Mga Ngiti
Sa bawat paghakbang ko ng aking mga paa, ramdam na ramdam ko ang bawat pagyanig ng lupa. Kung titignan, nakakatakot. Ang lupang inaapakan ko ay bitak-bitak at lumalabas dito ang kaparehas na likido kagaya ng sa bulkan. Pula at umuusok pa.
Isang hakbang, dalawa, tatlo, hanggang sa hindi ko na mabilang. Napatigil na lamang ako ng mapansin ko ang isang babaeng nakahubad. Nakatali sa baligtad na krus sa harap ng isang simbahan. Hindi siya umiiyak o tumatawa. Walang ekspresyon sa kanyang mga mukha. Walang kahit ano, kahit patak ng luha..
Habang pinagmamasdan ko siya, ramdam ko pa rin ang pagyanig ng aking lupang tinatayuan. Wala akong mabasa sa kanya. Blangkong ekspresyon. Isa lang ang pumapasok sa isip ko ngayon. Sino siya?
Nakaharap pa rin ako sa kanya. Maputi siya at may mahabang buhok na hanggang dibdib. Kapansin-pansin rin ang mga pasa at sugat sa kanyang katawan at mukha. Mayroon ding hindi maipaliwang na marka sa kanyang tiyan.
Limang minuto pa ang nakalipas ng maisipan kong lumakad ulit. Hindi ko alam kung saan ako pupunta o kung saan ako galing pero may nagtutulak sa isip ko na lumakad pa.
Kumikirot na ang ulo ko sa mga nakikita ko. Walang tao maliban sa aming dalawa ng babaeng dinaanan ko. Walang tao pero parang dinaanan ng delubyo ang nakikita ko.
Nagsimula ng pumatak ang ulan. Patuloy pa rin ako sa paglalakad na parang may hinahanap.
May natatanaw akong isang mataas na bakod. Makalawang at parang matagal ng walang dumadalaw o bumibisita sa lugar.
Mabuti na lamang at may suot akong jacket kahit nakasuot ako ng bistida. Biglang lumamig ang paligid. Ngayon alam ko na kung bakit. Isang sementeryo pala ang napuntahan ko. Nakakapagtaka lang na kabi-kabila ang mga santo rito. Tumindig ang balahibo ko ng biglang lumapit papunta sa akin ang rebulto ni Mary. Ang asawa ni Joseph at birheng nagluwal kay Hesus. Ngayon ko naramdaman ang matinding takot.
"Nand'yan lang siya.." sabi nito sabay turo ng diretso sa isang daan. Wala namang kakaiba sa tinuturo niya ngunit biglang kumidlat at natapos ang ulan. Ang lupang kinatatayuan ko ay bumalik na sa normal. Nawala ang mga santo pati ang mga nasa himlayan. Naging isang normal na kakahuyan lang ang paligid.
"Rina.. Rina.. Rina!!!"
Ang bilis ng pangyayari na parang hinihigit ako sa kung saan.
"Rina.."
Kasabay ng paghabol ko sa aking hininga ay napamulat ako.
"Rina, ayos ka lang ba?" Tanong ni Mama.
"Tsk! Panaginip na naman!" 'Yun na lang ang nasabi ko at tumayo na. Tumingin ako sa kalendaryo at orasan. July 07.. 07:00 am.
"Hoy Sannarina De Guzman! Para kang walang nakita ha!"
Lumapit ako pabalik kay Mama at niyakap siya.
"Mama naman! 'Di na nasanay sa'kin. Labyu."
Bago ako lumabas ng aking silid, napadaan ako sa aking salamin. Nakangiting nakatingin na naman siya sa akin. Hindi na nakakatakot. Labing walong taon na siyang ganiyan.