10

946 Words
“LUKA-LUKA kasi,” sabi sa kanya ni Marga na mahirap maintindihan kung natatawa o nagagalit. “Huwag mong ikatwiran sa akin na walong buwan pa lang ang tiyan mo. Kahit ilang buwan ang ipinagbubuntis ng babae, delikado ang magbiyahe nang mag-isa. Ikaw, hindi ka lang nagbibiyahe. Ikaw pa ang nagmamaneho.” “Huwag ka nang magalit diyan,” nakangiting saway niya dito. “Mabuti pa, pakainin mo na lang ako. Kailangan kong kumain nang husto para magkagatas na.” Napailing na lang ang babae at inilabas nito ang dalang pagkain. “Narinig mo iyong sinabi ng doktor kanina. Okay naman daw kayo kaya puwede na ring lumabas. Mabuti ngang lumabas na kayo at magpatingin ka na lang sa talagang doktor mo kapag nandoon ka na.” “Iyon din naman ang balak ko,” aniya. “Balak mo rin bang ipaalam sa parents mo na nanganak ka na?” Hindi siya nakakibo. “Nandiyan na si Maggie. At kung hindi mo alam, sasabihin ko sa iyo na demanding ang baby. Sa oras mo, sa atensyon mo, sa budget mo. Hindi mo na basta-basta magagawa ang mga dati mong ginagawa.” “Hindi ba’t may yaya naman tayo na kukunin?” “Hindi pa natin nasusubukan si Michelle. Kung okay siya, suwerte mo. Kung hindi, well, hindi malayong magaya ka sa akin na halos buwan-buwan ay naghahanap ng yaya.” “Pakikisamahan ko na lang.” “Iyon na nga ang hirap, eh. Ikaw ang amo pero ikaw ang makikisama sa yaya dahil kailangan mo ang serbisyo niya. Kapag mabait ka, aabusuhin ka. Kapag mabagsik ka, lalayasan ka,” pabuntong-hiningang sabi nito. “Harinawang mabait si Michelle. Hannah, kahit gaano ka ka-independent, kailangan mo ng yaya. Hindi mo mapagsasabay ang trabaho na wala kang pag-iiwanan kay Maggie kahit kaunting oras lang. Beinte kuatro oras lang mayroon sa isang araw, not forty-eight para magawa mo ang lahat ng dapat mong gawin.” Tumango siya. May punto naman si Marga. “Hindi ka ba magkukuwento tungkol sa lalaking tumulong sa iyo?” tanong nito mayamaya, ang himig ay nanunukso. “Naikuwento ko na kanina, ah? Siya lang ang huminto sa akin noong nandoon ako sa ilang na lugar. Itinakbo niya ako dito sa clinic at hanggang sa delivery room ay kasama ko siya. Siya pa ang pumutol ng pusod ni Maggie.” Hindi niya makakalimutan ang tagpong iyon. Iyon ang natural na ginagawa sa isang bagong panganak na sanggol pero tila naging espesyal iyon dahil kay Nate. Nagkaroon din siya ng takot na baka masugatan nito ang kanyang anak nang makita itong nanginginig ang kamay habang hawak ang gunting. Pero nang dalhin nito sa kanyang dibdib ang kanyang sanggol, nawala ang agam-agam niya. Ang humalili ay ang natural na damdamin ng isang bagong ina. At nang minsan pa niyang sulyapan si Nate, pakiramdam niya ay naramdaman din nito ang isang damdamin mahirap ipaliwanag pero may dulot na kaiga-igaya sa dibdib. “Oh, dear,” gibik ni Marga. “Dapat ay kunin mo siyang ninong ni Maggie.” “Oo nga—” at bigla siyang natigilan. “Oh, my God!” “Bakit?” “Hindi ko alam kung paano ko siya tatawagan. Hindi ako nakapagtanong ng kahit ano tungkol sa kanya. Basta alam ko lang na Nathaniel ang pangalan niya.” “At alam mo ring guwapo siya,” tukso nito. “Narinig ko sa labas, kayo ang pinag-uusapan. Hindi sila makapaniwala na hindi mo naman pala asawa ang guwapong kasama mo sa DR. How handsome is that man, Hannah?” Napangiti siya. “Kasingguwapo ni Marco.” Ayaw niyang magkumpara pero hindi naman niya maiwasan. Parehong guwapo ang dalawang lalaki pero sa magkaibang paraan. Marco was the Aga Muhlach type. Boyish at palaging mabait ang itsura. Samantalang si Nathaniel ay parang kahanay ni Richard Gomez. Lalaking-lalaki ang dating. Puwedeng maging brusko at puwede ring maging banayad. “Bakit mukha ka yatang nag-daydreaming diyan?” tudyo na naman nito. “Wala. Hindi naman sila magkahawig ni Marco. Pero iyon nga, pareho silang guwapo.” Nakangiting nagtaas ng kilay si Marga. “Wala na si Marco, Hannah. Masakit tanggapin pero alam nating pareho iyon. Besides, we’re both moving on. Ikaw, malayang-malaya kang magmahal uli. Hindi kita pipigilan kung iyon ang gusto mo. Sana mahalin lang ng lalaking iyon ang anak ninyo ni Marco.” “Marga, ano ka ba? May sinabi ba akong papalitan ko si Marco? Mahal ko pa rin siya.” “You can always love him all your life pero mo na mabubuhay ng pag-ibig mo si Marco. You’re only twenty-six. Malamang kaysa sa hindi, puputaktihin ka pa ng manliligaw. Mag-ingat ka lang sana sa pagpili.” “Marga, please, huwag nating pag-usapan iyan. Naiilang ako. Saka kapapanganak ko pa lang. Si Maggie ang priority ko ngayon at hindi ang ganyang bagay.” “Oh, well, kung iyan ang gusto mo, di sige. By the way, hindi ka dapat mag-alala kung paano siya makokontak. Remember, cellphone niya ang ginamit mo noong tawagan ako? Nasa cellphone ko pa ang number niya. Tawagan natin.” At bago pa siya pumayag, idinayal na ni Marga ang numero. “Out of coverage area,” anito pagkuwa. Nakadamaya siya ng panghihinayang. “Hindi bale, tawagan na lang natin uli. Besides, nandito ka pa naman sa clinic. Kapag naka-set na ang lahat, saka natin siya kontakin.” “Okay.” Nagpalipas pa siya ng isang gabi sa clinic upang makapagpahinga pa. kinaumagahan ay nagpasya na rin siyang lumabas. Paalis doon, alam niyang ibang-iba na ang buhay na haharapin niya. Naihanda na niya ang kalooban niya sa maraming pagbabagong magaganap sa buhay niya pero hindi pa rin niya maiwasang magkaroon ng agam-agam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD