Prologue
Mainit ang sikat ng araw sa buong ka-Maynilaan na kaunti nalang ay makakapaso na sa balat. Pero di-hamak na mas nangingibaw parin sa kahit ano ang kadiliman at kawalan ng pag-asa. Sobrang gulo ng buong paligid na nababalutan ng mga nasusunog na building, sira-sirang mga bahay, at mga bangkay ng tao na pakalat-kalat sa kalsada. Malayong malayo na sa dating masagana at matiwasay ang mundo dahil sa pagdating ng isang pandemya...; ang pandemyang parang imposible nang masulosyunan.
Kahit sa panaginip ay hindi ko naisip na ganitong buhay lang pala ang kahahantungan naming lahat. Na sa kabila ng dami nang mga bagay na aming natuklasan, mga teknolohiya na naimbento, at walang katapusang kaalaman ay heto kami ngayon, tila kasing bilis ng pagkalat ng apoy ang pagbagsak. Na kaming mga dating nakahihigit sa lahat ng nilalang sa buong mundo ay parang isang kandilang unti-unting nauupos. Para kaming isang bula na unti-unting naglalaho at nawawala sa landas.
Mas naging masahol pa kami sa mga mabangis na hayop na nangangagat. Daig pa namin ang isang baliw na wala sa tamang katinuan.
Ang karamihan sa amin ay wala na sa tamang pag-iisip at malay tao; na nangangagat, nanunugod at pumapatay ng kapwa. Mayroon namang mga nasa tamang pag-iisip pa pero nawalan na nang awa at konsensya; mga taong nasisikmurang pumatay ng kasamahan para lang sa sariling kapakanan.
Hindi lang mundo ang kalaban namin sa mga oras na ito kundi pati narin ang gutom, pagkauhaw, pagod at higit sa lahat, - ang mismong mga sarili namin. Nawalan ng saysay ang pera at mga ari-arian, dahil hindi ka na magagawang iligtas ng mga ito sa maka-bagong mundo. 'Sa mundo na tanging lakas, tatag ng loob at diskarte ang tanging bubuhay sayo.'
-
Habang tumatakbo ako sa gitna ng makipot na kalsada ay karga-karga at yakap-yakap ko ang anim na taong gulang kong kapatid. Humahalo ang walang katapusang pag-agos ng aking luha sa pawis. At magkahalo ring kaba, pagkabalisa, at takot ang nararamdaman ko ngayon.
Hindi lalampas sa dalawang'pung mga wala sa sariling tao ang humahabol sa amin, mayroon silang na-aagnas na mukha at katawan, mamula-mula rin ang kanilang mga mata at kalunos-lunos ang lagay ng kanilang itsura. Para silang mga in-uod na bangkay sa lupa na bigla nalang bumangon.
Kahit na pagod at hinahapo ako sa kakatakbo ay pinipilit ko parin magpatuloy, - para sa kapatid ko. Siya nalang ang nag-iisang dahilan kung bakit lumalaban pa ako. Siya ang pag-asa ko.
"Are we going to die, Ate?" humihikbing tanong ni Adrien, isinubsob niya ang mukha niya sa leeg ko.
"Of course not! We'll get through it all. Basta dito ka lang kay Ate lagi" Sabi ko nalang, kahit na hindi ko rin naman sigurado ang mangyayari sa susunod. Napapagod at hinihingal na ako sa kakatakbo, pero ang mga humahabol sa amin ay walang kapaguran at lalo pa yatang lumalakas at bumibilis.
"Hindi ka ba napapagod, Ate? Kanina ka pang tumatakbo at karga mo pa ako"
"Hindi mapapagod si Ate. " Kahit ang totoo ay halos nanlalabo na ang mata ko sa pagod, pinipilit ko lang ang katawan ko dahil ayokong mapahamak siya. "Mahal na mahal ka ni ate, Adrien." Pinigilan ko ang sarili ko na mapa-hikbi. Sana naman ay magawa namin itong lusutan.
Sandali kong nilingon ang mga bangkay na humahabol sa amin, mukhang napapalapit na ang mga ito. Mariin akong napapikit at lalo ko pang binilisan ang pagtakbo.
Pero sa kasamaang palad ay may nakaharang na gate sa nag-iisang daraanan namin, gawa ito sa alambre at barbed wire, at sa tantya ko ay kasing taas ito ng isang palapag na bahay. Bigla akong napatigil at sandaling nataranta. Aligagang nagpalinga-linga ako hanggang sa may nakita akong maliit na butas sa nakaharang na gate, mukha namang kasya doon si Adrien.
"Adrien, lumusot ka dun. Bilisan mo!" sigaw ko sa kapatid ko. Pinayuko ko siya at pilit na inilusot doon. Mukhang nagalusan ng kaunti ang braso niya dahil sa alambre. Pero sigurado naman ako na ligtas na siya doon.
Lumanghap ako ng hangin at bumuntong hininga. Mukhang ito na ang katapusan ko. Wala na akong ibang malulusutan pa.
Binunot ko ang napulot kong baril na nakasiksik sa tagiliran ng maong pants ko.
Mas mabuti na mamatay ako na lumalaban!
"Ate Alyson!" Umiiyak na sigaw ni Adrien. Hindi ko siya pinansin sa halip ay itinutok ko ang buong atensyon ko sa mga lumalapit na mga bangkay. Isa-isa ko silang pinaputukan hanggang sa naubos ang mga bala pero dalawa palang sa kanila ang naiitumba ko.
"Miss! Dumapa ka!" Napalingon ako kung saan nanggaling ang hindi pamilyar na boses na 'yon. Nakita ko ang isang matangkad at madungis na lalaki, katabi niya si Adrien.
"Dumapa ka!" sigaw niya na may kasama pang pag-senyas kaya naman kaagad ko siyang sinunod. Dumapa ako. Narinig ko agad ang sunod-sunod na putok ng baril. Napatakip ako sa pareho kong tenga.
Nang matapos ang putukan ay nanginginig na itinunghay ko ang ulo ko. At labis ang pagpapasalamat ko sa Diyos ng makita kong nakalumpasay na lahat ng mga bangkay sa lupa at hindi na gumagalaw.
Pagod akong napasubsob sa lupa at unti-unti binalot ng dilim ang paningin ko hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.