CHAPTER 02- Old Lady

1390 Words
YUKUNG-YUKO si Jenny habang papalabas siya ng bahay nina Gio. Paano kasi ay nasa bungad ng pintuan ng bahay ang nanay ni Gio na si Helena. Nakataas ang kilay nito at nakasimangot. Inilalagay na kasi nilang dalawa ni Gio ang mga gamit nila sa van upang dalhin sa kanilang bagong bahay. Buong linggo ay may mga tao silang inupahan upang ayusin ang mga sira sa bahay. Pininturahan at nilinis na rin ang bahay na kanilang lilipatan. Naroon na rin ang mga gamit nila. Ang tanging kulang na lamang ay mga personal na mga gamit nilang mag-asawa. "Hindi ko alam kung anong mahika ang ginawa mo, Jenny, at napapayag mo ang anak ko na umalis sa bahay namin na ito. Bata pa lang si Gio ay pinangarap ko nang habang buhay ko siyang makakasama dito. But you ruined my dream! Mas lalo mong ginawang miserable ang buhay ko dito, mas lalong miserable kesa sa pagkamatay ng daddy ni Gio!" Kahit na hindi pagalit ang tono ng kanyang biyenan ay alam niyang nagpupuyos ang damdamin nito sa kanya. "'Ma, kung iniisip niyo na inaagaw ko sa inyo si Gio, nagkakamali po kayo. Opo, aalis siya dito pero alam kung ang puso niya ay nandito pa rin sa bahay kung saan siya lumaki," sabi niya. "Hindi ang puso ni Gio ang gusto kong makasama dito kundi siya mismo. Inggrata!" Hindi na siya nagsalita dahil paniguradong hindi naman siya papakinggan nito tulad ng dati. Siya lagi ang mali at wala sa katwiran para dito. Kahit minsan ay hindi niya naalala na umayon ito sa kanya. Maya-maya ay pumasok na si Gio. Kinuha nito ang bitbit niyang kahon. "May gamit pa ba tayo sa loob, Jenny?" tanong ni Gio sa kanya. "Wala na, Gio..." sagot ko. Humarap si Gio sa ina at kinausap ito. "'Mommy, aalis na po kami ni Jenny. Mag-iingat po kayo dito, okey?" Akmang hahalikan ni Gio ang ina sa pisngi nang ipaling nito sa kaliwa ang mukha bilang pag-iwas. Hindi naituloy ni Gio ang paghalik sa ina. "Kung aalis na kayo, umalis na lang kayo!" masungit nitong turan at iniwan na sila nito. Nagkatinginan na lang sila ni Gio. Nagkibit-balikat at inilagay na nila sa kanilang van ang huling kahon ng kanilang mga gamit. ----- WALANG pagsidlan ng saya si Jenny nang sa wakas ay maayos na niya ang master's bedroom sa kanilang bagong bahay. Ganito pala ang pakiramdam kapag sariling bahay mo na ang inaayos mo, walang pagsidlan ang kanyang kaligayahan. Laking pasasalamat na rin niya at nagkaroon siya ng asawang tulad ni Gio. Napakabait nito at sa loob ng isang taon pa lang na pagsasama nila ay hindi siya nito binigyan ng kahit na anong problema. Kung meron mang "perfect husband" ito na siguro iyon. Napangiti siya nang mula sa kanyang likod ay may yumakap sa kanya. "Mr. Gio Karlo Birondo!" nangingiti niyang tawag sa buong pangalan ng kanyang asawa. "Mrs. Jenny Paraiso- Birondo!" ganting tawag ni Gio sa kanya. "Kumusta naman ang pag-aayos mo sa ating magiging kwarto?" Umikot si Jenny upang makaharap ang kanyang asawa. "Perfectly fine! Sobrang nag-enjoy ako, Gio. Kaya lang parang gusto kong ipabago iyong pintura na kulay pula doon sa dingding na iyon..." aniya. At itinuro niya sa kanyang asawa ang dingding sa may tapat ng paanan ng kanilang kama. Kapansin-pansin ang kalat-kalat na parang kulay pulang pintura doon. Halos masakop na ng pulang pintura ang bahaging iyon ng dingding. Ang pangit lang kasi sa paningin dahil sa parang hindi inayos ang pagkakapintura. May pagtataka na nilapitan ni Gio iyong dingding. Sumunod siya dito. Pinadaanan ni Gio ng mga daliri nito ang mga markang pula. "Pintura ba talaga ito?" tanong ni Gio. "Hindi ko alam, Gio," sagot niya. Kulay light blue kasi ang pintura ng buong kwarto nila pero ito lang ang parte ng dingding na may ganoon na marka. "Saglit lang at tatawagan ko iyong nag-ayos dito sa bahay..." ani Gio. Kinuha nito ang cellphone at nag-dial. Maya-maya ay ibinaba na nito ang parato at muling isinilid sa bulsa nito. "Anong sabi sa iyo?" tanong niya. "Ang sabi sa akin, nakita nga daw nila ang kulay pulang iyan sa dingding pero ayon sa kanila ay pinatungan na nila iyan ng pintura..." Muli siyang napatingin sa dingding na kulay pula. "P-pero bakit nandiyan pa rin iyan kung pininturahan na nila?" nagtatakang tanong ni Jenny. Hindi niya alam pero nakaramdam siya ng kilabot sa ginawa niyang pagtitig sa dingding na iyon. ----- MAG-ISA lang ng araw na iyon si Jenny sa bahay nang maisipan niyang ipagluto ng tanghalian si Gio. Pupunta siya mamaya sa opisina nito mamaya upang dalhan ito ng makakain. Tutal naman ay wala siyang ginagawa at medyo naiinip na rin naman siya. Paborito ni Gio ang menudo kaya iyon ang naisipan na Jenny na lutuin. Nasa kusina siya at naghihiwa ng carrots nang makarinig siya ng pagkalampag sa may kisame. Kahit nasa ibaba siya ay dinig na dinig niya ang ingay sa kisame sa second floor ng kanilang bahay. Napatingala siya at nakiramdam. Wala na ulit siyang narinig kaya naman inakala niya na baka ay daga lamang iyon. Naghihiwa na ulit siya nang muli niyang marinig ang pagkalampag sa kisame. Sa pagkakataong iyon ay parang may taong naglalakad doon. Bahagya siyang nakaramdam ng takot. Mag-isa pa naman siya. Labis ang gulat ni Jenny nang makarinig siya ng malakas na pagsara ng pinto sa ikalawang palapag. Doon na talaga siya natakot. Mabilis niyang kinuha ang kanyang cellphone at tinawagan si Gio. Mabuti na lang at agad iyong sinagot ng kanyang asawa. "Hello, Gio---" "Hello, Jenny. Ah, mamaya ka na lang tumawag, nasa meeting kasi ako. I love you. Bye!" "Pero, Gio---" Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil naputol na ang kabilang linya. Muli siyang napapitlag nang may kumalampag na naman sa second floor. Huminga siya nang malalim upang kahit papaano ay mapakawalan ang tensiyon at takot sa kanyang dibdib. Kailangan niyang lakasan ang kanyang loob! Hinawakan niya nang mahigpit ang kutsilyo at pumunta siya sa itaas. Una niyang chi-neck ay ang kwarto nila. Walang bakas na may nakapasok na ibang tao doon. Kasunod na tinungo niya ay ang kwartong kalapit ng kwarto nila na ginawa nilang tambakan ng kanilang mga gamit. Wala rin siyang kakaibang napansin doon. Marahil ay pusa lamang iyon o malaking daga. Masyado naman niyang tinatakot ng kanyang sarili. Isinara na ni Jenny ang pinto ng kwartong iyon. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang pagkahilakbot nang makita niyang may isang matandang babae na nasa kanyang likuran. Sa tantiya niya ay apat na talampakan lamang ang taas nito at napakadumi ng suot nitong kulay puting bestida. Payat ito at nakakatakot ang hitsura! Malakas siyang napasigaw nang bigla siyang yakapin ng matanda. Sa sobrang takot ni Jenny ay bigla siyang nawalan ng malay-tao. ----- NAGISING si Jenny na nakahiga na siya sa kama at nasa tabi niya si Gio. May pag-alala sa mukha ng kanyang asawa. Agad siyang bumalikwas ng bangon at mahigpit na yumakap dito. "G-gio! Salamat sa Diyos at nandito ka na!" umiiyak na turan niya. Paano kasi ay naalala na naman niya iyong nakita niyang nakakatakot na matandang babae. Talagang nakakakilabot ang hitsura nito lalo na ang paraan ng pagkakatingin nito sa kanya. Parang kahit ipikit niya ang kanyang mga mata ay nakikita pa rin niya ang anyo ng matandang babaeng iyon! "Ano bang nangyari, Jenny? Bakit nakita kitang walang malay? Mabuti na lamang at umuwi ako kaninang tanghali baka kung ano pa ang nangyari sa'yo! Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may nangyaring hindi maganda sa iyo, Jenny!" Puno ng pag-aalala na sabi sa kanya ni Gio. Mas lalong ipinagsiksikan ni Jenny ang kanyang sarili sa asawa. Pakiramdam niya ay nakaramdam siya ng kaligtasan sa mga bisig nito. "Gio! Umalis na tayo dito! A-ayoko na dito!" May pagtataka na inilayo siya ni Gio at tiningnan siya nito sa kanyang mga mata. "Ha? Ano bang pinagsasasabi mo, Jenny?" "May multo sa bahay na ito, Gio!" "Multo?" "Oo! Totoo! M-may nakita akong matandang babae! Nakakatakot siya!" nanginginig na sambit pa niya. Muli siyang niyakap ni Gio. "Siguro ay stressed ka na naman, Jenny. Sa weekend, sasamahan kita sa doktor mo, okey?" "'Wag mo akong iiwanan, Gio. Natatakot ako..." "Hinding-hindi kita iiwan..." sagot sa kanya ni Gio. Hinigpitan pa niya ang pagkakayakap sa asawa. At hindi sinasadyang napatingin siya sa kulay pulang dingding na iyon sa kanilang kwarto...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD