MARTIN POV
ANG kasal ay para lamang sa dalawang taong matatag. Maraming problema ang darating para subukin kayo, siguro isa na dito ay yung pagtagpuin kami ng tadhan ni Alisha sa tamang panahon ngunit sa maling pagkakataon.
Hindi ko maiwasang mapangiti sa tuwing makita ang litrato ng aming pamilya, ito yung bagay na masasabi kong mayroon ako.
Pinanganak ako sa mundong walang kinilalang ina dahil mayroon na siya ibang pamilya. Si papa ay abala sa trabaho kaya’t kung tutuusin ay hindi ako lumaking may mga magulang. Dumating ang isang araw, nagmahal ako at yung pagmamahal na ‘yon ay nakabuo ng pangakong hindi ko ipararamdam sa aking anak ang naranasan ko.
“Daddy,” tawag sa akin ni Tyler. Binaba ko na ang hawak kong frame at humarap sa kanya. Habang pinagmamasdan ko ang mukha niya ay may kung anong kirot sa puso ko. Kamukhang- kamukha niya si Alisha.
“Where’s mom?” sunod niyang tanong. Niyakap ko siya at doon ay hindi na nagpapigil pa ang maluha aking mapanudyong mga luha.
Anak, patawarin mo ako. Patawarin niyo ako.
Hindi ko sinasadya.
Si Alisha ay kasalukuyang nag-aagaw buhay sa hospital. Dahil sa galit, nakalimutan ko na ang pamilyang mayroon kami. Noong araw na aksidenteng nahulog si Alisha sa hagdan, iyon ang mga oras na gusto ko nang makipaghiwalay kay Alexa.
Nagkakilala kami sa isang aksidente at siya ang naging doktor. Noong una ay wala naman talaga kaming relasyon ngunit simula noong nalaman kong nakipagsiping si Alisha sa ibang lalaki ay labis kong dinamdam. Ang sakit, yung sugat sa puso ko, muling nanumbalik dahil sa ginawa niya.
Nagtuloy ang relasyon namin ni Dra. Alexa Villardez ng patago at may nangyari sa amin na hindi ko akalaing magdudulot ng malaking gulo sa buhay ko kung kailan pwede na ulit maayos ang nasira naming pamilya.
Alam kong nasaktan ko ang babaeng pinangakuan ko sa harap ng altar at ng maraming tao. Nagawa ko siyang pagbuhatan ng kamay at iyon ay bagay na pinagsisisihan ko.
Sa lahat ng kalokohan kong ginawa, hindi niya ako iniwan. Pumunta akong sa simbahan para mangumpisal at doon ay nakausap ko ang pari. Tama ang sabi niya, ang kasal ay parte ng pagtitiis at iyon ang tinatawag na pagmamahal.
Mahal ko siya, mahal na mahal ko si Alisha. Kung naririnig man ako ng panginoon ngayon, handa kong ibigay ang buhay ko basta pagalingin lang niya ang aking asawa.
Kasalukuyan akong nasa tabi niya habang hawak ang kanyang kamay. Namamaga na ang mata ko sa daming luha ang bumagsak ngunit wala akong pake kung sino man ang makakita.
Lumapit ang doktor at natigilan ako sa kanyang balita, buntis ang asawa ko. Ibang saya ang naramdam ko dahil sa wakas, muling madadagdagan kami ng isa pang anak.
“K-kumusta po yung anak namin?” aligaga kong tanong. Panandaliang natahimik ang doktor. “Ikinalulungkot ko ngunit hindi kinaya ng bata. Maraming dugo rin ang nawala sa katawan niya,”
H-hindi puwede! Napatingin ako sa mahihimbing na natutulog kong asawa. Alam ba niyang buntis siya? Kasalanan ko ang lahat ng ito, pinatay ko ang anak namin.
Anak, patawarin mo ako. Isa akong pulis na inililigtas ang iba at hinuhuli ang mga nagkasala sa batas ngunit ako mismo, malaki ang pagkakasala ko sa mata ng Diyos.
Umalis na ang doktor at naiwan na lang kami ni Alisha sa loob ng kuwarto. Sa tuwing naaalala ko ang lahat ng mga nangyari, hindi ko mapatawad ang aking sarili.
Dumating sina Tita Leng at papa. Ilang araw na ako walang tulog, kain, at ligo dahil hindi pa rin maayos ang kalagayan ng asawa ko.
“Anak, nagdala kami ng pagkain. Napababayaan mo na ang sarili mo,” nag-aalalang sambit ni papa sabay abot ng lugaw.
“Pa, ang hirap pala maging isang ama. Buong buhay ko, yung galit sa puso ko kay mama ay hindi nawawala. Nawala na ang pamilyang pinangarap ko, wala na yung anak na sabay namin pinangarap, at kung malaman ni Alisha ang lahat ay iiwan na rin niya ako,”
Niyakap ako ni papa. “Alam mo anak, noong iniwan tayo ng mama mo ay labis din akong nasaktan. Nagtrabaho ako para mapalaki ka ng maayos at ang pagkakamali ko, ang sugat sa puso ko’y naitanim sa’yo dahil sa ginawa ng iyong ina. Anak, kung nagkasala man sa’yo si Alisha, matuto kang magpatawad at humingi ng tawad,” pangaral ni papa.
“Pa-paano kung iwan niya ako? Papa, ayaw ko silang mawala,”
Hindi na kumibo pa si papa at niyakap ako.
*****
Umuwi ako sa bahay at nandito ngayon si Alexa. Wala ako sa mood tignan ang mapang-asar niyang mukha. Lumapit ito para humalik kaya’t buong pwersa ko siyang itinulak.
“Umalis ka na,” kalmado ngunit matigas na tono noong sabihin ko sa kanya.
Hindi man lang nagpatinag, muli pa ulit lumapit at pagkakataong ito ay bigla niya akong hinalikan.
Sandali lang ang halik na iyon ngunit parang isang gasolinang mabilis na nagpaliyab ng sitwasyon. Sa halik na iyon, nakita ni Tyler.
Nakatingin siya sa amin at dali-daling tumakbo papasok ng kuwarto. Tinignan ko si Alexa ng masama bago sundan ang aking anak.
“Tyler, open the door,” pakiusap ko sa kanyan.
“No! I hate you!” sigaw nito.
Napasalampak ako sa sahig at sumandal sa pinto. “Anak, patawarin mo ako,” tangi kong nasabi. Ilang sandali pa, binuksan niya ang pinto at tumambad ang mugtong mata ng aking anak.
“Daddy, mom so much love you. How did you do this to her?” garalgal niyang boses. Sinubukan kong lumapit ngunit paatras naman siya.
“Please forgive me,” Lumuhod ako sa harap niya. Nadudurog ang puso ko na makita ang anak kong umiiyak dahil sa akin. Narinig kong may dumating na sasakyan sa labas, siguradong sila Tita Leng na iyon para sunduin na muna si Tyler.
“I won’t. Kapag lumaki ako, hinding-hindi ko gagawin ang ginawa mo. Hindi ba magkaka-baby na kayo ni Dra? Simula ngayon, hindi na kami ang pamilya mo and don’t call me son again because from now on, you’ll never be my father anymore,” Mga katagang iniwan ni Tyler bago tumakbo at salubungin sina Tita Leng.
Tumayo na ako para tignan sila. Napatingin sa direksyon ko si Tita Leng at sumenyas akong umalis na sila. Ang mukha niya ay puno ng pag-aalala, ngumiti ako para masabing ayos lang ako. Pagkaalis nila, doon ay bumalik ang sakit ng sinabi ng aking anak.
Tulad niya, iyon din ang sinabi ko noong nawala ni mama. Alam ko yung pakiramdam ni Tyler ngayon, alam kong sa mga oras na ito ay kinasusuklaman niya ako bilang ama.
Nakita ko si Alexa na nasa kuwarto. Nagdidilim ang mata ko sa kanya. Lumapit ako at agad hinawakan sa leeg.
“Ahh-ang s-sakit M-martin, hindi a-ako makahinga,” Aniya at inalis ko na ang kamay ko. Naghahabol hininga ngayon. Mariin kong hinawakan siya sa buhok at sinalubong ang mga mata niya.
“Anong sinabi mo kay Tyler? Ano pa bang gusto mo?!” galit kong sigaw ngunit imbis na matakot ay mukhang masaya pa siyang nakikita akong ganito.
“Kulang pa ‘yan. Kulang pa yung sakit na nararamdaman niya sa ginawa ninyo sa’kin!” natatawa niyang pahayag habang ang kanyang mga mata ay sinasalubong pa rin ang titig ko.
“Anong ibig mong sabihin?” taka kong tanong. Inalis niya ang kamay ko at humarap sa akin.
“Hindi ba’t nagkakaganiyan ka dahil iniwan ka ng nanay mo at sumama sa ibang lalaki?” ani niya. Nagdilim ang paningin ko sa kanyang sinabi kaya’t isang malakas nasampal ang nasalo niya mula sa mga palad ko.
Nakita ko ang sunod-sunod na luhang umagos sa kanyang mga mata.
“Hindi lang kayo ang nawalan Martin, hindi lang kayo ang nagdurusa’t nasasaktan! Alam mo bang lumaki ako ng walang magulang dahil sa hustisyang ang aking ama ang nagdurusa? Isang inosenteng tao ang nadamay dahil wala kami kakayahang bayaran ang batas! Sabihin mo nga sa akin, ano ang silbi ng pagiging abogado niya at pagiging isang pulis mo kung ang mga nasa itaas lang ang tanging kakampihan?”
Natigilan ako sa mga sinabi ni Alexa. Hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. Kung gano’n paghihiganti ang gusto niyang gawin sa pamilya namin?
“Sampung taon na ang nakalilipas noong mangyari ang kaso sa pamilya Laure at sa loob ng mga taong iyon, hindi nalinis ang pangalan ng tatay ko. Si mama ay namatay sa sobrang sakit ng nangyari sa papa ko at ako yung batang halos lumuhod na sa harap niyo. Binayaran ang mga saksi, alam lahat ng asawa mo pero wala siyang ginawa. Sabihin mo nga, nasaan ba ang katarungan? Dahil hanggang ngayon, nabubulag pa rin ako sa kasinungalingan,” dagdag niya.
Bigla kong naalala ang kaso ng pamilya Laure, kung gano’n ay siya ang batang anak ni Mr. Rommel Villamor, ang lalaking nahatulan ng kamatayan. Matagal na ang kasong iyon at dahil dito, tumigil si Alisha bilang abogado.
“Pero kahit gano’n Martin, hindi ko sinasadyang mahulog si Alisha sa hagdan. Hindi ko ginustong mamatay ang batang nasa sinapupunan niya. Ang gusto ko lang naman ay malinis ang pangalan ng tatay ko. Kinain ako ng galit, gusto kong maghiganti pero maniwala ka, hindi ko ginusto ang nangyari,”
Nakilala ko si Alexa bilang isang mabuting doktor. Kumalat sa buong hospital ang paggagamot niya ng libre at dito ako nagsimulang humanga sa kanya. May mga orphanage siyang sinusuportahan at mga pasyenteng tinutulungan.
Gusto kong magalit sa kanya ngunit bakit may parte sa puso ko ang gusto siyang maintindihan.
“Martin, linisin mo ang pangalan ni tatay at pangakong lalayo na ako,” mahinahon niyang pagsabi ng isang kasunduan.
“Paano ang anak natin? Hindi na ako papayag na mawalan pa ng isang anak,” sambit ko.
“Walang mawawala dahil hindi talaga ako buntis. Ang lahat ng nakita mo ay gawa ko lang. Martin, magpatawaran tayo sa isa’t- isa. Patawarin niyo ako,”
Napalamukos ako sa mukha. Anong gulo ba ang pinasok ko?
“Muli kong hahalungkatin ang kaso para maibigay ang tamang hustisya sa iyong ama at ipangako mong hindi ka na muli pang magpapakita sa amin,” pagpayag ko sa kasunduan niya.
“Pangako,”
Nagtapos ang usapan namin ni Alexa at nagbalot na rin siya ng gamit, babalik na siya sa kanyang condo at sakto namang tumawag si papa na gising na raw si Alisha at sinabi ni papa na alam na ng aking asawa ang nangyari. Kailangan ko harapin ang lahat ng kapalit sa kasalanan ko sa kanila ng aming anak.
Sana hindi pa huli ang lahat para sa aming dalawa.