Sina Simeon
“NAY!?” Sigaw ko kay nanay na ngayon ay kasama si tito Juanito na nag-aararo ng bukid. Palubog na ang araw sa mga oras na ito at kakauwi lang naming magkakapatid galing sa parke. Ang pangalan ni mama ay Jana Santosa, siya ay 45 years old na pero fresh at kalog pa rin.
“Maaa!!” Hindi ako narinig ni nanay kung kaya't ginamit na ni Espirita ang kanyang mala-amplifier na boses. Sobrang lakas ng boses niya at ewan ko nalang kung hindi mabingi mula roon ang mga kuliglig at iba't iba pang insekto rito sa bukid.
Hindi naman siya nabigo at narinig ni mama ang pagtawag ni Espirita at nakita kong panandaliang pinatay ni tito ang makina ng motor na pang-araro sa bukid. Nakangiting lumapit sa amin si nanay. Puro ang ngiti nito ngunit bakas ko ang pagod sa kanyang mga mata. Ang sipag ng ina ko at balang araw ay masusuklian ko rin ang lahat ng sakripisyo niya sa amin.
“Ginabi na ata kayo sa parke?” bungad ni mama sa amin nang makarating siya sa aming kinalalagyan.
“Oo, Nay. Masyado po kasing nag-enjoy ang bunso mong anak sa paglalaro at sarap na sarap pa sa ice-cream ni kuya Cimba,” nakangiting salita ko kay mama. At hinamas ko ang ulo ng kapatid kong bunso.
“Oo, ma! Binibili ako ni Diko ng ice-cream kanina at gustong gusto ko po talaga 'yon,” saad ni Vhina.
“Kita ko nga sa mga ngiti mo, anak. Natutuwa rin ako na ang playround ang nagpapasaya sa iyo. Oh siya! Mauna na muna kayong umuwi sa bahay at tatapusin lang namin ng tito niyo ang isang pitak bago kamo tuluyang huminto,” saad ni mama sa amin.
“Hinay-hinay lang sa kasipagan ma. Baka maging bayani ka niyan, joke po,” pambibirong saad ni Espirita.
“Palabiro ka talaga! Sige na't magagabi na,’ nakangiting saad ni mama kay Espirita at bumaling ito sa akin. “Sina, i-uwi mo na ang mga kapatid mo at baka mamatanda o makagat pa kayo ng dengue rito.”
Ngumiti kami sa kanya at tuluyan nang umalis sa bukid upang umuwi na dahil baka nga mamatanda pa kami o kaya naman ay makagat pa ng ahas or dengue na nakamamatay. Alam kong hindi totoo ang mga engkanto at hindi ako naniniwala roon ngunit, ito na ang paniniwalang nakasanayan dito sa aming probinsya at nirerespeto ko nalang ang paniniwala ng iba. Si mama naman, akala mo ay hindi na kami nasanay sa bukid, eh halos nga kainin ko na dati ang putik at mga ipa rito noong bata-bata pa ako. Hayst, ang sarap kayang maglaro sa kabukiran.
“Diko?” bigkas ni Vhina ng aking pangalan habang papauwi kami sa aming tahanan.
“Bakit?” tanong ko. Tumigil ito panandalian at nag-isip ng matagal sa kanyang sasabihin.
“Ano kaya ang itsura ng matanda na parating pinapanakot sa atin ni nanay?” takang tanong sa akin Vhina.
Gusto ko mang matawa sa sinabi niya ngunit ayoko rin pala.
“Hindi ko alam, Vhina. Pero dapat ay parati tayong maging mabait at huwag susuwayin ang utos ng ating ina para hindi tayo kuhain no'n. Naintindihan mo ba?” salita ko.
“Hala, baka mamaya ay dumungaw iyon sa bintana ng kubo natin diko, huhu,” natatakot na saad niya. Ganyan talaga siya, madaling maging emosyonal sa mga simpleng bagay.
“Hindi iyan. Basta hindi ka gagawa ng hindi maganda. Ligtas ka sa kanila. Bunso, huwag ka ng matakot,” Siya namang wika ni Espirita rito bilang pagpapakalma.
Matapos nito ay mabilis kaming naka-uwi ng aming tahanan. Sunod ay agad kong inayos ang mga gamit ko sa eskwela upang makapag-saing at makabili sa tindahan ng maaaring ulam na lutuin.
Tumungo ako sa lalagyan namin ng bigas at marami pa kaming imbak dahil nga sa nagsasaka ang pamilya namin kung kaya't hindi na namin pinoproblema pa ang bigas at tanging ulam nalang. Ngunit kinakabahan at natatakot din ang aking pamilya dahil sa pagtindi ng pagbaba sa presyo ng palay na kung saan baka magresulta pa ito upang kami na nag-aani ng palay ang siyang magkulang sa bigas o walang kanin na maihahain pa sa hapag.
“Espirita, bantayan mo si Vhina at bibili lamang ako ng ulam sa tindahan sa labasan,” bilin ko kay Espirita na ngayon ay nagsusulat sa kanyang notebook. May tinatapos siguro siyang assignment niya sa eskwelahan.
Bumaling ito sa akin at sumagot. “Sige, diko. Ako na ang bahala rito,” sang-ayon niya. Si Vhina ay abala sa paglalaro ng kanyang barbie doll na niligaro ko sa kanya noong kumita ako ng malaking premyo sa ginawang debate sa University.
