“Good morning, Miss Marga.”
I know this is my first day. At alam kong dapat ay binabati ko rin sila pabalik. I know I should be kind to my employees for them to serve me well. But I can’t help it! Hindi ako ipinanganak para maging mabuti.
“Mana kay Mr. Ruiz.” Naring kong bulungan ng iba sa mga empleyadong bumati sa akin pero inignora ko lang at nilagpasan.
Ipinagkibit balikat ko iyon at nag dire-diretso kami ni Nikolai papunta sa elevator. Nang nakapasok ay agad niyang pinindot ang 18th floor.
“Today is your first day and you're already labeled as stern and cold… Mr. Rafael Ruiz the second,” ani Nikolai.
Nilingon ko siya at agad siyang humalukipkip.
“I don’t freaking care kung anong itawag nila sa akin.”
He nodded. “Yeah. Mana ka nga talaga sa daddy mo.”
Sandaling katahimikan ang namutawi nang hindi ako sumagot sa sinabi niya. The elevator opened when we reached the 18th floor.
“The whole floor is yours, Miss Marga.”
“Good morning, Miss Marga,” The girl who resides at the table near the main glass door greeted me.
“And this is Nikki, your secretary.”
Tipid na ngiti ang pinakawalan ko kay Nikki. She opened the glass door for us. Pagkapasok ay nakita ko agad na malinis at kaunti lang ang disenyong naroroon.
Nikolai is the acting CEO of the company for almost seven years. Kaya hindi na ako magtataka kung ganito ang naging disenyo ng buong office. Very manly.
“I’m sorry. Hindi ko na pinalitan iyong interior design. Alam ko namang gusto mong ikaw ang pumili ng design na gusto mo sa magiging office mo, kaya…”
“It’s okay, Nikolai.”
“Serra will be here any minute.”
Kumunot ang noo ko.
“Who’s Serra?”
“The interior designer,” simpleng tugon ni Nikolai.
Nagdiretso ako sa glass window. The whole wall of the office was made of glass. Kaya talagang overlooking ang syudad.
I crossed my arms as I watched the skyscrapers flying with the birds. I wonder how it feels like to have your own time of yours. Iyong ikaw lang mag isa. Walang bodyguards na nakasunod at nakakalipad ka kung saan saan mo man gustuhin.
“Am I late? I’m sorry. Tinakasan ko pa kasi ang asawa ko. Ang tagal umalis ng bahay.”
Lumingon ako sa kung saan nanggagaling ang boses. A girl in a high ponytail entered the office. Naupo siya sa kulay abo na couch at agad na nagsuot ng eyeglass. Pagkatapos ay agad niyang inilatag sa table ang mga magazine at kung ano-ano pang papel na kanina ay dala niya.
“That’s Serra. I need to go to the hideout to check on something. Are you okay here?” bulong sa akin ni Nikolai.
Bahagya akong natawa. “Oo naman. Hindi na ako bata, Nikolai para bantayan mo pa.”
“Okay,” aniya at nagpaalam na. Huminto siya saglit sa harapan ni Nikki na ngayo’y nasa gilid ng couch kung saan nakaupo si Serra.
“Kayo na ang bahala sa kanya,” bilin ni Nikolai kay Nikki at Serra.
“Of course!” ani Serra.
“Opo, sir.”
“Good,” ngiti ni Nikolai. Muli pa niya akong nilingon at tinanguan bago siya tuluyang lumisan sa paningin ko.
Humugot ako ng malalim na hininga bago ako naglakad papunta kay Serra at naupo sa harap niya.
“Hindi ko alam kung anong trip mo pero ito iyong mga designs na inihanda ko na sana ay kahit isa man lang d’yan ay magustuhan mo,” ani Serra.
“Uhh… Ihahanda ko po muna kayo ng merienda,” sabi naman ni Nikki.
“Merienda kaagad? Kararating ko lang. Wala pa nga siyang napipili. Gosh! Blueberry cheese cake iyong gusto ko ha?”
Natawa si Nikki sa asal ni Serra kaya maging ako ay natawa na rin.
“Kayo po, Miss Marga?”
“Kahit ano na lang, Nikki. Tumawag ka na lang din sa cafeteria. Huwag ka ng bumaba.”
“Ohh… I like that attitude, Marga. Kasi si Nikolai. Pinapababa niya pa itong si Nikki para lang sa merienda. Kaya minsan naaawa ako sa kanya.”
“Naku, Miss Serra.”
“Ano ka ba, Nikki!”
“Ilang taon ka na ba dito, Nikki?” tanong ko.
“P-po?”
“Pfft!” agad na nagpigil ng tawa si Serra.
“D-dalawang taon pa lang po.”
Tumango ako. “Si Nikolai iyong nag hired sa iyo.”
“O-opo.”
“Ba’t ka nauutal?” muli kong tanong.
“Nakaka-intimidate ka kasi,” singit naman ni Serra. “Sige na, Nikki, tumawag ka na muna ng merienda.”
“Opo…”
Nang nakaalis si Nikki ay sumandal si Serra sa upuan niya at napatitig sa akin.
“Ganyan ka ba talaga?” aniya.
Mabilis na nangunot ang noo ko, nagtataka sa kung anong ibig niyang sabihin.
“Anong ganito?”
Naningkit ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. “You’re cold and… Hindi ka marunong ngumiti?”
Tipid na sumilay ang ngiti ko.
“That one. Ang ganda mo kapag nakangiti. Dapat lagi kang nakangiti,” and then she smiled.
She’s beautiful too.
“Ikaw din. Ang ganda mo kapag nakangiti,” sabi ko. At totoo iyon nang sabihin ko.
“Siyempre naman. Kaya nga ako pinakasalan ni Spike Guillermo, e.”
Naitagilid ko ang ulo ko at kunot noo akong napatingin sa kanya.
“Oh!” Napasinghap siya. “Hindi mo kilala?”
I pressed my lips and then I shook my head. “I was in the US. Seven years ako doon. This month lang ako dumating dito sa Pilipinas.”
“Ah… I see,” Tumango-tango siya. “Si Spike iyong napangasawa ko. He’s a known bachelor, according to my research ah, kasabayan niya sina Dwayne Buenaventura, Neo Samaniego, Roiden Pundales, Zoren Russel, and sino nga ulit iyong isa? Wait… Nakalimutan ko.”
Sandali siyang nag isip. Kunot ang kanyang noo habang nakatingin siya sa kisame, na tila naghahanap ng kasagutan doon.
“Ah! Si Art Griego. Magkakaibigan iyang anim na ‘yan. And according to my research again. They were a group of f**k boys. So if you happen to meet one… Maghanda ka na ng maraming condom kung ayaw mong mabuntis,” sabay halakhak niya.
Hindi ko makuhang tumawa at sumabay sa kanya. Damn! I met one. At kamuntikan na ako doon!
“What’s with the face, Marga?”
Umiling ako at alanganin na ang ngiting nakaplaster sa labi ko.
“Don't tell me…”
“Uhh…”
“What?” Nagtaas siya ng isang kilay.
“Kapitbahay ko si Art.”
She stiffened. Sumeryoso ang mukha at ngayo’y hindi na ako nilubayan ng titig.
“Kapitbahay lang?”
“We almost…”
“Oh, f**k!” Sarkastiko siyang natawa. Feeling ko nakuha niya agad ang ibig kong sabihin. “Huwag si Art, Marga. You’re in great danger. I swear!”
“Pero asawa mo ang isa sa kanila, hindi ba?”
“Well, yeah. Pero soon maghihiwalay din naman kami.”
Agad na kumunot ang noo ko. Ang pagiging madaldal ni Serra ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa namin nasisimulan ang pagpili ng magiging interior design ng office ko.
“Bakit naman?”
Bumalik si Nikki at ngayo'y naupo na rin sa upuang nasa gilid naming dalawa ni Serra. Serra neverminded it and answered my question."
“Hindi naman kasi kami nagpakasal dahil nagmamahalan kami. Ipinambayad ako ng daddy ko sa kanya. I was living a fabulous life outside the country. Umuwi lang ako dito dahil naaksidente ang daddy ko. And during the burial, dumating itong si Spike at sinabing maniningil na siya at na kukunin na raw niya ang pagmamay-ari niya. Nagulat ako at ako iyong kinaladkad ng mga bodyguards niya!”
Natawa si Nikki. Ako man ay gusto na ring tumawa pero pinigilan ko lang. Ayaw kong isipin ni Serra na pinagtatawanan ko ang sitwasyon niya. It’s a serious thing pero ang paraan kasi ng pagsasalita niya ay parang isang malaking joke iyon para sa kanya.
“Nakakaloka, hindi ba? May malaking utang ang daddy ko sa kan’ya. At dahil bagsak na bagsak na ang kompanya namin ay kulang pa raw ang kompanya namin sa utang ni Dad kaya ayun pati ako, ibinayad.”
“Anong gagawin mo?”
Nagkibit siya ng balikat. “May kasunduan kaming maghihiwalay kapag nakita na niya ang babaeng hinahanap niya o kapag nabayaran ko na iyong utang ni daddy sa kanya.”
Gusto ko pa sanang magtanong pero personal na buhay niya iyon. Ayaw ko namang maging labeled as ‘chismosa’.
“Kung alam ko lang na ganoon pala ang mangyayari ay hindi na sana ako pumunta dito. Ang kaso ay namatay si Daddy. And guess what…”
Nagtaas ako ng kilay.
“Si Terese Flores ang nakapatay.”
“Sino naman iyang Terese Flores na sinasabi mo this time?”
“Kabit raw ni Roiden Pundales.”
“So may asawa na si Roiden Pundales?”
“Oo at kabit niya itong si Terese. Grabe ang mga chismis dito sa Pilipinas. Hindi ko kinakaya!”
Napailing na lamang ako. Siya lang naman itong feeling ko ay chismosa… May research pa nga.