3

1414 Words
“SEE? BUTI na lang at naisip ko ang ganitong party. Kung nagkataon, baka pagputi ng uwak pa kayo magkikita-kitang magkakaibigan,” matamis ang ngiting sabi ni Trina, fiancee ni Joaquin. Birthday nito at sa halip na magbigay ng party para sa mga sosyal na kaibigan, ginugol nito ang maghapon sa La Casa De Amor, ang bahay-ampunang pinanggalingan nilang magkakaibigan. At dahil LCA nga ang beneficiary ng pagkakawang-gawa ni Trina, kahit na gaano sila kaabala sa mga buhay nila ngayon ay isinantabi nila iyon pansamantala upang magtungo sa LCA. At kung hindi pa nag-birthday si Trina, hindi malalaman ni Nathaniel na malaki na pala ang ipinagbago ng ampunan. Marami pa ring mga ulila doon pero hindi kagaya noong panahon nila, ang mga batang naroroon ngayon ay kababakasan ng saya ang mukha kahit na nga ba nangungulila rin ang mga ito na magkaroon ng sariling pamilya. Alam nila, dahil iyon sa nagbagong pamamalakad sa ampunan. Matagal na palang patay si Miss Vergel. Isa sa regular na pilantropo noon ng ampunan ang nagdesisyon na akuin ang pangangasiwa sa LCA. Nagtatag ito ng board of directors at nagtalaga ng bagong administrator ng LCA. Si Miss Marcelo ang tagapangasiwa sa nagdaang sampung taon. May edukasyon ito sa social works at humanities. At dahil dito, ang laki ng ipinagbago ng LCA. Bakas iyon buhat sa gate ng LCA hanggang sa kilos ng mga bata. Bago ang gate. At ang buong paligid ay alaga sa mantini. Mas malaki ang ampunan. Mas maayos ang pasilidad—at wala na ang lumang kubeta na bartolina para sa mga batang pinaparusahan ni Miss Vergel noon—kasali na silang anim na magkakaibigan. Maging ang mga tauhan nito ay may edukasyon. May nakasubaybay sa mga bata. May oras ng paglalaro at may oras ng pag-aaral. May gardening time at malayong-malayo noon na wala silang pagpipilian kundi magtanim para may kainin. Maayos din ang pagkain ng mga bata. Ang kusina ay puno ng nakaimbak na bigas. Patong-patong ng tray ng itlog. Mayroong gatas at Milo. At mayroon ding mga balde-baldeng biscuits at mga sako ng harina. Ayon kay Miss Marcelo, maayos ang pondo ng ampunan. May regular na nagbibigay ng donasyon at malaking bagay din ang ginagawa ng gaya ni Trina na doon nagseselebra ng okasyon sa buhay nito upang i-share sa mga bata. At ang mga bata, kapag kausap nila ay magagalang—likas na magagalang, hindi gaya nila noon na pakitang-tao lang ang paggalang. Tila hindi mamumutawi sa mga bibig ng mga ito ang pagmumura, taliwas sa kanila noon na kay Miss Vergel nila mismo natutuhan ang malutong na “putang ina”. At dahil LCA ang kinalakhan ni Nathaniel, nakadama pa siya ngayon ng guilt feeling na sa nagdaang mga panahon ay hindi niya ito naalalang dalawin man lang. Mabuti pa si Trina. Nagbigay ito ng pagpapahalaga sa LCA at iba pang ampunan buhat nang maging fiancee nito si Joaquin. Ayon pa sa babae, gagawin na nitong tradisyon na taon-taong magbigay ng party sa mga bata sa LCA kahit halimbawang hindi naman nito birthday. “Bakit ka tahimik?” siko sa kanya ni Hector. Nakasuot pa itong party hat at may subong lollipop. Gusto niyang matawa. Gaya nilang lahat na magkakaibigan, lalaking-lalaki si Hector at hindi bagay dito ang ganoon subalit lahat sila ay umastang parang bata. Si Claudio kasi ang nanguna—na naman. Mula’t sapul ay si Dio ang pasimuno sa maraming mga bagay. Katwiran nito, noon daw kasing panahon nila sa LCA, walang kagaya ni Trina na nakaalalang magbigay sa kanila ng children’s party. Ang natatandaan lang nila ay ang pagrarasyon ng itlog tuwing umaga na hindi naman ipinapakain sa kanila palagi. Natuklasan nila, ginagawang leche flan ni Miss Vergel ang mga donasyong itlog at ibinebenta sa palengke. Kung saan napupunta ang pinagbilhan, hindi nila alam. “Ang tagal ko ring hindi napunta dito,” sagot niya kay Hector. Natawa ito. “Ako rin. Pero nagbalak na nga sana ako na bago matapos ang taong ito ay babalik ako dito. Parang ganito din, magbibigay ng party sa mga bata o dili kaya ay ipapasyal sila sa Enchanted Kingdom.” “Naunahan ka ni Trina,” aniya. “Ayos