“Iyong sinaing nga pala, tignan mo at baka masunog iyon patay tayo kay nanay,” dagdag ko pa bago tuluyang umalis ng bahay.
Habang nasa daan, ramdam na ramdam ang ko ang fiesta fever sa aming barangay dahil sa mga bandaritas na nakasabit sa bawat sulok ng kalsada. Kasama na rito ang malaking tarpulin na nagpapakita ng imahe ng aming patron na si Santa Teresita, kasama na rito ang kasaysayan ng aming lugar.
Taon-taon nagaganap ang fiesta sa amin at sa tingin ko ay mas engrande ito dahil sa iba na ang kapitang namumuno sa aming barangay.
“Ate, wait lang! Pagbilan! Ang aga mo naman pong magsara!” paghabol kay ate nang makita kong pasarado na ang kanyang tindahan.
Buti naman at narinig niya ako at ngumiti ito sa akin dahil doon ay mabilis akong lumapit sa kanya.
“Ikaw pala iyan, Sina. Buti nalang at naabutan mo pa ako, may date kasi ang ate mong tindera kaya maaga akong magsasara ngayon,” dahilan sa akin ni ate Maxine. Suki na niya ako kung kaya't kilalang kilala na niya ang boses at maging ang anino ko.
“Ay iba rin si Ate Maxine oh! Napansin ko nga iyang straight mong buhok. Bagong rebonded ka siguro no! How much iyan? Sabagay kahit hindi ka naman magpa-rebond ay angat na angat pa rin ang beauty mo,” pambibiro ko sa kanya. Biro lamang, maganda talaga si ate Maxine dahil sa may pera ang kanyang pamilya at naaalagaan niya ang kanyang kutis at postura.
Mukhang bahagya namang kinilig si ate sa sinabi ko at hinawi-hawi pa ang kanyang straight and silky na buhok
“Naku, Sina! Ano bang bibilhin mo? Sige, kumuha ka na diyan tutal naman at malapit na ang fiesta. Ito ang isa sa araw na dapat ay nagbibigayan tayong lahat,” wika niya.
Hala! Ang bait talaga ni ate Maxine! Hmmm! Nakaka-touch lang!
“Sure ka d’yan ‘teh?” paninigurado ko.
“Yes! Get na, nagmamadali ako no,” nakangiti niyang saad. Hindi na ako magpatumpik-tumpik pa at kumuha na ako ng isang balot ng tapa at mustasa. Malaking tipid na rin ito no.
“Salamat, ate! Hayaan mo at kapag mag-work na ako, always kong papakyawin iyang mga tinda mo!” pagpapasalamat ko rito.
“Hahaha! Basta, masaya na akong nakikita kang masaya. Ang bait mong anak at kahit huwag mo nang pakyawin ang mga tinda ko, basta makapagtapos ka lang ng pag-aaral ay oks na tayo roon!” saad nito.
“Aws, salamat talaga ate Maxine! Ang bait mo!” pagpapasalamat ko. Nagpa-alam na siya sa akin dahil may-date pa nga siya.
Tamang kanta lamang ako habang pabalik sa bahay namin hanggang sa madaan ako sa bahay nila kapitan at napahinto ako dahil bigla akong tinawag ng katulong nila na nasa labas ng gate.
“Uy, Sina!” tawag ng katulong sa akin.
“Oh, ate! Bakit po? Nakakagulat ka naman! Bakit nandyan ka sa labas? Hindi ba malamok diyan? Ang tiyaga po,” bungad ko rito. Napansin kong may bitbit siyang mga papel. Ay, mukhang alam ko na ang sadya niya.
“Kanina pa nga kita hinihintay na bumalik. Napansin kasi kita kanina na dumaan dito at tinawag pa kita ang kaso ay hindi mo ata ako narinig. Oh ayan pinapabigay ni Xian,” saad nito at inabot sa akin ang mga papel na hawak niya.
“Ay sorry ate. Hindi nga kita napansin. Kailan po kaya ipapasa ito? Hindi po kasi siya nagre-reply sa akin. Eh hindi ko naman po makita ang sinend niyang ito at wala akong load na pang-internet,” sagot ko.
“Sinabi niya nga sa akin na wala ka raw pang-internet kaya pinaabot niya nalang iyan sa akin.”
“Na-saan po ba ang lalaking iyon?”
“Naku, nasaan pa ba? Adi na roon sa basketball court at nagpa-practice pa ng basketball hanggang ngayon,” sagot ni ate.
Nagba-basketball pa rin? Anong oras na? Hindi kaya siya napapagod or baka naman kaka-umpisa pa lang nila sa paglalaro. Hayst, si Xian talaga mas inuuna pa ang pagba-basketball kaysa sa paggawa ng mga school works.
“Gabing gabi naman po ang practice nila ng basketball,” saad ko.
“Sabi ko nga. Ang kaso ay may laban daw sila sa darating na fiesta. Eh gusto atang manalo ng team nila kaya hanggang gabi ay todo pag-e-ensayo,” paliwanag ni Ate. “Oh siya, sige na. Magluluto pa ako ng hapunan. Basta, matapos mong gawin iyan ay idaan mo agad rito ha? Hindi kasi nabanggit sa akin ni Xian kung kailan ipapasa iyan.”
Tumango ako kay ate at nagpasalamat sa kanya. Tinignan ko ang papel na inabot niya at may nakita akong sobre na naka-ipit dito. Ito siguro ang bayad ni Xian, mamaya ko nalang bubuklatin sa bahay kung ano ang ipapagawa ng lalaking iyon.