Pagkatapos ng klase, agad nang umuwi si Thea. May laro ang varsity, pero pinili niyang hindi na manood ng practice game. Sa kabilang banda, nanatili sina Liam at Lucas sa bleachers—nakaupo habang pinapanood ang ilang players na nag-iinit sa court. Tahimik ang ilang segundo, hanggang sa si Liam ang unang nagsalita. "Kuya... sasali ako sa basketball sa Engineering Week." Hindi na nagulat si Lucas. Bahagya lang siyang tumango nang hindi inaalis ang tingin sa court. "Yeah. Sumali ka, Liam. Alam ko naman na sasali ka rin talaga." Saglit siyang napahinto bago nagpatuloy. "May Battle of the Bands din. Pwede ka rin doon... time mo na para ipakita lahat ng talent mo." Napalingon si Liam sa kanya. "Ikaw?" Bahagyang kumunot ang noo ni Lucas. "Anong ako?" "Sasali ka ba?" diretso niyang tanong.

