“AKO ANG ninenerbiyos sa iyo, Hannah,” halos pumalatak na sabi sa kanya ni Mrs. Samonte. “Diyos ko, nu’ng ako ang nasa ganyang kalagayan noon, halos hindi na ako kumilos. Ikaw naman, nagbibiyahe na’t lahat ay ikaw pa ang mismong nagmamaneho. Baka mapaanak ka sa daan!”
Hinimas niya ang tiyang sabi ng iba ay higit na malaki kaysa sa karaniwang walong buwan. “Regular naman ho ang check-up ko. Maayos naman ang kondisyon namin ng baby.”
“Harinawa. Siya, mag-iingat ka. Napakalakas ng loob mong bata ka.”
Ngumiti siya sa kanyang kliyente at binuhay na niya ang makina ng sasakyan. Nagdala siya kay Mrs. Samonte ng kanyang negosyong sim cards at call cards. Sa San Miguel ay si Mrs. Samonte naman ang dealer ng naturang cards at pati na rin reloading. Ito na ang huling kliyente niya sa araw na iyon. Bukas ay sa ibang bayan naman siya pupunta upang magdala ng ganoon ding paninda.
Dinadamihan na niya ang bigay sa mga kliyente basta bibigyan siya nito ng postdated checks. Alam niya kasi na sa sandaling manganak siya, hindi niya mababalikan kaagad ang kanyang negosyo. Magiging bank to bank muna ang transaksyon niya sa mga kilala na niyang kliyente. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakahanap ng mapagkakatiwalaang kawaksi sa bahay na puwede niyang pagbilinan ng magiging anak niya.
Iniwasan niyang bumuntong-hininga. Para sa kanya, ang ganoong ugali ay tila pagpapakita rin ng kahinaan. Kahit sa isip ay ayaw niyang hayaang mangyari iyon. Kailangan niyang maging malakas. Kailangang huwag siyang magpatalo sa mga dinadanas niya.
Palagi niyang sinasabi sa sarili na hindi si Hannah Regalado ang unang babaeng manganganak na walang asawa. Palagi niyang sinasabi sa kanyang sarili na hindi siya dapat sisihin kung mangyari man iyon.
Talagang magpapakasal na sila ni Marco. Nakaplano na ang lahat at mamamanhikan na lamang ito sa kanyang mga magulang. Magpapakasal sila dahil handa na sila at ang pagiging buntis niya ng dalawang buwan ay itinuring nilang isang magandang regalo para sa plano nila. Pareho nilang alam na hindi ang pagiging buntis niya ang pangunahing dahilan ng kanilang balak.
Subalit dalawang gabi bago ang itinakdang pamamanhikan nito ay naganap ang para sa kanya ay isang walang kuwentang krimen.
Bago siya ihatid ni Marco sa kanyang apartment ay dumaan sila sa isang convenience store. Paglabas nila doon ay eksakto namang tumawag kay Marco ang kapatid nito. Habang kausap ni Marco ang kapatid ay may dumaan sa harap nila na dalawang lalaking sakay ng motorsiklo. Inagaw nito ang cellphone ni Marco sabay saksak sa tiyan nito.
Isang oras pagkaraan na itakbo niya si Marco sa ospital ay namatay ito. Ang laki ng hinagpis niya. Isang saksak lang iyon subalit naging dahilan upang bawian ng buhay si Marco.
Nasira ang lahat ng plano nila. Mahirap para sa kanya na tanggapin ang nangyari subalit naging tanggulan niya ng lakas ang sanggol na nasa sinapupunan niya. Pagkatapos ng libing ni Marco, ipinagtapat niya sa kanyang mga magulang ang kanyang kalagayan.
Hindi niya inaasahang madali siyang mauunawaan ng mga ito subalit hindi rin niya inaasahang sa sobrang galit nito ay itatakwil siya nito. Dati na siyang nakabukod ng tirahan. Buhat nang magkaroon siya ng trabaho ay namuhay na siya na mag-isa. Nang malaman ng mga magulang niya na buntis siya, ipinagtabuyan siya ng mga ito na para bang hanggang sa mga huling sandali na iyon ay pakainin siya ng mga ito.
Napakasakit niyon para sa kanya na may mabigat nang hinanakit dahil sa pagkamatay ni Marco. Subalit hindi niya pinayagan ang sarili na magpadala sa emosyon. Sinabi niya sa sarili na malakas siya. At palagi na ay pinapatunayan niya iyon.
Mabuti na lang at noon pa ay independent na siya. Mayroon siyang sapat na pera upang suportahan ang kanyang sarili at magiging ang anak niya. Ipinagpatuloy niya ang negosyong nasimulan na niya noon. Lalo pa siyang nagsikap dahil alam niya, siya lang ang tatayong magulang nga kanyang anak sa sandaling isilang niya ito.
Wala siyang balita buhat sa kanyang mga magulang. Hindi na rin kasi siya lumapit pa sa mga ito buhat nag ipagtabuyan siya. Sa paniniwala niya, kahit na kahihiyan ang magbuntis siya na walang asawa, magulang pa rin niya ang mga ito. At naniniwala siyang walang ibang dapat na unang umunawa at sumuporta sa isang anak kundi ang mga magulang din.
Ang katwiran niya, alam naman ng mga magulang niya kung nasaan siya. Ang bahay na limang taong na niyang hinuhulugan ngayon ang siya pa ring bahay niya. Hindi rin siya nagpapalit ng numero ng telepono niya. Kung nais ng mga magulang niyang kumustahin siya, napakadaling mahanap siya.
Pero wala. Nakakasakit iyon ng loob pero wala siyang magagawa. At kapag inaatake siya ng lungkot dahil sa nangyayari sa kanya ay mabilis siyang gumagawa ng ibang bagay upang doon mabaling ang atensyon niya. Ayaw niyang mag-aksaya ng oras para malungkot lang.
Napapitlag siya nang tumunog ang cellphone niya. Si Marga ang tumatawag, ang kapatid ni Marco.
“O, bakit?” masiglang sagot niya dito.
“Nasaan ka? May nahanap na akong makakasama mo sa bahay. Michelle ang pangalan. Dadalhin ko sa iyo para ikaw na ang mag-interview.”
“Pauwi na ako. Ako na lang ang pupunta diyan sa iyo. Nandiyan ba siya?”
“Oo. Nasaan ka na naman ba?” mas makulit na tanong nito. “Hannah, ang laki-laki na ng tiyan mo, kung saan-saan ka pa pumupunta. Baka mamaya, sa daan ka mapaanak. Nagmamaneho ka pa mandin.”
“Don’t you worry. Inaayos ko lang ang mga kliyente ko. Alam mo namang kapag nanganak ako ay matitigil din ako dito. Mainam na iyon may papasok pa akong pera kahit na nag-aalaga muna ako ng baby.”
“Mag-iingat ka. Hihintayin kita dito sa bahay. At dito ka na rin maghapunan.”
“Sure. Thanks. Bye.”
Buhat nang mamatay si Marco ay hindi siya pinabayaan ni Marga. Mas bata ito kay Marco pero mas matanda sa kanya ng isang taon. Ang gusto nga sana nito ay kupkupin na siya nito lalo na nang malaman nitong itinakwil siya ng sarili niyang mga magulang dahil sa nangyari sa kanya.
Pero tumanggi siya. Nagpapasalamat na siyang alam niyang nakasuporta ito sa kanya pero ayaw niyang maging pabigat dito. Dalawa na ang anak nito at sobra lang ng kaunti sa pantustos sa pangangailangan ang suweldo nito at ng asawa nito. Isa pa ay likas siyang independent. Alam niya, lahat naman ng nangyayari sa buhay niya ay kaya niyang panindigan.
Napangiwi si Hannah nang biglang tumigas ang tiyan niya. Ilang segundo rin na nawala ang konsentrasyon niya sa pagmamaneho. Pero madali niyang naibalik ang atensyon sa pagmamaneho.
Hindi na bago sa kanya ang paninigas ng tiyan. Buhat nang tumuntong sa ikapitong buwan ang tiyan niya ay nararamdaman niya iyon. Wala naman daw kaso iyon ayon sa kanyang doktor.
Mayamaya ay napangiwi na naman siya. Sa pagkakataong iyon ay naramdaman niyang gumalaw si Maggie sa tiyan niya. Babae ang magiging anak niya. At Maggie ang inihanda niyang pangalan nito.
“Maghintay ka nang kaunti, Maggie,” sabi niya dito sabay himas ng kanyang tiyan. “Kay Tita Margie tayo kakain. Masarap siyang magluto kaya mabubusog tayong pareho.”
She felt a soft kick. Napangiti siya. Kapag gumagalaw si Maggie sa loob ng tiyan niya ay parang malakas na enerhiya ang hatid niyon sa kanya. Iyon ang nagsisilbing lakas biya para sa mga hamon sa kanyang buhay.
Ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho pero mayamaya ay isang paghilab ang naramdaman niya. Mas masakit iyon kaya nagdesisyon siyang itabi muna ang sasakyan.