PAGKALABAS ni kuya ay natigil ang kaguluhan. Minabuti kong tignan kung anong nangyayari, ang bilin ko kay Tyler ay huwag lalabas at manatili lamang sa loob. Natatakot siya ngunit tulad ni kuya, nangako akong babalik.
Sa paglabas ko, parang nais umatras ng aking mga paa sa mga nakikita ko ngayon. Ang mga armadong lalaki laban sa mga pulis. Nasaksihan ng dalawa kong mata kung paanong magpalitan ng bala at tumagos sa katawan ng bawat isa. Dumanak ang mga dugo sa sahig at ang gabing ito, nabalutan ng dilim.
Hinahanap ng aking mga mata ang kinaroroonan ng aking kapatid.
Natatakot ako na madamay siya, hindi ko maintindihan ang nangyayari. Binalak ko na sana balikan ang aking anak at baka kung anong mangyari sa kanya ng may humawak sa braso ko at dalhin sa mga pulis.
“May kasama pa silang babae,” sambit nitong lalaking may hawak sa akin at ang lahat ay napatingin sa direksyon namin.
Napatingin ako kung sino ang mga nandito at laking gulat ko noong makita si Martin na may tutok ng baril kay kuya Alex.
“Bitawan mo siya,” ma-awtoridad na utos ng aking kapatid ngunit hindi man lang siya pinakinggan. Hawak pa rin nito ang leeg ko at may nakatutok na baril.
“Kapalit ng pagsuko niyo ay ang buhay ng kapatid mo,” matapang na sagot ng lalaking may hawak sa akin. Nanlilisik siyang tinignan ni kuya.
“Hindi ako nagbibiro. Bibilangan ko kayo hanggang sampu!” dagdag pa ng lalaki. Tumingin si kuya sa direksyon ko at doon na bumuhos ang mga luha ko. Lingid sa kaalaman ng lahat, ang mga luha ko ang siyang nagpapalambot sa puso ng aking kapatid.
“Sinabing bitawan mo siya,” banta ni kuya Alex.
“Hindi. Huwag mo siyang bibitawan,” sabat ni Martin. Pailing-iling ko siyang tinitignan. Nasasakal na ako sa lalaking may hawak sa akin ngayon.
“Hindi siguro alam ng kapatid mong kayo ang may pakana sa pagsabog ng pabrika at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot,”
Natulala ako sa sinabi ni Martin. Napatingin ako kay kuya Alex na seryoso ang mukhang tumingin sa akin. H-hindi ako makapaniwalang magagawa niya ang bagay na iyon.
“Oo. Maraming tulisan ang umanib sa amin dahil sa maling katiwalian ng gobyerno. Ang mga Laure, alam niyo ba kung bakit namatay ang kanilang anak? Pinatay ko dahil tulad ni Angelica ang kanyang mga magulang, sakim at walang puso!. Marami ang nawalan ng trabaho at maraming naghihirap,” pag-amin ni kuya sa kanyang kasalanan.
Tinitigan ako ni Martin na parang naghahanap ng kasagutan. Nanghihina na ang buo kong katawan, sa mga sinasabi ni kuya ay maaari niyang ikamatay.
“K-kuya tama na,” pagmamakaawa ko.
“Kaya ba hinayaan mong may namatay sa kasalanang ikaw ang gumawa?” galit na sigaw ni Martin. “May inosenteng nadamay. Alam mo bang si Alisha ang nagbayad sa pamilya ng mga Villamor dahil sa’yo?”
Tumawa naman ang aking kapatid. “Huwag kang magmalinis. Pinatay mo ang anak ng kapatid ko, pinagsamantalahan mo rin matapos kong ipagkatiwala siya sa’yo. Anong klase kang lalaki? Wala kang pinagkaiba sa’kin Martin, ngayon mo sa’kin pagbabayaran ang ginawa mo sa kanya!”
Nagmakaawa ako sa lalaking may hawak sa akin para kausapin sila. Nakita ko si Lyra na lumapit at sinabing pakawalan ako.
Tuloy pa rin ang usapan ng dalawa. Naglakad ako papunta sa harapan nila at lumuhod. “Kuya, patawarin mo si Martin,” sambit ko habang patuloy pa rin sa pag-iyak.
“Alisha! Hindi kita pinalaking ganiyan. Inalis niya ang dangal mo bilang babae at alam mo bang napakasakit sa akin no’n dahil iningatan kita tapos bababuyin ka lang ng hayop na ‘yan?” Nanginginig na si kuya sa galit.
“Kasi mahal ko siya, kuya nagmahal ako at yung pagmamahal na ‘yon para sa anak naming si Tyler. Hindi ko na makakayang mawalan pa ng isang anak,” paliwanag ko.
“Kuya, sumuko ka na,”
Nakikiusap ako sa kanya dahil ito na lang ang tanging paraan para matigil na ang kaguluhang nangyayari. Sa muling pagkakataon, nakita ko ang pagbagsak ng luha ni kuya Alex.
“Hindi Alisha,” madiin niyang sambit at kinuha ang baril. Nakita ko ang isang pulis na nais siyang paputukan kaya’t dali-dali akong tumayo para saluhin ang parating na bala ng baril. Ang alingawngaw ng tunog nito ang siyang nagpatahimik sa kaguluhan.
Naramdaman ko na lang ang sarili kong pabagsak na sa sahig at natagpuan ko na lang ang sarili kong duguan. Lumapit si kuya Alex sa akin at pilit binubuksan ang aking mga mata.
Muli akong tumingin kay Martin.
"Huwag niyo siyang sasaktan. Pakiusap," huling hiling ko. Sa pagpikit ng aking mga mata, ang tangi ko na lamang nakita ay ang pagputok ng baril ni Martin kay kuya bago magdilim ang lahat.