Chapter 2

3420 Words
TINITIGAN ni Angela ang pinto ng library na nasa harap niya. Natatakot siya. Ang sabi ng mama niya, maaaring mabago ang buhay nila sa sasabihin nito. What was it? May kinalaman kaya iyon sa bangungot niya? At bakit kailangang sa library pa? She took a deep breath. Finally she found the courage to knock on the door. “Come in,” anang tinig mula sa loob ng library. Dahan-dahang binuksan ni Angela ang pinto at nakita niya ang kanyang ina na nakatayo sa harap ng bintana. Matatanaw mula roon ang bughaw na karagatan ng Catalina. Kahit nakatalikod ang kanyang ina ay masasabi niyang malalim ang iniisip nito. Marahang isinara niya ang pinto. Nang humarap siya sa kanyang ina ay nakaharap na rin ito sa kanya. She could read anxiety in her mother’s eyes. “Good morning, Mama,” aniya bago lumapit dito at hinagkan ang pisngi nito. “Good morning, darling. Sit down, please. We need to talk.” Nagtataka man ay naupo na lang siya sa harap ng desk ng kanyang ina. Ilang sandaling tinitigan muna siya nito na para bang tinatantiya pa siya nito bago ito humugot ng malalim na hininga. “I want you to listen carefully to everything I’m going to say.” Tumayo ito at lumapit sa isa mga bookshelf na naroon. Nang tingnan niya iyon ay nakita niyang collection ng mga science fiction book ang naroon. Hindi niya hilig basahin ang ganoong genre kaya kahit kailan ay hindi niya nahawakan at nabuklat man lang ang mga librong iyon. Inalis ng kanyang ina ang ilang libro na nakatayo roon. Then she touched the shelf and pressed down on something. Nanlaki ang kanyang mga mata nang dahan-dahang gumalaw iyon. Nahati iyon sa dalawang bahagi hanggang sa tuluyang lumantad kung ano ang nasa likuran niyon. Nakita niya ang isang pinto roon. Paanong hindi niya nalaman ang bagay na iyon gayong doon siya lumaki? Namamanghang sinundan niya ng tingin ang bawat galaw ng kanyang ina. Nang buksan nito ang pinto ay nahantad sa paningin niya ang laman niyon. Tila iyon isang secret vault. Pinindot ng kanyang ina ang mga kaukulang numero at wala pang isang segundo ay tumunog iyon at saka bumukas. May kinuha ito mula sa loob niyon na sa tingin niya ay isang envelope, a bulk envelope. Dinala nito iyon sa mesa. “W-what is it, Mama?” Binuksan nito ang envelope. Mula roon ay may inilabas itong mga litrato at iniabot sa kanya. Kinuha niya iyon. Hindi niya alam kung bakit biglang nanginig ang mga kamay niya nang mapasakamay na niya ang mga litrato. She glanced at the pictures. Nakita niya ang isang bata na nakadapa sa dalampasigan. Gula-gulanit ang suot nito at may mga galos sa katawan. Mahaba ang buhok nito, sunog ang balat sa sikat ng araw. Biglang kumabog ang kanyang dibdib, na para bang masisira na ang rib cage niya sa sobrang lakas niyon. Nanlamig din siya o mas tamang sabihin na nangingilabot siya tanda ang nananayong mga balahibo niya sa katawan. Kahit kasi nakadapa ang batang nasa larawan ay parang kilala niya kung sino iyon. She looked at her mother with questioning eyes. Naghahalo-halo ang mga katanungan sa kanyang isip ngunit hindi niya malaman kung alin ang uunahing itanong. Sumasakit na ang kanyang ulo sa dami niyon. “T-that was the day that I found you,” mayamaya ay mahinang bigkas nito. Napatayo siya at parang napapasong nabitawan ang mga litrato. “F-found?! A-ano’ng ibig sabihin n’on, `Ma?” natatakot na tanong niya, unti-unti na ring sumusungaw ang mga luha niya. “That was the day that I found you…” The word was “found” and she was not a first grader to not know what it meant. Napailing siya habang walang tigil ang pagbalong ng mga luha niya. “No!” marahas na wika niya. Hindi niya kayang tanggapin na hindi siya tunay na anak ng kinikilala niyang ina.  Her mother reached for her hand. “Listen, Angela. Ikukuwento ko sa `yo lahat…” Pero nag-hysterical na siya. Binawi niya ang kamay mula sa pagkakahawak nito pagkatapos ay mariing itinakip iyon sa kanyang magkabilang tainga. Hindi niya gustong marinig ang ano mang sasabihin nito. No, hindi niya iyon kayang tanggapin. How could her mother tell her that she just found her? Naging mabuti naman siyang anak dito. Hindi siya naging sakit ng ulo at pulos karangalan ang ibinigay niya rito pero bakit bigla-bigla ay sasabihin nito sa kanya na natagpuan lamang diumano siya nito? “A-Angela,” anito. Maging ito ay umiiyak na rin. “`M-Ma, don’t do this to me,” nagmamakaawang sabi niya rito habang nasa magkabilang tainga pa rin niya ang kanyang mga kamay. She was acting like a child all right, but what could she do? Ni hindi man lang siya nakakita ni katiting na palatandaan na wala palang dugong nag-uugnay sa kanilang dalawa. They had a perfect mother-daughter relationship. Lumapit ito sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. Ramdam na ramdam niya ang panginginig ng katawan nito katulad ng panginginig din ng katawan niya. “Angela, hindi habang panahon, matatakasan at maitatago ko ang bagay na ito sa `yo. Kung puwede lamang na ibaon ko na sa limot ang lahat ay ginawa ko na,” tila nahihirapang wika nito. Nang marinig niya iyon ay dahan-dahan niyang ibinaba ang kanyang mga kamay. “M-Mama…” “I wasn’t ready for this pero ito na ang tamang panahon para malaman mo ang lahat. Makakaya mo nang unawain ang lahat ng ito at marahil ay naririto rin ang kasagutan sa bangungot na gumugulo sa `yo. Basta lagi mo lang tatandaan na hindi lang nasusukat ang pagiging mag-ina sa dugong nananalaytay sa mga ugat natin, nasa puso iyon, Angela. Para sa akin ay anak kita, walang makakapagpabago n’on.” Pinunasan nito ang mga luha niya. “Walang magbabago sa pagitan nating dalawa, anak. Hahanapan lang natin ng kasagutan ang nakaraan mo, naiintindihan mo ba?” She bit her lips, then nodded. Napakabilis ng mga pangyayari. Binangungot lang naman siya, pagkatapos ngayon ay malalaman niyang hindi pala siya tunay na anak ng babaeng kinikilala niyang ina. Gayunman, tama ito. hindi habang panahon ay matatakasan nila ang katotohanang iyon, lalo pa nga at minumulto na siya ng nakaraan. Tumayo ito at lumabas ng library. Pagbalik nito ay may tangan na itong isang tray na naglalaman ng pitsel ng tubig at isang baso. Sinalinan nito ang baso at iniabot iyon sa kanya. Kinuha niya iyon. Inubos niya ang laman ng baso hanggang sa magluwag ang kanyang dibdib. “Are you ready, Angela? Handa ka na bang marinig ang lahat?” Handa na nga ba siya? No, she was not ready. Hindi pa siya handang malaman kung ano o sino ang pamilyang kanyang pinagmulan. What if she was the daughter of a criminal?  Pero ang maririnig niya ay ang katotohanan tungkol sa pagkatao niya, dapat niya iyong tanggapin dahil bahagi iyon ng kanyang katauhan. Dahil sa huling naisip ay tumango na rin siya. “Makinig kang mabuti, anak,” anito bago sinimulan ang pagkukuwento. “A-ang akala ko ay perpekto na ang buhay ko sa San Francisco. Masayang pamilya, magandang trabaho, mapagmahal na asawa at anak—What more could I ask for? Pero biniro ako ng tadhana. I-isang araw ay n-naaksidente ang mag-ama ko. A c-car accident… T-they died instantly.” Naglandas ang mga luha sa mga mata nito sa bahaging iyon ng kuwento. Pain and longing were evident too. Gusto niya itong aluin pero hindi niya alam kung paano. “I lost the will to live, Angela. Ayoko nang mabuhay. Wala nang rason para mabuhay pa ako dahil ang mag-ama ko ang buhay ko. Pakiramdam ko, pinagsakluban ako ng langit at lupa nang mga panahong iyon. I lived my life miserably. Araw-gabi akong umiiyak. I became a living zombie. To me, life had no meaning at all. Kaya napagpasyahan ng mga kapatid ko na iuwi ako sa Pilipinas, sa Catalina. “Ginawa nila ang lahat ng makakaya nila para muling maibalik ang sigla ko. Pero hindi sila nagtagumpay… But everything changed one morning. Nasa dalampasigan ako habang kinukunan ng litrato ang malungkot na pagsikat ng araw. Hanggang sa may makita akong bata na nakadapa sa dulo ng dalampasigan. Gula-gulanit ang suot niya at puro sunburn…” Napapikit siya. Alam niyang siya ang batang iyon. “I don’t know…but at that moment I saw sunshine, I saw life…Dinala ko ang bata sa villa at binigyan ng paunang lunas. My family had the money and the connections kaya sa isang tawag lamang ay nagawan ko agad ng paraan na magpadala ng helicopter sa villa. P-pinagana ko ang kapangyarihan ng pera kaya walang nakaalam ng tungkol sa bata maliban sa aking pamilya. Magdamag ko siyang binantayan. W-when that little girl woke up, you know what she said to me? She called me ‘Mommy.’ Ikaw ang batang iyon, hija, at t-tinawag mo akong ‘Mommy,’ Angela…” Hindi siya nagkomento sa sinabi nitong iyon. “I-it turned out that you were suffering memory loss— Amnesia. Dahil din sa koneksiyon at sa pera kaya nagawan ko ng paraan na madala ka sa San Francisco na walang sinuman na taga-Catalina ang nakakaalam at—” Hindi na niya kayang pigilin pa ang damdamin niya. Tuluyan na siyang napaiyak. “A-at pinaniwala mo ako na anak mo ako?” Tumango ito habang patuloy sa pag-agos ang mga luha. “You see, nang dumating ka sa buhay ko, nawala ang lungkot at pangungulila ko sa aking anak. Pakiramdam ko ay dininig ng Diyos ang pighati ng puso ko at ibinalik niya ang anak ko. Patawarin mo ako kung mas pinili ko na angkinin kita bilang anak ko.” “B-bakit hindi mo hinanap ang pamilyang pinagmulan ko? Hindi mo ba naisip na maaaring sila naman ang nahihirapan dahil sa pagkawala ko?” tanong niya rito. Hindi niya mapigilang langkapan ng pait ang kanyang boses. “M-maniwala ka. I-ilang beses na tinangka kong ipaalam sa awtoridad ang tungkol sa iyo pero sa tuwina ay pinangungunahan ako ng takot.” May kinuha ito mula sa envelope at ibinigay iyon sa kanya. “Suot mo iyan nang makita kita. Sa kalidad ng kuwintas na iyan ay nasisiguro kong mayaman ang pamilyang pinagmulan mo.” Nanginginig ang mga kamay na sinuri niya ang kuwintas. Nabasa niya ang “Angela” na nakaukit sa maliit na lock niyon. Kung ganoon ay doon nito kinuha ang pangalan niya. Ipinikit niya ang mga mata at pilit hinahagilap sa kanyang isip ang mga alaalang hindi niya matandaan. Pero kahit anong gawin niya ay wala siyang mahagilap ni katiting na bahagi ng nakaraan niya. Tanging ang kinilalang ina at ang paglaki niya sa hacienda at sa San Francisco ang nasa alaala niya. “P-paano ako napunta sa dalampasigan ng Hacienda Catalina?” “Posibleng may foul play na nangyari. Lihim akong nagpaimbestiga nang araw na matagpuan kita, Angela. Pinaimbestigahan ko kung nagkaroon ba ng sea accident o kung may lumubog na yate, o kahit na anong aksidente ng sasakyang pandagat. Pero walang ganoong pangyayari, Angela. Ilang linggo at buwan din akong nakaantabay sa balita ng mga missing person pero wala ka sa mga iyon. Lumakas ang hinala ko na may pagtatangka sa buhay mo, hija. Natakot ako kaya itinago na lang kita at itinuring na anak ko. Patawarin mo ako, Angela…” She looked at her. Ito ang nakilala niyang ina at pulos masasayang alaala at pagmamahal ang naramdaman niya mula rito. Dapat ba siyang magalit dito dahil nabubuhay pala siya sa isang kasinungalingan? Kinapa niya ang kanyang puso. Hindi niya mahagilap ang galit doon ngunit naroon pa rin ang tampo para sa ina. Dahil ba hindi pa rin niya mahagilap sa memorya niya kung sino ba talaga siya at anong pamilya ang pinagmulan niya? Hindi niya alam. “D-do… do my c-cousins know? Alam ba ng mga pinsan ko at ng buong angkan ng mga Valencia na hindi nila ako k-kadugo?” mayamaya ay tanong niya rito. Her cousins treated her like a princess. “Y-yes,” pagkumpirma nito. “Alam nina Charlie, Brandon, Dylan, at Vicente...” “Oh!” Lalo siyang napaiyak sa katotohanang iyon. Hinawakan nito ang kanyang kamay. “A-Angela, anak, you’re my daughter in every way that matters. I-it’s not biological ties that binds people—” Napapiksi siya. “N-naguguluhan pa rin ako, Mama. Bigyan n’yo po muna ako ng kaunting panahon para mag-isip,” aniya bago lumabas ng library. Tuloy-tuloy na tinungo niya ang malaking pinto. Nang makalabas siya ng bahay ay tinungo niya ang kinaroroonan ng kuwadra at inilabas niya mula roon ang kanyang kabayo. Mabilis na pinatakbo niya ang kabayo nang makasakay na siya roon. Alam na alam na ng kabayo kung saan siya tutungo. Nang makarating sa tuktok ng burol ay bumaba na siya ng kabayo at pasalampak na umupo sa damuhan. Mula roon ay tanaw na tanaw niya ang dalawang panig ng Catalina—Ang Centro at ang Hacienda. Napangiti siya sa kabila ng alalahanin niya. Napakaganda talaga ng Catalina. Who would have thought that two different worlds could be found in one place? “What’s the problem, Doctor?” Napapitlag si Angela nang marinig iyon. Hindi na niya kailangang lumingon para tingnan kung sino iyon dahil kilala na niya ang boses na iyon. It was Dylan. Gayunman, nakatitiyak siyang hindi lamang si Dylan ang nasa likuran niya. Sigurado siya na naroon din ang iba pa niyang pinsan. Baka nagpapaligsahan na naman ang mga ito sa pagpapatakbo ng kanya-kanyang stallion kaya naroon ang mga ito. Tama nga siya ng hinala nang lingunin niya si Dylan. Bukod dito, naroon din sina Enteng, Brandon, at Charlie na mga pawang nakahalukipkip habang nakasandal sa mga puno na naroon. “What’s the problem, kiddo?” tanong ni Enteng sa kanya. Sinimangutan niya si Enteng. “Isa pang kiddo, sasamain ka na talaga sa `kin. Baka gusto mong pagpraktisan kita ng Muay Thai?” nakataas ang isang kilay na tanong niya rito. Mas matanda kasi siya nang dalawang taon kina Vicente o Enteng at Charlie habang mas matanda naman sa kanya sina Brandon at Dylan. Humalakhak ang mga ito, hindi tuloy niya maiwasang pagmasdan nang palihim ang mga ito. Napakaguwapo ng mga ito, walang itulak-kabigin. Sa apat na pinsan na nasa harap niya, si Charlie lamang ang masasabi niyang dehado pagdating sa ganda ng katawan. Hindi naman ito payat at tama lang ang katawan nito pero dahil katabi nito sina Enteng, Brandon, at Dylan ay nagmumukha itong malnourished. Maskulado kasi ang tatlo kaysa rito at sa kaswal na kasuotan ay kitang-kita na agad ang kakisigan ng mga ito. Malapit sa kanya ang lahat ng kabinataan at kadalagahan ng Catalina, lalo na ang mga pinsan niya pero ang maituturing niyang best friend ay si Alexander Mondragon—isang international model. Nasa Centro naman ang mga ari-arian ni Alexander at ng kapatid nitong sundalo na si Vladimir. Sa ngayon ay nasa Milan si Alexander para sa European catwalk invasion nito. “May problema ba sa clinic mo sa Centro? You seem upset.” Isang taon na ang klinika niya sa Centro. Noong una ay siya lamang ang doktor doon pero dahil dumarami na ang mga pasyente niya ay kumuha na rin siya ng makakatulong. Tamang-tama naman dahil nagdoktor din si Jenny. Katulad niya ay taga-Catalina rin ito. Kamakailan lamang ay nakakuha na ito ng lisensiya sa pagdodoktor. Hati sila ng schedule ni Jenny, salitan sila mula Lunes hanggang Biyernes. Rest day naman nila ang Sabado at kapag Linggo ay pareho silang nasa clinic. Kapag nagkataong may lakad ang isa sa kanila ay nagbibigayan na lamang sila ng shift. Martes noon kaya si Jenny ang nasa clinic. “Upset? I’m not upset. At wala ring problema sa clinic. Kung ano-ano `yang nakikita n’yo. Pero mabuti na lang at nandito kayo, tara sa fruit farm. Balita ko, puwedeng lantakan ang mga pakwan do’n,” pag-iwas ni Angela sa mga ito. Alam ng mga ito na hindi dugong-Valencia ang nananalaytay sa mga ugat niya pero kahit minsan ay hindi siya itinuring na iba ng mga ito. Gusto tuloy niyang makonsiyensiya sa mga pagkakataong pinaiiral niya sa mga ito ang pagiging “solong babae” niya sa kanilang henerasyon. Nagkatinginan ang mga ito na para bang hindi naniniwala sa kanya na wala siyang problema. Gayunman, nagkibit-balikat na lang ang mga ito. Marahil ay nararamdaman ng mga ito na hindi pa siya handang pag-usapan kung ano mang bumabagabag sa kanya. Nang sumipol si Enteng ay lumitaw mula sa kung saan ang kabayo nito. Ganoon din ang ginawa ng tatlo pang kalalakihan. “Race?” hamon ni Enteng sa kanya. Noon pa man ay madalas na siyang hamunin ng mga ito ng karera at sa tuwina ay siya ang nananalo. Pero nalaman niyang pinagbibigyan lamang pala siya ng mga ito. Isang linggo niyang hindi pinansin ang mga ito dahil doon. Pero nang araw na iyon ay wala siya sa mood kaya tinanggihan niya ang mga ito. Dahil sa matamlay niyang sagot kaya muling nagkatinginan ang mga ito. “Doon tayo sa cabin ko,” yaya ni Dylan. Isa lang ang ibig sabihin ng pagyaya ni Dylan sa cabin nito. Iinom sila ng alak. Gawain na nila iyon tuwing may okasyon o kung may problema ang isa sa kanila. Ganoon sila kalapit na magpipinsan; kahit ang magkapatid na Alexander at Vladimir ay malapit na kaibigan din ng mga ito. “Kakantahan ka namin, mag-request ka lang ng kantang gusto mo,” wika ni Enteng. “Ipagluluto kita ng paborito mong sisig,” nang-eengganyong wika ni Charlie. “Sige na nga! Umaandar na naman `yang kakulitan n’yo.” Binalingan niya si Enteng. “Sinabi mong kakanta ka, ha,” nangingiting wika niya rito. She loved hearing him sing. Enteng was a star in the music industry. Girls went gaga over him. Malamig at buong-buo kasi ang tinig nito, idagdag pa ang kaguwapuhan nito at kakaibang appeal na taglay nito. “Sure. Para sa `yo, Angel.” “Pero gusto ko pa rin ng pakwan, eh. Daan na lang muna tayo sa fruit farm bago tayo tumuloy sa cabin ni Dylan. Call?” Agad namang sumang-ayon ang mga ito. Ilang sandali pa at magkakasunod na ang mga kabayo nila sa pagtalunton sa kinaroroonan ng fruit farm.   BUMUNTONG-HININGA si Angela habang pinagmamasdan niya ang marahang pagbaba ng helicopter sa airstrip ng hacienda. Iyon ang sasakyan niya papunta sa Maynila. Sa loob ng dalawang araw mula nang malaman niya ang totoong pagkatao niya, pilit niyang inaalala ang nakaraan niya. Pero kahit ano ang gawin niya ay walang alaala na bumabalik sa kanyang isip. Hanggang sa makapagdesisyon siya na lumuwas muna sa Maynila. Doon ay umaasa siyang may bagay siyang makikita na maaaring makapagpabalik ng alaala niya. She had so many thoughts in her mind but they were all jumbled kaya naisipan niyang pansamantalang umalis ng Catalina. Kung hanggang kailan siya sa Maynila ay hindi pa niya masasabi. Nakausap na niya si Jenny at pumayag naman ito na ito muna ang tatao sa clinic habang wala siya.  “T-tatawag ka nang madalas, ha, Angela?” wika ng kanyang ina. Masinsinan niya itong kinausap at sinabi rito ang plano niyang pagluwas sa Maynila. Suportado siya nito bagaman naroon pa rin ang takot sa mga mata nito. Tumango siya. “Siyempre naman, `Ma. Hindi ko lang po tiyak kung hanggang kailan ako ro’n. Darating din po kasi si Alexander mula sa Milan at alam n’yo naman ang isang `yon. Tiyak na kung saan-saan na naman ako n’on hahatakin.” Wala silang properties sa Maynila kaya sa isa sa mga town house ni Alexander siya tumutuloy tuwing lumuluwas siya sa Maynila para mamili ng mga gamot at iba pang kagamitan sa clinic niya. Alam din ng mga pinsan niya ang pagluwas niya bagaman hindi nagtatanong ang mga ito. Sina Charlie at Enteng ay kahapon pa nakaluwas. Tuluyang lumapag ang chartered plane. Mag-eeroplano siya ngayon para mabilis ang biyahe niya. Kung pipiliin kasi niyang mag-travel by land ay aabutin siya nang humigit-kumulang walong oras para makarating sa Maynila. “Bye, `Ma.” Hinagkan niya at niyakap ang ina bago niya binitbit ang kanyang handcarry bag. Tumango ito. “Take care. Tawagan mo agad ako kapag may development, ha?” Tumango siya at sumakay na sa eroplano.          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD