MATUNOG na naman ang iba’t-ibang krimen dito sa Pilipinas, ang mga turista ay patuloy lumalaban para sa kanilang pinaniniwalaan. Sa kabilang banda, may mga grupo pa rin ang pinaghahanap ng mga pulis para sa nangyaring pagsabog ng pabrika.
Malaking katanungan sa lahat kung sino ang tumatayong pinuno sa likod nito at aaminin kong natatakot ako para kay Martin. Kilala ko siya, hindi niya titigilan ang kaso hanggat hindi nabibigyan ng hustisya.
May ilang footage sa cctv ang nalakap ngunit hindi ito maituturing malinaw na ebidensiya. Isang linggo na ang nakalilipas simula ng magpaalam sa amin si Martin.
Si Renz ay walang araw na hindi bumibisita para kamustahin kaming mag-ina. Ang kalusugan ni Tyler ay mas umayos na kung ihahalintulad no’n. Siguro nga ay maayos na ang lahat ngunit hindi ko maiwasang malungkot dahil ang pinangarap naming mag-asawa na matawag na isang pamilya ay tuluyang naglaho na.
“Mom, mahal mo pa rin ba si daddy?” tanong ni Tyler habang nakayakap sa akin. Hindi ko maikubli ang mapangiti sa naging tanong niya. Hindi ko naman maitatagong ang katotohanang mahal ko pa rin ang taong kasama kong bumuo ng mga pangarap.
“Hindi naman nawawala ang pagmamahal anak lalo na’t ikaw ang nagdudugtong sa aming dalawa. MayAng tangi kong hiling, sana dumating ang panahon na magawa ko rin magpatawad,”
Gusto kong maayos ang hiwalayan sa pagitan namin ni Martin. Hindi katangahan ang tawag sa mga babaeng pilit nagtitiis ang sakit kung hindi pagiging isang ina’t asawa.
Hindi madali ang magbulag-bulagan sa katotohanan, hindi madaling tanggapin ang panloloko ng asawa, at hindi madaling saluhin ang bawat masasakit na salita. Ngunit sa tuwing pinagmamasdan ko si Tyler, lagi kong iniisip na kailangan ko maging matatag sapagkat ako na lang ang tangi niyang kakapitan.
*****
Araw ng sabado, inaya kami ni Renz sa kanyang ina para bumisita at sabay-sabay na maghapunan. Wala naman kaming balak puntahan ng aking anak kaya’t pumayag ako.
Alas sais ay dumating na ang sasakyan niya para sunduin kami. Pagkadating doon ay masaya kaming sinalubong ng kanyang ina. Maraming mga pagkain ang nakahanda. Natutuwa naman si Tyler sa mga dekorasyong nandito sa loob ng mansyon.
Matapos kumain ay inaya ako ni Renz sa isang garden. May binuksan siyang ilaw at tumambad ang napakagandang lugar. Naguguluhan kong tinignan siya na may hawak na bouquet of roses. Hindi ko na napansin kung saan niya iyon nakuha dahil abala ako sa pagtitig ng sa kabuuan ng lugar.
“Alisha, alam kong hindi ka pa handa ngunit siguro ito na ang tamang oras para sabihin sa’yo ang totoong nararamdaman ko,” pag-amin niya.
“R-renz,” tawag ko.
“Huwag ka munang sumagot. Hayaan mong magpakilala ako sa’yo. Natatandaan mo ba noong nasa bar ka, noong mga oras na ‘yon ay nandoon din ako para pag-isipan ang proposal ko kay Alexa. Hindi ko alam kung bakit ngunit iba ang naging tama mo sa’kin. Simula noong gabing iyon, hinanap-hanap kita,”
Siya ang kasama ko noong gabing nagising ako sa sasakyan at may kasamang lalaki? Pilit kong inaalala ang mga nangyari ngunit hindi ko lubos na malinawan ang mukha niya.
“Walang nangyari sa’ting dalawa. Nasa kalagitnaan na tayo no’n ng bigla kang umiyak. Hindi isang pananabik na pagsiping ang naramdaman ko sa’yo kung hindi pagiging isang totoo. Sa tama ng alak, nakilala ko ang Alisha na malayo sa mga article na matapang at kayang kalabanin ang batas. Alam na ni Martin ang bagay na ‘to. Sa labis na pagkagusto ko sa’yo, hinayaan kong masira ang relasyon ninyong mag-asawa kaya patawarin mo ako,” pangungumpisal niya.
Wala namang kasalanan si Renz sa nangyari. Kung tutuusin, ako ang nanira ng relasyon. Hindi ko masisisi si Dra. Villardez na gano’n na lamang kung kamuhian niya ako.
Tinanggap ko ang bulaklak na bigay ni Renz at sinabi kong hindi kami puwede. Masaya akong nakilala siya, isang tunay na kaibigan at hindi ako iniwanan. Alam kong may darating pa sa buhay niya na higit pa sa pagmamahal na kaya niyang ibigay.
Dumating ang mama ni Renz at si Tyler. Inaya ko na ang aking anak na umuwi dahil alas-nuwebe na rin ng gabi. Bago kami maghiwalay ni Renz, nagpaalam siyang magpapakalayo-layo na muna para hanapin ang sarili.
“Sa pagtalikod mo, pakiusap ay huwag kang lilingon. Hayaan mo lang akong pagmasdan ka sa huling sandali dahil ito lang ang tanging paraan para matanggap kong ikaw at ako, minsan lang pinagtagpo,” bilin niya.
Sa huling pagkakataon, gusto ko siyang yakapin para pawiin ang sakit na idinulot ko. Gusto kong tumakbo palapit sa kinaroroonan na niya para humingi ng tawad. Mahal ko si Renz ngunit hanggang kaibigan lang ang magagawa kong ibigay.
Matapos ang gabing iyon, alam kong nasaktan ko siya. Ang pagmamahal ay isang uri ng sugal, maaari kang manalo bagamat kadalasan ay puno ng pagkatalo. Naniniwala akong darating ang isang araw, ang bawat lungkot ay mapapawi dahil sa kabiguan.
*****
May nagdoorbell sa labas, iniwan ko na muna si Tyler sa sofa para buksan ang gate. Sa pagbukas ko, si kuya Alex.
Bigla niya akong niyakap, isang mainit na yakap mula sa kapatid. Nananabik kong ibinalik ang yakap na kanyang ibinigay. Sa maraming taon, ngayon ko na lang ulit siya nakita. Malaki ang kanyang ipinagbago. Lumaki ang kanyang katawan at mas nadaragdagan pa ang kagwapuhan nito ngunit tila hindi ito makagalaw ng maayos.
Pinapasok ko siya at laking tuwa nito noong makita si Tyler. Masaya siyang binati ng aking anak, ipinakita pa nito ang kanyang achievements sa tito. Si Kuya Alex ay kilala bilang isang mahusay na MVP ng basketball kaya’t nananabik ang aking anak na makita siya sa tuwing kinukuwento ko. Nakikita lamang niya si kuya sa mga article ng diyaryo.
Naghanda na muna ako ng makakain ngunit si kuya Alex ay hindi na raw magtatagal at may dapat siyang asikasuhin. Nagtatanong ako kung saan siya pumunta, tanging sagot lang niya ay nagbakasyon sa ibang bansa.
Nakuwento kong wala na kami ni Martin at nag-iba ang awra ng kanyang mukha. May isang lalaki ang lumapit at bumulong. Sandali lamang iyon bago lumabas na animo’y nagmamasid.
“Alisha, umalis na muna kayo rito,” ma-awtoridad nasambit ni kuya Alex. “Nandito ang mga tauhan ko, sumama kayo sa kanila,” ani pa niya at kinuha na ang mga damit ko sa cabinet.
Hindi ko maintindihan ang ikinikilos niya. Seryoso ang kanyang mukha at maging takot ay hindi ko makita.
“Dalian mo na. Aalis na tayo,”
Hinawakan ko siya. “Kuya wala akong maintindihan. Sampung taon ka nawala, ngayon ay parang ang dali lang sa’yong sabihin sa’kin ‘yan?”
Niyakap niya ako. “Pangakong hindi na kita pababayaan, kailangan kita mailayo rito,” sambit niya bago kumawala sa pagkakayakap sa akin.
Tinulungan kami ng mga kasama niya na kumuha ng mga gamit bago sumakay ng sasakyan. Si Tyler ay tahimik lang din. Mabilis kumilos ang mga kasama ni kuya, ang iba sa kanila ay nakatatakot ang itsura.
Halos tatlong oras ang aming naging biyahe. Isang lumang mansyon ito bagamat nasa kabundukan. Nilibot ko ang aking paningin at masasabi kong mayaman ang ating bansa sa likas na yaman, ang daming mga gulay at prutas na nakatanim ngunit walang ibang tao o maging mga bahay.
Tinignan ko ang phone ko at wala man lang signal maging isang bar. Nakangiting lumapit sa akin si kuya. “Ito ang tirahan ko Alisha, nandito na ang buhay ko at mga pangkat sa pangalan ng aking pamumuno,” masayang pakilala ni kuya sa mga nandito.
Hindi ko pa rin maintindihan, bakit labis nila akong pagmadaliin kanina. Bago pa man sumagot si kuya ay may isang babae ang humihiyaw sa loob ng kubo. Inutusan ako ni kuyang puntahan iyon at nagulat akong isang babaeng manganganak. Aligaga ang bawat isa, hindi malaman kung paano ang gagawin.
Nataranta na rin ako kaya kumuha akong tela. Ang sabi ng isa sa mga kasama ni kuya, nasa bukal na tubig pa ang ibang babae na magpapaanak dito. Halos kalahating oras din ang hihintayin bago sila makabalik kung kaya’t nagkakagulo na ang bawat isa.
Bigla kong naalala ang sanggol na nasa sinapupunan ko. Wala akong alam sa pagpapaanak ngunit isa lang ang nasa isip ko, kailangan kong mailigtas ang sanggol at ang buhay ng kanyang ina. Huminga akong malalim at nilapitan ang babaeng hindi magkandaulayaw sa sakit na nararamdaman.
“Kumalma ka lang ha, tiisin mo ang sakit,” sambit ko at humawak siya sa kamay ko.
“Iligtas mo ang anak ko, kung sakaling mamatay ako’y kayo na ang bahala sa kanya,” bilin niya at doon ay nagsimula nang umiri. Alam ko ang pinagdadaanan niya, iba talaga ang isang ina. Bago isipin ang sarili, kapakanan muna ng anak ang uunahin.
Ilang oras ang nangyaring pagpapaanak at nagsidatingan na rin ang ibang babae. Sobrang sakit at hirap ang dinanas ng nanganganak dahil wala man lang anumang gamot na maaaring magamit upang ibsan ang sakit.
Sa pagkalabas ng sanggol, isang iyak ng bata ang nagbigay kasiyahan sa lahat. Ang lalaking nasa gilid ay napahagulgol sa katuwaang nararamdaman. Ang bata ay itinabi sa kanyang ina at hindi ko maiwasan ang maiyak dahil sitwasyon nila.
Ang babae ay umiiyak na pinagmasdan ang anak hanggang sa unti-unti na siyang napapikit. Natigilan ang lahat, maging ang asawa nito ay patakbong lumapit sa kanya at niyakap ng mahigpit. Kapalit ng buhay niya ay ang pagkabuhay ng kanyang anak.
Ang iba ay nagsilabasan dahil hindi kinaya ang nangyayari sa loob. Nanikip ang dibdib ko sa nangyayari.
Walang hihigit sa pagmamahal ng isang ina.
*****
Inayos na ang burol, dalawang araw pa lamang ay inilibing na siya. Si Tyler ay karga kong natutulog habang pinagmamasdan ang pagpapaalam. Lumapit sa akin si kuya at niyakap ako.
“Sorry Alisha, wala ako sa tabi mo noong nawala ang sanggol sa sinapupunan mo. Sinisisi ko ang sarili ko dahil anong klase akong kapatid? Iniwan kita sa hayop mong asawa,” galit na bigkas ni kuya Alex at naramdaman kong may mga patak na tubig ang bumabasa sa damit ko mula sa kanyang mga mata.
“Kuya Alex ko, miss na miss kita,” ani ko at ang mga luha ay tuluyan na rin nagbagsakan. Alam kong nagkasala si kuya sa mata ng batas at ng panginoon ngunit kung ang pagbabatayan ay pagiging isang kapatid, para sa akin ay walang hihigit sa kanya.
Lumaki akong walang mga magulang at kuya Alex ang nagsilbing ama’t ina. Ang buhay niya ay itinuon sa akin para alagaan at lumaking may maayos na buhay. Ngayong kasama ko na siya, pakiramdam ko ay hindi na’ko mag-iisa. Pakiramdam ko, buo na yung nawawalang piraso sa puso ko.
“Pangakong hinding-hindi ko na hahayaang may manakit sa’yo,” saad niya.
Pumikit ako at dinadam ang sariwang simoy ng hangin. Mas gugustuhin ko pa ang manirahan dito, walang gulo at tanging tahimik lang na buhay.
Lumipas ang mga linggo, akala ko ay tapos na ang lahat. Masaya na kami ni Tyler dito kasama si kuya Alex ngunit nagising ako mula sa iba’t-ibang putok ng baril sa labas.
“Huwag kang lalabas,” utos ni kuya Alex. Hinawakan ko siya sa kamay para sana pigilan bagamat inalis lang niya ito at ngumiti. “Babalik ako, titignan ko lang ang nangyayari sa labas,” Marahan niyang hinimas ang ulo ko at humalik sa aking noo bago tuluyang lumabas.