PENELOPE ELEANOR
Sa sobrang daming gumugulo sa isipan ko ay hindi na ko nakapagsalita nang dumating na rin sa wakas ang hinihintay ko.
Habang nakatitig ako sa kanya ay parang unti-onti na ring naglaho ang maling imahinasyon ko tungkol sa kanya.
Sinong mag-aakalang nasa 40s na ang katulad niya?
Ang bata ng mukha niya at kung hindi dahil sa kanyang bigote ay iisipin kong niloloko niya lang ako tungkol sa edad niya.
Matipuno ang kanyang pangangatawan, makinis ang kanyang mukha at ang buhok niya ay kumikintab at nababagay din sa kanya.
Napakurap ako ng aking mata nang bigla siyang ngumiti sa akin.
"Maligayang pagdating sa mansion. Paumanhin kung pinaghintay kita ng matagal."
Yumuko siya sa akin at pagkatapos ay lumapit siya sa akin ng konti.
"I-ikaw si Kendy?" Hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya.
Sumilay ulit ang ngiti sa kanyang labi at sa pagkakataon na ito ay tila may nagliparan na paru-paro sa paligid ko.
Bakit sa tingin ko ay nakita ko na ang lalakeng 'to?
"Ako nga si Kendy. Paumanhin kung ngayon lang ako nagpakilala sa 'yo." Isang ngiti ang iginawad niya sa akin at ngayon naman ay may halong pag-aalala at lungkot ang iginawad niya.
Paano niya kaya nagagawa ang pagkakaroon ng iba't-ibang klase ng ngiti?
"Hindi ko gustong sirain ang kasunduan namin ng magulang mo na pagkatapos ka nang mag-aral ay saka lamang ako magpapakilala sa 'yo, ngunit nalaman ko ang nangyari sa 'yong magulang at ang mga bagay na nangyari sa pamilya mo."
Mas lalong lumungkot ang titig niya sa akin at kahit ang kanyang tinig ay parang iiyak na rin.
"Hindi ko nais na makitang maghirap ka lalo na at wala ng ang magulang mo kaya naisipan kong ito na ang tamang oras para magpakilala ako sa 'yo."
Ilang minuto akong tumahimik at hindi agad kumibo sa kanya. Nais kong unawain muna ang lahat ng sinabi niya sa `kin.
Tumingin ako sa kanyang direksyon.
"Naiintindihan ko ang nais mo, pero hindi ba parang mali na-"
Hindi ko natuloy ang sasabihin ko. Gusto kong magalit sa kanya, pero nang makita ko ang mukha niya ay parang nakakaramdam ako ng panghihina.
Bumuntong hininga ako ng malalim.
"Okay. I mean, p`wede ba kong umuwi muna para kuhanin ang mga gamit ko? Tsaka hindi ko pa naaasikaso ang pagkuha nila ng bahay." Napayuko ako.
Iniisip ko pa lang na mawawala na sa akin ang nag-iisang bagay na nagpapaalala sa akin ng magulang ko ay parang nanghihina na ko.
Napaangat ako ng tingin nang maramdaman kong lumapit siya sa akin. Hinawakan niya ang baba ko at pinatingin niya ko sa kanyang mga mata. Sumilay ang isang ngiti sa kanyang labi. Isang ngiti na nakakagaan ng damdamin.
"Huwag kanang mag-alala sa bagay na `yon. Ako na ang magbabayad ng lahat ng utang ng iyong magulang upang hindi na rin makuha sa `yo ang bahay na nagpapaalala ng magulang mo."
Imbis na matuwa sa sinabi niya ay nagsalubong pa ang kilay ko dahil sa pagtataka. Nakaramdam din ako ng pagkailang dahil sa lapit naming dalawa.
"Pero alam mo naman na wala akong pera para mabayaran ka."
"Huwag kang mag-alala. Magiging asawa na rin kita kaya hangad ko ang kaligayahan at nakakabuti para sa `yo."
Natahimik ako sa sinabi niya. Hindi ko alam kung anong sasabihin at mararamdaman ko. Dapat ba kong matawa o malungkot dahil baka kung anong kapalit ang hingin niya sa akin.
Parang may kuryenteng dumaloy sa katawan ko nang hawakan naman niya ang mukha ko.
"Huwag kang mag-alala. Hindi ako gagawa ng isang bagay na labag sa kagustuhan mo. Kung gusto mo talagang magbayad ay hihintayin kitang matapos sa pag-aaral at makapagtrabaho hanggang sa kaya mo na kong bayaran."
Mas nalinawan ako sa sinabi niya. Mabuti naman.
"Sana lang ay gawin mo ang mga sinasabi mo ngayon."
Lumayo ako sa kanya at tumingin sa kabilang direksyon. Sa tingin ko ay may hindi tama sa nararamdaman ko ngayon.
Nang muli akong tumingin sa kanya ay naglalakad na siya palabas ng aking kuwarto.
"Maiwan na muna kita rito. Kung may kailangan ka ay tumawag kana lang sa telepono na nasa gilid ng iyong kama at may pupunta rito na katulong upang tulungan ka. Ang `yon damit at mga gamit ay nand`yan na rin sa kabinet." Pagkatapos niyang magsalita ay tuluyan na niya kong iniwan.
Pagkaalis niya ay saka ko lamang naramdaman ulit ang pagiging isa. Pakiramdam ko ay bigla akong nakulong sa isang hawla.
Nakahinga na rin ako ng malalim. Pakiramdam ko habang kausap ko siya kanina ay hindi na ko humihinga. Bakit kasi napakalapit niya sa `kin? Tss.
Imbis na magdamdam at isipin ang lahat ng bagay na nangyari ngayon ay minabuti ko na lang na tingnan ang laman ng kabinet na sinasabi niya.
Habang kausap ko si Kendy kanina ay hindi ko malaman kung anong salita ang ibibigay ko sa kanya. Dapat ko ba siyang galangin dahil mas matanda siya sa akin o huwag na dahil baka malungkot pa siya at mas lalo lang niyang maalala ang laki ng pagitan ng edad namin.
Umiling ako sa naisip. Bakit ba inaalala ko pa ang mararamdaman ng tao na 'yon?
Binuksan ko ang kabinet at napaatras ako ng isang hakbang dahil sa nakita ko.
Sobrang dami ng damit. May uniforme na rin ako para sa school. May pang-alis ako, pang-bahay at iba pa. Kaya lang iba lahat ng ito sa damit na sinusuot ko. Mukhang mas mamahalin ang mga ito.
Napabuntong hininga na lang ako. Walang duda na isang mayaman na tao nga ang pakakasalan ko, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong alam sa pagkatao niya.
Bigla akong sumimangot. Sa buong buhay ko ay hindi pa ko nagkakaroon ng nobyo. Ni hindi pa ko nagkakagusto sa isang tao. Kaya hindi ko alam kung paano ako makikisama sa kanya.
"Mom, Dad, ano ba itong bagay na binigay ninyo sa akin?" Isang malalim na buntong hininga ang napakawalan ko.
Nagsalubong ang dalawang kilay ko nang hindi ko mabuksan ang isang maliit na drawer na nasa ibaba ng kabinet. Mukhang nakasusi ito, pero hindi ko alam kung nasaan ang susi.
Ano kaya ang laman nito?