Kabanata 2

3246 Words
Thylane “O! Loana, hija!” biglang tawag ng isang matandang lalaki kay Loana. Isa iyon sa mga nag-iinuman doon. “Tito! Happy birthday ho!” Ngumiti ang kasama ko at nagmano roon nang makalapit. Ganoon din ang ginawa ko at ngumiti sa lalaki. “Eto na po pala si Thylane, Tito. Thy, si Tito Eman, ang Papa ni Lisa,” pakilala ni Loana kaya malugod kong tinanggap ang nakalahad na kamay ni Tito Eman. “Masaya po akong makilala kayo, Tito. Happy birthday po.” Bahagya akong yumuko at nang mag-angat ng tingin ay inabot ko sa kaniya ang munting regalo ko. Isa iyong sobre na naglalaman ng tatlong libo bilang regalo sa kaniya, hindi naman kasi ako nakapaghanda ng regalo kaya iyon na lamang ang naisip ko. Galing pa iyon sa mga inipon kong pera. “Naku! Maraming salamat at nag-abala ka pa, hija. Masaya rin akong makilala ka sa personal. Palagi kang ikinu-kuwento sa amin ni Lisa kaya magaan na ang loob namin sa iyo,” anito. Ngumiti ako at umiling dito nang abutan niya ako ng isang baso ng alak, halatang may tama na ito dahil may ilang bote na ng alak ang naubos nila. “Tito naman, hindi umiinom ‘yang si Thylane. Mapapagalitan kami ng parents niyan, e,” nakangusong turan ni Loana at bahagya akong hinila palayo. Tumawa ang ama ni Lisa. “Binibiro ko lamang ang butihing kaibigan ng anak ko, Loana hija...” Ngumiti ako rito. Mukha namang mabait ito. Ngunit natigil lamang kami nang may tumikhim sa gilid. “Ka-ganda naman ng dalagang napadpad dito, Loana. Sino ang isang ‘yan?” Nagsalita ang lalaking tumikhim kaya lahat kami ay nabaling ang tingin dito. Isa iyong lalaki na tingin ko ay nasa treinta na pataas, may mga tattoo ito sa braso at may hikaw na itim sa tenga. Natigilan ako’t bahagyang nakaramdam ng kaba rito dahil iba ang dating ng lalaking ito. Sumimsim ito ng alak habang pinagmamasdan ang kabuoan ko. Tuloy ay napakapit ako kay Loana. Bigla akong nakaramdam ng takot. “Siraulo ka talaga, Lucario! Huwag mong tinatakot ang bisita namin at tatamaan ka sa ‘kin...” Nagbaba ako ng tingin sa sinabi ni Tito Eman. “Teka, pumasok na kayo sa loob at hanapin si Lisa. Hindi ko na alam kung saan nagpunta ang batang iyon, e.” Gaya nga ng sinabi nito ay hinila ako papasok ni Loana sa loob. Matagal na siyang nagpupunta rito sa bahay ni Lisa kaya kilala na siya rito, ako ay unang beses pa lamang. Parang bigla ay nais kong umatras na lang dahil ngayon ko lamang napagtanto na naroon pala at kainuman ni Tito Eman ang dalawa kong pinsan na lalaki, sina Damian at Damien. Napansin kong tahimik lamang sila kanina at pinagmamasdan ako. Hindi ko sila gaanong napagtuonan ng pansin dahil kay Tito Eman ako nakatingin. “Thy, huwag kang lalapit mamaya roon, a? Hindi ko alam na invited pala rito ang mga ka-tropa ni Tito... Ay, sabagay, magkakaibigan ‘yan silang lahat, puro mga gangster dito sa lugar ni Lisa. Hay, bakit ko ba iyon nakalimutan?” anito na kinausap pa ang sarili. Ngumiti lamang ako rito at tinanguan siya. Sa kusina ay naabutan namin si Lisa na nagluluto ng pulutan ng mga nag-iinuman. Napatili ito nang makita kami. “Thy! Mabuti’t pinayagan ka na!” masayang-masayang aniya at niyakap pa kami. Nag-group hug kami habang nagtatawanan. “Grabe ka, Lisa. Ang daya mo kanina, hindi ka pumasok.” Lumabi ako habang sinasabi iyon. Kulang kasi ang saya kanina dahil wala siya. Kami lang dalawa ni Loana ang magkasama kanina. Humalakhak naman ito at muling binalikan ang niluluto. “Tinatamad kasi talaga ako. At saka walang katulong si Papa sa pagluluto ng mga handa niya kaya lumiban na lang ako. Wala kasi rito si Mama, naroon sa trabaho niya dahil bawal lumiban,” anito na may halong lungkot. Tinapos nito ang niluluto bago kami harapin. “Gutom na ba kayo?” tanong niya at kumuha ng mga pinggan at kutsara. Agad akong tumango dahil kaninang tanghali pa ang huling kain namin ni Loana. Bumaling ang tingin nito sa akin. “Pagpasensiyahan mo na ang bahay namin, Thy, a? Baka kasi hindi ka komportable sa ganitong bahay,” dagdag pa niya na agad kong inilingan. “Ano ka ba. Wala namang problema sa akin ang bahay ninyo. Natutulog nga ako sa kubo, e. Ito pa kaya,” turan ko’t naupo sa upuan na katapat ang isang mahabang mesa na gawa sa kahoy. Ayokong isipin nila na hindi ko kayang makipagsabayan sa mga tulad nila. Pinalaki akong simple ni Daddy at hindi mapangmataas sa kapuwa kahit na masasabi kong may kaya kami. At isa pa, masayang kasama ang tulad ng mga kaibigan ko... Nang paghandaan kami ni Lisa ay panay ang ngiti ko. Nariyan ang paroo’t parito na mga bisita upang makikain. Nakikisabay sila sa amin kaya marami akong nakilala. Ang iba, nagugulat sa kaalamang anak ako ng gobernadora. Ilang papuri ang natanggap ko ngunit ngiti lamang ang itinutugon ko.  Nahihiya ako lalo’t ang hitsura ko ang napapansin nila... “Lisa anak, pakidala naman ng pritong pusit dito!” Napatigil kami sa kuwentuhan nang sumigaw si Tito Eman mula sa labas. Nakadungaw ito sa bintana nila sa tabi ng pintuan at nakangiti sa amin. Ngumiti ako rito nang dumapo ang tingin nito sa akin. Ngunit napaiwas ako ng tingin nang biglang pumasok si—‘yong lalaki kanina na nakakatakot ang hitsura. Agaran kong naiiwas ang aking mga mata rito. “Ako na ang kukuha, Eman. Mukhang abala kasi ang anak mo sa mga kaibigan niya,” rinig kong anito sa mariing tono. Humigpit ang hawak ko sa kutsara’t tinidor nang mapadaan ito sa tapat namin. Pasimple ko pa itong sinulyapan dahil ramdam na ramdam ko ang maiinit nitong titig sa akin. At hindi nga ako nagkamali... Kahit na alam niyang nakita ko na siyang nakatitig sa akin ay hindi pa rin ito umiwas ng tingin, nakuha pa nitong ngisian ako. Mariin kong nakagat ang ibabang labi ko at nabitiwan ang hawak. Lumikha iyon ng ingay kaya napatingin sa akin ang mga kasama ko sa mesa. “Uy, okay ka lang, Thy?” baling sa akin ni Loana at nag-aalala akong tiningnan. Ganoon din si Lisa. Batid ko na palagi silang concern sa akin dahil iniingatan nila ako, madali kasi akong umiyak at matakot kaya ganoon na lang sila mag-alala sa akin. Muli kong kinuha ang kubyertos at pilit na ngumiti sa kanila. “O-Okay lang ako. Pasensiya na.” Bakit kaya iyon titig na titig sa