Hindi ko alam kung tama bang hiniling ko 'yon kay Zoren o mali. Para kasing hindi naman katanggap-tanggap ang mga sumunod na nangyari.
“A-ano 'yan?” tanong ko sa kanya nang nakita kong inilabas niya ang mga malilinis niyang damit at basta na lang ikinalat sa sahig.
“Nahulog na sa sahig. Labhan mo ulit,” malamig na sabi niya.
Nanlaki ang mga mata ko. Bakit ko lalabhan ulit e ang linis pa ng mga 'to.
“E, malinis 'yang mga 'yan, e!” reklamo ko pa.
“May reklamo ka? E, 'di ba katulong ka lang? You have no say on everything here, Miss. You're just a maid and you do whatever I told you to do.”
Tinalikuran niya ako at dumiretso siya papasok ng kwarto. Naiwan akong nakanganga at hindi makapaniwala sa biglaang pagbabago ng mga kaganapan.
Napabuga ako ng hangin at pinulot na lamang isa-isa ang mga damit niyang ikinalat niya sa sahig.
Ito ang gusto ko. Ginusto kong tratuhin niya akong totoong maid. Pero hindi ko alam kung bakit ako nao-offend. Hindi ko alam kung bakit nairita ako nang sabihin niyang maid lang ako.
Pabagsak kong inilagay sa laundry basket ang mga damit niya. Bitbit ko na 'yon at palabas na ako ng suite nang bumukas ang pinto ng kwarto. Iniluwa siya nito na bihis na bihis na.
Sinundan ko siya ng tingin habang naglalakad siya palabas. Hinintay kong tingnan niya ako pero hindi niya ginawa. Lumabas siya ng suite na hindi man lang ako kinausap o tinapunan man lamang ng tingin.
“Galit ba siya?” bulong ko sa sarili ko.
Laman si Zoren ng isip ko habang nilalabhan ang mga damit niya. Nakatitig ako sa washing machine at pinapanood ko kung paanong pinaikot-ikot ang mga damit na naroroon.
“Mel, ako na d'yan. Baka hanapin ka ng amo mo,” sabi ni Jade.
“Wala si Zoren. Umalis. Hintayin ko lang matuyo para isahang trabaho na lang.”
“Bahala ka. Room service lang muna ako,” pagpapaalam niya.
Ilang sandali din ang hinintay ko sa laundry area bago ako muling umakyat sa taas. Kumunot agad ang noo ko pagkapasok ko. Bumungad sa akin ang ingay mula sa mga bisita ni Zoren. Nakagat ko ang labi ko at natigilan ako sa paglalakad. Hindi ko alam kung tutuloy pa ba ako sa pagpasok o babalik na lamang muna sa baba.
“Oh! There she is . . .” Narinig kong malakas na sabi ni Zoren.
“Melissa!” tawag niya sa akin.
Napabuga ako ng hangin.
“Melissa, come here.”
Lumingon ako at nakitang nasa malapit na siya sa akin.
“Gusto kang makilala ng mga kaibigan ko.”
“Ha? Bakit?”
Bakit ako gustong makilala ng mga kaibigan niya?
Bitbit pa rin ang laundry basket ay sumunod ako kay Zoren. Tinungo niya ang mga bisita niya. Pansin kong wala si Mr. Buenaventura.
“Guys, this is Melissa . . . my personal maid.” Lumingon siya sa akin. “Melissa, mu friends,” sabay lahad niya sa mga kaibigan niya.
Tatlong babae at dalawang lalaki lamang ang naririto. Agad na naglahad ng kamay sa akin ang isa sa dalawang lalaki.
“I'm Spike Guillermo.”
Tinanggap ko 'yon. “Mel,” maiksi kong pagpapakilala since naipakilala na nga ako ni Zoren kanina.
Ang isang lalaki ay tinanguan lang ako. Habang ang mga babae ay hindi ako pinansin.
“Melissa, ipaghanda mo kami ng masarap na pulutan,” utos sa akin ni Zoren.
Hindi na ako nag reklamo pa at agad na lamang na sumunod sa kung anong iniutos niya.
Nang gabing 'yon ay hindi niya ako pinagpahinga. Tinupad niya nga ang hiling kong itrato niyang maid niya. Wala silang ibang ginawa buong gabi kung 'di ang mag inuman at mag usap ng mga walang kakwenta-kwentang bagay. Panay pa ang utos sa akin na igawa sila ng pagkain, ikuha sila ng maiinom, at kung ano-ano pa. Naka-standby na nga lang ako sa kitchen dahil sunod-sunod ang utos nila.
Alas kwatro ng madaling araw nang nagsimulang maghalikan si Spike at 'yong katabi niyang babae. Agad akong napatungo sa ref at kumuha ng maiinom nang gano'n din ang ginawa ni Zoren sa babaeng kanina pang dikit nang dikit sa kanya.
“Let's go get a room,” Narinig kong sabi ni Spike.
“Alis na din kami,” pagpapaalam din ng isa pang lalaki.
Lumingon ako at nakitang nakatayo na nga silang lahat at nakaakbay na sa mga babae nila. Mukhang malalakas na ang tama.
“Okay,” maiksing tugon ni Zoren nang hindi man lang tinitingnan ang mga kaibigan niya.
Nanatili ang kanyang mga mata sa babaeng kaharap niya. Malawak ang ngiti niya at kung titingnan ay parang inlove na inlove siya sa babae. Gamit ang likod ng kanyang palad ay hinaplos niya ang pisngi nito pababa sa ilalim ng baba. Hinawakan niya 'yon at iginiya palapit sa kanya. Palapit sa labi niya.
Napapikit ako at agad na tumalikod. Ayaw kong makita kung paano niyang halikan ang babae. Hindi ko alam kung bakit. Pero 'di ba parang nakakailang naman 'yon sa parte ko. Ano 'yon? Para akong nanonood ng libreng live show?
Ilang sandali akong nanatili sa ganoon kong posisyon bago ako nagpasyang lumingon muli sa kanila. Pero agad rin akong tumalikod muli matapos kong makita ang dila ni Zoren na pumasok sa bibig ng babae. s**t! Sa dinami-dami ng oras na pwede akong lumingon, bakit sa ganoon pang timing?
“Uhh . . . P-pwede niyo pong gamitin ang k-kwarto, m-maam, sir,” nauutal kong sabi. Napahawak ako sa isa kong kamay matapos kong maramdaman ang panginginig niyon. Malakas rin ang kabog ng puso ko at habol-habol ko ang sarili kong hininga.
Wala akong narinig na sagot mula sa kanilang dalawa. Ilang minuto pa bago ko narinig ang pagsarado ng pinto. Marahil ay ng kwarto. Doon lamang ako napabuga ng hangin.
Akala ko ba gusto niya ako?
Kung gusto niya ako . . . Hindi ba ay dapat nagpupursigi siyang ligawan ako? O 'di kaya ay magpa-impress siya sa akin? Hindi 'yong ganito na harap-harapan niyang ipinapakita sa akin kung gaano siya kakati.
Kaya kung totoo mang gusto niya ako? Ha! Hinding-hindi talaga siya papasa sa akin. Ayaw ko sa mga lalaking nalawayan na ng iba. Ayaw ko ng mga lalaking panis na.