HINDI mapakali si Jenny. Panay ang lakad niya sa loob ng kwarto habang kinakagat ang kuko sa kanyang hinlalaki. Nang mapagod siya sa kanyang ginagawa ay umupo siya sa gilid ng kama. Muli, ay nakita niya iyong family picture na nakuha niya doon sa aparador sa may kabilang kwarto. Ilang segundo din niya iyong tinitigan bago maisipan na damputin iyon.
May kung anong dulot na kilabot sa kanya ang litratong iyon. Hindi talaga siya maaaring magkamali. 'Yong matandang babae sa picture, ito iyong matandang babae na nagpakita sa kanya. At 'yong lalaki naman, tila ito naman iyong multo na nanakit sa kanya. Iyong babae naman ay maaring 'yong babae na nakita niya sa salamin. At iyong batang babae... ito naman ang nakita niya doon sa ilalim ng lamesa!
"Sigurado akong sila ang dating nakatira sa bahay na ito? Ngunit, bakit sila nagmumulto? At papaano sila namatay?" tanong niya sa kanyang sarili na hindi rin naman niya nabigyan ng kasagutan.
Huminga nang malalim si Jenny. Gulung-gulo na ang isip niya sa mga kababalaghang nangyayari at nararanasan niya sa bahay na ito. Kung maaari nga lamang na umalis na sila dito at lumipat na lamang sa iba. Ngunit, hindi iyon maaari. Kinokonsidera pa rin niya na pinag-ipunan ito ni Gio, ng kanyang asawa ang bahay na ito. Alam niyang hindi ganoon kadali para dito ang bumili ng panibagong bahay.
Isa pa kung ang pamilyang nasa litrato nga ang dating nakatira dito ay hindi pwedeng magpatalo sila sa mga ito. Buhay sila at patay na ang mga ito. Isa pa, sa kanila na ang bahay! Naniniwala pa rin siya na kung may aalis man sa bahay ay hindi sila ni Gio kundi ang mga kasama nila na hindi na kabilang sa mundo ng mga buhay!
Napatingin siya sa kulay pulang dingding. Napaisip tuloy siya... Konektado kaya ang dingding na iyon sa mga kababalaghan sa bahay na ito?
-----
NAPANGITI si Jenny nang makita niyang ubos na ang tuna sandwich na ginawa niya para kay Gio upang may makain ito sa meryenda. Kanina kasi, bago siya magtungo sa supermarket ay ginawan niya ito ng sandwich para kapag nagutom ito ay may makakain ito. Hindi pa rin kasi tapos ang one-week leave nito sa trabaho kaya home buddy muna ang kanyang asawa.
Nagpunta siya sa salas kung saan kasalukuyan na nakaharap sa telebisyon si Gio. Tumabi siya dito at inihilig ang ulo sa balikat nito.
"Nagustuhan mo siguro 'yong tuna sandwich na ginawa ko, 'no?" malambing na sabi ni Jenny kay Gio.
"Hmm''' Pwede na," pabirong sagot naman nito sa kanya.
Umalis si Jenny sa pagkakahilig sa balikat ni Gio at kinurot ito sa tagiliran. "Hoy! Anong 'pwede na'? Eh, naubos mo nga lahat. Takaw mo!" natatawa niyang turan.
"Ha? Hindi ko inubos iyon."
"In denial ka, Gio! Wala na ngang laman iyong pinggan, eh."
"Seryoso, Jenny. Hindi ko inubos 'yong sandwich. Isa lang kinain ko d'on."
"Hindi nga?"
"Yes. Seryoso..."
"Okey..."
Natigilan si Jenny. Bigla siyang nabagabag. Kung isang sandwich lang ang kinain ni Gio, bakit wala na siyang nakitang sandwich doon sa mesa? Hindi naman kaya pusa ang kumain n'on? Pero imposible. Sa pagkakaalam niya ay walang pusa na nagagawi sa bahay nila dahil masyado silang malayo sa mga kapitbahay nila.
"Sige, maglilinis lang ako sa itaas..." tuliro niyang pagpapaalam sa asawa.
Pumanhik na siya sa kanilang kuwarto at humiga sa kama. Hindi naman talaga siya maglilinis. Katwiran niya lamang iyon upang kahit papaano ay makapag-isip siya. Ano ba talaga ang nakaraan ng bahay na ito at puro kababalaghan ang nararanasan niya dito ngayon? Mukhang kailangan na niyang alamin ang sikreto ng bawat sulok ng bahay nila.
Ipinikit ni Jenny ang kanyang mga mata. Ngunit bigla siyang napamulat nang makarinig siya ng malakas na pagkalampag sa may kisame!
Gulat na napabalikwas siya ng bangon.
Patuloy ang kaluskos sa kisame. Parang may taong naglalakad doon!
Mas lalong lumakas ang kaba niya nang pagtingin niya sa pulang dingding ay unti-unti iyong kumakalat. Ganoon na lamang ang kanyang hilakbot nang sa isang iglap ay kulay pula na rin ang iba pang dingding! At hindi lang mga dingding ang naging pula kundi pati ang kisame at sahig.
"G-gio!" sigaw niya.
Gustung-gusto na niyang tumakbo at lumabas sa kwartong iyon ngunit tila may kung anong puwersa na pumipigil sa kanya na gawin iyon. Tila nakapako na siya sa pagkakahiga sa kama.
"Gio!!! Tulungan mo ako!!!" Sa ngayon ay hindi lang basta sigaw ang ginawa ni Jenny dahil may kasama na doon takot.
Halos maiyak na si Jenny sa sobrang takot nang mula sa isang parte ng dingding ay unti-unti siyang may naaninag na tila mukha ng isang tao na nabubuo. Hanggang sa nagkakahugis na ang katawan nito. Mula sa dingding ay nabuo at lumabas ang isang lalaki na naliligo sa dugo!
Sabay ng pagmulat ng nanlilisik na mga mata ng lalaki ay ang pagtawag nito sa pangalan ng isang babae....
"Mara!" Iyon ang pangalan na inusal nito.
Nanlalaki ang kanyang mga mata sa takot. "Gio!!! Gio!!! Tulungan mo ako!" naghihisterikal na sigaw pa niya.
Unti-unti ay naglakad papunta sa kanya iyong duguan na lalaki.
"Mara... Mara... Mara..." Paulit-ulit na tawag ng lalaki.
Nakakakilabot ang pagsasalita nito. Para itong nakakulong sa isang malaking baul. Umaalingawngaw sa buong kwarto ang mga inuusal nitong salita!
Mariin na napapikit si Jenny upang hindi na niya makita ang nakakatakot na anyo ng lalaki na nagmula sa kulay pulang dingding.
"Gio!!!" isa pang malakas na pagtili ang pinakawalan niya nang may maramdaman siyang malamig na kamay na humawak sa magkabila niyang balikat.
"Jenny! Gising! Gising!"
Saka lang nagmulat ng mata si Jenny nang marinig niya ang boses ni Gio na tinatawag siya. "G-gio!" at umiiyak na yumakap siya kay Gio nang mapagtanto niya na ito pala ang yumuyugyog sa kanyang balikat.
Nang igala niya ang tingin niya sa buong kwarto ay bumalik na sa normal ang kulay ng mga dingding, kisame at sahig.
"Ano bang napanaginipan mo at sumisigaw ka?" Nag-aalala nitong tanong.
"Hindi ako nananaginip, Gio! 'Yong dingding... Iyong pula sa dingding... k-kumalat!"
Bahagyang lumayo si Gio sa kanya habang hawak siya sa magkabilang balikat nito. Tila tinatantiya nito kung totoo ba ang sinasabi niya. "Anong sinasabi mo?" anito. Sinulyapan din nito ang pulang dingding.
"Tapos, may lalaking lumabas d'on sa dingding!" nanginginig pa niyang dugtong. Wala na siyang pakialam kung paniwalaan ba siya nito o hindi. Ang importante ay masabi niya dito ang nasaksihan ng kanyang mga mata.
Napailing si Gio. "Jenny, nananaginip ka lang. Look, hindi kumalat iyong pula sa dingding. Isang dingding lang ang may kulay pula sa kwartong ito. At iyon 'yon," sabay turo nito sa dingding na may kulay pula.
Itinulak niya si Gio at isinubsob ang kanyang mukha sa kanyang mga palad. Doon siya umiyak nang umiyak. "Kailan mo ba ako papaniwalaan, Gio? Kailan?! Kpag ba namatay na ako sa sobrang takot?!" Puno ng hinanakit na sabi ni Jenny,
"Jenny, gusto man kitang paniwalaan pero... napakaimposible kasi ng sinasabi mo, eh."
Tinapunan niya ito ng tingin. "At anong gusto mong sabihin, ha? Na gumagawa lang ako ng kwento? Na baka nababaliw na ako?!" Tumayo siya at kinuha sa drawer ang family picture na nakita niya. Ipinakita niya iyon kay Gio. "Sila! Sila ang dating nakatira sa bahay na ito at sila rin ang mga multong nakikita ko dito. Hindi ko alam kung bakit nila ko tinatakot! Hindi ko alam kung bakit sila nagpapakita sa akin!" At muli siyang napahagulhol ng iyak habang tinitingnan ni Gio ang litratong inabot niya dito.
"Sige... Kung gusto mo ay hihingi tayo ng tulong sa mga taong may alam sa mga ganitong bagay..." ani Gio sa kanya.
Hindi alam ni Jenny kung naniniwala na ba sa kanya si Gio o baka sinabi lang nito iyon upang tumigil na siya sa kanyang pag-iyak.