WYNTER JUAREZ Simula nang humiga siya sa hita ko ay hindi na ako nakagalaw pa. Daig ko pa ang naestatwa sa kinauupuan ko, at hindi ko alam kung napansin niya iyon since nakapikit siya. Ibinaling ko na lamang ang tingin ko sa screen ng TV. Kahit pa kasi nakapikit siya at hindi na nakatingin sa akin, nakakaramdam pa rin ako ng pagkailang. "I-play mo na 'yung gusto mong panoorin. Magre-relax muna 'ko rito," sabi niya. Nilingon ko agad ang remote na naroon sa center table. Hindi ako makakatayo para abutin 'yon at mas lalong hindi ko magagawang dumukwang dahil nakaunan siya sa mga hita ko. "Paabot ng remote." Kahit nakapikit pa rin, iniunat niya ang braso niya at kinapa iyon sa ibabaw ng mesa hanggang sa makuha niya. Saka niya inabot sa akin. Kaya lang, sa sitwasyon namin, parang nawala n

