UMUWI galing eskwelahan si Tyler. Nagulat pa ito noong makita si Dra. Villardez na nasa bahay. Tumataas ang dugo ko, ang maamong mukha ng babae ay isang maskara lang sa tunay niyang ugali. Inagaw na niya ang asawa ko, pati pala ang anak namin ay balak pang ilayo sa akin.
Nagluto na ako ng dinner at tulad ng inaasahan, nakaalalay ang asawa ko sa kabit niya. Si Tyler ay mukhang hindi naman nakakahalata ngunit tahimik lang.
Matapos kumain, nagligpit na ako. Pumanik sa taas sina Tyler at Martin. Ako at si Dra. Villardez na lang ang nandito. Nakatingin lang siya sa kung anong ginagawa ko, halatang walang balak tumulong.
“Alam mo, nakakaawa ka. Isa kang pulubing namamalimos ng atensyon,” Humarap naman ako sa kanya.
“Hindi ba’t mas nakakaawa ka? Kumakabit ka sa may asawa na. Nakalulungkot lang isipin na doktor kang tinagurian bagamat wala kang gamot sa kalandiang taglay mo,”
Ang kanyang mukha ay biglang nag-iba. Tinuloy ko na ang pag-uurong, hindi makabubuti sa batang nasa sinapupunan ko kung papatulan ko pa siya.
“Ikaw din ay isang abogadong bayaran para sa katapatang serbisyo ng nasa itaas. Hindi ba’t ikaw na ang nagsabing batas na ang bahalang manghusga? Bakit hinayaan mong magdusa ang isang inosente sa kasalanang hindi niya ginawa?”
Natigilan ako sa sinabi niya. Sa pagharap ko, may luhang sunod-sunod na pumatak. Habang pinagmamasdan ko ang kanyang mga mata, ngayon ko lang napagtanto kung sino ang nasa harap ko.
“I-ikaw?”
Pinunasan niya ang mga luha at ngumiti sa akin. “Oo, ako ang batang nagmakaawa sa’yo sa nakalipas nasampung taon pero mas pinili mong panindigan ang isang kasinungalingan. Namatay ang tatay ko!”
Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Sa ilang taon na natulog ang kaso, dumating na ang bangungot ng nakaraan. Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito pero ngayong nasa harap ko na siya, wala akong lakas para makapagsalita.
“Yung abogadong binigay sa amin, hindi ba’t kasabwat niyo siya? Narinig kong kausap mo ang mga Laure at sinabing babayaran ka ng malaki. Gano’n ba kababa ang pagkatao mo para maging isang bayaran?” dagdag niya.
“Kaya ba pinili mo maging kabit ng asawa ko ay para makapaghiganti?” tanong ko.
“Oo. Hindi ba’t inagaw mo rin si Renz sa akin. Hindi ka lang isang walang kwentang abogado kung hindi isang ahas. Kulang pa ang ginagawa ko ngayon sa kasalanan mo. Hindi pa ako tapos Alisha, nagsisimula pa lang ako. Babawiin ko sa’yo ang mga bagay na nawala sa akin dahil sa’yo!”
Hindi na ako nakakibo pa hanggang sa talikuran niya ako. Ito na ba ang kabayaran sa kamaliang nagawa ko?
Kuya Alex, nasaan ka na ba?
*****
Tahimik lang ang bahay, nandito ako ngayon sa sala at nanonood ng balita. Hindi pa rin pala tapos ang kaso tungkol sa nagpasabog ng pabrika sa Sta. Flores. Ayon sa mga nakakita, walang nangyaring nakawan dahil halos lahat ay tanging abo na lang ang natira.
Ang may-ari ng pabrika ay sinisisi ang gobernador Sevilla sa nangyari dahil panukala nitong bilhin ang lugar para sa isang malaking publishment na nais ipatayo ng Chino. Iginigiit naman ng gobernador na gagawin niya ang ganitong bagay.
Pinag-iisipan kong mabuti ang bawat pahayag at parehas na may pinupunto. May mga komentong nagsasabing may nasa likod ng lahat nito at gustong pabagsakin ang nanunungkulan. Ang iba naman, galit na dinidiin ang gobernador sa kaso.
Sa pag-iisip, unti-unti akong dinalaw ng antok at minabuti na lang munang matulog. Ilang oras ang lumipas, nagising ako sa tunog ng bumukas na pinto.
Si Dra. Villardez.
Sa tuwing naaalala ko ang batang umiiyak sa akin at nagmamakaawang iligtas ang kanyang ama sa kaso ay hindi ko maiwasang masaktan. Ramdam ko ang sakit at galit sa kanyang mga mata.
Napatingin siya sa pinanonood ko.
“Hindi pa rin tapos ang kaso ng naging pagsabog ng pabrika. Ang hirap maniwala sa gobernador hindi ba? Dahil ang mayayaman, kayang baliktarin ang katotohanan. Ang hirap din panigan ng nasunugan dahil maaaring isa lang din siya sa mga nadamay. Ikaw bilang abogado, sino ang papanigan mo?”
Natahimik ako sa naging tanong niya. Ang bawat salita ay may laman, hindi na rin niya hinintay pa ang sasabihin ko at agad umakyat.
Sumunod na pumasok si Martin at may dalang mga groceries. Nakita niya ako ngunit hindi man lang pinansin. Pagkababa ng dala ay umakyat na rin siya sa taas para sundan si Dra.
Kasabay ng pagtalikod niya ay ang pagbagsak ng mga luha ko. Ang sakit, yung sakit na walang tamang gamot para paghilumin ang sakit na aking nararamdaman. Paano ko natitiis makita ang asawa kong may kasamang iba?
-
Kasalukuyan akong naglalaba, dito ko binubuhos ang sakit na nasa puso ko. Narinig kong muli ang yabag ng paa pababa. Noong makita ko kung sino iyon ay hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon. Maya-maya naramdaman kong nasa harap ko na siya.
“Isang dakilang katulong, dapat sa ganiyan ay pinapasweldo,” asar niya at dumukot ng pera sa wallet. Pinulot ko iyon sa harap niya. Hindi pa nakuntento, kinuha niya ang litrato ng kasal namin ni Martin.
“Ang ganda ng gown pero hindi sa’yo bagay. Alam mo bagay sa’yo? Yung suot sa hospital dahil mukha kang pasyente,” Mahabang pasensiya na ang ibinigay ko sa babaeng ito. Inaagaw ko sa kanyan yung frame ng bigla niyang bitawan at nabasag.
Hindi pa siya nasiyahan, inisa-isa ang mga litrato na mabasag.
“Baka hinahanap na ako ni Martin, mukhang nabitin yata sa ginawa namin,” dagdag na pang-aasar nito. Umakyat na siya at hindi na ako nakapagtimpi pa. Sinugod ko siya at binigyan ng malakas nasampal.
Tama sila, kung sino pa ang kabit ay sila pa ang matapang. Hindi siya nagpatalo at binalak akong sampalin na nasangga ko naman ang palad niya.
Sinabunutan ko siya sa galit na nararamdaman ko at lumabas si Martin ng kuwarto. Pilit niyang inaalis ang kamay kong nakahawak sa buhok ni Dra. Villardez. Sa sobrang lakas ng pwersa niya ay aksidenteng nawalan ako ng balanse hanggang sa bumagsak mula sa hagdan.
Hindi ko na masyado pa sila natignan dahil sa kung anong likidong nararamdaman ko sa pagitan ng aking hita. Hinipo ko iyon at nanlamig ang buo kong katawan noong makitang dugo.
Ramdam ko ang bumagsak na luha sa mga mata ko bago magdilim ang lahat. Kasabay ng paglabo ng aking paningin ay siyang pagguho ng mundo ko,
Ang batang nasa sinapupunan ko, anak patawarin mo ang iyong ama.
Everything went back.