"Delailah!"
"Delailah!"
Dinig kong may tumatawag sa aking pangalan, ngunit sadyang hindi ko magawang imulat ang
aking mga mata. Gising ang aking diwa, ngunit labis ang pangangalay ng aking katawan dahil sa
pagod.
Kailangan kong magpahinga!
Patindi nang patindi ang panlalamig ng kapaligiran. Pakiramdam ko, malapit ng manigas ang
aking katawan. Sa loob ng kamalig ng mga binhi, nakabaluktot akong nakaupo sa sa ibabaw ng
mga dayami. Ang aking ulo ay nakasiksik sa pagitan ng aking mga tuhod, habang pilit na
niyayapos ang sarili. Ngunit gayon pa man, sa kabila ng aking luma at makapal na kasuotan, ni
hindi man lang nito naibsan ang matinding panlalamig na bumabalot sa akin.
"Delailah!" ang matigas at pasitang bulyaw ni papa kasabay ng paglangitngit ng kawayang sahig
dahil sa ginawa niyang paghakbang palapit sa akin.
Isang hindi kalakasang pagsipa ang tumama sa aking tuhod, dahilan para mapadilat ako.
Tumambad sa akin ang galit na mga tingin na ibinibigay niya sa akin. Masamang nakatutok sa
akin ang kulay abo niyang mga mata, dahilan para mapalunok ako. Sa sandaling ito alam kong
inis siya sa akin, lalo na't ginuguhitan na ng tatlong linyang kulubot ang kaniyang noo na
natatabunan rin ng kaunting puting buhok. Bakas ang pagkahapo sa kaniyang payat na katawan,
marahil ay isa iyon sa mga dahilan kung bakit nawawala na naman ang kaniyang pasensiya sa
akin.
Sa edad na kwarenta, akalain mong nasa setyenta na ang tanda ni papa. Lumalalim na ang balat
sa kaniyang pisngi dahilan para mababakas ang paglitaw ng buto sa magkabilaan niyang mukha.
Kung titingnang mabuti, akalain mong lulong ito sa alak. Ngunit hindi. Sa bigat ng
responsibilidad na nakaatang sa mga alipin sa bansang ito, natural na ang agaran o maagang
pagtanda ng mga tao.
Kahit noon pa man, pakiramdam ko ay malayo ang loob ni papa sa akin. Nang mamatay si mama
Helena, tila nawalan rin ng direksyon ang buhay ni papa. Gaya ko, hindi niya matanggap ang
malupit na katapusan ni mama. Hanggang ngayon sinisisi niya pa rin ang kaniyang sarili
sapagkat wala man lang siyang nagawa noon kundi tingnan na lang ang kamatayan ng aking ina.
Masakit ang mawalan ng mahal sa buhay. At sa kasamaang palad, pakiramdam ko, nang
mamatay ang aking ina, naisama ring nailibing sa puntod nito ang pagmamahal ni papa para sa akin. Bigla nalang kasi siyang nanlamig, tila ba nawalan na ng pakialam pa sa nag-iisa niyang
anak.
"At may gana ka pa talagang matulog dito? Bilisan mo! Walang panahon dito ang kukupad-
kupad, kung ayaw mong mahampas ng mga gwardya!" pagalit na wika niya sa malamig na tinig.
Sa mga salitang binitawan niya, tila ba ipinapahiwatig niya roon ang kaniyang pag-alala sa akin.
Ngunit nang matanaw ang matinding panlalamig na dumudungaw mula sa kaniyang mga mata,
muli akong hinampas ng reyalidad. Matagal na nga palang walang pakialam si papa sa akin.
"O-opo, papa!" Bagamat napapagod pa dahil sa walang humpay na kakahakot ng mga binhi
patungo sa mga magsasaka, sa huli ay wala akong nagawa. Alumpihit akong tumayo saka
binuhat ang malaking banga laman ang mga binhi.
Pailing-iling namang nakasunod sa aking mga kilos si papa. Ni hindi man lang niya ako
inalalayang ikarga sa aking balikat ang mabigat na banga.
Gayon pa man, kahit malayo ang loob niya sa akin, ni minsan ay hindi niya ako nagawang
pagbuhatan ng kaniyang mga kamay. Sadiya marahil na natatabunan ng matinding pagtatampo
ang aking puso kaya sa paglipas ng mga panahon ay tila namanhid na rin ang aking pakiramdam,
dahilan para hindi ko na mahagilap ang pakiramdam na nag-alala siya para sa akin.
Nang makalabas sa kamalig, ang nakakangilong lamig ang biglang yumayapos sa aking katawan,
dahilan para mas domoble sa panginginig ang aking kalamnan.
Hinahawakan ko nang mabuti ang mabigat na banga na nakapatong sa aking balikat, sa takot na
baka mabitawan ko ito. At kapag mangyari iyon, alam kong makakatikim ako ng kalupitan mula
sa hagupit ng mga kamay ng mga gwardiya na nakaposte dito sa sakahan.
Pakulimlim nang pakulimlim ang kapaligiran, dahil sa panahong ito, kinukumutan ng
makakapal na ulap ang langit. Panahon ng taglamig kaya madalang lang na sumisikat ang araw.
Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang walang humpay rin na pagpatak ng mga pinong niyebe
mula sa kalangitan dahilan para mapuno ng yelo ang mga kabundukang abot tanaw sa aking
paningin.
Mula sa dako paroon, sa hangganan ng milya-milyang kapatagan na ito, matatanaw ang walang
hanggang kagubatan na humahawla sa pinaka sentro ng bansa kung saan matatag na nakatayo
ang palasyo ng Thesalus.
Mula rito sa kapatagan ng Ithaka, natatanaw ko ang tuktok ng mga tore ng palasyo na tila
gakarayom na sa liit dahil sa sobrang layo ng kinaroroonan nito. Gayon pa man, nakikita ko kung
gaano katatag na tumayo ang mga tore na iyon tila ba mayabang na tumindig paharap sa milya
milyang mga lambak at lupaing nasasakupan ng bansa. Tunay na may maipagmayayabang ang
kaharian. Karangyaan, kayamanan at kapangyarihan man, ang kaharian na ito ay tinitingala ng
lahat.
Ngunit sa kabila ng kayamanang ibinubuhos sa Thesalus, sadiyang iilan lang ang mga taong
pinagpala. Maswerte ang mga dugong bughaw na naroon sa tuktok ng tatsulok ng monarkiya,
ngunit taliwas naman para sa aming mga aliping narito sa laylayan ng lipunan.
Inaanay!
Kinamumuhian ko ang bansang Thesalus. Sa dinami daming bansa mayroon ang mundo, hindi
ko maintindihan kung bakit sa kaharian na ito ako isinilang.
Mula sa mata ng isang sawim palad na aliping kagaya ko, nababakas ang magkahalong takot at
pagdurusa. Ang mga mata ko ay salamin sa kung ano ang pakiramdam kung paano mabuhay na
mahirap at isang alipin sa kaharian na ito. Mula nang mamulat ako sa mundo tila ba pasan pasan
na namin ang kapalaran kung paano maalisan ng karapatang pantao, kung paano maabuso, at
maging sunod sunuran sa anino ng mga dugong bughaw. Isang mapait na katotohanan na sa
kabila ng walang humpay naming pagdurusa, sa huli, ang malupit na hagupit pa rin ng mundo
ang sisikil sa aming mga naroon sa pinakababang antas ng lipunan sa kaharian.
Sa gitna ng walang humpay na pagbuhos ng mga pinong niyebe, matatanaw sa kapatagan ng
bayan na ito ang mga magsasaka na pumupuno sa kilo-kilometrong sakahan. Ang mga
magsasakang tulad ko ay ang mga aliping naroon sa pinakamababang antas ng lipunan. Gaya ko,
hindi nila alam kung paano ang magbasa at magbilang. Paano at bakit nangyari iyon?
Mangmang kami. Hindi dahil sa ayaw naming mag-aral at matuto kundi mahigpit na ipinagbawal
ng palasyo ang edukasyon para sa amin sa takot lang na baka magkamuwang ang lipunan at ito'y
gawing sandata namin upang mag-alsa laban sa kanila.
Sa aking paghakbang, nagiging klaro rin sa aking paningin ang mga kabataan na nasa edad lima
pataas na ngayon ay pwersahang pinagbubungkal ng lupa. Ang mga kababaihan ay nagtatabas ng
makakapal na damo habang ang iba ay hila hila naman ang mabigat na bakal pang araro sa
sakahan na ito. Ang mga matatanda, na hinang hina na at naghihintay na lang ng kanilang
kamatayan ay pwersahan pa ring pinagtatanim ng mga pananim at binhi sa lupain na tila
isinumpang hindi makapagbibigay ng masaganang ani.
Pawang mga matatanda, kabataan, at mga kababaihan lang ang narito. Nasaan ang mga
malulusog na mga binatilyo at mga kalalakihan? Lahat ng mga kalalakihan dito ay tinipon sa
sentro ng Thesalus upang sanayin bilang mga kawal at maging mandirigma.
Mayaman ang Thesalus. Tunay ang kapangyarihan nitong tinataglay. Bakit kailangan pa namin
mga alipin na magkandakuba sa gitna ng bagyo? Simple lang, kailangan naming pakainin ang
mga libu-libo at bata-batalyong hukbo ng Thesalus. Ang mga sundalo ang tanging
nagpapakinabang sa lahat ng mga pinaghirapan naming magsasaka.
Gaano nga ba kahirap ang maging alipin sa kaharian na ito?
Masdan ang nangininig na mga labi ng lahat. Ang mga labi namin na halos mangitim na dahil sa
matinding lamig na bumabalot sa aming balat, dagdagan pa ng aming pagkapagod at labis na
pangangalay dahil sa walang habas na pagbungkal ng lupa.
Ang kabataang dapat naroon sana sa kani-kanilang tahanan nakaupong humarap sa naglalagablab
na panggatong upang mainitan, masdan ang kanilang mga pisnging dinidiligan ng magkahalong
pawis, niyebe, at luha. Kailangan din nilang magpahinga! Umaayaw na ang kanilang naninigas
na mga katawan. Ang pangangatal ng kanilang lalamunan ay senyales ng abot langit na
pagdurusa ngunit naroon sila, patuloy sa pagbubungkal, pagtatanim at pagtatabas sapagkat doon
nakasalalay ang kanilang mga buhay. Ang mga kamay nilang iyon ay puno na ng sugat. Isang
parusa na bitbit na nila magmula nang mamulat sila bilang magsasaka sa kaharian na ito.
Naroon sa kanilang isipan ang huminto kahit saglit man lang, pero paano nila gawin iyon gayong
buhay na buhay rin ang takot sa kanilang dibdib na baka mahampas sila ng mga malulupit na
gwardiya na naroon din sa tabi tabi, bitbit ang matitibay na latigo habang mahigpit na
nakabantay sa aming lahat.
At higit sa lahat, masdan ang pait na naroon sa mga mata ng mga kababaihan na siyang naging
ina ng mga kabataang narito. Walang hanggang pasakit rin ang pumapaligo sa kanila sa bawat
sandaling tinitingnan nila kung paano dinidiligan ng mga luha ang mga humihikbing labi ng
kanilang mga anak, na tila ba nawawalan na rin ng pag-asang mabuhay pa. Ang mga anak nilang
iyon na dapat sana masayang nagtatakbuhan sa mga kapatagan. Ang mga anak nilang iyon na
dapat niyayakap at minamahal... Ngunit ano ang magagawa ng isang ina? Kung sa sandali pa
lang na isilang niya ang kaniyang anak, ito ay hindi na sa kaniya kundi pag-aari na ng palasyo.
Malamig ang impyerno.
Sapagkat sa lupain na ito kung saan madalang lang sumasapit ang tag-init sa isang buong taon,
nabubuhay kaming mga aliping malala pa sa hayop kung ituring ng mga dugong bughaw.
Sa kabila ng paghihirap ng mga nasasakupan, tila ba bulag rin ang mga nasa itaas, patuloy ang
panghuhothot nila sa amin ng buwis. Sinalat nila lahat ng aming mga ani, tila lintang
nakasalalay sa dugo't pawis naming mga aliping walang sawang nagtatrabaho para sa isang
bansang unti-unti ring pumapatay sa amin.
Kakatwa mang isipin ngunit sa likod ng karangyaan tinatamasa ng Thesalus, ay ang mga
paghihingalo at paghihirap din naming mga aliping walang humpay sa pagdaing at pagluha,
pawang naghihintay ng aming kamatayan na siyang tanging daan sa aming kalayaan.
Anong kahangalan iyon, hindi ba? Unti-unting pinapatay ng Thesalus ang mamayang
nagpapatakbo sa sariling bansa!
Matapos ang paglalakbay, unti-unti na akong napalapit sa mga manggagawa. Maingat at mabilis
ang aking ginawang paghakbang. Kailangan kong magmadali. Hindi ko namalayan na nakatulog
na pala ako sa kamalig nang maisip kong magpahinga saglit. Hindi ko alam kung gaano ako
katagal na naantala sa aking gawain na ito. Hindi ko maiwasang hindi mabahala para sa aking
sarili.
Palapit na ako nang papalapit sa sakahan, kung saan naghihintay ang mga aliping kasama ko.
Nakatingin silang lahat sa akin dahilan para mabuhay ang kaba sa aking dibdib. Sa aking
pagmamadali, sadiya nga yata talagang mapagbiro ang tadhana, nang mapatid bigla ang aking
kaliwang paa sa nakausling bato na naroon sa aking dinaraanan.
Sa labis na pagkabigla, dagdagan pa ng pagkahilakbot ng husto ng aking dibdib, hindi ko
namalayang nabitawan ko ang bitbit na banga. Kasabay ng aking pagbagsak sa mabatong daan,
ang pagtilamsik rin ng mga pinong binhi na ngayon ay nagkalat na sa aking harapan.
Sa sandaling ito halos mahimatay ako sa labis na pagkataranta. Ang aking isipan ay nablangko,
dahilan para hindi ko malaman kung ano ang dapat na gagawin bukod sa pagmasdan na lang ang
mga binhi.
"Alipin!" umugong ang malakas na sigaw ng gwardiya.
Napapikit na lang ako dahil sa labis na pagkahindik na nararamdaman. Nakakabingi ang
pagtambol ng aking dibdib. Halos panawan na ako ng aking ulirat. Sa sandaling ito alam kong
mabigat ang kaparusahang naghihintay sa akin.
A/N:
Hi folks. It has been 8 years since the last time l wrote a M2F novel. Bxb po ang genre ko. Hope you like this one.