Chapter 6

1133 Words
“Salamat po sa paghatid, Tito,” ani ko kay Tito Vicente pagkababa sa tricycle niya. Hindi ko na siya hinintay na bumaba. Nauna na ako at agad na dumiretso sa kwarto namin ni Mama para makapagpalit. Nadatnan ko si Mama na nakaupo sa sahig. Nakayupyop ang ulo niya sa papag. Hindi ko makita kung tulog ba siya o gising dahil nakatalikod siya. “’Ma? Ano po ang ginagawa mo diyan? Bakit diyan ka nakaupo? Malamig ang sahig.” Hinubad ko ang backpack na dala papuntang school at inilapag sa lamesita. Isinara ko muna ang bintana dahil magbibihis ako. Lumapit ako sa kahon na lagayan ng mga damit ko at naghanap ng damit pangbahay. “’Ma, natutulog ka po ba? Dapat dito ka na lang sa papag nahiga.” Hinubad ko ang puting polo shirt na suot ko at nagpalit ng blouse na kulay asul. Sunod kong hinubad ay ang maong na pantalon at saka isinuot ang asul din na cotton shorts na terno sa damit. Dinampot ko ang mga pinaghubaran at inilagay sa isang kahon na lagayan ng mga labahan namin ni Mama. “’Ma?” Tawag ko ulit sa kaniya. Hindi pa rin siya kumikibo kaya linapitan ko na siya. Tinambol ng malakas ang dibdib ko nang makita ang maraming dugo na nagkalat sa sahig galing sa pulsuhan niya. Katabi nito ay ang kutsilyong ayaw ipagamit sa akin ni Tita dahil bagong bili lang daw niya at masiyado pang matalas. May nakakalat din na dalawang banig ng gamot sa sahig na wala nang laman at maaaring ininom din ni Mama. “Mama!” Malakas na sigaw ko. Sa nanginginig na katawan ay napaluhod ako at dinaluhan si Mama. “Mama, gumising po kayo diyan! Bakit n’yo naman po ginawa ’to?” Nag-unahang pumatak ang mga luha sa pisngi ko. Niyugyog ko ang balikat ni Mama habang patuloy na umiiyak. Namumutla na ang kaniyang mukha. “Tulong! Tulong! Tito Vicente! Tulungan n’yo po ako! Tito! Tulong!” Paulit-ulit kong sigaw habang nakakulong sa mga bisig ko si Mama. Maya-maya ay pabalyang bumukas ang pinto. “Ano ang nangyari, Dhanna?” Lumapit sa amin si Tito Vicente na humahangos. Namilog ang mga mata niya pagkakita kay Mama pati na din sa nagkalat na dugo sa sahig. “Belen! Ano ba ang ginawa mo sa sarili mo!” Agad niyang binuhat si Mama palabas ng kwarto. “Papa, bakit po ba ang ingay n’yo diyan?” tanong naman ni Jovy nang makasalubong namin siya habang palabas kami ng bahay. “Tawagan mo ang Mama mo at sabihin mong umuwi muna dito sa bahay. Sabihin mo emergency! Dalian mo!” May pagmamadali sa boses na utos niya kay Jovy. Naguguluhang tumingin si Jovy kay Mama. Kagaya ni Tito Vicente, nanlaki din ang mga mata niya pagkakita kay Mama na duguan ang palapulsuhan. “S-Sige po,” tugon niya saka dinukot ang cellphone sa bulsa ng kaniyang maong na shorts. Tumalikod si Tito Vicente at muling nagpatuloy sa paglalakad palabas ng bahay. Sumunod ako sa kaniya. Mabilis akong pumasok sa tricycle pagkalapag niya kay Mama sa loob. Walang tigil sa pagpatak ang mga luha ko habang nakayakap kay Mama. Panay din ang dasal ko na sana ay maisalba pa ng mga doktor ang kaniyang buhay. “Pasensiya na po, pero ginawa na po namin ang aming makakaya. Marami nang dugo ang nawala sa kaniya at idagdag pa ang mga nainom niyang gamot–” Biglang dumilim ang paningin ko hindi pa man tuluyang natatapos ng doktor ang kaniyang sinasabi. Paulit-ulit akong kinakausap ni Tito Vicente habang nasa ospital kami pero hindi ko magawang magsalita. Hindi ko matanggap na sa isang iglap ay wala na si Mama. Siya na lang ang mayroon ako pero nagawa niya pa akong iwanang mag-isa. “Kumain ka na daw sabi ni Mama. Nakakailang balik na ako sa ’yo dito pero para kang bingi. Kahit magpagutom ka pa diyan, hindi na maibabalik ang buhay ni Tita Belen. Tanggapin mo na lang na wala na siya.” Nayayamot na sermon sa akin ni Jovy. Pinukol ko siya ng matalim na tingin. “Ulitin mo nga ang sinabi mo, ha!” Tumayo ako at binulyawan siya. “Hindi ba at ikaw ang kasama dito ni Mama nang magl*sl*s siya? Bakit hindi mo man lang napansin na kinuha niya ang kutsilyo at bumili siya ng maraming gamot? Baka naman alam mo na talaga na may balak na si Mama na mag-s**cide pero hinayaan mo lang siya?” Pang-aakusa ko sabay tulak sa kaniya. Napalingon si Jovy sa mga taong nakaupo upang makiramay sa burol ni Mama nang umugong ang bulong-bulungan. Hindi makapaniwalang tumingin siya pabalik sa akin. “Naririnig mo ba ’yang mga pinagsasabi mo, ha? Baka naman kagaya ka na din ng Nanay mong baliw kaya kung ano-ano na ang naiisip! Huwag mo nga akong pinagbibintangan! Hindi naman na bata ang Nanay mo para bantayan ko!” Sigaw niya sa mukha ko. “Ano ba ang nangyayari dito? Bakit kayo nagsisigawan?” Sita sa amin ni Tita Jocy na kagagaling lang sa kusina. May dala siyang isang malaking mangkok na naglalaman ng mga biscuits at candies para sa mga nakikiramay. “Si Dhanna kasi, Mama. Kung ano-ano ang lumalabas sa bibig. Gusto pa ata na isisi sa akin ang pagpapakam*tay ng Nanay niyang baliw sa lalaki.” Sumbong ni Jovy kay Tita Jocy. “Jovy, ano ba ’yang bibig mo. Patay na nga ang Tita Belen mo pagsasalitaan mo pa ng hindi maganda. Matuto ka namang rumespeto.” Saway naman ni Tito Vicente kay Jovy. Inilapag niya sa lamesa na nasa gilid ang isang pitsel ng juice. “Ikaw naman kasi Dhanna hindi mo na inirespeto ang burol ng Mama mo. Nakikipagbangayan ka pa talaga sa harap ng kabaong niya.” Sikmat sa akin ni Tita Jocy. Pinagkrus ni Jovy ang mga braso sa tapat ng dibdib. Nakataas ang kilay na ngumisi siya sa akin. Huminga ako ng malalim upang kumalma. “Pasensiya na po, Tita.” Hinging paumanhin ko saka napayuko. Nagpakumbaba na lang ako alang-alang sa burol ni Mama. “Ikaw Jovy, baka naman pinagsasalitaan mo ng hindi maganda si Dhanna? Dapat damayan at intindihin mo na lang muna siya. Kamamatay lang ni Belen. Tigilan mo na ang pagmamaldita sa kaniya lalo na ngayon. Hindi ka naman namin pinalaking ganiyan.” Baling naman ni Tito Vicente kay Jovy. “Ano ka ba, Vicente! Ang dami-daming tao! Huwag mo namang ipahiya ang sariling anak mo," mariing sambit ni Tita Jocy na napapalingon pa sa mga nakikiramay. Nakatutok na sa amin ang atensyon nila na para bang nanonood sila ng palabas. “Huwag mo kasing laging kinakampihan ’yang anak mo. Kahit alam mong mali na ang ginagawa hinahayaan mo lang kaya namimihasa,” tugon naman ni Tito Vicente bago tumalikod at umalis sa sala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD