Bago tayo magsimula sa kuwento ng buhay ko ay magsimula muna tayo sa kuwento ng buhay ng pamilya ko.
Paano kung makakilala kayo ng pamilyang kakaiba katulad ng sa'min?
Yung tipong hindi lang pamilyang nagmamahalan, pamilyang magnanakaw, pamilyang gumagamit ng illegal na droga, at mga nasirang pamilya.
Ang pamilya kasi namin ay puro mga masayahin. Hindi lang basta masayahin, dahil kami ay kilala bilang 'The Joker Family' iyon nga lang ako yung naiiba sa kanila.
Bakit kami nakilala bilang ganoon? Dahil ang apelyido namin ay Joker.
Hindi namin kamag-anak si Joker na kalaban ni Batman at Robin. Dahil kaming mga Joker ay pamilya ng mahilig mag-joke, mang-trip at mang-prank sa aming mga kapit-bahay.
Sa pagmumuni-muni ko ay narinig ko na lang na sumigaw si mama.
"ANAK, bumaba ka na. Kakain na!" sigaw ng aking ina.
"Naku ma, huwag mo nang tawagin 'yang si Hinata. Bababa naman 'yan kapag nagutom, si Hinata pa!" asar na sabi ni Kuya Neiji sa'kin.
Mahilig 'yang kuya ko mag-prank at ako ang kadalasang pinagdidiskitahan niya lalo na kapag nasa mood siya kaya palagi lang ako nasa kuwarto nagkukulong.
"Opo ma, pupunta na po ako sa baba!" sigaw na sagot ko sa kanila kahit na ang bahay namin ay hanggang first floor lang e nagsisigawan pa kami. Kakaiba talaga trip ni mama, katulad ni kuya iba rin yung trip ng mama ko.
Tumayo na ako mula sa pagkakahiga sa kama ko para pumunta na sa kusina. Nakita ko si Kuya Neiji na may pinagkakaabalahan na naman gawin. Mukhang may naisip na namang gawin na prank.
"Kuya, ano na naman 'yang ginagawa mo?" tanong ko sa kaniya habang ako ay kumukuha ng plato para makakain na sa lamesa.
"Wow! Kuya, nagluto si mama ng paborito kong ulam ngayong tanghalian," masayang sabi ko kay kuya.
Susubo pa lang sana ako pero naudlot dahil nakita ko siyang ngumingisi na parang may naisip na naman na kalokohan. Pero hindi ko na lang pinansin at itinuloy ko pa rin ang pagsubo. Dahil gutom na rin talaga ako at isa pa, alam ko na may naisip na naman 'yang kabaliwan.
Kaso 'yun ang pinagsisihan ko na hindi ko pinansin. Ang pagngisi ng buwisit kong kuya. Dahil pagsubo ko ng pagkain ay nalasahan ko na ang sobrang anghang na kinain kong tocino. Halos lumawa na ang litid ko kakaubo at kulang na lang na bumaga na ako ng apoy dahil sa pesteng tocino na kinain ko.
Dali-dali akong tumayo para uminom ng tubig. Hindi na ako kumuha ng tubig sa ref at baka kung ano pa ang mainom ko. Sa gripo na ako kumuha para sigurado. Naku, si kuya talaga!
Pagkatapos kong uminom ng tubig ay hinarap ko kaagad ang peste palagi sa buhay ko.
"KUYA! ANONG GINAWA MO SA ULAM?" sigaw ko sa kaniya habang hinahampas siya sa balikat niya. Pero siya tawa lang nang tawa. Nakakainis ang lakas niya mang-trip. Wala rin ako nagawa sa ginawa niyang kalokohan dahil mas malakas siya sa'kin.
Kaya tinigilan ko na rin siya sa kahahampas sa balikat niya dahil parang kinikiliti ko lang siya sa ginagawa ko.
"Ano ba naman 'yan Hinata, hindi ka na nasanay sa'kin. May bago pa ba sa kuya mo?" nakangisi pa siya habang sinasabi sa'kin ang mga salitang 'yon.
"Kuya Neijie, tigil-tigilan mo nga ako sa mga kalokohan mong 'yan," padabog kong sabi sa kanya bago ko niligpit yung kinainan ko. Nawalan na akong ganang kumain pa kaya pumunta na lang ako sa aking kuwarto para magkulong.
Sa aming tatlo na nandito sa bahay, ako lang ang matino at palaging seryoso. Ang papa namin ni kuya wala rito dahil sumakabilang ibayo muna.
Hindi naman siya nambabae. Pumunta lang siya sa ibang bansa para magtrabaho bilang entertainer sa bar.
Ginagamit niya ang mga kalokohan na alam niya sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagpapatawa. Naging maganda rin ang pagiging "joker" niya dahil nakatulong para sa mga OFW na malungkot na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Pero para sa mama at kuya ko, yung pagiging maloko nila ay walang naidulot na maganda.
Kaya talagang sumasakit ang ulo ko sa kanilang dalawa. Kung puwede nga lang isauli na sila o kaya iligaw sa kabundukan ay gagawin ko na.
Kaso wala, wala akong magagawa para lang ibalik sila sa pinanggalingan nila. Kasi kung wala si mama ay wala ako rito ngayon.
Kaya kahit masakit sa ulo tatanggapin ko na lang kasi pamilya ko sila.
Kinabukasan ay nagising ako sa malakas na tunog ng sirena ng bumbero at sa tingin ko ay malapit lang ito sa bahay namin.
"Hala! May sunog, saan naman kaya 'yun?" Dali-dali akong lumabas ng kuwarto para tingnan ang labas ng aming bahay. Grabe, sina mama di man lang ako ginising.
Nakita kong maraming tao na ang nasa labas ng aming bahay at mga galit na galit na ang mga itsura. Pati na rin ang mga bumbero dahil sa ginagawa nilang pagwawala at pagsigaw sa labas nang gate ng aming bahay.
Naku, mukhang may kalokohan na naman silang ginawa na kinainis ng mga kapitbahay namin at pati mga bumbero.
Grabe, pang ilang beses na 'to. Baka sa susunod ay palayasin na kami rito.
Nagsalita si Aling Rosa na isa sa kapit-bahay naming nagsisisigaw. "Ano ba naman Eula, puro na lang abala ang ginagawa ng pamilya niyo! Kung ano-ano na lang ang kalokohan ang iniisip ninyo. Kung hindi sunog, pag-do-doorbell sa mga bahay ng paulit-ulit, pagsigaw sa madaling araw na walang dahilan, pamimigay ng panis na pagkain na dahilan ng pagkakasakit ng mga tao rito, at iba pang kalokohan na ayaw na namin maalala na ginawa ng pamilya ninyo!"
"Wala na ba kayong magawang matino? Hindi pa ba kayo pagod sa pambubuwisit sa amin? Imbes na turuan mo ang anak mong lalaki ng matino ay puro kalokohan ang itinuturo mo. Hindi niyo na lang gayahin ang anak ninyong si Hinata. Buti matino siya hindi katulad ninyo ng panganay mong anak na si Neiji!" inis ring sabi ni Aling Virgie sa aking mama.
"Oo nga ma'am, dali-dali kaming pumunta rito ng team ko sa subdibisyon ninyo. Dahil tumawag kayo na may sunog. Pero wala naman pala!" Naghihinaing na sabi ng bumbero na halata mong naiinis na pati ang kanyang mga kasama dahil sa malimit nilang pag-iling at pagkamot sa ulo.
Nagsalita naman ng sabay-sabay ang mga miron. "Oo nga, dapat palayasin na 'yan sila rito! Dahil napakalakas nilang mang-trip sa mga tao. Mga nakakaabala na sila! Anong tingin nila sa'tin dito laruan?"
Napasimangot na lang ako sa narinig ko mula sa mga kapit-bahay namin.
Sina kuya naman kasi wala na talagang magawang matino. Sana naman huwag naman kaming paalisin dito.
Napamahal na ako rito sa lugar namin dahil dito ako lumaki at nagkaisip. Ayaw kong sumabat dahil usapan ito ng mga matatanda. Pero kung kinakailangang magsalita ay magsasalita ako.
Sa dinamirami kasi ng kalokohan na gagawin nila ay sunog pa talaga. Malala na talaga ang mga tama nila sa utak.
Narinig kong biglang nagsalita ang mama ko nang seryoso. "Patawad mga kapit-bahay, pangako hindi na talaga namin uulitin ng pamilya ko ang mga ginawa naming mali sa inyo," labas sa ilong na sabi ni mama.
"Sana nga huwag na maulit dahil kung hindi ay wala kaming magagawa kung hindi kausapin ang may-ari ng subdibisyon na ito na paalisin na kayo," sabi ni Aling Rosa bago nagdadabog na umalis.
Unti-unti na ring nag-alisan ang mga tao at bumbero sa tapat ng aming bahay. Pero ang mga tingin pa amin ay parang kakainin kami ng buhay.
Pumasok na rin kaming tatlo sa loob ng bahay na pawang mga seryoso ang itsura.
Ngunit biglang nagtawanan ng malakas sina mama at Kuya Neijie. Hala, mga baliw na ata 'tong mga kasama ko. Kanina mga seryoso ngayon nagtawanan na.
"Grabe! Nakakatawa mga reaksiyon nila kanina habang galit na galit na sumisigaw. Akalain ko bang seryosohin nila ang pagsigaw ko ng sunog. Sabagay napalakas siguro ang pagkakasabi ko ng sunog. Tsaka ang nasusunog lang naman talaga ay yung daing na piniprito ko!" Tawang-tawang sabi ni mama.
Totoo nga ang kasabihan na mahirap magpalaki ng magulang. Buti na lang wala si papa kung hindi mababaliw na ako rito sa bahay.
"Oo nga ma! Grabe, ang galing ng ginawa mo! Mama ko talaga kayo! 'Yan na ang pinakamagandang trip na ginawa ninyo," nakangising sabi ni Kuya Neijie.
"Ma,Kuya Neiji..." nagpapaunawang sabi ko. "PUWEDE PO BANG ITIGIL NIYO NA ANG MGA KALOKOHANG PINAGGAGAGAWA NINYO! Gusto niyo bang mapalayas tayo rito at hindi na makabalik kahit kailan? Baka kasi mamaya niyan wala ng tumanggap sa'tin at maniwala kapag kailangan natin ng tulong nila. Please lang po, tumigil na kayo ni kuya! Ang tanda na po ninyo pero parang bata pa rin kayo mag-isip. Imbes na pigilan ninyo si kuya e parang pinupursige niyo pa na gumawa ng kalokohan!" nagpapaintinding sabi ko kina mama.
Sana naman ay gawin ni mama ang pangako niya na hindi na uulitin ang mga kalokohan nila.
"Naku naman anak! Mahirap na pigilan ang nakasanayan na, pero anong gagawin ko kung nasa dugo na namin ang ganito. Buti nga ikaw hindi ka nagmana sa amin ng papa mo at kuya mo lang ang naging ganito," Nakangiting sabi ni mama.
"Ma, kaya niyo po 'yang pigilan kung gugustuhin ninyo ni kuya. Puwede po bang itigil niyo na ni kuya ang kalokohan ninyo?" nagpapa-cute na sabi ko kay mama habang nakayakap.
"Sus, nagpaka-baby damulag ka na naman Hinata," pang-asar na sabi sa'kin ni kuya.
"Susubukan namin anak ng kuya mo na hindi na mag-prank o mang-trip, pangako yan," sabi ni mama habang masuyong hinahagod ang aking buhok.
"Sabi mo yan mama ha? Tama na po siguro yung mga ginawa niyong kalokohan para po hindi na tayo iwasan ng mga tao, at para magkaroon na ako ng mga kaibigan," seryosong sabi ko kay mama.
Nung una kasi may mga kaibigan naman ako. Pero sa tuwing nalalaman nila ang tungkol sa pamilya ko ay umiiwas na sila sa takot na baka mapag-tripan sila.
Ngayon sana ito na ang simula ng matino naming pagsasama bilang isang matinong pamilya.
----
Nasasabik ako ngayong umaga dahil ito ang magiging unang araw na magiging matino ang mga kasama ko sa bahay.
Lumabas na ako sa silid ko upang pumunta sa sala para manuod. Si kuya naman ay seryosong nagkakalikot ng cellphone niya.
At si mama naman ay naghahanda ng pagkain namin para sa almusal.
Habang nanunuod ako ng Spongebob Squarepants sa Yey Channel narinig kong may bumagsak na plato. Hala! Anong nangyari kay mama?
Dali-dali akong tumakbo sa kusina na walang suot na tsinelas. Si kuya ay tumayo rin kasabay ko.
Nakita namin ni kuya na nakahandusay si mama sa kusina. Habang hawak ang kanyang dibdib. Kaya lumapit si kuya para alalayan ito paupo.
"Ma, ano pong nangyari sa inyo?" tanong ko habang luhaan.
Pero si mama ay nakapikit at halatang nahihirapan.
"HINATA, HUMINGI KA NG TULONG SA KAPITBAHAY. DALHIN NATIN SI MAMA SA OSPITAL!" malakas na sabi sa akin ni kuya.
Pagkasabing 'yon ni kuya ay dali-dali na akong pumunta sa pinakamalapit naming kapitbahay at kumatok. Pero pagbukas pa lang nila ng pinto at kapag nakita na nila ako ay sinasarado na agad nila.
Lahat ng bahay na malapit sa amin ay kinatok ko pero sinasaraduhan lang nila ako.
Anong gagawin ko? Walang gustong tumulong, magtanong kung bakit ako umiiyak at kung ano ang nangyari. Eto ba ang resulta nang ginawang kalokohan nila kuya? Please, huwag naman po sanang may mangyari kay mama.
Hilam sa luhang bumalik ako sa bahay at malungkot na sinabi kay kuya na walang nais na tumulong sa'min na kapitbahay.
Unang beses kong nakita si kuya na umiyak dahil sa kalagayan ni mama.
"KU-KUYA! A-anong gagawin natin ngayon? Si-si mama? Ku-ku-kumusta si mama? O-okay lang naman siya diba? Prank lang niya 'to diba? Ni--ni-niloloko niyo lang ako ni mama diba?" nahihirapang tanong ko kay kuya habang umiiyak.
Pero hindi siya nagsalita at walang patid na luha lang ang nakikita ko sa kanyang mukha.
"Ma-mama, tumayo na po kayo riyan! Please po, huwag na kayong matulog oh! Tinatakot mo naman ako e! Kung prank lang to ma, ang galing mo dahil napaniwala ninyo akong inatake kayo sa puso!" umiiyak na sabi ko ulit kay mama.
"ITIGIL MO NA YAN HINATA! WALA NA SI MAMA. INATAKE SIYA SA PUSO. WALA NA SI MAMA! WALA NA SIYA! INIWAN NA NIYA TAYO!" Palahaw na sabi ni kuya sa'kin.
Hindi! Hindi totoo 'to. Hindi ako naniniwalang totoo 'to.
"Kuya, huwag ka magsasabi ng ganyan. Hindi 'yan totoo. Hindi tayo iiwan ni mama. Hi-hindi n-niya- ta-tayo i-iiwan," pautal-utal na sabi ko kay kuya habang nakayakap sa walang buhay na katawan ng aking ina.
Mama, sana panaginip lang ang lahat. Sana hindi 'to totoo. Hilam sa luhang sabi ko kay mama habang nakayakap sa malamig na katawan niya.
Mayamaya narinig kong may paparating na ambulansiya papunta sa direksiyon ng aming bahay. Hindi ko alam kung paanong may dumating na ambulansiya pero bakit ngayon pa? Kung kailan huli na ang lahat?
-------
Pagkalipas ng ilang taon na namatay si mama ay naging maayos na rin ang aming buhay.
Si kuya ay nagtatrabaho na rin sa isang kompanya ng isang sikat na bangko rito sa Pilipinas. Ako naman ay 3rd year college na rito sa Otaku Academy.
Simula nung nangyari ang pagkamatay ni mama ipinangako ni kuya sa'kin, at sa puntod ni mama na susundin niya ang pinangako nila sa mga tao na hindi na niya gagawin ang mga kalokohang ginagawa niya noon.
Lumipat na rin kami ng bahay para magsimula ulit ng bagong buhay.
Si papa naman ay umuwi na rin dito sa Pilipinas at inalagaan na lang kami. Siya na ang nag-aasikaso ng mga kailangan namin simula ng nawala si mama.
Natuto na ang pamilya ko na hindi na gumawa ng mga kalokohan o prank sa ibang tao. Simula ng nangyari yun kay mama at noong mga panahong wala ng gustong tumulong sa'min.
Ngayon, ang mga bagong kapitbahay at mga tao na nakapaligid sa amin ay malapit na sa'min. Hindi na katulad sa dating lugar na tinitirhan namin na puro mga takot, ilag, at galit sa amin ang mga tao.
At ito ang kuwento ng aming pamilya. Ang Joker Family na masaya at kakaibang pamilya.
Mabuti na lang sa bagong nilipatan namin ay may nakilala akong bagong kaibigan na lalaki na itinuring ko na ring matalik na kaibigan. Kaya mabilis akong nakapag-move on sa nangyari sa'ming hindi ko talaga makakalimutan.
"Totoo nga talagang nasa huli palagi ang pagsisisi."
Wakas...