akin? Hindi ko pa naman gusto na tinititigan ako nang ganoon. “Naku! Huwag mo nang pansinin ang barumbado na iyon. Tigang na ata si Steve. Malabo namang mapatulan iyon ng isang Montehermoso, ‘no! Echusero ang matandang iyon. Tsk. Papansin pa,” nandidiring ani Lisa at napakumpas pa ng kamay. Mabuti na lamang at nakapasok na ng kusina iyong lalaki na tinawag niyang Steve. Napakunot ang noo ko nang may marinig akong salita mula kay Lisa na hindi ko alam ang ibig sabihin. “Ano ‘yong tigang?” Nilingon ko si Loana sa tabi ko na biglang nanlaki ang mga mata sa naging tanong ko. Umusog ito palapit sa akin. “H-Ha? Ano kasi... Kapag sinabi ko sa iyo ay huwag mong sasabihin kina Tita at Tito na ako ang nagturo sa iyo, a?” anito na naninigurado. Sunod-sunod akong tumango. Kaya naman ay bumulong ito sa akin... na ikinalaki ng mga mata ko. “Maraming ibig sabihin ang salitang tigang... pero sa sinabi ni Lisa kanina, sila iyong taong wala o kulang sa s*x life.” Napatakip ako ng bibig at nilingon si Loana. “H-Hala! Bakit naman? Wala ba siyang asawa?” takang tanong ko. Alam kong pagagalitan ako ni Mommy at Daddy kapag nalaman nilang nagsasalita ako patungkol sa mga maseselang usapan, pero nahihiwagaan talaga ako sa ganoong usapin. Konserbatibo kasi si Mommy, at hindi maaari ang mga ganoong usapin sa amin, lalo na sa aming mga babae. Si Daddy lang ang medyo magaspang ang pananalita sa amin. “Wala atang naging asawa iyon, e. Girlfriend lang. Pero naghiwalay rin sila dahil sinaksak daw ni Steve ang nobya niya noon. Ayun, nakulong.” Mas lalong nanlaki ang mga mata ko sa narinig. S-Sinaksak? Bakit naman niya sinaksak ang nobya niya? At dati pala itong nakabilanggo. Pakiramdam ko ay lalo akong natakot sa lalaki na iyon. Muli kaming natahimik nang dumaan muli si Steve sa harap namin. Bitbit nito ang isang malaking mangkok ng pritong pusit na gagawin ata nilang pulutan. Muli na namang nagtama ang mga tingin namin. Saka lamang ako nag-iwas ng tingin nang ngisian na naman niya ako. Muling nagpatuloy ang aming kuwentuhan nang makaalis ang lalaki. Ako man ay itinuon ang atensiyon sa mga kaibigan ko na panay ang kuwento... “Uy, Thy! Hindi ba’t may kuya ka na pulis? Palagi ba siyang nasa bahay ninyo?” kinikilig na tanong ni Lisa sa akin. Umiling ako. “Nasa trabaho siya palagi, e. Gabi na kung umuwi,” tugon ko sa huli nitong tanong. Minsan ko na rin kasing nasabi noon na may kuya akong pulis at isang magiging sundalo pa lang. Sa ilang taon namin na magkaibigan, hindi pa nila nakita nang personal ang mga kapatid kong lalaki. Abala kasi ang mga ito. Kung pupunta man sila sa bahay para makita si kuya Alfonso na pulis, aabutin sila ng hating-gabi para makita ito dahil ganoong oras ito umuuwi sa bahay. Nagpupunta pa ata kasi iyon sa kung saan-saan kapag uwian niya. Lumabi si Lisa at tila nagningning ang mga mata. Huminga ito nang malalim. “Ka-guwapo talaga ng mga kapatid mo, Thy. May girlfriend na ba silang dalawa ngayon?” Natawa ako sa naging tanong nito. Napunta na naman sa ganoon ang usapan namin. Huminga ako nang malalim at nginitian ito nang nakakaloko. “Ikaw, ha... Pero sa ngayon ay wala pa. At saka masiyadong sineseryoso ni kuya Alfonso ang trabaho niya kaya wala pang nagiging nobya. Hindi ko lang alam kung may natipuhan na siyang dalaga ngayon,” wika ko’t inubos ang kinakain. Nang matapos ay sumandal ako sa sandalan ng upuan. “Baka naman lalaki ang hanap niya, Thy,” hinala ni Loana kaya mabilis akong umiling. “Hindi, ‘no. Lalaking-lalaki si kuya. ‘Yon nga lang, hindi niya pa priority ang pakikipagrelasiyon,” pagtatanggol ko sa aking kapatid. Sabay silang natawa sa akin kaya nakitawa na rin ako. “Sira! Binibiro lang kita, ano!” tatawa-tawang ani Loana at tinapik ako sa balikat. “Ikaw ba? Bawal ka pang makipagrelasiyon, ‘di ba?” Nahimigan ko ang pang-aasar sa tono nito kaya napangiti lamang ako. “Oo, bawal pa. Magagalit ang parents ko.” Lalo sila dalawang natawa kaya napasimangot na ako. Marahang ginulo ni Loana ang buhok ko kaya inalis ko ang kamay nito. “Dapat lang, Thy. May gatas ka pa kasi sa labi at wala pang muwang sa mundo. Baka loko-lokohin ka lang ng mga lalaki at huthutan ng pera. Uso pa naman ang ganoon. Aba! Hindi lang babae ang gold digger, may mga kalalakihan din,” pangaral nito sa akin na para bang malapit na akong magkipagrelasiyon. Napanguso ako. “O, siya... May gusto ka pa bang kainin, Thy?” pag-iiba ng usapan ni Lisa. Umiling ako dahil punong-puno na ng pagkain ang tiyan ko. “Hindi na, baka sa banyo na ang punta ko mamaya,” pabirong saad ko na tinawanan lang nila. Kami na lamang tatlo ang naiwan sa mesa dahil napahaba pa ang kuwentuhan namin. Nang tingnan ko ang relo ko ay napansin kong alas cinco na ng hapon. At isang oras na lamang ang natitira bago ako umuwi. Dahil sa kaalamang iyon ay nalungkot ako. Ayoko pang umuwi... Biglang tumayo si Lisa kaya nabaling rito ang atensiyon namin. “Maliligo lang ako, guys!” Nagmamadali ito. “Huh? May pupuntahan ba tayo?” takang puna ni Loana na ngayon ay nagliligpit ng mga pinagkainan namin. Napatayo rin ako upang tumulong. “Yes, yes. Pupuntahan natin saglit ang puno ng mangga riyan sa kalapit na bahay.” Muling nabaling kay Lisa ang atensiyon ko dahil sa sinabi nito. At sa mga ngisi pa lamang niya ngayon, ipinapahiwatig na niyang kakain kami nang kakain mamaya ng mangga. Napangiwi ako ngunit hindi na nagtangkang umangal... Ilang minuto lamang ang aming hinintay bago matapos sa pagligo si Lisa. Nagmamadali ito dahil alam niyang alas seis ang oras ng aking pag-uwi. Napakamot ako ng braso bago tumayo. Inabala ko ang sarili sa pagtanaw ng mga bibe sa tabi ng bahay ni Lisa. Abala kasi si Loana sa paghuhugas ng mga pinggan. Nais kong tumulong pero hindi raw maaari dahil baka mapagalitan daw sila ng parents ko kapag nagasgasan ako o ano. Hindi ko alam kung bakit ganoon sa akin ang mga kaibigan ko, pare-parehas lang naman ang aming mga balat. Nagkibit-balikat ako. Wala akong magawa dahil ako na lamang ang naiwan dito sa sala ng bahay. Pinagmasdan ko ang mga bibe na nasa putikan. Ang iba ay naliligo sa isang maliit na tila pool. Nakakaaliw pagmasdam ang mga iyon dahil ang iingay nila at ang lilikot. Ngunit napaigtad ako nang may dalawang kamay na dumampi sa magkabilaang balikat ko. Malalaki iyon at ramdam ko ang kabigatan. Akmang haharap ako nang ipirmi nito ang katawan ko. Nahihintakutan ako sapagka’t hindi ganito kalaki at kabigat ang kamay ng mga kaibigan kong babae. Wala rin silang tattoo sa kamay! “Nakakain ka na ba ng itik?” Malalim ang boses nito. Dumiin ang pagkakakapit ko sa gilid ng bintana at marahang kinagat ang labi. Pamilyar sa akin ang boses niya. Ito ang lalaking ngumingisi sa akin kanina, ang sinasabi nila na nanaksak ng kasintahan noon. Madalian akong ginapangan ng kaba at saka umiling. Bakit ako nito hinahawakan na tila ba matagal na kaming magkakilala? Sinubukan kong alisin ang mga kamay nito, ngunit nabigla lamang ako nang gumapang ang isang magaspang na kamay nito paakyat sa pisngi ko. Doon ay naramdaman ko ang pagdama nito sa balat ko. “S-Sir...” Mabilis ko iyong inalis at gumilid. Natawa ito sa reaksiyon ko at nginisian ako. “Masarap ang karne ng itik, darling. Titirik ang mga mata mo sa sarap kapag natikman mo,” mapaglarong anito habang inaamoy ang kamay na inihaplos sa pisngi ko. Lalo lamang akong nahintakutan sa ginawa nito. Nais kong sabihin dito na kahit anong sarap ng pagkain ay hindi napapatirik ang mga mata ko. Ngunit hindi makabuka ang aking bibig dahil sa panginginig niyon sa takot... “Hoy, hoy! Ano ‘yan, Steve?!” Isang humahangos na si Lisa ang nakita kong pababa ng hagdan. Agad ako nitong nilapitan at inismiran ang lalaking hanggang ngayon ay malagkit na nakatingin sa akin. Napayuko ako’t nagtago sa likuran ni Lisa. Kita ko rin na napalabas ng kusina si Loana na may mga bula pa ang mga kamay. “Wala naman akong ginagawang masama, bata. Kinakausap ko lang ang ating bisita dahil walang kasama rito,” dahilan ng lalaki at saka ngumisi sa akin. “Subukan mo lang galawin ang kaibigan namin, isusumbong kita sa parents niya,” rinig kong banta ni Lisa. Natawa ang lalaki sa sinabi ng aking kaibigan. “Isumbong mo...” mapanuya nitong sambit at saka hinaplos ang ibabang labi habang malagkit pa rin ang mga tingin sa akin, “... kung may maisumbong ka.” Lasing na ito. Halata iyon dahil sa hindi maayos na pagtayo nito. Amoy na amoy ko rin ang tapang ng iniinom nila kanina na hindi ko alam kung anong klaseng alak. Inismiran na lamang siya ni Lisa bago sabihan si Loana na maghugas ng kamay. At nang makabalik si Loana ay hinila na kami ni Lisa palabas ng bahay. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko nang makalabas kami. Tinungo namin ang isang puno ng mangga na napakaraming bunga. Nasa bandang tapat lamang iyon ng bahay ni Lisa kaya walang problema. Napangiti ako nang todo habang pinagmamasdan si Lisa na umakyat ng puno. Ang saya-saya rito sa labas. Marami ang tao na nagkakantahan at nagkakasiyahan. Hindi ko mapigil ang pagngiti dahil minsan ko lamang maranasan ang ganito kasama ang mga kaibigan ko. Pakiramdam ko, nag-uumapaw sa saya ang puso ko habang nakatingala sa puno. Ni hindi ko na gaanong napagtuonan ng pansin ang lalaki kanina, na ngayon ay nakatitig pa rin sa akin habang sumisimsim ng alak. Ngunit naputol lamang ang aking mga iniisip nang biglang sumulpot sa paligid si Veronica. Natuwa ito nang makita ako kaya tumabi ako sa sasakyan kung nasaan si kuya Ricky na nagbabantay. “Thylane, pinsan ko!” walang habas na sigaw nito at patakbong lumapit sa akin. Lihim akong napangiwi. “H-Hello...” “Mabuti at pinayagan ka ng parents mo na pumunta rito. At mabuti na lang din at nasa bahay lang si tatay, kung hindi ay baka napaglaruan ka n’yon.” Tumango lamang ako at nginitian ito. Mabuti na lamang... Napatingin ito bigla sa mga kapatid niyang nag-iinuman sa tapat ng bahay ni Lisa. At napasinghap ako nang walang pakundangan niya akong hinila palapit sa mga nag-iinuman. Kinabahan agad ako. Sinubukan ko pang hilahin pabalik ang kamay ko rito ngunit nagalit lamang ito. Lalo lang ata akong binalot ng takot dahil napatingin sa akin ang mga nag-iinuman. Tumapat kami roon at wala akong nagawa kundi ang yumuko sa kahihiyan. Ano ba ang ginagawa nitong si Veronica? “Ito pala ang pinsan kong mayaman na anak ni gobernadora!” pakilala sa akin ng babae na nilakasan pa talaga ang boses. Inilingan ko ito dahil nakakahakot lamang kami ng atensiyon. Pagagalitan ako nina Mommy’t Daddy kapag napahamak ako. At saka kilala na rin naman nila ako kaya hindi na niya kailangan pang sabihin ang bagay na iyon. Hindi naman kailangang ipangalandakan na anak ako ng gobernadora, na mayaman kami. Sa ginagawa nito ay marami lamang makakarinig sa amin, at mas malaki ang tiyansa na mapahamak ako. Inilingan ko itong muli at pinilit ang sarili na kumalas mula sa pagkakahawak nito sa braso ko. “Kapag nagpakasal ito ay invited tayong lahat, guys! Bongga ang handaan!” anito pa na ikinatawa ng mga lalaki sa harap namin. Sa hindi malamang dahilan ay napatingin ako kay Steve na nakatingin sa akin habang hinihimas ang panga. Hindi ko mawari ang tumatakbo sa isip nito pero hindi maganda ang kutob ko roon. “Veronica, tama na...” bulong ko. Ngunit tila wala lamang itong narinig. “Ilang taon na ba ‘yan, Nica?” batong tanong ni Steve na tuwang-tuwa sa reaksiyon ko. Binalingan ako ni Veronica ng tingin bago akbayan. “Twenty-one, Tito! Birhen na birhen! Palaging mabango at fresh! Bakit, type mo ang pinsan ko?!” Napapikit na ako sa sobrang kahihiyan dahil talagang nilakasan pa nito ang boses. Siniguro niya talagang walang nakaligtas na ano mang salita sa tenga ng mga kapit-bahay, na ngayon ay nakatingin sa amin. Napamulat lamang akong muli ng mga mata nang magsalita si Steve, na maging ako ay ikinagulat ko. “Oo, ligawan ko sana. Kaso mukhang ayaw sa akin.” L-Ligaw? Napangiwi ako. Iyon din ata ang ikinatuwa ng pinsan kong babae. “Edi mabuti, Tito Lucario! Pero mahal ang bayad sa akin kapag aakyat ka ng ligaw rito sa pinsan ko. Mahal ang bayad sa halik, yakap, at date. Sa akin ka muna dadaan bago rito sa pinsan kong napaka-ganda at napaka-birhen.” Napatampal na lamang ako ng noo. Mukhang pinagkakakitaan ako ng pinsan ko...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD