"Oo nga pala, ignorante ka nga pala regarding sa papel na 'to. Hindi ito basta papel lang," saad ko rito. Kunot-noo lang itong nakatitig sa papel na hawak ko.
"Ewan ko sa'yo! Basta nagtatampo ako sa'yo!"
Natawa ako rito. "Bakit ka naman nagtatampo?"
"Mas close kasi kayo no'ng si Sandra. Kaya ako na tunay mong kaibigan ay nakalimutan mo na!"
Natawa akong muli sa narinig mula rito. "Bukas na bukas samahan mo ako sa bangko at gawin natin itong pera," nakangiting tugon ko rito.
"Ewan ko sa'yo! Ako'y 'wag mong pinagloloko, Lyn!" inis nitong tugon sabay nguso. Nailing na lamang ako rito.
Pumasok na ako sa loob ng munti naming tahanan ni inay, nakasunod lang sa akin si Erin. "Ang mabuti pa hilamusan mo iyang mukha mo," saad ko rito.
"Oo na, pero kahit ganito ang mukha ko panigurado naman akong kahit hindi ako maganda may hitsura pa rin," pagmamayabang pa nito.
"Ay sus, sino ba ang may sabing pangit ka?" nakangiting tugon ko rito.
"Trip ko lang," nakanguso pa rin nitong saad.
"Loka ka talaga," nakangising turan ko rito. Binuksan ko ang TV. "Maligo muna ako manood ka muna riyan ng paborito mong drama," saad ko rito.
"Ligo well," tugon nito.
Nakangiting tinungo ko ang banyo at naligo. Makalipas ang ilang minuto ay lumabas ako ng banyo at pumanhik sa taas para tunguhin ang aking sariling silid.
"Ikaw naman, maligo ka na lang muna rito," saad ko sa aking kaibigan.
"Sige, kuha muna ako damit."
"Isara mo ang pinto," bilin ko rito.
"Opo," birong sagot nito sa akin. Nailing na lamang ako.
Pumasok na ako sa sariling kwarto at nagbihis. Pagkatapos kong magbihis ay sinuklay ko ang sariling buhok habang nakatitig sa sariling repleksyon sa salamin. Muli, binalot ng kalungkutan ang aking puso.
"Farrah," bulong kong tugon. Saka tumulo ang mga luha mula sa aking mga mata. Kinapa ko ang suot kong kwintas. Pagdakay, marahas kong pinunasan ang aking mga luha nang marinig ang sigaw ni Erin mula sa baba.
Bumaba na ako para magluto ng kanin at ulam. Tinungo ko ang kusina at inayos ang ilang kahoy para gumawa nang apoy. Magluluto ako ng kanin at ulam. Hindi ko na naabutan si Erin, tingin ko'y nasa loob na ito ng banyo. At hindi nga ako nagkamali dahil mula roon narinig ko ang boses nito na pakanta-kanta pa ang bruha.
Nang umapoy na ang kahoy napangiti ako. Hinugasan ko ang kaldero at nilagyan ng bigas, at isinalang. Hinanda ko na ang ulam kong tuyong isda. Heto ang buhay ko, at hindi ko mapigilan na ihalintulad ang aking sarili sa mala-Cinderella na buhay. Akala ko sa mga story book lang iyon nangyayari, pwede rin pala itong mangyari sa totoong buhay.
"Hoy!" Gulat na napalingon ako sa kinaroroonan ni Erin.
"Ano ba! Ikaw talaga," nakanguso kong turan dito.
"Ba't ba napaka-magulatin mo?"
"In born na talaga 'to," sagot ko rito at muling hinarap ang ginagawa.
"Lyn, penge ako ulam. Ang ulam namin sa bahay bagoong na naman," reklamo nito.
"At least may kinakain kayo. Huwag kang magreklamo. Magpasalamat ka sa Panginoon at least hindi kayo nagutom. Bawat nangyayari sa ating buhay, masama man 'yan o mabuti ay nararapat lang na ipagpasalamat natin sa taas."
"Hayan na naman po siya sa pagiging isang makata." Nailing na lamang ako sa inasal ng kaibigan kong si Erin.
"Nagpapaalala lang, dapat mapagpasalamat tayo sa lahat ng bagay dahil ang Panginoon ang siyang nagbigay," saad ko rito.
"Oo na, salamat po," tugon nito.
Niluto ko ang tuyong isda ng sa wakas ay naluto na rin ang kanin naming mais. Yes, mais ang kinakain namin ni nanay para mas makatipid kami sa pera, palibhasay marami akong binibili na mga gamot para rito. Pero ngayon na alam ko na ang tunay kong pagkatao. Makakatikim na rin ako ng masagana. At siyempre, ibabahagi ko rin iyon sa kaibigan kong si Erin at sa mga taong katulad ko rin ay plano kong bigyan nang puhunan kahit sa maliit na paraan ay makatulong ako sa mga ito at para na rin makapagpatayo ng maliit na negosyo, pero kakausapin ko pa roon si Tita Mildred.
Pagkatapos kong maluto ang ulam ay isinalang ko ang sinabawang gulay. Yeah, ang pinaka-paborito ko sa lahat. Pagkatapos maluto ay inihain ko ito sa maliit naming mesa. Eksaktong inihanda ni Erin ang mesa.
"Iyan, ako na naghanda. Para naman hindi mo masabing wala akong silbing kaibigan," palatak nito.
"Loka ka talaga," nakangiting tugon ko rito.
"Ako na naman ang loka, ikaw talaga kahit thank you man lang sana marinig ko mula sa'yo," palatak nito na nakanguso. Sarap lang pitikin. Napangisi lang ako sa sinabi nito.
"Hindi ka naman mabiro, sige na kumain na tayo," saad ko rito at dumulog na ako sa mesa. Saka kami nag-umpisang kumain.
"Alam mo bang hindi pa rin nawawala sa isipan ko iyong sinabi mo?"
"Alin do'n?" nakangiting nag-angat ako ng tingin dito.
"Makakalimutin ka talaga, jusko Lyn daig mo pa si Lola Fatima," naiiling na sagot nito sa akin.
"Sa dinami-dami kong iniisip tiyak na hindi ko maiwasang maging makakalimutin, Erin. Pero bukas sasama ka sa'kin para gawing pera ang papel na ito," nakangiting tugon ko rito at ipinakitang muli ang papel na hawak ko.
"Ano ba ang nasa papel na 'yan? Ewan ko ba kung trip mo lang akong asarin, ha? Pero kung totoo man iyang sinasabi mo, aba'y salamat."
"Totoo nga, ano ka ba! Makakabili na tayo ng sarili ninyong lupa at bahay at bibigyan kita ng negosyo," nakangiting saad ko rito.
Lumapit ito sa akin at dinama ang aking noo at leeg. Natawa ako sa ginawa nito. "Loka!"
"Wala ka namang lagnat. Okay ka lang ba talaga? Hindi ka ba nag-drugs?"
"Grabe ka naman. Hindi, a! Totoo nga ang sinasabi ko. Ba't ba ayaw mong maniwala?"
"Dahil napaka-imposible ng mga sinasabi mo. Don't tell me pumasok ka sa strip club?!" Bulalas nito. Muli na naman akong nagpakawala ng isang malutong na halakhak.
"Trust me, totoo nga ang mga sinasabi ko. Ba't ba ayaw mong maniwala sa'kin. Kailan ba ako nagsinungaling sa'yo?"
Nagulat ako ng tumulo ang mga luha mula mga mata ng aking kaibigan. Kunot-noo na napatitig ako rito.
"Lyn naman, e. Alam mo bang umaasa ako? Huwag mo naman akong pag-tripan ng ganito, o."
Ngumiti ako rito at nilapitan ito sabay yakap. "Totoo ang mga sinasabi ko, mahabang kwento, Erin. Malalaman mo rin ang lahat," ani ko rito.