CHAPTER 03- Knock! Knock!

1429 Words
"OH, narinig mo ba ang sinabi ng psychiatrist mo, Jenny? Stress ka na naman. 'Di ba, ang sabi ko sa iyo ay huwag kung anu-ano ang iniisip mo?" Tiningnan ni Jenny si Gio na nagda-drive ng kotse. Kakagaling lang nila sa clinic ng psychiatrist na kaibigan ng family ni Gio. "Pero wala naman akong iniisip, Gio. Maniwala ka naman sa akin. May matandang babae akong nakita. Yumakap pa nga siya sa akin kaya nawalan ako ng malay!" giit niya. "Jenny... Kahit hindi mo sabihin, alam kong iniisip mo pa rin ang hindi niyo pagkakasundo ng Mommy. Kaya nga ako nagpursige na makapag-ipon para sa bahay natin kasi ang gusto ko ay mailayo kita sa nanay ko. Ayoko kasi na kinakawawa ang pinakamamahal kong babae," at ngumiti pa ito sa kanya. Napangiti na rin siya sa sinabi ng asawa. Nakakakilig kasi ang sinabi ni Gio. Ang sweet talaga nito! Ibinaling na lang ni Jenny ang paningin sa dinaraanan nila. Marahil nga ay masyado lang ang pag-iisip na ginagawa niya. Isa pa ay baka epekto lang din iyon ng pagod niya sa pag-aayos sa nilapatan nilang bahay. "Ah, Jenny, daan muna tayo sa gasoline station. Kailangan kong mag-CR..." untag sa kanya ni Gio. "Sure. Walang problema..." aniya. Kaya nang may madaanan silang gasolinahan ay agad na nag-stop over muna sila doon. Halos takbuhin ni Gio ang public restroom ng gasolinahan pagkababa nito ng kotse. Natatawa na lang sa sarili na sinundan niya ito ng tingin. Lumabas na rin si Jenny ng kotse upang makasagap ng sariwang hangin. "Ineng, bilhin mo na naman itong tinitinda kong basahan." Labis na nagulat si Jenny nang hindi niya namalayan ang paglapit sa kanya ng isang matandang babae na nagtitinda ng basahan. May awa na humaplos sa kanya nang makita niya ang tuyo at payat nitong katawan. "Sige po, Lola. Magkano po bang lahat ng basahan niyo?" nakangiti niyang tanong. "Bibilhin mong lahat, ineng?" hindi makapaniwalang tanong nito. Tumango siya. "Opo, Lola. Magkano po ba?" "Isangdaan piso lahat..." Kinuha ni Jenny ang kanyang wallet sa nakasukbit na shoulder bag. Humugot siya doon ng limandaang piso at inabot sa matanda. "Wala akong panukli dito, ineng." "Sa inyo na pong lahat iyan, Lola!" Mangiyak-ngiyak na tinanggap ng matanda ang pera. "Salamat! Salamat, ineng! Maibibili ko na rin ng gamot ang asawa ko! Pagpalain ka nawa ng Panginoong Diyos!" anito. Sa pagkuha ng matanda sa pera ay nahawakan nito ang kamay niya. Labis ang pagtataka niya nang bigla itong pumikit. Bigla nitong hinawakan ang isa niyang kamay ng dalawa nitong kamay. Nang imulat nito ang mga mata ay mabilis itong nagsalita. "Mag-iingat ka sa bagong bahay niyo!" anito sa mababang tono. Nahihintakutan na binawi niya ang kanyang kamay sa matanda. "P-papaano niyo nalaman na may bago kaming bahay?" nagtataka pa niyang tanong sa matanda. "Isa akong manghuhula, ineng," deklara nito. "Mag-iingat ka dahil kahit hindi mo sila patuluyin ay gagawa at gagawa sila ng paraan para makapasok! Huwag na huwag mo silang pagbubuksan ng pintuan kapag sila ay kumatok! Huwag na huwag kayong mag-iiwan sa labas ng bagay na pag-aari niyo dahil gagamitin nila iyon upang pagbuksan niyo sila!" "H-hindi ko po kayo maintindihan..." naguguluhan niyang turan. Dahil sa kinikilabutan siya sa pinagsasabi ng matanda ay pumasok na siya ulit sa kotse matapos niyang makuha ang mga basahan. Maya-maya ay dumating na rin si Gio. "Oh, bakit parang namumutla ka yata?" puna sa kanya ni Gio. "May nangyari ba?" "W-wala," tanggi niya. "Umuwi na lang tayo..." "Okey." Nang papaalis na sila ay tiningnan niyang muli ang matanda. Naroon pa rin ito at parang hinahatid sila ng tanaw... ----- NAPAILING si Jenny nang makita niya na tuloy-tuloy sa pagpasok si Gio sa kanilang bahay. "Gio!" tawag niya dito. "Lumapit ka nga sa akin," aniya. Hindi pa rin siya pumapasok sa loob ng bahay. "Bakit?" tanong ni Gio pagkalapit sa kanya. "Hindi ba at lagi kong pinapaalala sa iyo na iwanan mo ang tsinelas mo dito sa labas ng bahay? Ang hirap-hirap kayang maglinis!" kunwari ay naiinis na turan niya. Nginitian siya ni Gio. "Opo!" At hinubad na nga nito ang tsinelas. Pagkapasok ni Gio sa loob ng bahay ay hinubad na rin niya ang kanyang tsinelas at pumasok na sa loob. Nang nasa loob na siya ng bahay ay iginala niya ang kanyang paningin sa bawat sulok ng buong kabahayan. Pinakiramdaman niya ang paligid. Wala naman siyang kakaibang nararamdaman. Huminga nang malalim si Jenny. Ipinilig niya ang kanyang ulo at sinundan si Gio sa kanilang kwarto. ----- ALAS-TRES ng madaling araw. Iyon ang sabi ng digital clock nang maalimpungatan si Jenny. Kahit na hindi mainit ay pinagpapawisan siya. Tiningnan niya si Gio. Patagilid itong nakahiga at mahimbing na natutulog. Gusto sana niya itong gisingin pero naisip niya na may pasok pa nga pala ito bukas. Umayos na ulit siya ng higa at muling ipinikit ang mga mata. Ngunit iminulat niyang muli ang kanyang mga mata nang makarinig siya ng pagkatok sa kanilang main door. Sino naman ang pupunta sa kanila ng ganitong oras? Imposible naman na kapitbahay nila dahil sa medyo malayo-layo ang susunod na bahay sa kanila. Marahil ay nagkamali lang siya ng pandinig. Ipinikit na lang niyang muli ang mga mata. Tok! Tok! Tok! Ang tatlong katok na iyon ang muling nagpamulat sa mga mata ni Jenny. Bumalikwas siya ng bangon at niyugyog si Gio upang gisingin ito. "Gio, gising. May tao yata sa labas..." Umungol lang si Gio at tinalikuran siya. Mukhang ayaw nitong magpaistorbo sa pagtulog. Tok! Tok! Tok! Ayon na naman ang pagkataok! Hindi niya alam ngunit parang may mga naghahabulang daga sa kanyang dibdib ng oras na iyon. Tumayo siya at binuksan ang kanilang bintana upang tingnan kung sino ang tao sa labas. Pagtingin niya ay may nakita siyang lalaking nakatayo sa harap ng main door nila. Dahil sa nasa second floor siya at mataas ang kinaroroonan niya ay hindi niya makita ang mukha nito. Pero sigurado siyang lalaki ito. May isa pa ngang maleta sa tabi nito. "Sino 'yan?!" pasigaw na tanong niya. Hindi ito sumagot. Bagkos ay muli itong kumatok ng tatlong beses. "Sino ka ba?!" Kumatok itong muli. "Hindi kita pagbubuksan kung hindi ka magpapakilala!" aniya. Kinakabahan na siya. Nakakatakot ang kinikilos ng lalaking iyon. Ganoon na lang ang pagtataka niya nang biglang yumukod ang lalaki at kinuha nito ang tsinelas niya. Inilapit nito ang tsinelas niya sa bibig at parang may kung anong ibinubulong ito doon! Hindi niya alam ngunit biglang humakbang ang kanyang mga paa palayo sa bintana. Tila may sariling isip ang kanyang mga paa na kahit anong pigil niyang ihakbang iyon ay hindi niya magawa! "G-gio!" nahihintakutan niyang tawag sa asawa ngunit hindi ito matinag sa pagkakatulog nito. "Gio!!!" mangiyak-ngiyak niyang sigaw nang pabilis na nang pabilis ang kanyang paghakbang palabas ng kanilang kwarto. Nang pababa na siya ng hagdan ay kumapit siya sa barandilya. Ngunit mas malakas ang kanyang mga paa kaya humulagpos ang pagkakahawak niya doon. Hanggang sa makababa na siya ng hagdan. Doon niya naalala ang sinabi n'ong matanda na nakausap niya kanina... 'Huwag na huwag kayong mag-iiwan sa labas ng bagay na pag-aari niyo dahil gagamitin nila iyon upang pagbuksan niyo sila!' Maya-maya nga ay wala na siyang nagawa nang nasa harapan na siya ng nakapinid nilang pintuan. Gustong-gusto niya na tumakbo pabalik sa kanilang kwarto ngunit hindi niya magawang maiangat ang kanyang mga paa. Tila may nag-uutos sa mga iyon na manatili lang doon. Pinagpapawisan na siya sa sobrang takot. Halos naririnig na niya ang sariling pagkabog ng kanyang dibdib. Namayani ang katahimikan. Tok... Tok... Tok... Napapitlag si Jenny sa tatlong mababagal na katok na iyon. "S-sino 'y-yan?" Kulang sa tapang ang kanyang boses. Nanginginig na siya at alam niyang anumang oras ay baka mawalan na naman siya ng ulirat. "Papasukin mo ako..." Nakakatakot ang boses ng lalaking nasa labas. Parang nanggagaling sa ilalim ng lupa. "A-ayoko!" sigaw niya. "Pagbuksan mo ako..." Hindi alam ni Jenny ngunit pati yata ang kamay niya ay may sarili ng isip. Inabot niya ang seradura ng pintuan at pinihit iyon. Hinila niya ang pinto at nang tuluyan na niyang mabuksan ang pintuan ay labis ang kanyang takot nang sumalubong sa kanya ang isang lalaki na hawak ang kanyang tsinelas at binubulungan iyon ng: "Papasukin mo ako. Papasukin mo ako." Paulit-ulit na inuusal iyon ng lalaki. Tumigil lang ito sa pagbulong sa tsinelas niya nang pagbuksan na niya ito. Hindi makita ni Jenny ang mukha ng lalaki dahil sa madilim. "S-sino ka?" tinapangan na lang niya ang kanyang sarili nang tanungin niya ito. Imbes na sumagot ay bigla siyang sinugod ng lalaki ng sakal. "Gio!!!" tili niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD