KABANATA 5

2161 Words
EPISODE 5: TO THE RESCUE SI POGI! "Ito na po pala ang application ko, Ma'am! Masipag po ako, mabait, matulungin, at higit sa lahat ay mabilis akong magtrabaho pero malinis po!" Kulang na lang ipaglandakan ko pati nga medalya ko noong high school para lang magpasikat sa Human Resource department ngayon. Tinanggap ko na kasi ang inalok ni Sir Patrick na trabaho para may extra pera pa ako. "You are working as a janitress in Orion, right?" anito habang nakatingin sa curriculum vitae ko na pinasa. "I wonder why Sir Patrick recommended you for this job..." mahina nitong bulong pero dinig ko pa rin. "Ah, ano po, kumusta—" "I also want to apply." Biglang tumambad sa harapan namin si Danerie habang may dala-dala rin itong envelop. Napataas na ang kilay ko sa kaniya. "Seryoso pala 'yung sinabi mong maga-apply ka rito, Pogi?!" "Yes, Mr. Del Rosario. You are already hired for the position." "Eh?!" Parang umigting ang tainga ko nang marinig ko iyon kaya napatingin na ako kay Ma'am Divine. "Bakit po hired na siya, Ma'am? Paano naman po ako?" "Wait a second, Miss. I am still looking at your profile if you are really fit for the job," anito sabay irap pa sa akin. Sinamaan ko na lang ng tingin si Danerie dahil parang may favoritism na nangyayari rito sa HR. Makalipas ang ilang segundo, tumingala na sa akin si Ma'am Divine. "I will email you once you pass the evaluation, Miss Joy. It will take about two to three business days." Napahinga na lang ako nang malalim dahil wala naman akong magagawa. "Sige po, Ma'am, hihintayin ko na lang. Nagpaalam na ako at walang-ganang lumabas ng opisina nito. Dali-dali na akong naglakad papunta sa elevator nang bigla naman akong hinarangan ni Danerie. "Bakit?" tanong ko sa kaniya. "This is the first time I saw you that you're not smiling." Itinaas ko na ang kilay ko. "Oh, tapos?" "Nothing. It just feels weird. Come with me, let's eat some breakfast first." Dali-dali kong umiling sa kaniya. "Anong breakfast?! Hindi puwedeng, mag-uumpisa na ang trabaho—" Hindi na ako nakapag-reklamo dahil kinaladkad na niya ako papunta sa cafeteria ng kompaniya. Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod na lang. Daig pa ni Pogi ang may-ari ng kompaniya. "What do you want to eat?" tanong nito nang makapila na kaming dalawa. Napanguso na ako sa kaniya. "Sinasabi ko sa'yo kapag pinagalitan tayo sa trabaho mamaya." "It's fine. It's just a few minutes." Napa-order na siya ng breakfast meal namin at umupo na kami sa bandang sulok ng cafeteria. Kapag napapasulyap ako sa ibang table ay tanging si Danerie lang ang tinitingnan nila at ang iba nga ay pini-picture-an pa siya. "Grabe, janitor ba talaga 'yan?" "Napaka-pogi niyang janitor!" "Ay, sis! Luluhuran ko 'yan sinasabi ko sa'yo." "Gaga! Ang bastos mo talaga!" Habang pinakikinggan ko ang ilang mga bulungan nila ay hindi ko mapigilang mapatawa sabay turo kay Danerie. "Iba talaga ang karisma mo rito, Pogi, 'no? Sabagay, napaka-pogi mo naman talaga. Para kang anghel na nahulog, hindi nga lang galing sa langit." "Why not from heaven?" tanong pa niya sa akin. "Siyempre, hindi ka tatanggapin dun, ang sama kaya ng ugali mo!" tugon ko sabay tawa sa kaniya. "Bilisan mo na ang pagkain kasi bawat subo ko ay kinakabahan na ako." Mabuti na lang dahil inabot lang kami ng limang minuto sa pagkain at bumalik na rin kami sa trabaho namin. Pasado alas-onse nang makatapos ako sa paglilinis ng mga bintana sa ninth floor at nang makapasok ako sa station namin, nadatnan ko si Danerie na nakatunganga sa kaniyang cellphone. "Ay naks, iba talaga tama mo kay Venus, 'no? Tanghaling tapat pero picture niya ang tinititigan mo," pang-aasar ko pa sa kaniya. Dali-dali nitong itinago ang kaniyang cellphone at tumayo na. "It's already none of your business." "Aba! Parang kanina lang ang bait-bait mo pa sa'kin. May nakain ka bang masama?" Huminga na siya nang malalim at napatingin sa akin. "The reason why I applied for the position is to meet Venus. She's been avoiding me after everything that had happened to us." "Ay ano bang nangyari sa inyo, Pogi?" pagtatakang tanong ko pa. "Nothing." Lumabas na kaagad siya ng station namin kaya napa-iling na lang ako. "Lakas talaga ng amats ng lalaking 'yon." Pagkatapos ng trabaho ko sa hapon, nag-ayos kaagad ako para pumunta sa another sideline ko kay Kuya Arneng. Hindi ko pa naman natatanggap ang email galing sa HR kaya hindi pa ako ganoon ka-busy. Isa pa, makikipagkita pa ako ngayon sa kaibigan ko nakaka-uwi lang galing abroad at doon siya nagtatrabaho. Pagkalabas ko ng kompaniya, tamang-tama naman na nadatnan ko roon si Danerie habang naka-upo sa isa sa mga benches. Lumapit na ako sabay tigil sa harapan nito. "Pogi, bakit nandito ka pa?" nakangiting tanong ko sa kaniya. Hindi niya ako sinasagot pero alam kong dinig niya ako. Sinasadya ng loko na hindi ako pansinin. Dahil ipinanganak akong loka-loka, humakbang na ako palapit sa kaniya at inilapit ang mukha ko sa bandang tainga nito. "Pogi, sabi ko kung bakit ka nandito!" sigaw ko ulit. Kaagad na siyang napasulyap sa akin at hindi ko naman inaasahan na magkakalapit ang mukha naming dalawa dahilan para matigilan ako. Walang kahit isang pores ang mukha niya at ngayon ko lang din napansin ang halos gray na niyang mata kaya pala sobrang pogi niya. Ano kaya pinapakain ng mga magulang niya sa kaniya? "Are you done staring at my face?" Napabalik ako sa diwa ko kaya umatras kaagad ako rito. "Grabe, ang lakas ng kabog ng dibdib ko dun, ah!" sambit ko sabay hawak sa dibdib ko. Napatitig na siya sa akin nang ilang segundo. "You're reallt honest about what you feel. Kung ano ang nasa isip mo ay 'yan din ang sinasabi mo, ligaya." "Ligaya ko kaya mukha mo? Pero oo, hindi naman kasi ako plastic at ayoko ng hindi straightforward na tao." Napatingin na ako sa relo ko. "Hay nako, masyado na akong napa-chika sa'yo, diyan ka na nga at may pupuntahan pa ako.” “Wait!” Hinawakan na niya ako sa braso kaya napatigil na ako. “Ano ba, Pogi, crush mo ba talaga ako at ayaw mo akong paalisin?” hagikhik kong saad. Marahan niyang itinulak ang noo ko gamit ang kaniyang hintuturo. “Stop dreaming. You’re not my type and I will never get attractive to someone like you, Ligaya.” “Nako, sinasabi ko sa’yo, Pogi, kakainin mo ‘yang sinabi mo ngayon!” anas ko pa sabay irap. “Ay bakit mo ba kasi ako pinigilan? Marami pa akong kailangan gawin, e!” “Bring me with you, I don’t wanna go home yet.” Bigla namang umiba ang reaksyon ko sa sinabi ni Danerie. Ramdam ko ang lungkot sa mga mata niya kaya sumeryoso na lang din ako. “Talaga? Gusto mo talagang sumama sa’kin?” “Yes.” “Pero kay Kuya Arneng kasi ang punta ko ngayon. you know, same as usual, magbebenta ako ng mga kwek-kwek at fishball, sayang din ang 150 pesos ko kada araw,” paliwanag ko pa sa kaniya. Kumibit-balikat lang ito. “Let’s go, I’ll help you if you want.” “Ay, Pogi, huwag kang magiging mabait sa’kin masyado, sige ka, kailangan mo’kong saluhin kapag na-in love na ako sa’yo,” pahayag ko at nag-umpisa nang maglakad. “You’re really funny. I wonder if you’ve ever cried your entire life.” Lumingon na ako sa kaniya. “Ano’ng tingin mo sa’kin, robot? Walang emosyon ganon?” “Fine. Whatever!” Isinama ko na lang kaagad siya papunta Magallanes. Sumakay na kaming dalawa ng jeep and as usual, siya na naman ang pinagtitinginan ng mga tao sa loob at mayroon pa ngang mga estudyante ang nagpa-picture sa kaniya. “Kuya Arneng! Nandito na naman po kami ng jowa ko!” Bigla akong tiningnan nang masama ni Danerie kaya natawa na lang ako. Marahan ko na siyang hinampas sa braso. “Ito naman, hindi manlang makisama sa’kin.” “It sounds weird kasi and it will never happen,” anito. “Ito naman hindi mabiro sa buhay, mabilis kang mamamatay niya kapag palagi kang seryoso,” tugon ko pa sa kaniya at lumapit na kay Kuya. “Oh, Kuya, kumusta naman ang benta natin ngayon?” “Ito Joy, maayos naman. Mabuti na lang at dumating ka, may pupuntahan pa kasi ako ngayon, e.” Ngumiti na ako kay Kuya sabay kuha sa kaniya ng palanggana. “Ako na po rito ang bahala, Kuya, at puntahan n’yo na ‘yang appointment ninyo!” “Hijo, ano ngang pangalan mo?” tanong niya kay Danerie na nakatayo sa harapan ko. “I’m Danerie, Sir.” Bahagyang napatawa si Kuya Arneng sa kaniya. “Tawagin mo na lang akong Kuya, Danerie. Bantayan mo nang mabuti rito si Joy at alagang-alaga ko ang batang iyan.” “Yes po, I will.” Nang makaalis na si Kuya Arneng, tahimik na naman ulit si Danerie habang naka-upo lang si gilid ko. Hindi ko naman siya kaagad maka-usap dahil marami na ang um-order sa akin. Pasado alas-sais na rin kasi ng gabi kaya nagsisi-uwian na ang mga tao. “Pst, Pogi,” tawag ko sa kaniya. “Bakit nga pala ayaw mo munang umuwi sa inyo? Under probation ka ba? Grounded? Or found guilty?” “I don’t wanna talk about it. I just want to stay here tonight,” malamig nitong tugon sa akin. Marahan na akong napanguso. “Sige, hindi na kita tatanungin at mukhang may pinagdadaanan—” “Naks! Nandito na naman si sexy, siya na naman ang nagbabantay ng fishbolan!” Biglang tumambad sa harapan namin ang mga tambay galing sa kabilang kanto. Napa-iling na lang ako dahil mukhang minamalas na naman ako ngayon at dumating pa talaga sila. “Uy, ganda, dalawang kwek-kwek nga at isang kiss mo!” “Sexy, baka naman gusto mong sumama sa amin sa inuman!” “Oo nga, minsan lang naman.” Patuloy lang ako sa paglagay ng mga kwek-kwek sa plastic cup at hindi sila pinapansin. Mahirap kasi kapag nakipag-away ka pa sa mga ‘to at lalo ka lang mababastos sa laki ng mga katawan nila. “Si sexy oh, pakipot pa,” usal ng isa. “Pre, bigyan mo nga ng pera ‘yan, siguradong bibigay din ‘yan sa’tin!” “Ganda, virgin ka pa ba?” Halos umigting ang tainga ko sa mga naririnig ko kaya ibinagsak ko nang malakas ang kwek-kwek na hawak-hawak ko sabay tingin sa kanilang tatlo. “T*ngina, wala ba kayong magawa sa buhay—” Nagulat na lang ako nang bigla nang sinuntok ni Danerie ang mga lalaking bumabastos sa akin. Biglang nagkaroon ng gulo kaya naloka na ako. Hindi ko naman akalain na mas maikli pa pala ang pasensya ni Pogi keysa sa akin. “Jusko! Tama na ‘yan, Pogi!” Tumakbo na ako palapit sa kanila at sinubukang silang pigilan pero bigla na lang akong itinulak ng isang lalaki dahilan para masubsub ang katawan ko sa basurahan. “Aba, gago ‘to ah!” Dali-dali na akong tumayo habang abala si Danerie sa pagsuntok sa kanila. Kinuha ko na ang manipis na kahoy galing sa basurahan at pinagpapalo silang lahat. Mabuti na lang dahil biglang tumunog ang patrol sa barangay kaya mabilis na silang tumakbong tatlo palayo. “Doon po, Kuya! Doon sila pumunta!” Turo ko pa nang makarating ang mga patrol. “Mga sakit talaga sa lipunan ang mga ‘yan kaya hulihin n’yo po nang makulong!” Hingal na hingal ako nang makabalik na sa pwesto ko. Napalingon naman na ako kay Danerie at laking gulat ko na lang nang makita ko ang mga pasa nito sa mukha. “Oh my gulay!” “What?” tanong niya sa akin. Nilapitan ko na siya at hinawakan sa magkabilang pisngi. “Ang pogi mong mukha ay nasira na! Ang dami mong pasa, pasaway kang Pogi ka!” Inalis na nito ang kamay ko sa kaniya sabay tayo. “It’s fine. At least I’ve gotten to release my anger with those b*stards,” tugon niya sa akin sabay ngisi. Umiling na lang ako. “Ibang klase ka talaga…” Makalipas ang ilang minuto ay bumalik na rin si Kuya Arneng kaya kwinento ko na lahat ng mga nangyari. Pasado alas-otso y media ay umalis na rin ako at mabilis lang naubos ang paninda kahit na nagkaroon ng gulo kanina. “Where’s your home?” Napatingin ako kay Danerie habang naglalakad kami papunta sa paradahan ng jeep. “Malapit lang dito, isang ride lang, Pogi. Bakit, ihahatid mo ba ako?” “Of course not, you can handle yourself.” “Sus! Eh, bakit mo naman ako tinulungan kanina?” Hindi na siya sumagot dahil mayroon nang tumigil na taxi sa harapan naming dalawa. “I’m off. Bye!” Kaagad na itong pumasok sa loob ng taxi at umalis. “Hay nako, pogi…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD