Mona
Nagmamadali akong pumasok sa loob ng kwarto ni Papa Trebor. Galit na naman si Lilibeth sa akin dahil hindi agad ako nakasunod sa kanya.
Pagpasok ko sa kwarto nya ay namangha agad ako. Napakalinis, napaka-ayos at napakalaki ng kwarto nya. May lilinisin pa ba kami dito? Ang galing naman ng mahal ko, talagang gusto nyang laging maayos at malinis ang kwarto nya.
"Dito tayo magsimula sa opisina nya." Wika ni Lilibeth
Binuksan nya ang isa pang kwarto. Doon tumambad ang mistulang isang napakalaking library.
Mga apat na naglalakihang book shelves yata ang naroroon at lahat ay napupuno ng mga iba't-ibang klaseng mga libro.
Lalo akong nainlove sa kanya. Sobrang talino siguro ng mahal ko. Mahilig syang magbasa ng mga libro.
Nakatayo lang ako sa harapan ng malaking estante ng mga libro na iyon. Namamangha pa rin ako sa dami nito.
"Hoy! Anu ba? Magwalis ka na at magpunas ng alikabok!" Sigaw na naman sa akin ni Lilibeth
Huminga ako ng malalim. Nagsimula muna akong magpunas ng mga alikabok sa mga bookshelves na iyon.
Kung tutuusin ay wala namang alikabok ang mga ito. Ang sabi nga ni Manang Iska ay gusto ni Papa Trebor na laging malinis ang kwarto nya. At kung araw-araw nga namin itong lilinisin ay hindi talaga ito pamamahayan ng alikabok.
"Bilisan mo ang pagpupunas dahil napakarami nyan. Baka abutin ka ng gabi kung ganyan ka kabagal!" Bulyaw na naman ni Lilibeth
Pinipigilan kong huwag mainis. Kaagad ko na lang syang sinunod.
Nakatuntong ako sa isang mini ladder at doon ako nagpupunas ng mga librong nasa itaas ng mga shelves.
Pagkuha ko ng isang libro ay kaagad kong napansin ang isang pulang envelope na nakaipit doon. Totoong nacurious ako sa bagay na iyon. Pero dahil kailangan kong bilisan ang aking trabaho ay pasimple kong inilagay sa bulsa ang envelope.
Mamaya ko na lang titignan ang laman ng envelope sa kwarto ko kapag tulog na silang lahat. At bukas ko na lang ibabalik ito kapag naglinis ulit kami ni Lilibeth dito. Gusto ko lang malaman kung ano ang nakalagay doon. Hindi pa naman siguro ito hahanapin ni Papa Trebor.
Nagsimula ulit akong magpunas at nagkunwaring walang nangyari.
"Ikaw lang lahat ang naglilinis nito dati Lilibeth?" Tanong ko
Napatigil sya sa pagpupunas.
"Oo, ako lang ang naglilinis dati ng buong kwarto ni Sir Trebor. Isang oras ko lang nagagawa ang lahat ng ito. Hindi ko nga alam kung bakit ka pa inilagay dito. Kayang-kaya ko naman ang trabaho." Wika nya
Napakasungit naman talaga nya. Nagtatanong lang naman ako eh.
"Hindi ko maintindihan kung bakit ka pa kinuha ni Sir Trebor. Hindi ka naman namin kailangan eh." Sabi pa nya
Hindi ko na sya pinakinggan pa. Ayoko na nga syang kausapin dahil puro masasakit na salita lang ang mga sinasabi nya sa akin. Ang init ng dugo nya sa akin palagi.
Nang matapos ko ang isang book shelves ay kaagad naman akong lumipat sa kabila.
Habang hinahatak ko ang mini ladder ay napansin ko ang isang larawan sa office table ni Papa Trebor.
Larawan iyon ng isang napakagandang babae. Kumunot ang noo ko. Sino kaya ang babaeng iyon? Hindi ko namalayan na hawak ko na ang larawan ng magandang babae.
"Yan si Ms. Bianca, ang ex-girlfriend ni Sir Trebor. Kung hindi siguro sya namatay ay baka kasal na sila ngayon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nya malimutan ang ex nya. Mahal na mahal pa rin nya si Ms. Bianca." Wika ni Lilibeth
Nakadama ako ng kaunting kirot sa puso ko. Bakit ba ako nagseselos sa mga sinabi ni Lilibeth. Ang naiisip ko ngayon ay sadyang napakaswerte ni Ms. Bianca dahil minahal talaga sya ni Papa Trebor ko. Ano kaya ang pakiramdam na minamahal ng isang Tebor Castellvi? Sobrang ligaya ko siguro kung ako man ang nasa pwesto nya.
"Yan ang tunay na maganda. Ang mukha nya parang modelo." Dagdag pa ni Lilibeth
Parang may ipinapahiwatig si Lilibeth sa mga sinabi nya. Hindi naman ako nakikipagkumpetensya kay Ms. Bianca. At alam ko sa sarili ko na hindi naman ako maganda.
Ibinalik ko sa pwesto ang larawang iyon ni Ms. Bianca.
Kung nasaan man sya ngayon ay sana hilingin nya sa maykapal ang kaligayahan ni Papa Trebor. Mukhang hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakamove on ang mahal ko sa pagkamatay nya.
"Ano bang ikinamatay ni Ms. Bianca?" Tanong ko
Kaagad akong nilingon ni Lilibeth. Gaya ng mga nauna nyang awra ay mas lalo kong nakita ang panlilisik ng mga mata nya.
"Wag ka nang maraming tanong. Magtrabaho ka na lang." Sabi nya
Talagang may saltik itong si Lilibeth, bigla na lang nagtataray. Sya naman ang unang nagbukas ng kwento tungkol kay Ms. Bianca, tapos nang magtanong ako tungkol dito ay magagalit sya. Kaasar talaga ang babaeng ito.
Ipinagpatuloy ko na lang ang trabaho ko. Hindi ko na pinansin pa si Lilibeth.
Ilang minuto ang lumipas ay natapos na rin naming linisin ang opisina ni Papa Trebor. Kaagad na kaming nagtungo sa master's bedroom.
Maayos na nakasalansan ang mga gamit dito ni Papa Trebor. Hindi ko nga alam kung may lilinisin pa kami dito eh. Parang wala na kaming lilinisin pa.
Kaagad ko na namang napansin ang napakalaking portrait ni Ms. Bianca na nakasabit sa may dingding.
Napakagat labi ako nang makita ko iyon. Sana ay isang araw, larawan ko naman ang nakasabit dito. Sana isang araw ay ako naman ang pag-alayan ni Papa Trebor ng totoong pag-ibig. Nakakainggit naman. Kahit wala na si Ms. Bianca sa mundo ay ramdam ko pa rin ang pagmamahal ni Papa Trebor sa kanya.
Nag-umpisa na akong magpunas ng side table nya. Madali lang talaga linisin ang kwartong ito dahil araw-araw naman ay nalilinisan ito ni Lilibeth. Napapanatili ang kalinisan at kaayusan dito araw-araw.
Ngunit habang naglilinis ako ay hindi ko maiwasang mapatingin sa larawan ni Ms. Bianca. Hanggang ngayon ay nakakaramdam pa rin ako ng kirot sa puso. Kainis namang buhay ito oh, gusto ko lang namang magtrabaho. Gusto ko lang namang mapalapit sa mahal ko. Pero hapdi at kirot pala sa puso ang mararamdaman ko.
Pagkatapos ng isa't kalahating oras ay natapos din namin ang paglilinis ng kwarto ni Papa Trebor. Nakaismid na naman ang mukha sa akin ni Lilibeth. Talagang hindi nya gusto ang presensya ko.
"Kung ako lang ang mag-isa dito ay natapos ko ang lahat ng gawain ng isang oras lang. Nung dumagdag ka, nadagdagan din ang oras ng paglilinis dito. Kaloka!" Wika nya
Unti-unti ay nasasanay na ako sa maaanghang na salita ni Lilibeth. Talagang hindi sya nauubusan ng mga masasakit na salita sa akin. Mas kaloka kaya sya.
"Kunin mo ang mga maruruming damit ni Sir doon sa basket na nasa may likuran ng pintuan. Bilisan mo!" Sambit nya
Kaagad ko na lang syang sinunod dahil baka makakita na naman ako ng dragon kapag hindi agad ako nakakilos.
Pagpasok kong muli sa kwarto. Kaagad kong kinuha ang isang basket ng maruruming damit ni Papa Trebor.
Sa tingin ko ay hindi naman marumi ang mga damit na iyon. Amoy na amoy ko pa nga ang halimuyak ng pabango nya sa mga iyon.
Isa-isa kong tinignan ang laman ng basket. Nanlaki ang mga mata ko nang makuha ko ang boxer short ni Papa Trebor.
Bahagya kong isinara ang pintuan. Tumingin ako sa paligid. Wala namang tao. Nasa labas naman si Lilibeth at hindi naman nya malalaman ang gagawin ko.
Unti-unti kong inilapit ang boxer short na iyon sa aking mukha. Inamoy amoy ko ito. Sininghot ko lahat ang amoy na mayroon ang boxer short na iyon. Nakakaadik. Pakiramdam ko ay nasa harapan ko lang si Papa Trebor. Ang bango bango ng boxer short na iyon kahit na ginamit na nya ito. Kinikilig ako!
"Mona! Ang tagal mo naman??" Bulyaw ni Lilibeth
Saka lamang ako nagising sa kabaliwang ginagawa ko.
Napaangat din ang balikat ko dahil sa kanyang sigaw.
"Oo, palabas na ako. Wait lang!" Sigaw ko rin sa kanya.
Tinitigan kong muli ang boxer short na hawak ko. Napakagat labi ako. Hindi naman siguro malalaman ni Papa Trebor kung kukunin ko ang boxer short nya. Marami naman siguro syang ganito kaya hindi halata kung kukunin ko.
Baliw na kung baliw. Magagamit ko ang isang ito para sa ritwal na gagawin ko mamayang gabi. Hindi na ako makapaghintay!
Mabilisan kong isinilid ang boxer short nya sa loob ng jogger pants na suot ko. Maluwag ang suot kong jogger pants kaya hindi halata na may laman ang loob nito.
Kinikilig ako sa ideyang nasa akin ang ginamit na boxer short ni Papa Trebor.
Paglabas ko ng kwarto ay nasilayan kong muli ang dragonang mukha ni Lilibeth. Pero hindi ko na sya ininda dahil mas nasasabik ako sa bagay na nasa loob ng jogger pants ko. Hindi na ako makapaghintay na gawin ang ritwal, para naman mabihag ko na ang puso ni Papa Trebor.
"Kahit kailan ka naman Mona, napakakupad mong kumilos!" Sigaw ni Lilibeth
"Sorry na. Di na mauulit." Wika ko
Hindi nya ako nahuling nagnakaw ng boxer short ng amo namin. Wala syang ideya sa ipinuslit kong bagay. Hindi naman siguro masama iyon dahil hindi naman pera o mamahaling gamit ang kinuha ko.
Saka, ibabalik ko rin naman ito kapag tapos ko nang gamitin. Hanggang ngayon ay nangingiti na lang ako sa kalokohang pinaggagagawa ko.
Kaagad na kaming nagtungo sa likurang bahagi ng bahay kung nasaan ang laundry area.
Tinuruan ako ni Lilibeth kung paano gumamit ng automatic washing machine. Araw-araw ay ganito ang gagawin ko, mukhang madali naman ang gawain ko dito sa mansyon.
Natapos ang buong araw ko sa pagtatrabaho sa mansyon. Sabay-sabay kaming naghapunan nina Henry, Manang Iska, ate Grace at ang asungot na si Lilibeth.
Masaya naming pinagkwentuhan ang unang araw namin ni Henry sa mansyon.
Nangibabaw ang tawanan sa may kusina kung saan kami kumakain.
"Grabe mga Friend, sumakit ang kamay ko kakabungkal ng lupa. Namiss ko din talaga ang maging hardinero." Pagkukwento ni Henry
"Nakakatawa ka nga eh, pawis na pawis ka na kanina pero wala kang pakialam, basta mabungkal mo lang yung lupa. Ano? May nakita ka bang kayamanan?" Natatawang wika ni Ate Grace.
"Ay sana nga meron eh. Kung meron man, hindi na ako magpapakita sa inyo. Magpapakalayo-layo na ako! Chos!"
"Loka-loka ka talaga!" Sabi ni Ate Grace
Hindi mapatid ang tawanan nila. Ang sarap nilang pagmasdan.
"Oh, ikaw naman Mona. Kamusta ang araw mo bukod sa aksidenteng nangyari sa iyo kanina? Naging maayos naman ba?" Tanong ni Manang Iska
Napakamot lang ako sa aking batok dahil sa mga tanong nya. Gusto ko na sanang isiwalat na naiirita na talaga ako sa paraan ng pakikitungo sa akin ni Lilibeth. Pero mabait ako at hindi naman ako sumbungera.
"Mabagal sya kumilos Manang. Sa iba mo na lang kaya sya ilagay. Mas natatagalan ako sa paglilinis ng kwarto ni Sir kapag nandyan sya." Biglang sabat ni Lilibeth
Heto na naman sya! Sinisiraan na naman nya ako sa iba. Talagang napakatalas ng dila nya. Ang akala nya yata ay hindi ako nasasaktan sa mga sinasabi nya eh.
"Pagbigyan mo muna. Unang araw pa lang naman nya. Alam kong matututunan din ni Mona ang tamang diskarte." Wika ni Manang
Napangiti ako sa mga sinabi ni Manang. Mabuti pa sya ay hindi nawawalan ng pag-asa na maaari ko pang baguhin ang kalidad ng trabaho ko.
"Oh sya tama na yan! Kumain na tayo ng ice cream!" Sigaw ni Ate Grace
Inilabas nya ang mango ice cream mula sa freezer. Natakam naman ako sa ice cream na iyon. Paborito ko pa ang flavor. Naging masaya pa rin ang kwentuhan namin nang gabing iyon. Nagpatuloy naman sa pagiging asungot sa buhay ko si Lilibeth. Pero ipinagkibit-balikat ko na lang. Baka ganito lang talaga ang ugali nya. Kailangan ko na lang tanggapin.
--
Nang sumapit ang malalim na gabi...
Tulog na ang lahat.
Marahan akong bumangon sa aking kama upang gawin ang ritwal na gagawin ko para kay Papa Trebor.
Kukunin ko na sana ang mga bagay na aking gagamitin para sa ritwal na iyon nang biglang mahulog ang pulang envelope na nasa bulsa ko.
Naalala kong bigla na kinuha ko nga pala ito kanina nung maglinis ako ng book shelves sa kwarto ni Papa Trebor. Nakaipit nga pala ito sa isa sa mga libro doon.
Kaagad ko iyong binuksan at binasa ang nilalaman nito.
Nasabik akong bigla kung ano ang nilalaman nito. Baka isa ito sa mga sulat ni Papa Trebor para kay Bianca? Hindi na nya naibigay pa dahil namatay na ang minamahal nya. Nakakalungkot naman talaga
Marahan ko itong binasa. Inintindi ko ang bawat letra sa sulat na ito.
Ngunit habang binabasa ko ang nilalaman ng sulat na ito ay unti-unti akong nakaramdam ng sakit at kirot sa puso ko. Nadurog ang puso ko dahil sa mga nalaman ko.
Isang malaking lihim ang nilalaman ng sulat na ito. Masakit man malaman ang katotohanan ay kailangan na lang tanggapin.
Hinding hindi magbabago ang pagtingin ko sa kanya dahil lamang sa laman ng sulat na ito.
Sa ngayon, ay mananatiling lihim ang lahat ng ito.
Marahan kong isinilid sa pulang envelope ang sulat.
Hindi ko na ibabalik pa ang sulat na ito kung saan ko ito nakuha. Baka makita at mabasa pa ni Lilibeth ang sulat na ito.
Ngunit nang maalala ko ang nilalaman ng sulat ay muling umagos ang luha sa mga mata ko. Sobrang sakit nito sa dibdib.
Wala nang mas sasakit pa sa nalaman ko ngayong gabi.
(Kapit lang sa kwentong ito. Ano kaya ang nilalaman ng sulat na iyon na labis na nagpaluha kay Mona? Subaybayan ang bawat chapters upang malaman ang nilalaman ng sulat at ang isang malaking lihim pa ni Trebor)