CHAPTER 3

2205 Words
MABAGAL akong humakbang papasok sa front door ng apartment ng aking tito. Hindi kalakihan ang space niyon pero fully-furnished at kompleto sa gamit. Nakasabit sa isang bahagi ng pader sa sala ang iba't ibang larawan namin na kuha sa magkakaibang okasyon. Gayon din, kapansin-pansin ang mga certificates at medalya na nakasabit; mga patunay sa aking husay at galing sa larangan ng akademiya. Makikita rin pagkapasok pa lang ang mga antique collection na maayos at malinis na naka-display sa cabinet. Sa kaliwang bahagi ng apartment ay ang 'di kalakihang kusina kung saan naroon na rin ang dining table, sa bandang kanan naman ay ang tatlong pinto ng kuwarto—para sa akin, para kay Seirra, at para sa mga magulang niya. Pagdating ko sa sala ay bumungad kaagad sa akin ang nakaismid na si Seirra. Pinsan ko siyang maituturing—hindi man sa dugo pero iyon ang kinamulatan ko. Kapatid ng papa ko si Tito Dan na siyang kumupkop na sa akin mula nang maulila ako noong labindalawang taong gulang pa lamang ako. "Tsss! Umuwi ka pa!" sarkastikong sita niya sa akin. Masama ang kanyang tingin habang magka-cross ang mga braso sa tapat ng dibdib. "Natuto ka na bang lumandi, ha, kaya nakalimutan mo na ang trabaho mo?" Wala akong balak na patulan siya kaya nanatili akong tahimik. "Tama na, Seirra," malumanay na saway ni Tita Letty, ang asawa ni Tito Dan. "Nagpaalam naman si Eirren sa akin at sa papa mo." "So, ganoon na lang iyon, ayaw na niyang magtrabaho at ano? Magiging palamunin na lang siya sa bahay na 'to? Sampid na nga lang tatamad-tamad pa." "Hindi sa ayaw kong magtrabaho pero may tinapos lang talaga akong project," hindi ko na napigilang ikatuwiran habang nakayuko. "At sumasagot ka pa?" galit na sita niya sa akin. Nanlilisik ang mga tinging nilapitan niya ako at dinuro ang aking sentido. "Hoy! Nagkaroon ka lang ng mga kaibigan, nagkalakas-loob ka nang sagutin ako?" Paulit-ulit niya akong dinuro pero nanatili akong nakayuko habang tinitimpi ang galit. "Dapat magpasalamat ka kinukupkop ka ng mga magulang ko. Kasi kung hindi dahil sa amin, sa kalsada ka pupulutin! Loser!" "Seirra!" galit na sigaw ni Tita Letty. Hindi na rin siya nakapagtimpi sa kamalditahan ng anak. "Sinabi ko nang tama na, e!" "Huh! Kinakampihan mo na rin ngayon ang sampid na 'to, Ma?" Hindi makapaniwalang bumaling si Seirra sa kanyang ina. "So, ano na lang ako sa bahay na ito?" "Tumigil ka na. Sumusobra ka na." "Okay lang po, Tita Letty. Tama naman po si Seirra, e," aniko sa mapagpakumbabang tinig. Dagling tumaas ang kilay ni Seirra at muling tumingin sa akin. "Nagpapaawa ka naman ngayon?" "Hindi, Seirra. Sinang-ayunan ko lang ang sinabi mo. Tama ka naman, e." "Eirren, mabuti pa, Hija, magtuloy ka na lang sa kuwarto mo. Pabayaan mo na muna 'yang pinsan mo," utos sa akin ni Tita Letty. "Okay po, Tita. Goodnight po." Hahakbang na sana ako patungo sa kuwarto ko nang unahan ako ni Seirra saka matalim ang tinging nilingon ako. "Humanda ka sa'kin sa school. Hindi pa tayo tapos," nagbabanta pero pabulong niyang sambit bago ako iniwan. Nasundan ko lang naman siya ng tingin habang papasok sa sarili niyang kuwarto. May bago pa ba sa tagpong ito? O sa pambu-bully niya? Alam kong number one target niya ako sa school at hinahayaan ko lamang siya dahil nga malaki ang utang na loob ko sa mga magulang niya; na kung tutuusin naman ay hindi ko kaano-ano. Gayon pa man, buong puso nila akong tinanggap at pinatuloy sa tahanang ito. Pagkapasok ko sa loob ng aking kuwarto ay pabuntong-hininga akong naupo sa gilid ng kama. Amin na taon na rin mula nang mawala ang mga taong tumayo bilang magulang ko. Hanggang ngayon ay may guilt pa rin sa puso ko na ako lang ang nakaligtas sa aksidenteng iyon na kumitil sa kanilang buhay. Mahal ko sila at itinuring na tunay na mga magulang mula pagkabata. Nalaman ko lang na ampon pala nila ako pagkatapos ng aksidente. Dati, lagi kong naiisip at naitatanong sa sarili ko kung sino at nasaan nga ba ang tunay kong pamilya o mga magulang. Bakit hindi sila ang kinagisnan ko sa mundong ito? Pero sa paglipas ng panahon, paunti-unti'y nagagawa ko na iyong iwaglit sa isip ko upang makapamuhay ako nang masaya sa kasalukuyan. Iniwasan kong maging mapaghanap sa buhay na meron ako ngayon bagkus ay nakontento ako at nagpapasalamat na hanggang ngayon ay may mga taong nananatiling sumusuporta at gumagabay sa akin. Naputol ang malalim kong pag-iisip nang marinig ko ang ringtone ng aking cellphone. Dali-dali ko iyong kinuha mula sa aking bag at sinagot ang tawag. "Harold?" "Nakauwi ka na?" "Oo, salamat. Pakisabi na rin kay Michael." "Okay," tipid niyang tugon. "A-Ah, Eirren..." Alam kong may nais pa siyang sabihin kaya naman matiyaga kong hinintay na muli siyang magsalita. "Pasensya ka na nga pala kay David. Actually, hindi naman talaga siya ganoon kasungit. Medyo komplikado lang ang sitwasyon niya ngayong araw kaya siya nakapag-react nang gano'n." "Naiintindihan ko Harold. Naipaliwanag na rin naman sa akin ni Michael." "Okay. Thank you, Eirren." "Hmmm." Ungol lang ang naisagot ko bago siya nagpaalam. Pahinamad akong nahiga sa kama habang nakadipa ang mga braso. Hinayaan kong dumulas sa pagkakahawak ko ang cellphone. Sumagi sa isip ko si David. Hindi ko nga siya maaaring husgahan dahil lamang sa insedenteng iyon. Malamang may matibay siyang dahilan kung bakit niya tinanggihan kanina si Harold na ihatid ako. At saka hindi naman importante sa akin iyon. Ang mahalaga pa rin ay ligtas akong nakauwi. Nanatili lang akong nakatitig sa kisame nang maramdaman kong bumibigat ang talukap ng mga mata ko. Marahan akong napapikit nang hindi ko na mapaglabanan ang antok na dumapo sa akin. Ramdam ko ang pagod, hindi lang ng aking katawan kundi maging ng isip. Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakaidlip. Basta nagising na lamang akong pawisan at may bakas ng luha sa pisngi. Naulit na naman ang panaginip na iyon na ilang taon na ring nagpapabalik-balik sa aking pagtulog. Paano ko ba naman makalilimutan ang huling sandali na pinagsamahan namin ng aking mga magulang? Napasinghot ako at pinunasan ang aking pisngi. Tumayo ako mula sa puwesto ko kanina bago ako nakatulog at lumabas ng kuwarto. Nagdiretso ako sa banyo upang maghilamos. Sa harap ng salamin ay tinitigan ko ang sarili kong mukha bago natulala. Sino nga ba ako? Sino ang mga magulang ko? Pilit kong kinalilimutan ang mga tanong na iyon. Pero tuwing bumabalik sa panaginip ko ang mga taong itinuring kong magulang, hindi ko mapigilan ang pagsusumiksik niyon sa aking isipan. Ano nga ba ang katotohanan sa aksidenteng naganap anim na taon na ang nakalilipas? "Eirren?" Napalingon ako at nakita si Tito Dan sa labas ng banyo. May hawak siyang isang baso ng tubig sa kanang kamay. Hindi ko pala nasaraduhan ang pinto kaya malamang nakatawag sa pansin niya ang bukas na ilaw. "Tito..." Sinuri niya muna ang itsura ko bago nagtanong. "Napanaginipan mo na naman ba ang mama at papa mo?" Tinanguan ko lamang siya bago napayuko. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya. "May ilang taon na rin mula nang iniwan nila tayo, pero may mga sandali pa ring naiisip ko ang nangyari sa kanila," aniya sa malungkot na tinig. Naiangat ko ang aking paningin at dahil sa kanyang sinabi ay nagkalakas-loob ako na mag-usisa. "Tito, h-hindi po ba maaaring mabuksan muli ang kaso? Alam ko pong alam ninyo na may mali sa resulta ng imbestigasyon ng mga pulis." May awa sa mga mata niyang tinitigan ako bago sumagot. "Mahihirapan tayong gawin iyon, lalo pa at wala tayong matibay na ebidensya. Matagal na nilang isinarado ang kaso, Hija." "W-Wala na po bang ibang paraan?" "Hija, gustuhin ko mang mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kapatid ko, pero, wala akong kakayanan. Nangyari na ang lahat pero wala naman akong magawa. Kaya naman naisip ko, mas makabubuti siguro kung kalimutan na lamang ang pangyayaring iyon." "Pero, Tito—" "Isa pa, Eirren, ayokong mapahamak ka. Nangako ako sa papa mo na ako ang magpoprotekta sa'yo." "Bakit po, Tito? May dapat po ba akong ikatakot?" tahasan at makahulugan kong tanong. Nakita kong naging malikot ang mga mata niya senyales na may itinatago siya. "W-Wala, Hija," depensa niya bago muling tumingin nang diretso sa akin. "Ang ibig ko lang sabihin ay hangga't nasa poder kita, hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa'yo. Para na kitang anak kaya naman bilang ama ay poprotektahan kita." Naipinid ko ang aking mga labi at hindi na nagsalita pa. Alam naman niya na labis kong ipinagpapasalamat ang pagkupkop niya sa akin. Sa mga panahong wala akong matatakbuhan, sa murang edad ay siya ang tumayong ikalawang ama ko. "Matulog ka na ulit, Hija. Nasabi sa akin ng Tita Letty mo ang nangyari kanina. Pagpasensyahan mo na sana ang pinsan mo at matabil lang talaga ang dila." Tinanguan ko lang siyang muli bilang tugon. Sumungaw sa labi niya ang simpleng ngiti bago siya nagpaalam. Naging buo ang loob ko at desidido na kapag dumating ang tamang panahon para sa akin ay aalamin ko ang buong katotohanan sa aking pagkatao at sa insidenteng nangyari anim na taon na ang nakalilipas. HINDI nga nabali ang salita ni Seirra dahil umaga pa lang ay nasa classroom ko na siya. Magkaiba kami ng section pero dahil sa madalas niyang pambu-bully sa akin, halos araw-araw ko siyang nakikita rito. "Hoy!" sigaw niya sabay tabig sa likod ng aking upuan. Nagtinginan sa gawi namin ang ilan sa mga kaklase ko na naroon na. "Gawin mo 'tong assignment ko." Napalingon ako sa kanya saka tumayo. Mas matangkad siya nang ilang pulgada sa akin. Malaking bulas din siya kaya talagang katatakutan ng ilan sa mga ka-batch mate namin. Sabihin pang siya ang pinakamatanda sa amin dahil mas maedad siya ng tatlong taon. Naging ka-batch namin siya dahil ilang beses din siyang naging repeater sa elementary. "H-Hindi puwede, alam mo namang bawal iyon," pangangatuwiran ko. "Ayaw mo? Ayaw mo?!" Nanlilisik ang mga matang kinapitan niya ang buhok ko at sapilitan akong inilapit sa kanya. Ang aga-aga, mainit na kaagad ang ulo niya. Napangiwi ako sa sakit habang pinipigilan ang kamay niya na lalo pang dumiin sa pagkakasabunot sa buhok ko. "Seirra, masakit. Tama na," mangiyak-ngiyak kong sambit. Walang sinuman ang naglakas-loob na awatin si Seirra. Ayaw nilang madamay at mapagdiskitahan ng notorious bully. Noon naman dumating si Cara at agad na nilapitan kami. "Hoy, bruha ka! Bitawan mo si Eirren!" sigaw nito na sinabunutan din si Seirra. Nabigla siya sa ginawa ni Cara kaya nabitiwan niya ako. Matalim ang tinging hinarap niya sa Cara at itinulak palayo sa kanya. Matutumba sana ang kaibigan ko pero agad kong nasalo at itinayo nang tuwid. Itinago ko siya sa likod ko at hinarap si Seirra. "Tama na, Seirra. Sobra na ang ginagawa mo sa akin. Hindi mo ako utusan o alila para ganituhin mo ako," sumbat ko sa kanya. Ilang saglit siyang natigilan dahil sa pagsagot ko pero agad rin siyang nakabawi. Unang beses ito na ipinagtanggol ko ang aking sarili. Lalo niya iyong ikinagalit at sa ilang hakbang lang ay lumapat ang palad niya sa pisngi ko. "Sampid ka lang at wala kang karapatan na mangatuwiran sa akin! Kami ang nagpapalamon sa'yo." "Mali ka. Wala kang naiambag sa buhay ko. Nagtatrabaho ako bilang kabayaran sa nagawang kabutihan sa akin ng mga magulang mo. Pero hindi ka kasama do'n," buo ang loob na pahayag ko. Nagsimulang mag-curious ang mga naroon sa mga nangyayari kaya ang iba ay napalapit sa amin. May mga nakasilip na rin sa bintana mula sa labas ng aming classroom. "Huh!" Napaismid siya. "Talaga? Kaya nga ba panay ang sipsip mo sa kanila para hindi ka mapalayas sa poder namin, ampon?" Nasaktan ako sa huling salita na sinabi niya. Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga kaklase ko ang aking sitwasyon pero masakit pa rin para sa akin na ipangalandakan niya iyon. Napayuko ako at nagsimulang mamasa ang mga mata. "Dapat nga siguro nawala ka na rin lang kasama ng mga magulang mo. Wala ka namang silbi sa mundong 'to. Palamon!" Namilog ang aking magkabilang kamay habang nag-uumpisang kumawala sa aking dibdib ang galit na matagal kong itinago. Nang iangat ko ang aking ulo ay matalim ang tinging ipinukol ko sa kanya. "Ikaw, anong silbi mo? 'Di ba palamon ka rin lang naman ng mga magulang mo? Repeater!" ganting sigaw ko sa kanya. Nagpupuyos sa galit si Seirra pagkarinig niyon. Isang malaking insulto sa kanya ang mga salitang iyon kaya naman hindi na niya muling napigilan ang kanyang sarili. Muli siyang lumapit sa akin at akmang sasampalin ako. Napapikit ako at naitago ang mukha sa aking mga braso. Hinintay kong dumapo sa akin ang palad niya pero natigilan ako nang ilang segundo na ay wala pa rin. Naiangat ko ang aking tingin at nakita ang galit na itsura ni David. Masama ang tingin niya kay Seirra habang mahigpit na hawak ang palapulsuhan nito. Nakangiwi naman si Seirra na malamang ay nasasaktan sa pagkakahawak ni David. Nailibot ko ang paningin sa paligid. Nakita ko ang napakaraming kapwa-estudyanteng tagapanood. Nakaramdam ako ng hiya kaya naman mabilis akong tumakbo palabas ng silid-aralang iyon. Narinig ko pa sa aking hulihan ang pagtawag ni Cara pero hindi ko iyon pinansin at tuloy-tuloy ako sa pagtakbo patungo sa rooftop ng building.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD