ad na nakita. Advertisement ito ng isang dating app at magaling makapanghikayat. Kung kailangan ko raw ng kausap ay dito ko iyon matatagpuan.
‘Yong iilang kaibigan ko sa eskwela ay hindi ko na ka-close ngayon. Kaya wala na akong ibang kaibigan kung hindi ang mga kuya ko. Pero syempre, hindi naman lahat ay masasabi ko sa kanila.
I guess I really need someone to talk to. O kahit diversion lang, dahilan para matakasan ko ang pakikipag-usap kay Papa. Sign na kaya ito?
Dahil interesado ako sa dating app na nakita, aba’t napa-research ako ng wala sa oras tungkol dito!
At nagulat na lang ako nang magtuloy-tuloy ako sa Play Store.
Never in my 17 years of existence have I ever imagined downloading this kind of app. It is because I’ve heard a lot of stereotypes surrounding dating apps.
Ang tingin ng karamihan, dating apps dehumanize relationships at pinipigilan nito ang pagkakaroon ng long-term relationships. Kaya tuloy kapag pinag-uusapan ang online dating, napapangiwi na rin ako. Mas maganda pa rin daw makakilala ng tao ng personal.
E paano naman mangyayari 'yon ngayon? Bawal ngang lumabas!
Napakibit-balikat ako. Ano namang mawawala kung mag download ako ng ganitong app? Pwede ko namang sarilihin para hindi ako mahusgahan ng iba. Tsaka paraan na rin ito para mabawasan ang pagka-inip ko rito sa bahay dahil bawal pang gumala.
For me, a better way to describe dating apps is that it is a harmless exploration of youth, especially during this time.
Habang nag-iintay tawagin para mag hapunan, naging abala ako sa pag-aayos ng profile ko. Naglagay ako ng picture ko, ‘yong kuha ko sa favorite coffee shop ko malapit sa ‘min. Naka-sideview lang ako dahil hindi ako ganuon ka-confident sa itsura ko.
Pagkatapos ay naglagay ako ng pangalan at edad. Palayaw lang ang inilagay ko imbes na Tiara Louise. Takot ko lang na mahanap ako sa mga social media ng kung sino man. Kahit 17 pa lang ako, 18 na ang inilagay ko para tanggapin ako ng app.
Ara, 18
Kailangan daw may bio. Dito ako nagtagal kasi wala akong maisip na ilagay para ipakilala ang sarili ko. Sa huli ay nag focus na lang ako sa height ko. Maliit lang kasi ako at dito ako palaging inaasar ng mga kuya kong parang poste.
They say I’m too small for my dreams. I say I can use a chair.
Ang interests na pinili ko ay writing, cafe-hopping, romance, foodie, at ambition. Sayang at hindi ko na mapindot ang dog-lover. Mas gusto ko kasi ang aso kaysa sa pusa. Ayoko kasi sa masyadong clingy.
May kung anu-ano pang pinasagot sa akin bago ako nakapag-request na ma-verify ang account ko. Ilan sa mga tanong na kinailangan kong sagutin…
What is the quickest way to your heart?
Food & Good Conversations
Something you learned way later than you should have.
It’s never wrong to do things for yourself - to think about what you want instead of what others expect from you.
You can get along with me if…
You have a good sense of humor, and you’re also capable of having serious deep conversations.
Bago lang ang lahat ng ito sa akin kaya naman nakaka-amaze kung tutuusin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong asahan. Pagkatapos makumpleto ang profile ko, napunta na lang ako sa parte ng app kung saan pwedeng makapili ng pwede kong maka-match. Naghanap muna ito ng mga taong malapit sa area ko.
A match happens when both users swipe right, meaning they like each other. Kapag swipe right, you like the user. Pero kapag nag swipe left ka, you’re rejecting the user.
Panay lang ang swipe left ko dahil bukod sa hindi ko gusto ang itsura ng mga nakikita ko, pakiramdam ko’y wala akong lalim na makukuha sa kanila base sa profile na puro kalokohan. Tyaka bakit ba ang daming cat lover na lalaki?
“Ara, kain na!” Narinig ko ang pagtawag ni Kuya Arthur sa akin. Syempre ay agad na akong bumangon bago pa mapagalitan ng istrikto kong kapatid.
Pagbaba ko ng double deck, hindi ko pa rin inaalis ang mga mata ko sa screen ng phone ko. May na-swipe right naman na ako pero mangilan-ngilan lang. Pinagtyagaan ko na lang dahil parang lagpas fifty na tao na ang na-swipe left ko pero wala pa akong nagugustuhan talaga.
I’m starting to think that there’s something wrong with me. Paano’y kahit noong face-to-face classes pa, kahit crush ay wala ako. Hindi ko nga matandaan kung may tipo man lang ba ako sa mga kaklase ko.
Bumuntong hininga ako. Nagbilang ako sa isip ko. Mga sampu pa at bibitawan ko na ang phone ko.
May picture na topless, parang manyak… auto swipe left.
I am in an open relationship… complicated, swipe left!
Tara, kape? Pandemic ngayon, swipe left!
Open for threesome with my girlfriend… What the hell?! Left!
Panay swipe left na ako hanggang sa makarating ako sa ikasampung swipe ko bago bumaba para kumain.
Nagkagulo ang mga paruparo sa tyan ko pagkakita sa profile ni Marco!
Mukha itong Korean actor at bagay ding maging modelo! Maputi siya at mabangong tingnan. Ang tangkad din niya, parang sila Kuya lang! He’s 6 feet and 2 inches tall, samantalang five flat lang ako. Pareho lang kami ng edad. I’m an Aquarius, he’s an Aries.
Pareho kaming mahilig sa kape, foodie, at dog lover. Pero adventurous din siya at mahilig mag try ng bago na kabaliktaran ko.
To be honest, he's my type in a guy. And I know he’s probably way out of my league.
Pero ano namang masama kung gustuhin ko siya? It’s just one swipe. For sure, hindi rin naman kami magma-match kaya ayos lang.
Isa pa, sabi nga sa ad ng app na ito – when in doubt, swipe right!
“Tiara Louise Uy!” maawtoridad na boses na ito ni Mama kaya nanginig ako at napa-swipe right na nga!
YOU FOUND YOUR FIRST MATCH!
Hindi ako nakahinga. Nag-init ang buong mukha ko. Napatakip ako ng bibig dahil muntik na akong mapatili. Unang beses ko lang makita ang notification na ito galing sa app.
Ibig sabihin ba’y nag swipe right din si Marco sa akin?!
YOU HAVE 24 HOURS TO MAKE THE FIRST MOVE WITH MARCO.