Eksaktong pagkabalik ko ng suite ay gising na si Zoren. Naka-formal attire na din siya na parang may ari ng isang malaking kompanya.
“Marami akong meetings today so hindi mo na kailangan pang maghanda ng lunch para sa ating dalawa. Uuwi ako by five or six. Make sure by seven makakakain na tayo ng dinner. Gusto ko ng japanese dishes so iyon ang ipahanda mo.”
Tatango-tango ako habang pinapakinggan ang mga bilin niya.
“And by the way, kailangan mong mag grocery dahil paubos na ang stocks natin. Nakadikit sa ref ang listahan ng mga bibilhin mo.”
Bumuga siya ng hangin matapos niyang ayusin ang pagkakatali ng neck tie niya.
“Wala na po ba?” tanong ko nang tuluyan na siyang nanahimik.
He shook his head, “Iyon lang.”
Tumango ako. “Okay. Breakfast na po tayo,” sabay ngiti ko.
Wala pa man siyang naging tugon ay tinalikuran ko na siya't nagtungo na ako sa lamesa. Naramdaman ko rin naman ang agad niyang pagsunod sa akin.
Pagkatapos ng breakfast ay agad rin siyang umalis. Nagtungo naman ako sa banyo para maligo't makapaghanda na para sa pag g-grocery.
Feeling ko, dito talaga siya nakatira at hindi siya basta-bastang guest lang ng presidential suite na ito. Nasa frontdesk ako last time pero hindi ko sigurado kung ilang araw, linggo o buwan na siya dito.
Sa dami ba naman ng alalahanin ko sa buhay, matatandaan ko pa ba 'yong mga bagay na may kinalaman sa ibang tao? Siyempre hindi na no!
“Saan ang punta mo, madam?”
Natigilan ako sa paglalakad at saka pabirong inirapan si Cathy na nasa front desk. Imbis na dumiretso palabas ay tinungo ko ang front desk kung nasaan siya at pumangalumbaba ako sa counter.
“Kumusta kayo dito?” tanong ko.
“Ayos naman...” Lumapit sa akin si Cathy. “Medyo hindi lang sanay na iba na ang kasama,” dagdag na bulong niya.
“Hi, Melissa!” bati ni Erica na kadarating lang mula sa kung saan. Marahil ay galing pang locker room.
Alanganin akong ngumiti sa kanya. Hindi kami close nitong si Erica. Medyo hindi rin maganda ang last encounter naming dalawa.
“Hello! Uhh...” Muli akong lumingon kay Cathy. “Hindi na ako magtatagal. Bibisita kasi ako kay mama tapos mag g-grocery pa ako.”
“Grocery? Para kanino? Sa boss mo?”
Tumango ako. “Oo. Gusto niya kasi laging may stocks 'yong ref at food cabinet.”
“O-okay.”
“Sige, Cath. Mauna na ako.” Isang tango ang ginawa namin ni Cathy sa isa't-isa bago ako tuluyang umalis.
Tulad ng sinabi ko kay Cathy ay pumunta nga ako ng hospital para bisitahin si mama.
Malala na ang kondisyon ng mama ko. Halos dito na siya nakatira sa hospital dahil sa kondisyon niyang sa bawat araw na lumilipas ay mas lalong lumalala. May stage 4 cancer siya sa utak. Sa isang araw ay ilang libo ang kailangan ko para lang matustusan ang pangangailangan niya sa mga gamot at pag che-chemotheraphy.
Kaya nga ay kahit ayaw kong maging personal maid ni Zoren ay pumayag ako. Kailangan na kailangan ko ng pera. At pakiramdam ko'y blessing in disguise ang pagdating niya.
Dire-diretso akong pumasok sa kwarto ni mama. Nakita kong agad na tumayo si Tita Matilda pagkakita sa akin. Nginitian ko siya't agad akong nagmano sa kanya nang nakalapit ako.
“Tita...”
“Melissa, nangayayat ka yata, hija? Pinapagod ka yata ng trabaho mo d'yan sa hotel.”
“Hindi naman po. Kumusta po si mama?”
Naupo ako sa upuang katabi ng kama ni mama kung saan nakaupo si Tita Matilda kanina.
“Kakatulog niya lang...” Isang mahabang pagbuga ng hangin ang pinakawalan niya. “Nakausap ko ang doktor kanina. Mabagal na ang proseso ng paggaling niya, Mel. Imbis na gumaling, mas lalong lumalala. Alam naman natin kung saan patungo 'to 'di ba?”
Napatitig ako kay mama. Hinaplos ko ng marahan ang ulo niyang wala ng buhok dahil sa chemotheraphy. Napakagat ako sa ibabang labi ko. Mula no'ng unang araw na nalaman kong may cancer si mama hanggang ngayon ay niminsan hindi pa ako umiyak. Hindi ko rin alam kung bakit isang kagat ko lang sa labi ko ay umaatras na ang mga luha ko. Bagama't gano'n ay hindi pa rin maiiwasan ang pagsikip ng dibdib ko.
“Tita, baka sa ibang bansa po gumaling siya. Hindi ba ay mas advance ang teknolohiya sa ibang bansa? Hindi ba ay mas malaki ang tsansang gumaling siya doon?”
Nilingon ko si Tita Matilda na ngayo'y halatang gulat sa mga binitawan kong salita.
“Baka po pwedeng isama niyo siya sa inyo?”
Binasa ko ang labi ko at saka ako tumayo at agad na hinawakan ang kamay ni tita. Hindi namin siya kamag-anak. Kapitbahay lang namin siya noon na naging matalik na kaibigan ni mama.
“Tita, na-promote po ako. Mas malaki na po ang sahod ko—”
“Melissa, hindi naman problema sa akin ang pera. Dati ko pa namang sinasabi sa iyo na ako na ang sasagot sa lahat ng gastos sa pagpapagamot ng mama mo 'di ba? Ang akin lang, sana ay hindi mo na masyadong paasahin pa ang sarili mo. Huwag mo na sanang patuloy pang i-deny ang mga nangyayari. Harap-harapan mo ng nakikita, Mel pero hirap ka pa ring tanggapin,” pagpuputol niya sa akin.
Nag iwas ako ng tingin sa kanya. Mariin ko ulit na kinagat ang labi ko.
“Sige. Isasama ko siya sa akin sa US... Pati ikaw.”
Agad akong napabalik ng tingin sa kanya. “Hindi na po ako kailangan. May trabaho po ako. At ayaw ko na rin pong maging pabigat pa sa inyo. Pero huwag po kayong mag alala dahil magpapadala po ako ng pera.”
“Pero, Melissa—”
“Tita please...” pagmamakaawa ko. Ilang sandali pa siyang napatitig sa akin bago marahang pumikit at bumuntong hininga. Iyon na 'yong sagot niya. Oo na 'yon.
Napangiti ako. Inabot ko ang kamay niya at saka mahigpit ko 'yong hinawakan.
“Thank you po. Maraming maraming salamat.”
“Mel, parang anak na ang turing ko sa 'yo. Kaya nasasaktan akong nakikita kang ganyan.”
“Ayos lang po ako, tita. Huwag po kayong mag alala sa akin.”
Binigyan ko siya ng matamis na ngiti. Iyong ngiting alam kong magbibigay ng kaginhawaan sa kanya. Malungkot na ngiti lamang ang ipinakita niya sa akin at alam kong nagdadalawang isip pa rin siyang iwan ako dito sa Pilipinas.
Lumaki akong ang tangi kong kasama ay si mama. Lasinggero at babaero ang papa ko kaya sila naghiwalay ni mama no'ng bata pa ako kaya si mama na lang ang kasama ko hanggang sa lumaki ako. Mahirap din para sa akin ang mahiwalay kay mama pero kung iyon lang ang paraan para mas makasama ko pa siya ng matagal ay handa akong magtiis. Titiisin ko ang ilang buwan o taon na wala kami sa tabi ng isa't-isa basta lang ay gumaling siya. Kailangan niyang gumaling.