CHAPTER 04- Beaten Up

1961 Words
"JENNY?!" Agad na napabalikwas ng bangon si Gio nang marinig niya ang pag-sigaw na iyon ng kanyang asawa. Pagtingin niya sa kanyang tabi ay wala na roon si Jenny. Bigla siyang kinabahan! "Gio!!!" "Jenny!" tawag niya sa pangalan nito at nagmamadali siyang bumaba sa kama. Halos liparin na niya ang hagdan pababa nang makita niya na nakahandusay si Jenny sa sahig at nangingisay. Nag-aalala na nilapitan niya ito at agad na niyakap. "Jenny! Ano'ng nangyayari sa iyo?" tanong niya. Tila naman nahimasmasan si Jenny nang makita siya. Nang tingnan niya ang mukha nito ay bakas doon ang takot. "Gio?" anito at humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. "Ano na naman ba ang nangyari, ha?" "M-may lalaki... P-patayin niya ako!" at itinuro ni Jenny ang pintuan na nakabukas. May pagtataka na tiningnan niya ang itinuturo ni Jenny. Iniwan sandali ni Gio ang asawa at sumilip sa labas ng pintuan. Sumalubong sa kanya ang malamig na simoy ng hangin na pang-gabi. Wala naman siyang nakitang kakaiba sa paligid. Walang kahit na anong kaduda-dudang bagay na naroon. Muli siyang pumasok at isinara ang pinto. Ni-lock niya iyon at muling hinarap si Jenny na ngayon ay nakatayo na. Nanginginig pa rin ito. Takot na takot. "Bakit ba kasi lumalabas ka ba ng ganitong oras?" tanong ni Gio sa asawa. Sunod-sunod na iling ang isinagot sa kanya ni Jenny. "H-hindi! Hindi ako lumabas. Kinontrol niya ako, Gio!" lumapit sa kanya si Jenny at hinawakan siya sa kanyang magkabilang braso. "Totoo iyong sinabi n'ong matanda! Huwag na huwag tayong mag-iiwan ng pag-aari natin sa labas ng bahay dahil gagamitin niya iyon upang makapasok siya!" Kumunot ang noo ni Gio. Wala siyang naiintindihan sa mga sinasabi nito. "Ano bang pinagsasasabi mo, Jenny? Sinong matanda? Sinong 'siya'?" Labis na siyang nagugulan sa mga sinasabi ni Jenny. Kung ibang tao lang siya ay baka isipin niya na nasisiraan na ito ng bait. "Siya! Iyong lalaki!" Maya-maya ay biglang nanlaki ang mga mata ni Jenny. Parang may isang nakakahilakbot na bagay itong na-realize ng mga sandaling iyon. Bigla itong nag-histerikal habang nagsasalita. "'Andito na siya! Nakapasok na siya, Gio! Pinapasok ko siya!" "Jenny, ano ba? Tumigil ka na!" pilit na pagpapakalma niya dito. "Umalis na tayo dito, Gio! Umalis na tayo!" "Jenny---" "Ayoko na dito---" Isang malakas na sampal ang pinadapo ni Gio sa kaliwang pisngi ni Jenny. Tumigil naman sa paghihisterikal si Jenny at humagulhol na lang ito ng iyak. Muli niyang niyakap ito. "Sorry, Jenny... Please, calm down..." hinaplos-haplos pa niya ito sa likod upang tuluyan itong kumalma. "Gio..." "Bumalik na tayo sa pagtulog, okey? Nananaginip ka lang." Wala na siyang narinig na pagsagot kay Jenny kundi ang mga paghikbi nito. Inalalayan niya itong mkabalik sa kanilang kwarto. Yakap-yakap niya pa rin ang kanyang asawa nang humig na sila sa kanilang kama. Bigla tuloy nagulo ang kanyang utak sa pag-iisip tungkol sa mga ikinikilos ni Jenny. Ngayon lang naman ito nangyari buhat nang lumipat sila dito sa bago nilang bahay. Gusto man niyang paniwalaan ang mga sinasabi nito na nakakakita ito ng multo ay hindi niya magawa. Siya kasi ang klase ng tao na hindi naniniwala sa mga paranormal na bagay. Ang mabuti pa siguro ay kausapin niya bukas ang psychiatrist ni Jenny... ----- "HINDI lang physically stress si Jenny kundi emotionally rin, Gio," sabi ng lalaking kaibigan na psychiatrist ni Gio sa kanya. Ito ay si Dr. Theo. "Pero nagsimula lang naman na kumilos ng ganoon si Jenny simula nang lumipat kami sa bahay na iyon. Hindi kaya... bumabalik na ang alaala niya?" tanong naman ni Gio. "Pwedeng oo, pwede rin naman na hindi. Psychiatrist nga ako, Gio, pero still, hindi ko pa rin kayang sabihin lahat ng nasa utak ng isang tao..." Natigilan si Gio. Hindi nga kaya bumabalik na ang alaala ni Jenny? Sa pag-iisip na iyon ay biglang bumalik sa kanyang alaala ang gabi kung kailan natagpuan niya si Jenny... MALAKAS ang ulan ng gabing iyon. Papauwi na si Gio sa bahay nila mula sa isang event na kanyang dinaluhan. Halos wala na siyang matanaw sa kanyang dinaraanan sa sobrang sungit ng panahon. Ayon sa narinig niya ay may bagyo yatang paparating. Hanggang sa bigla niyang natapakan ang preno nang mailawan ng headlight ng kanyang kotse ang isang bagay. Napakunot siya ng noo. Parang hindi lang iyon isang bagay kundi isang tao! Isang tao na nakahandusay sa gitna ng kalsada. Nagmamadali siyang bumaba ng kotse. Wala na siyang pakialam kahit na basang-basa na siya ng ulan. Nilapitan agad ni Gio iyong taong nakahandusay sa kalsada. Nang iharap niya ito sa kanya mula sa pagkakadapa nito ay nalaman niyang isa pala itong babae... Isang napakagandang babae... BUMALIK sa kasalukuyan ang diwa ni Gio nang tapikin siya ng kaibigan niya sa kanyang balikat. "Ano, Gio, kung gusto mo pwede nating isagawa kay Jenny ang hypnosis upang maibalik niya ang kanyang alaala," sabi ni Dr. Theo. Mariin na umiling si Gio. "Ayoko, Theo. Natatakot ako na kapag bumalik ang kanyang alaala ay iwanan niya ako. Natatakot ako sa nakaraan na meron si Jenny. Hayaan na lang natin siya na ganoon. May mga alaala talaga na hindi na kailangan pang balikan..." makahulugan niyang sagot dito. ----- KATATAPOS lamang ni Jenny sa paliligo at tanging puting tuwalya lamang ang takip niya sa kanyang katawan. Nasa harapan na siya ng malaking salamin sa kwarto nila ni Gio at nagbibihis. Tinitigan niya ang kanyang repleksiyon doon. Bigla niyang tinanggal ang tuwalya at hinayaan niyang malaglag iyon sa sahig. Mataman niyang pinagmasdan ang sariling kahubdan sa salamin. Bawat detalye ng kanyang katawan ay pinasadahan niya ng tingin. Hanggang sa mapadako ang kanyang mata sa isang pahabang peklat sa may tagiliran niya. Isang peklat na pahaba na nasa ilalim ng kanyang kili-kili pababa sa kanyang beywang. Dinama niya ng kanyang isang daliri ang peklat. Kahit anong pilit niya ay hindi niya maalala kung paano siya nagkaroon ng ganoon. Inoperahan ba siya dati sa hospital? Hindi niya sigurado. Ang totoo kasi niyan ay wala talaga siyang maalala sa kanyang nakaraan. Ang pagkakaalam lang niya ay naaksidente siya noon. Isang car accident, ayon kay Gio. Marahil ay doon niya nakuha ang peklat na iyon. Dinampot niyang muli ang tuwalya at itinakip iyong muli sa kanyang katawan. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang pagkabigla nang pagtingin niya sa salamin ay may nakita siya isang babae na may hawak na duguan palakol. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. "Ahhh!!!" Malakas na tili ni Jenny. Napaatras siya. Nang muli niyang tingnan ang salamin ay wala na roon iyong babae. Nagmamadali na nagbihis si Jenny. Unti-unti na namang bumabangon ang takot sa kanyang dibdib. Ano bang ibig sabihin ng mga nakikita niya? Malakas ang kutob niya na may kasama sila ni Gio sa bahay na ito. At hindi lang basta-basta kasama kundi mga nilalang na hindi nakikita! Papalabas na siya sa kwarto nang biglang sumara nang malakas iyong pintuan. Parang may kung anong malakas na puwersa na gumawa n'on. Labis na nagtaka si Jenny dahil imposibleng hangin ang may gawa niyon, eh, nakasarado naman lahat ng bintana nang mga sandaling iyon. Nang bubuksan na niya iyon ay may naramdaman siyang sumabunot sa kanya at hinila siya palayo sa pintuan. Bumalandra siya sa isang sulok. Hindi niya alam ang dahilan ngunit biglang dumilim nang bahagya ang kwarto nila. Papaanong nangyari iyon gayong napakataas ng sikat ng araw sa labas? Bigla siyang nakaramdam ng kakaibang lamig. Nagtaasan ang kanyang balahibo. Pinakiramdaman niya ang paligid. Pilit niyang nilalabanan ang takot na bumabangon sa kanya. Walang mangyayari kung matatakot siya. Nakarinig siya ng malalim na paghinga. Tila isang lalaki na pagod na pagod at hinihingal. Tumayo si Jenny mula sa kanyang pagkakalugmok. "S-sino ka?! Magpakita ka!" nagtatapang-tapangan niyang sigaw. Mas lalong lumamig ang paligid. Nagpalinga-linga siya nang makarinig siya nang kaluskos sa kisame. Maya-maya ay mga yabag naman ng paa ang kanyang narinig. Labis na hilakbot ang kanyang naramdaman nang mapatingin siya sa sahig. May mga bakas doon ng dugo na korteng paa at ang nakakatakot pa doon ay patungo sa kanya ang mga bakas. Ibig sabihin... nasa harapan niya ang may-ari ng mga bakas na iyon! "Ahhh!!!" Malakas na pagsigaw ni Jenny dahil sa labis na sakit nang maramdaman niya na parang may sumampal sa kanya. "Papatayin kita... Papatayin kita!" Boses ng lalaki na naririnig niya na parang dumadaan lang sa kanyang tenga. Makapanindig-balahibo ang tinig na iyon. Nakakatakot! "Umalis ka na! Lubayan mo na ako!" sigaw niya habang sapo-sapo ang kaliwang pisngi. Isang sampal pa ang naramdaman niya. Napalugmok siyang muli sa sahig. Napaiyak na sa sobrang takot si Jenny. Panay ang ikot ng mata niya sa paligid ngunit wala talaga siyang makita. Hanggang sa mapadako ang kanyang mga mata sa malaking salamin. Halos panawan siya ng ulirat sa pagsigaw nang makita niya sa salamin ang repleksiyon ng isang lalaki! Nakakatakot ang hitsura nito. Duguan ang buong mukha nito at maputla ang balat. Nanlilisik ang mga mata nito. Punung-puno ng poot... ng galit! Napasiksik siya sa isang sulok. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at pilit na iwinawaglit ang anyo ng lalaking nakit niya sa salamin. Patuloy niyang kinukumbinse ang kanyang sarili na panaginip lang ang lahat ng ito. Magigising din siya. Umusal siya ng mataimtim na panalangin. Wala na siyang ibang pagkakapitan ng mga sandaling iyon kundi ang Panginoong Diyos. ----- "JENNY? Jenny?" Napaitlag si Jenny nang tawagin siya ni Gio. Sa gulat niya ay nabitawan pa niya ang kanyang tinidor at nalaglag iyon sa sahig. Kumakain silang mag-asawa ng hapunan. Hanggang ngayon ay tila wala pa rin si Jenny sa kanyang sarili dahil sa nangyari kanina sa kanya. "I'm s-sorry..." aniya. Nang kukunin na niya ang tinidor sa sahig ay nanlaki ang kanyang mga mata nang pagsilip niya sa ilalim ng lamesa ay may nakita siyang batang babae doon. Maputla ang balat na bahagyang nangingtim na. Nakaupo lang ito doon. Agad niyang inabot iyong tinidor at mabilis na tumayo upang kumuha ng panibago sa dish organizer nila. "Jenny, may problema ka? Bakit kanina ka pa nakatulala? Hindi mo na ginalaw iyang pagkain mo," untag sa kanya ni Gio pagkabalik niya sa hapag. Pilit siyang ngumiti. "W-wala ito, Gio. Huwag mo akong intindihin. Napagod lang ako sa pag-aayos ng bahay. Marami pa kasi tayong gamit na hindi ko pa naaayos, eh," pagsisinungaling niya. Mas mabuti siguro na huwag muna niyang sabihin kay Gio ang mga kababalaghan na nangyayari sa kanya sa bago nilang bahay. Baka ang isipin pa nito ay nababaliw na siya. Saka na lang niya sasabihin dito ang lahat kapag nakakuha na siya ng matibay na ebidensiya. Ang kailangan niyang gawin sa ngayon ay maging matapang at magpakatatag. Hindi sila ang dapat na umalis sa bahay na ito. Sa kanila ni Gio ang bahay at kung may aalis man dito ay walang iba iyon kundi ang mga nilalang na hindi niya nakikita!! Mag-iimbestiga siya. Aalamin niya ang puno't dulo ng mga kababalaghang ito. Napatingin si Gio sa kanyang kamay nang ipatong doon ni Gio ang kamay nito. "Are you sure, you're okey?" at masuyo pa nitong pinisil ang kanyang kamay. "Oo naman, Gio. Huwag kang mag-alala sa akin..." at isang pilit na ngiti ang kanyang pinakawalan. "Teka, ano iyang nasa braso mo?" biglang tumayo si Gio upang lapitan siya. Mataman nitong pinagmasdan ang mga pasa sa kanyang braso na dulot ng nangyari kanina sa kwarto nila. "Pasa ba ito? Sinong may gawa nito sa iyo?" nag-aalala nitong tanong. "N-nahulog kasi ako sa hagdan kanina. Pero 'wag kang mag-alala, ayos lang naman ako," pagsisinungaling niya. "Sa susunod kasi mag-iingat ka, okey?" Hinalikan siya ni Gio sa labi. Mabilis lamang. "Pagpasensiyahan mo na kung hindi kita masamahan dito, ha? Hayaan mo, next week, babawi ako. Magle-leave ako ng one week para matulungan ka sa mga dapat pang ayusin dito sa bahay natin." "Salamat, Gio..." matipid niyang tugon sa asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD