NAGISING si Jenny sa matapang na amoy na kanyang nasasamyo. Hindi niya alam kung saan nanggagaling iyon. Nang kanyang imulat ang kanyang mga mata ay nakita niya si Gio na nakatayo sa harapan ng kulay pulang dingding at may hawak na paint brush. Sa paanan nito ay may nakita siyang malaking lata ng pintura.
Lumingon sa gawi niya si Gio at ngumiti. Naramdaman yata nito na gising na siya. "Gising ka na pala, Jenny. Good morning!" bati nito. Lumapit ito sa kanya upang hagkan siya sa labi.
Napangiti siya. Sinuklay ni Jenny ng kanyang mga daliri ang sariling buhok. "Anong gagawin mo?" tanong niya. Bumaba siya at minasdan niya ang kulay pulang dingding.
"Ah, pipinturahan ko kasi itong red wall..."
"Red wall?"
Bahagyang tumawa si Gio. "Binigyan ko kasi ng pangalan iyong dingding na iyon. Sa apat na dingding kasi ng kwarto natin, iyon ang tanging kulay pula. So, 'red wall'. Pipinturahan ko siya mamaya kagaya ng kulay ng ibang dingding. Ang pangit kasing tingnan kung hahayaan lang natin na ganyan, 'di ba?"
"Magandang idea nga iyan, Gio," pagsang-ayon niya. "Teka, nag-breakfast ka na ba?"
"Hmm... Hindi pa, eh. Hinihintay talaga kitang magising, Jenny. Isa pa... Ikaw ang gustong kong i-breakfast, Jenny!" pilyong nitong turan.
Nilapitan siya lalo ni Gio. Hinawakan nito ang kanyang baba at hinagkan siya sa kanyang mga labi. Napasinghap si Jenny nang damhin ng kanyang asawa ang kaliwa niyang dibdib. Namalayan na lamang niya na inihihiga na siya nito sa kama habang hinahalikan siya.
"Gio... Hindi pa ako nagto-toothbrush..." aniya sa pagitan ng pagsibasib ni Gio sa kanyang leeg.
"Wala akong pakialam..."
"Gio..." ungol niya nang mas maging malikot ang labi ni Gio sa pag-galugad sa kanyang leeg.
Dahil sa kakaibang sensasyon na kanyang nararamdaman ay napatingala si Jenny. At ganoon na lamang ang pagkagimbal niya nang may makita siyang batang babae na duguan na nakatanghod sa mismong mukha niya. Walang emosyon ang mukha nito. Maputla ang labi nito at napakagulo ng buhok na sa tantiya niya ay hanggang balikat lamang nito. Sa sobrang takot niya ay malakas siyang napasigaw at naitulak niya si Gio. Isiniksik niya ang kanyang sarili sa headboard ng kama.
"Hey! Bakit?" nagtatakang tanong sa kanya ni Gio.
"M-may bata! D-duguan siya!" nanginginig ang buong katawan ni Jenny. Iginala niya ang kanyang paningin sa buong kwarto ngunit wala naman siyang nakitang bata. "May nakita akong bata, Gio! Maniwala ka..." takot na takot na sabi niya.
Nilapitan siya ni Gio at hinaplos nito ang kanyang kanan na pisngi. "Jenny, walang bata, okey? Stressed ka na naman ba?"
"Hindi ako stressed o ano pa man! Maniwala ka naman sa akin, Gio!"
"Okey... Naniniwala ako. Just stop..." at niyakap siya nito.
Alam ni Jenny, kahit na sinabi ng kanyang asawa na naniniwala ito sa kanya, alam niyang hindi pa rin siya nito pinaniniwalaan.
"Ang mabuti pa ay kumain na tayo sa ibaba para pagkatapos niyon ay mapinturahan ko na iyong red wall. Tutal naman ay naka-one week leave ako," patuloy na sabi ni Gio na tango lang ang isinagot niya.
-----
HINDI inaasahan ni Jenny na dadalawin sila ng mommy ni Gio ng araw na iyon. Nagpipintura si Gio nang dumating ito kaya siya ang una nitong nakaharap.
"Magandang umaga po, Mama," bati niya dito. Akmang magmamano siya dito para magbigay-galang ngunit iniiwas nito ang kamay nito.
Napayuko siya.
"Walang maganda sa umaga kung ikaw lang din naman ang makakaharap ko! Nasaan si Gio?" magaspang na pagsasalita nito sa kanya.
"Nasa itaas po siya... Nagpipintura."
"Ano?! Pinagpipintura mo ang anak ko?!" Tinabig siya nito at tuloy-tuloy na umakyat sa itaas habang tinatawag si Gio. Sinundan na lamang niya ito. "Dios mio! Anong ginagawa mo, Gio?" Halos himatayin na ito nanag makita nito na nagpipintura ang anak nito.
Ngumiti si Gio at ibinaba ang hawak na paint brush. "Mommy! Sinorpresa mo naman kami!" Lumapit ito sa ina upang gawaran ito ng halik sa pisngi.
"At hindi ko akalain na ako ang masosorpresa! Ano itong ginagawa mo? Hindi iyan gawain ng isang arkitekto! Inaalila ka ba dito ng walang kwentang Jenny na iyon?!"
Labis ang awang nararamdaman ni Jenny para sa kanyang sarili. Kahit pala malayo na sila ni Gio sa ina nito ay galit na galit pa rin ito sa kanya. Ang isa pang masakit para sa kanya ay harap-harapan siya kung insultuhin nito. Pakiramdam niya tuloy ay napakaliit niyang tao... Walang silbi!
"Mommy, hindi ako inaalila ni Jenny. Kusa ko itong ginagawa at hindi ako inutusan ng kahit na sino para magpintura," pagtatanggol sa kanya ni Gio.
Umismid si Helena. "Ang mabuti pa ay mag-empake ka na, Gio. Uuwi ka na ngayon at doon ka na lang sa bahay. Aalis ka na dito! Hindi ako makakapayag na ginaganyan ka ng babaeng iyan!"
"Hindi, Mommy! Kung may aalis man dito, kayo iyon!" sigaw ni Gio.
"What?! Aba't---"
"Mommy, buong buhay ko wala akong ibang ginawa kundi sundin kayo. Kahit gusto kong maging photographer, pumayag ako sa kagustuhan niyong maging isa akong architect para pagbigyan kayo! Pero, mommy, huwag naman pati pagsasama namin ng babaeng mahal ko ay papakialaman niyo pa. Kasal na po kami ni Jenny, siya na ang kabiyak ko at siya na ang makakasama ko habangbuhay. Wala na kayong magagawa d'on!"
"Inggrato! Iyan ba ang tinuro sa iyo ng Jenny na iyan? Ang maging lapastangan sa taong nagsilang sa iyo?"
"No, Mommy... Walang itinuturo sa akin si Jenny. Kaya ako na ang nakikiusap sa inyo... Umalis na kayo."
"I can.t believe you, Gio! You are such a disgrace to our family!"
Kitang-kita ni Jenny ang pagtaas-baba ng dibdib ng Mommy Helena ni Gio. Alam niyang hindi nito inaasahan ang pagsagot dito ng sarili nitong anak. Lumabas ito ng kwartong iyon ngunit tumigil ito sa harapan niya at tiningnan siya ng pailalim. "Hindi pa tayo tapos na babae ka!" anito at malalaki ang hakbang na nilisan nito ang kanilang bahay.
Nang marinig niya ang pag-ugong ng papalayong sasakyan ng mommy ni Gio ay saka lang siya nakahinga ng maluwag. Naiiyak siya nang yakapin siya ni Gio. Hindi niya kasi inaasahan ang pagtatanggol s kanya na ginawa ng kanyang asawa.
"Tama na ang iyak, Jenny..." Inakbayan siya nito at inalalayan siya nitong makapasok sa loob ng kanilang kwarto. Iniharap siya nito sa red wall na ngayon ay kulay asul na rin tulad ng ibang dingding. "Kalimutan mo na ang nangyari kanina. Tingnan mo na lang itong ginawa ko. Ang ganda, 'di ba?" ani Gio.
Pinahid niJenny ang namumuong luha sa kanyang mga mata. "M-maganda..." maikli niyang tugon sabay ngiti.
"See? Napakaswerte mo talaga, Jenny, sa akin. Multi-talented ang napangasawa mo!"
Napahagikhik siya sabay kurot sa tagiliran ni Gio. "Ang yabang mo talaga!" natatawa niyang turan.
"Mayabang na gwapo!" hirit pa nito.
"At mahangin! Ang mabuti pa ay tulungan mo na lang ako sa paglilinis sa ibaba..." aniya. At hinila na niya paibaba si Gio.
Ngunit bago siya tuluyang lumabas ng kwartong iyon ay sinulyapan muna niya ang dingding na dati ay may kulay pulang marka.