lang. Basta hindi magkakaaberya, gagawin ko pa rin ang plano ko. Ilang taong ko ring naging bahay itong LCA.” At bumuntong-hininga ito. “Huwag ninyong sabihing hinahanap ninyo pa ang lumang kubeta?” pabirong lapit sa kanila ni Isagani. “Sila kasi ang suki na makulong doon,” sabad sa kanila ni Pedro. “Sa lumang kubetang iyon nakilala ko silang dalawa,” wika naman ni Joaquin, nakasalikop ang braso nito sa bewang ni Trina. “Mabaho at mapanghi?” nakangiwing tanong ni Trina. “Hindi naman. Madilim, malamig, masikip. Mamamatay ka kung claustrophobic ka,” sabi ni Claudio. “Nakulong din ako doon.” “Lahat tayo, nakulong doon. Pero ikaw, palibhasa’y magulang ka, isang beses ka lang yata nakulong doon,” sumbat niya dito. “Mautak lang ako. Bakit naman kasi papayag akong makulong doon kung makakalusot naman ako? Ikaw kasi, adik ka sa komiks kaya kahit ikinukulong ka doon, wala kang kadala-dala,” sabi ni Dio. “Di bale, nagbunga na ngayon ang mga binasa niya,” sabi ni Hector. “Yeah, right! The paperback king, NR Cordero. Wow, Nate! Ibang klase ka,” wika ni Trina. “Mayaman ka na sa royalty, Pare,” ani Pedro sa kanya. “Hindi lang sa piso kundi dolyares.” “Mas mayaman ka sa aming lahat,” sabi ni Claudio dito. “Sukat gawin mong idol si Bill Gates.” “Nakakakonsensya itong ginawa ni Trina,” pag-iiba ni Nathaniel ng paksa. “Lahat tayo, maganda ang naging buhay pero itong si Trina ang nakaalalang bumalik dito sa LCA. Hindi pa tayo nakakatungtong uli dito kundi dahil kay Trina.” “Nate, what are you talking about?” tila naeeskandalong sabi ng babae. “Wala kaming utang-na-loob dito sa LCA, ganoon kasimple,” sabi ni Joaquin. “Hindi ganoon ang ibig kong sabihin,” depensa niya. “Hindi maganda ang naging experience natin dito sa LCA. Lahat tayo, gusto nating makatakas dito noon. Kung hindi man natin naisip na bumalik dito, hindi naman siguro ibig sabihin noon ay wala tayong utang-na-loob,” sabi ni Pedro. “Nagpapadala ako dito ng donasyon minsan sa isang taon.” “Ako man,” sabi ni Isagani. “Ipinapadaan ko lang sa ibang tao dahil mas gusto kong hindi na ibando pa ang pagtulong ko.” “Ganoon din naman ako, ah?” aniya. Buhat nang magkaroon siya ng royalty sa mga librong isinulat niya, isang bahagi niyon ay ipinapadala niya sa LCA, under anonymous name dahil gaya ng katwiran ni Isagani, hindi na kailangan pang malaman ng lahat na siya ang nagpadala ng donasyon. “Enough. Walang dapat sisihin. I’m sure, lahat kayo in on eway or another ay nagpadala ng tulong dito sa LCA. Hindi nga lang kayo nakapunta nang personal maliban ngayon,” magaang sabi ni Trina at hinaplos ang braso ni Joaquin na tila permanente nang nakapulupot sa bewang nito. “Ang importante, ipinakita ninyong mahalaga pa rin sa inyo itong ampunan dahil nandito kayong lahat ngayon. Thank you all, guys!” Bago sila naghiwa-hiwalay, personal ding nagpasalamat sa kanila ni Miss Marcelo. “Saan ka papunta?” tanong sa kanya ni Hector. Nasa parking area sila at nagkataong magkatabi ang kanilang dalang sasakyan. Kung binabansagan siya na paperback king, si Hector naman ay isang matagumpay na engineer. Silang dalawa ang hindi halos nawalan ng komunikasyon sa isa’t isa. Siya ang huling umalis sa ampunan. Ang gumamot sa pangungulila sa mga kaibigan ay ang madalas na pagsulat sa kanya noon ni Hector. “Balak kong dumiretso sa San Miguel.” “Ang layo dito nu’n, ah?” “Maano naman? Nakakondisyon naman itong sasakyan ko? Naisip kong pumunta doon. Ilang araw siguro ako doon. May mga nabubuo kasi akong plot pag nandoon ako.” “Okay, good luck to your upcoming international bestseller. Iyong huli mong libro, balita ko sold out in just one day. Selling like hot cakes, man!” “Hindi naman,” napangiti siya. “Umabot ng isang linggo.” Tinapik siya nito sa balikat. “Ingat.” “Ikaw rin.” At ngumisi siya. “Lalo kang guwapo ngayon. Baka mabalitaan ko na lang, napikot ka na.” Humalakhak si Hector. “Mamatamisin ko pang makulong uli sa lumang kubeta kesa mapikot!” “Ang tapang mo, wala na kasi iyong lumang kubeta.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD