CHAPTER 09- Last Part

1966 Words
NAALIMPUNGATAN na naman si Jenny ng gabing iyon. Eksaktong alas-onse na ng gabi. Nagising na naman siya na wala sa tabi niya ang kanyang asawa na si Gio. Akmang aalis na siya sa kama nang matigilan siya dahil ang pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa sa silid na iyon. Malakas ang kanyang pakiramdam... may kasama siya! Pagtingin niya sa pintuan ay nakita niya na nakatayo doon si Gio. Nakatingin ito sa kanya habang walang mababakas na emosyon sa mukha nito. "Gio? Anong ginagawa mo diyan?" Tumayo si Jenny upang lapitan ang kanyang asawa. Binuksan niya ang ilaw sa kanilang kwarto at bahagya siyang natigilan nang mas maigi niyang makita ang hitsura ni Gio. Nanlilisik ang mga mata nito. Tila nagbabaga sa poot na bumabalot doon. Ang buong katawan nito ay puno ng pasa na nagkukulay ube na. "A-anong nangyari sa iyo?" nag-aalala niyang tanong. Ngunit nang lalapitan na niya ito ay isang palakol ang inilabas nito mula sa likuran nito. "Sa wakas! Nagbalik ka na, Mara. Papatayin kita!" Galit na galit na sigaw ni Gio sa kanya. Parang ibang tao na ito! Biglang natigilan si Jenny. Parang pamilyar sa kanya iyong eksena kung saan inilabas ni Gio ang palakol mula sa likod nito. Sumasakit ang kanyang ulo. Naguguluhan na napaatras siya at hindi sinasadyang napalingon siya sa kanyang kanan na bahagi. Doon ay nakita niya ang isang salamin. At sa salamin ay kitang-kita niya ang repleksiyon ng isang duguang babae. "Ahhh!!!" Malakas na tili ni Mara sa sobrang takot. ----- "KAMBAL-TUKO! Kambal-tuko!" Tinakpan ni Lara ang tenga ng kanyang kakambal na si Mara habang panay ang pambubuska ng mga kalaro nila. Oo, kamabal-tuko... Iyan ang bansag sa kambal na sina Mara at Lara dahil magkadikit ang kanilang mga tiyan. Ganoon na sila simula nang sila ay isilang. Magkadikit hanggang sa dose-anyos na sila. "Huwag mo na lang silang pansinin, Mara. Umuwi na lang tayo," ani Lara sa kapatid. Ngunit nang mag-edad na sila ng kinse ay isang mayaman na mag-asawa ang naawa sa kanilang kondisyon. Kaya naman sa tulong ng mga ito ay naoperahan sila at napaghiwalay. At sa paghihiwalay nilang iyon ay siya ring paghihiwalay ng kanilang loob dahil sa iisang lalaki. Si Homer na kababata nila. Mas pinili ni Homer si Mara. Nagpakasal sila at nagkaanak... si Tanya. MULING tumingin si Jenny sa salamin. Naroon pa rin ang repleksiyon ng isang duguan na babae. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang unti-unting naglaho roon ang nakakakilabot na imahe. "M-mara... Kakambal ko?" Mga salitang lumabas mula sa kanyang bibig na kahit siya ay hindi sigurado kung tama ba ang kanyang sinabi. Ngunit sa nakita niya sa kanyang isipan ay maaaring ang babaeng nagpapakita sa kanya sa salamin ay si Mara na kakambal niya. At siya ay si Lara! At ang peklat niya sa kanyang tagiliran ay dulot ng operasyon nang paghiwalayin sila ni Mara. Ngunit bakit wala siyang maalala sa kanyang nakaraan na kahit na ano? "Sa wakas! Makakasama na kita sa bahay na ito, asawa ko! Mara!" Nanlilisik ang mga mata ni Gio. Habang papalapit ito sa kanya ay tila nag-iiba ang mukha nito. Isang mukha ng lalaki na pamilyar sa kanya... Si Homer! "Homer?!" bulalas niya. "Ako nga, asawa ko!" Hindi ito maaari. Mukhang nakasanib sa katawan ng kanyang asawa ang kaluluwa ni Homer na asawa ni Mara! Mariin na umiling si Jenny. "Hindi!!! Umalis ka sa katawan ng asawa ko!!! Demonyo ka!" Sumugod sa kanya si Gio gamit ang palakol. Malakas siyang napatili nang hatawin siya nito nang palakol. Mabuti na lamang ay nakayuko siya agad at ang dingding lang ang tinamaan ni Gio. Mabilis na gumapang si Jenny. Pagtayo niya ay naramdaman niya ang pagsabunot sa kanya. "Bitiwan mo ako!" pagwawala pa niya. Kinaladkad siya ni Gio habang hawak nito ang kanyang buhok. Sa wari niya ay nagdurugo na ang kanyang anit sa sobrang higpit ng pagkakasabunot doon nito. Marahas siyang iniharap nito sa kulay pulang dingding. "Nakikita mo ba iyan, ha, Mara?!" Halos ipagduldulan na nito ang mukha niya sa dingding. "Dugo ko ang kulay pulang iyan sa dingding na iyan! Pinaligo mo diyan ang dugo ko nang patayin mo ako! Natatandaan mo ba, ha?!" puno ng poot ang boses nito. "Wala akong alam sa sinasabi mo! At hindi ako si Mara! Ako si Lara, ang kakambal niya!" Hindi nito pinansin ang kanyang sinabi, bagkus ay tinawanan lang siya nito. Takot na takot na si Jenny nang mga oras na iyon. Kailangan niyang makatakas mula kay Gio na nilulukuban ng kaluluwa ni Homer. Kailangan niyang humingi ng tulong! "Wala? Eh, ang pagpatay mo sa anak natin at pagpatay mo sa lola ko na inilagay mo ang bangkay sa kisame, naaalala mo ba?!" Inipon lahat ni Jenny ang kanyang lakas at malakas niyang siniko si Gio. Hindi niya alam kung saan ito tinamaan ngunit napatras ito. "Samahan mo ako sa impyerno, Mara!!!" sigaw ni Gio. "Hindi ako si Mara!!!" sigaw din niya at malakas niya itong itinulak. Nawalan ng balanse si Gio at nagtuloy-tuloy ang pag-atras nito dahil sa lakas ng kanyang pagkakatulak. Tumilapon ito sa may bintana at nahulog ito doon. "Gio!!!" Malakas na sigaw niya. Umiiyak na dinungaw niya ito at nakita niya na walang malay itong nakahandusay sa may lupa. Hindi naman ganoon kataas ang binagsakan nito ngunit alam niyang maaaring mamatay ito. Diyos ko! Ano ba itong nagawa niya sa kanyang asawa? Nagmamadali na bumaba si Jenny at lumabas ng bahay. Hindi maganda ang pagkakabagsak ni Gio. Kilangan niya itong madala s ospital dahil baka kung ano pa ang mangyari sa dito. Bakit ba kasi nangyayari ito sa kanila? Marahil, ang akala ng multo ng asawa ng kakambal niya ay siya si Mara. Hindi man sila magkamukha ni Mara ay magkakambal naman sila. At ayon sa pagkakaalam niya, ang magkakambal ay magkadugtong habangbuhay! Ngunit ganoon na lamang ang pagtataka ni Jenny nang paglabas niya ay hindi niya natagpuan doon ang katawan ni Gio. Paglingon niya sa kanyang likuran ay malakas siyang napasigaw nang makita niya doon si Gio. "Magsasama na tayo sa impyerno, Mara!" sigaw ni Gio. Muling napasigaw si Jenny nang makita niyang hahatawin siya nito ng palakol. Mabuti na lamang at nakaiwas siya. Inipon ni Jenny ang lahat ng laks niya. Hindi siya pwedeng panghinaan ng loob! Tumakbo siya papasok sa loob ng bahay at agad na ini-lock ang pinto. Kailangan niyang humingi ng tulong. Agad niyang tinungo ang telepono at natagpuan niya ang kanyang sarili na dina-dial ang numero ng telepono sa bahay ng nanay ni Gio. "Hello? Mama! Tulungan niyo ako! Si Gio! Si Gio!" agad na sabi niya habang umiiyak nang may sumagot sa kabilang linya. "Jenny?! Ano bang pinagsasabi mo?" sabi ng nanay ni Gio sa kabilang linya. Biglang nakaramdam si Jenny ng panlalamig sa kanyang dalawang binti. Lamig na hindi pangkaraniwan! Nang tumingin siya sa kanyang binti ay malakas siyang napasigaw nang makita niya na isang batang babae at isang matandang babae ang nakayakap sa tig-kabila niyang binti. Nakatingin sa kanya ang mga mata ng mga iyon. Nanlilisik at namumula! "Layuan niyo ako! Tigilan niyo na ako!!!" sigaw niya at nabitiwan niya ang hawak na telepono. "Mara! Papasukin mo ako!" boses iyon ni Gio mula sa labas ng bahay. Kasabay n'on ay ang paghampas ni Gio sa pintuan sa pamamagitan ng palakol. Biglang bumukas ang pintuan. Tumakbo si Jenny paakyat sa hagdan nang makita niyang nabuksan ni Gio ang pinto, ngunit naabutan siya nito sa may gitna ng hgdan. Nagpambuno silang dalawa dahil sa papalakulin na naman siya nito. Sa kanilang pagpapambuno ay kapwa sila nawalan ng balanse dahilan para magpagulong-gulong sila paibaba ng hagdan! Makailang beses na naramdaman ni Jenny ang pagtama ng kanyang ulo kung saan-saan. Hanggang sa tuluyan nang tumigil ang pag-inog ng kanyang mundo. Kadiliman. ----- MARAHANG iminulat ni Jenny ang kanyang mga mata. Nanlalabo pa ang kanyang paningin kaya makailang ulit na ipinikit at iminulat niya ang kanyang mga mata hanggang sa maging normal na ang lahat. Bigla niyang naalala si Gio kaya naman napabalikwas siya ng bangon. "Gio!" tawag niya sa pangalan ng kanyang asawa ngunit agad siyang napabalik sa pagkakahiga nang makaramdam siya ng kirot sa iba't-ibang parte ng kanyang katawan. Oo nga pala, ang huli niyang natatandaan ay nang magpambuno sila ni Gio sa hagdan at kapwa sila nahulog doon. Ipinikit niyang muli ang kanyang ulo. At sari-saring imahe ang biglang nagsulputan sa kanyang balintataw. May isang babae daw na walang awa na sinasaksak ang isang bata habanag nasa kama ang huli. Tapos may mag-asawang nag-aaway. Nakakuha ng palakol iyong babae at pinalakol ng babae ang asawa nito sa balikat. Naukab ang balikat ng lalaki at sumirit doon ang masaganang dugo. Inagaw ng lalaki sa babae ang palakol at nahagip ng lalaki ang babae sa gilid ng tiyan nito. Muling naagaw ng babae ang palakol at hinataw nitong muli ang lalaki sa tiyan! Gumapang ang lalaki hanggang sa maabutan ito ng babae. Sunud-sunod na pinalakol ito ng babae hanggang sa halos durog-durog na ang parte ng katawan nito! Tila nababaliw na tumawa ang babae habang pinapahid nito sa dingding ang dugo ng sarili nitong asawa. Ang sunod na eksena na nakita ni Jenny sa kanyang isip ay isang matandang babae naman daw ang sinasakal n'ong babae. At nang wala ng buhay ang matanda ay inilagay ito ng babae sa kisame. Matapos iyon ay nakita ni Jenny na tumatakbo iyong babae. Tumakbo ito papalayo sa bahay hanggang sa silawin ang babae ng liwanag na nagmumula sa headlight ng isang kotse... ----- "PATHOLOGICAL lying. Iyan ang nakikita kong disorder ni Jenny matapos ko siyang obserbahan..." paliwanag ni Dr. Theo kay Gio. Isang linggo na ang nakakalipas simula nang maospital sila ni Jenny. Basta ang natatandaan niya ay nagising na lamang siya na nakahandusay silang dalawa ng kanyang asawa sa ibaba ng hagdan. Duguan ang ulo ni Jenny kaya isinugod niya ito agad sa hospital. Wala siyang matandaan na kahit na ano kung bakit nangyari sa kanila iyon. Hanggang ngayon ay comatose pa rin si Jenny sa ospital. "Ano naman iyon?" tanong niya sa kaibigang psychiatrist. "Isang uri ng personality disorder kung saan nakakaranas ang isang tao ng false memory syndrome. Pinapaniwalaan niya na totoong nangyayari ang mga kasinungalingan na kanyang sinasabi. Iyong mga sinasabi niyang lalaki, matandang babae at bata na nakikita niya sa inyong bahay ay maaring isa lamang na kasinungalingan... Iyan ang mahirap, eh. Nagtiwala ka agad sa taong nakita mo lang sa kalsada, Gio!" Nasapo ni Gio ang kanyang noo. "Hindi kaya mas makakabuti na ialis ko na si Jenny sa bahay na iyon?" "Maaring makatulong iyon. Maaring hindi..." sagot sa kanya ni Dr. Theo. ----- "JENNY, tara na!" Napalingon si Jenny kay Gio na nakasakay na sa kotse nila. Ngayon ang araw kung saan aalis na sila sa bahay na iyon kung saan nakaranas siya ng samu't-saring kababalaghan. Sa isang condo unit na binili ni Gio sila lilipat. Hindi na rin sila pinapakialaman ng nanay nito dahil tila itinakwil na nito si Gio. "Jenny! Let's go..." muling tawag ni Gio sa kanya ngunit nanatili siyang nakatingin sa bahay. Hindi. Hindi siya si Jenny. Hindi rin siya si Lara na kakambal ni Mara. Siya ay si Mara, ang asawa ni Homer. Lihim na napangiti si Jenny sa kanyang sarili. Tinalikuran na niya ang bahay at naglakad palapit kay Gio. Marami siyang bagay na pinapaniwalaan. Mga kwentong hinabi ng kanyang malikot na imahinasyon at pinaniwalaang totoo iyon! Wala siyang kakambal. Walang Lara! Hindi totoong wala siyang naalala sa kanyang nakaraan. May mga alaala lang na sadyang dapat lang na ibaon na sa limot upang mabuhay siya ng tahimik sa kasalukuyan. Pumasok na si Jenny sa kotse. Sa huling pagkakataon ay sinulyapan niya ang bahay. Naramdaman niya ang pagpisil ni Gio sa kanyang kamay. Tumingin siya dito at ngumiti. Hindi na kailangan pang malaman ni Gio kung sino siya... W A K A S!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD