MIRASOL
Hindi ko akalain na ang pinagdaraanan naming kahirapan ay may mas ihihirap pa pala. Tumatanda na ang nanay namin at dumarami na rin ang idinadaing niyang sakit sa katawan. Ang mga kapatid kong nakatatanda ay dito pa rin naka-asa tulad ni Ate Moneth na siyang panganay. Pinag-aral ito ni Nanay Flor hanggang kolehiyo pero hindi nakatapos dahil nabuntis nang maaga.
Si kuya Jojo naman na sumunod sa kanya ay may sarili ng pamilya. Tamad itong mag-aral at mas piniling magtrabaho na lang hanggang makapag-asawa sa murang edad. Ngunit lagi rin itong nakadaing kay Nanay dahil hirap buhayin ang mag-iina niya.
Ang pangatlo ay si Kuya Romel na siyang pinaka-masikap at madiskarte sa amin. Nag-aaral ito para maging isang Guro habang nagtatrabaho sa isang fastfood chain upang may maipangtustos. Ang sinundan ko naman ay si Tonio na isang bading at nasa ikatlong taon ng sekondarya. Ako naman ang bunsong si Mirasol na labing isang taong gulang pa lamang. Matagal nang namayapa ang aming ama kaya mag-isa na lang si Nanay na bumubuhay sa amin.
Laki kami sa hirap at maagang namulat sa trabaho. May inalagaan daw na bata si nanay noon na anak-mayaman kaya nang kunin ito ng pamilya ay binigyan siya ng pabuya. Nakaalis kami sa iskwater at nakabili ng maliit na lote sa Marikina dahil sa perang iyon. Dito na ako nagkaisip.
Iyon din ang dahilan kaya nakapag-aral kami. Iyon nga lang ay hindi nga nakapagtapos ang mga kapatid ko tulad ni Ate Moneth. Nabuntis siya at tinakbuhan ng lalaki. Ang masaklap pa ay sakitin ang bata nang ilabas sa sinapupunan. Dito nagsimulang maubos ang perang inipon ni Nanay. Pabalik-balik kasi sa ospital ang pamangkin ko. May diperensya sa puso si Lileth kaya alaga ito sa gamot. Dahil sa sakit nito ay hindi na nakapagtrabaho si Ate para alagaan ang anak. Kaya si Nanay lang talaga ang naghahanap-buhay sa amin.
Isang araw, sinabi ni Nanay na hindi na raw muna mag-aaral sa pasukan si Tonio. Tutulong ito sa pag-aalaga kay Lileth para makapagtrabaho ang ate namin. Labis iyong ikinalungkot ni Kuya pero wala itong magawa.
"Patapusin muna natin ang kuya Romel ninyo. Kapag naka-graduate na siya at nakapagtrabaho ay may tutulong na sa atin. Makakapag-aral ka na ulit, Tonio," pampalubag-loob na sabi ni Nanay rito.
Alam kong nalulungkot din siya pero walang magawa si Nanay. Talagang hirap ang pamumuhay namin ngayon. Swerte nang makapag-ulam ng isda. Kawalaan ay tuyo at kamatis.
"Wish ko lang talagang makatulong 'yang si Kuya Romel kapag nakatapos na," ani Tonio na ikinakunot ng noo namin.
"Ano'ng sinasabi mo d'yan, Tonio?" inis na tanong dito ni Ate Moneth. Kami lang apat ang nasa hapag dahil night duty sa trabaho ang tinutukoy niya.
"Balita ko kasi'y may girlfriend na 'yang si Kuya Romel sa school. Baka mag-asawa rin iyan pagka-graduate."
"Tonio, bakit ganyan ang iniisip mo sa kuya mo? Wala ka bang tiwala sa kanya? mahalaga tayo kay Romel at nangako siya na ia-ahon niya tayo sa hirap kaya nga nagsusumikap siyang maigi," pagtatanggol ni Nanay kay Kuya. Tahimik lang ako habang nakikinig. Masyado pa akong bata para sumabat sa usap nila.
"Sana nga, 'Nay, sawang-sawa na akong mangutang sa tindahan. Dadakdak muna si Aling Thelma bago magbigay," reklamo pa ni Tonio. Ang tinutukoy niya ay ang kapitbahay namin na may-ari ng tatlong palapag na bahay na siyang pinakamay-kaya sa mga tagaroon. Mommy ito ng kaklase kong si Vienna.
"Kung mag-asawa man siya ay wala na tayong magagawa roon. Makakaraos din tayo mga anak. Ang importante’y magkakasama tayo."
Saglit namang natigilan si Ate Moneth at tila biglang may naisip kaya napuna siya ng lahat.
"Tulala ka na naman diyan, Ate. Iniisip mo na naman ang ama ng anak mo," untag sa kanya ni Tonio.
“Ano bang ‘yon, Moneth?” tanong din ni Nanay.
“Wala lang po. Naalala ko lang si Rina. Ano na kayang buhay niya?” anito. Si Rina ay iyong dating nakatira sa amin na may mayamang magulang.
“Ay, oo nga. Ako rin, Nanay. Naiisip din kaya tayo ng babaeng 'yon? Tiyak na prinsesita na ang loka. Hindi pa rin ako makapaniwala na isa siyang Villanueva. My gosh!” Itinirik pa ni Kuya Tonio ang mga mata saka uminom ng tubig sa baso.
“M-mayaman ba talaga ang pamilya niya?” sabat ko sa mga ito. Hindi ko kasi masyadong natatandaan si Rina ngunit bukang-bibig ito ng mga kapatid. Sa ibang bansa na raw kasi ito nakatira.
“Pinaka-mayaman sa Pilipinas ang mga Villanueva, batay sa nabasa ko, ha! At si Rina ay solong tagapagmana ng isa sa mga ito. Oh, ‘di ba? Ang taray!” dagdag pa ni Tonio.
“Tiyak na kinalimutan na tayo n’on. Hindi man lang nagawang dumalaw sa atin pagkatapos niyang makilala ang mayaman niyang pamilya, tssk!” nakasimangot na saad ni Ate.
Sinaway naman siya ni Nanay at pinagsabihan. “Hindi ganoon si Rina! Intindihin na lang natin siya. At isa pa’y Trisha na ang pangalan niya. Tiyak na masaya na ito sa totoo niyang pamilya. Dapat lang naman siyang makaranas ng kaginhawahan dahil iyon ang tunay niyang pagkatao. Alalahanin n’yong malaki ang tulong na ibinigay sa atin ng pamilya niya. Nakabili tayo ng bahay at nakapag-aral kayo kahit papaano.”
“Sabi ko nga, ‘Nay!” labi ni Ate.
NADAGDAGAN pa ang aming problema nang humina ang tindahan ni Nanay sa palengke hanggang magsara ito nang tuluyan. Bumalik siya sa paglalabada ngunit madalang na ang kumukuha sa kanya.
“Hindi na raw kailangan ni Mrs. Kim ng labandera. Ibinigay na niya ang huling sahod ko,” malungkot nitong anunsyo sa amin nang umuwi sa bahay.
Lahat kami ay nalungkot. Saan pa kami kukuha ng pera? May sakit ang anak ni Ate Moneth at kailangan ng maintenance na gamot pati na rin ang monthly check-up. Paano na rin ang pag-aaral ko sa susunod na pasukan? Grade six na ako at balak kong magtapos hanggang kolehiyo pero mukhang malayo na iyon sa katotohanan.
Ilang linggo pa ang lumipas nang kausapin ako ni Nanay sa silid. Naggagayak ito ng mga damit naming dalawa kaya nagtaka ako.
“M-may pupuntahan po ba tayo, ‘Nay?”
“Oo, anak. Hihingi tayo ng tulong sa mga Villanueva. Nakakahiya man pero wala na akong maisip na lapitan para magka-trabaho. Baka pwede akong maglabada sa kanila,” sagot nito.
“B-bakit po kasama ako?” nagtataka ko ulit na tanong.
Tumigil saglit sa ginagawa si Nanay Flor saka ako hinawakan sa magkabilang balikat. “Hindi ba’t gusto mong mag-aral?”
“Opo,” mabilis kong tango.
“Isasama kita ro’n para tumulong sa akin tutal ay bakasyon pa naman sa iskwela. Tapos ay pakikiusapan ko si Sir Paolo na pag-aralin ka. ‘Yun nga lang, kailangan mong mangamuhan, anak,” biglang nalungkot nitong sabi.
“Okay lang po sa akin, ‘Nay. Basta makapag-aral ako.”
Tumango ang ina, “Mirasol, konting tiis lang, anak, ha? Ayoko man na isama ka pero ito lang ang paraan para makatapos ka ng pag-aaral. Alam kong pangarap mo iyon kaya ko ito naisip. Huwag kang mag-alala, mababait ang mga Villanueva at tiyak na tutulungan nila tayo.”
“Siya po ba ang tatay ni Ate Rina?”
Umiling si Nanay. “Hindi. Lolo siya ng Ate Rina mo. Nasa ibang bansa ang pamilya nila kaya kay Sir Paolo tayo lalapit.”
KINABUKASAN nga ay maaga kaming umalis ni Nanay sa bahay para magtungo sa mansyon ng mga Villanueva. Sakay ng buss ay nakarating kami sa Quezon City. Nang makapasok sa Subdivision ay para akong bano sa pagtingin sa mga nagtataasan at naggagandahang bahay sa paligid. Naghuhumiyaw kung gaano kayaman ang mga taong nakatira sa lugar na iyon at para tuloy akong nasisilaw sa labis na paghanga.
“Nanay, ang gaganda ng bahay. Tingnan niyo po iyon may swimming pool sa taas. Kitang-kita ko, grabe!” humahanga kong bulalas sa ina.
“Mas malaki at mas maganda pa riyan ang bahay ng mga Villanueva. Kaya dalian na natin para makarating na tayo. Lakarin na lang natin para makatipid sa pamasahe,” aniya na sinang-ayunan ko.
Habang naglalakad ay panay pa rin ang tingin ko sa mga dinaraanang namin. Parang gusto kong mangarap nang gising. Mangarap na sa ganoong bahay ako nakatira at may swimming pool din, tapos maraming pagkain para hindi ako magutom. Kay sarap mangarap ng masaganang buhay. Kaya gusto kong makatapos para maiparanas ko sa aking pamilya ang kaginhawahang hindi pa namin nakakamtan.
“Mirasol, dalian mo na! Ano pang tinatayo-tayo mo riyan?!” tawag ni nanay. Naiwan na pala ako sa tapat ng isang mansyon at nakatulala roon kaya mabilis akong tumakbo para makasabay sa paglalakad ng ina.
Ilang minuto lang ay nasa tapat na kami ng pinakamataas na bahay sa subdivision na iyon. Gate pa lang ay tila palasyo na sa sobrang tayog at ganda. Halata na sobrang yaman ng nakatira roon.
“Ano’ng pangalan?” tanong ng isa sa dalawang guard na bantay sa labas.
“Flor Almario po, at anak ko po si Mirasol. Kilala po ako ni Sir Paolo at Ma’am Yuna,” pagpapakilala ni Nanay sa kanila. Binibistahan kaming maigi ng dalawang lalaki.
“Wala po kasi rito sina Sir at Ma’am. Nasa Japan ang mag-anak at ang naiwan lang ay si Señorito Yuan. Ano po bang kailangan ninyo sa kanila?"
“Ho, ganoon ba? Kakausapin ko lang kasi sana sila. Mag-a-apply ako bilang labandera o kahit katulong.”
“Naku, Misis. Sobrang dami na ng maid sa loob. Isa pa, kung mag-a-apply ka ay bakit kasama mo pa ang anak mo?”
“May ipapakiusap po kasi ako kina Sir Paolo kaya ko isinama si Mirasol.”
“Pasensya na po pero wala dito ang mga amo namin, e,” saad ng lalaki.
“Kailan po kaya sila babalik?” bigo ang tinig na tanong ni Nanay.
“Kakaalis lang kase nila at malamang na buong bakasyon sila roon,” sagot ng isa.
“W-wala po bang maaring makausap sa loob? Nakakahiya man pero kailangan ko po talaga ng trabaho ngayon. Huwag po kayong mag-alala dahil kilala talaga ako ng mag-asawa,” giit ni Nanay habang hawak ako sa kamay. Nauuhaw na ako dahil sa init ng araw at sa paglalakad namin kanina, tiyak na ganoon din siya.
“Si Señorito po kasi’y nasa condo niya, e. Pero tatawagin ko po si Bing. Siya ang pinagbilinan nina Sir sa bahay.”
Nakahinga kami nang maluwag ni Nanay nang pumasok sa loob ang isa sa guard. Pagbalik nito ay may kasama ng babae na naka-uniporme at tila masungit ang hitsura. Tiningnan niya kami mula ulo pababa at tila sinisino kaming maigi.
“Ano ba iyan? Pinalabas n’yo ako sa kainitan para sa mga aplikante? ‘Di ba nga wala ng bakante?” ang mataray na saad nito sa mga gwardya matapos kaming sipatin ng tingin.
“Kilala raw sila ni Sir Paolo. Tawagan mo kaya para masabi mo?”
“Inuutusan mo ba ako? Kabilin-bilinan ni Sir na huwag tatawag kung ‘di naman emergency!” Tapos ay saka bumaling sa amin. “At sino ba kayo, aber?”
Napayuko si nanay. Ako naman ay matapang na sinalubong ang tingin ng babaeng masungit.
“Ako po si Flor. Nanay-nanayan ni Rina noon. Kailangan ko po kasi ng trabaho—”
“At sino’ng Rina naman ‘yon? Kailangan mo pala ng trabaho ay bakit dito ka agad pumunta? Dapat dumaan ka sa agency!” Nandidilat pa ang mga mata nito sa amin.
“Si Rina po, iyung anak ni Sir Tristan na si Trisha.”
Sa narinig ay saglit na natigilan si Bing, saka pinakatitigan si Nanay. Pero maya-maya ay muli itong sumimangot saka humalukipkip.
“Bumalik na lang kayo kapag nandito na ang mga amo namin. Hindi kami maaring magpapasok ng kung sino sa loob. Baka maabutan pa kayo ng senyorito ay tiyak na kami ang malalagot,” anito saka kumumpas na tila nagtataboy ng langaw. Sinenyasan niya ang dalawang bantay na isara ang gate. Wala kaming nagawa nang pagsarhan ng mga ito.
“Umuwi na tayo, anak. Bumalik na lang tayo kapag nandito na sina Sir,” bigong saad ni Nanay sa akin. Tumango ako pero bago pa kami makaalis ay may dumating na magarang sasakyan at tumigil sa tapat namin.
Bumukas ang gate para makapasok ang kotse. Saglit akong napatitig sa bintana niyon. Para kasing may nakatitig sa akin mula sa loob, e.
“Bakit nandito pa kayo? Hindi ba’t sabi ko’y umalis na kayo?” iritadong wika ng maid na si Bing nang makita kami na hindi pa nakakalayo. Kulang na lang ay itulak niya kami ni Nanay paglapit niya. Umandar naman ang kotse papasok pero tumigil din agad iyon.
“Aalis na nga po!” hindi ko napigilang sabihin. Naiinis ako dahil sa trato ng babae sa aming mag-ina.
“Dalian n’yo, alis! Naabutan pa tuloy kayo ni Señorito. Mamaya mapagalitan pa ako n’on kapag nakita kayo. Ayaw pa naman niya sa mga pulubi!"
Nanlaki ang mga mata namin sa narinig. Hinarap ito ni Nanay Flor. “Hindi kami pulubi! Pumunta kami rito para makausap ang amo ninyo at hindi para manlimos!”
“Asus...sige na, chupi na!” taboy pa ng maid ngunit may malaking lalaki na lumabas mula sa kotse at mabilis na lumapit sa amin.
“Papasukin n’yo sila!” utos nito na ikinatigilan ng kasambahay at ng dalawang gwardya. Pati kami ni Nanay ay nagkatinginan sa narinig.
“P-Pero...” nagtangka pang umapila si Bing.
“Utos ni Señorito. Dalian n’yo!”
“O-Oo, Samson!” mabilis na sagot ng mga bantay at tila nanginginig pa na pinapasok kami sa loob. Si Bing ay bubulong-bulong na nagpatiuna sa amin.
Nang makapasok sa mansyon ay lihim akong nalula sa ganda at lawak niyon. Tama nga si Nanay, pinakamaganda at pinakamalaki ang bahay ng mga Villanueva sa lahat. Pati yata paghinga ko ay mag-e-echo sa sobrang lawak ng bahay. At ngayon lang ako nakaranas maupo sa ganito kalambot na sofa. Pasimple ko tuloy iniyugyog ang katawan doon.
“Mirasol, itigil mo iyan. Baka may makakita sa iyo'y mapagalitan pa tayo...” pabulong na saway sa akin ng ina kaya tumigil ako sa ginagawa.
“Ang ganda po ng bahay, Nay. Saka ang sarap maupo rito. Parang bulak sa lambot,” puno ng paghanga kong saad na ikinangiti ng ina.
“Basta mag-ingat ka sa kilos mo at baka makasira ka. Mamahalin pa naman ang mga gamit dito."
“Opo, ‘Nay, hindi po ako maglilikot. Tutulong lang po ako sa gawaing bahay,” tugon ko.
Ilang saglit ay bumaba na ang maid na si Bing mula sa itaas. Ipinatawag kase ito nung anak ni Sir Paolo para kausapin. Pagbaba ng babae ay nagtaka pa kami dahil mapula ang mga mata niya na tila galing sa pag-iyak.
“Sumama kayo sa akin!” hihibi-hibing anito kaya nagtataka na tumayo kami para sumunod sa kanya.
Habang naglalakad kasunod nila ay hindi ko napigilang hindi lumingon dahil tila may nakatitig sa akin. Pagtingin ko sa itaas ng hagdan ay kumunot ang aking noo nang may mamataang katawan ng isang lalaki na katatalikod pa lamang at nagtungo sa isang pinto ng kwarto.
Si Señorito Yuan, marahil.
***