Chapter 7

1139 Words
“Ano na, Dhanna? Hindi ka pa ba diyan babangon? Pinagbigyan na kita kahapon na maghapong magmukmok dahil naiintindihan ko ang pinagdaanan mo. Pero baka nakakalimutan mo, may mga gawain ka na dapat gampanan. Alam mong may pasok ako sa trabaho. Matuto kang kumilos dahil wala nang libre sa ngayon. Nadala na ako sa pagtulong noon sa nanay mo kaya hindi ko na hahayaang maulit na naman ang nangyari noon.” Inalis ni Tita Jocy ang kumot na nakatalukbong sa katawan ko. Kanina pa ako gising pero wala akong ganang bumangon at kumilos. Hindi rin ako nakakaramdam ng gutom. Mas gusto kong mawala na rin para makasama ko na si Mama. “Bumangon ka na diyan at kumain. Kahapon pa walang laman ang sikmura mo. Nagluto na ako ng almusal ninyo. Tumayo ka na diyan para makapaglaba ka. Hindi pwedeng tatamad-tamad ka na lang, ha?” Hindi ako kumilos. Nanatili akong nakahiga sa papag yakap ang unan na gamit ni Mama. “Wala po akong ganang kumain, Tita,” walang buhay na tugon ko sa kaniya. “Huwag mo nga akong paandaran ng ganiyan! Tapos ano ang sunod mong sasabihin sa akin? Wala ka nang ganang mabuhay, gano’n?” Napakamot siya ulo at mariing ipinikit ang mga mata. Tinapunan niya ako ng nayayamot na tingin nang dumilat siya. “Kapag nakita ni Belen ’yang ginagawa mo ngayon sa tingin mo ba matutuwa siya, ha? Siguro naman may mga pangarap sa ’yo ang nanay mo. Hahayaan mo na lang na magkaganiyan ka?” “W-Wala na pong saysay kahit pa matupad ko ang mga pangarap namin ni Mama kasi wala naman na po siya,” lumuluhang tugon ko sa kaniya. “Hay naku! Ewan ko sa ’yong bata ka! Pagbibigyan ulit kita sa ngayon na ipagluksa ang pagkamatay ni Belen. Pero bukas dapat kumilos ka na. Huwag mo ding iisipin na ginagawa kitang alila dito sa bahay. Gusto kong paghirapan mo ang lahat ng bagay bago mo makamit para matuto kang magpursige. Ayaw kong matulad ka sa nanay mo na na-spoiled namin kaya naman hindi na nagsumikap at mas inuna ang love life. Tapos ano ang nangyari, nagkandaletse-letse tuloy ang buhay. Bago ka sana sumuko alalahanin mo muna lahat nang pangarap ni Belen para sa ’yo. Pag-aaralin kita pero gusto kong pagtrabahuhan mo lahat ng gagastusin ko para sa ’yo. Huwag mo sanang bibiguin ang nanay mo dahil lang sa wala na siya. Hindi niya magugustuhan kapag nakita ka niyang nagkakaganiyan.” Napapailing siyang lumabas sa kwarto. Dahil sa mga sinabi niya, bigla kong naalala ang mga naging payo sa akin ni Mama bago siya mawala. Gusto niya na mag-aral ako ng mabuti at magsumikap para ipakita kay Papa na kaya kong maging successful kahit wala ang tulong niya. Kaya naman bumangon ako at pinahid ang mga luha sa aking pisngi. Inilibot ko ang tingin sa kwarto. Napansin ko na naging maaliwalas na ito kumpara noong bago ako magpa-enroll. Siguro ay nilinis niya muna dito bago niya k*tilin ang sariling buhay. “Sorry po, Mama. Sandali akong nakalimot sa mga ipinangako ko sa ’yo bago ka mawala. Huwag po kayong mag-alala, gagawin ko ang lahat para makapagtapos ng pag-aaral. Tutuparin ko lahat nang pangarap natin. Magiging matagumpay ako balang araw,” ani ko sa sarili. Palabas na sana ako sa kwarto nang biglang may kumatok. Pinihit ko ang door knob at binuksan ang pinto. Tumambad sa akin si Jovy na may dalang pagkain. Kulang na lang ay masabitan ng kaldero ang nguso niya sa pagkakasimangot. “Bakit kasi hindi ka na lang lumabas diyan sa kwarto mo? Masiyado kang pa-importante. O, pagkain mo, pinabibigay ni Mama!!” Inabot niya sa akin ang plato na may sinangag at pritong itlog. Pati na din ang isang tumbler na may malamig na tubig. “S-Salamat," sambit ko. Umirap lang siya sa akin at padabog na naglakad papasok sa bahay. Ipinatong ko sa lamesa ang pinggan pati na ang tumbler. Pinilit kong ubusin ang pagkain na nakalagay sa plato kahit wala pa rin akong gana. Kailangan kong maging malakas. Lalaban ako sa bawat hamon ng buhay para kay Mama. “O, isabay mo na din ’tong mga punda ko at kurtina sa kwarto.” Inilapag ni Jovy ang isang palanggana na naglalaman ng mga punda at kurtina. “Ang sabi ni Mama kapag maglalaba ka ng mga damit namin isabay mo na din ang mga labahan mo para isahan na lang. Aksaya pa daw kasi sa sabon at sa tubig kung ibubukod mo pa.” Dagdag pa niya. Walang pasabi na basta na lang siya tumalikod. Noong bagong dating pa lang kami dito ay sumasama pa ang loob ko sa tuwing tatalikuran na lang niya ako bigla. Hindi nagtagal ay nasanay na din ako sa pag-uugali niyang gan’on. Wala akong ideya kung bakit nagsusungit siya sa akin parati. Maayos naman ang pakikitungo ko sa kaniya. “Mabuti naman at naisipan mo nang bumangon. Akala ko magmumukmok ka na lang buong maghapon sa kwarto ninyo.” Puna sa akin ni Tita Jocy nang madatnan niya akong nagluluto ng hapunan namin. Nagtatrabaho siya sa bayan bilang isang janitress sa isang grocery store. Alas otso hanggang alas singko ang pasok niya pero alas siyete pa lang ng umaga ay hinahatid na siya ni Tito dahil halos forty five minutes din ang biyahe papunta sa bayan. “Mano po, Tita.” Hindi ko pinansin ang mga sinabi niya. Nagmano lang ako sa kaniya at saka muling humarap sa kawali upang haluin ang niluluto kong gulay na langka. “Noong mamatay si Papa, nagmukmok din ako. Hindi makakain at laging malungkot. Ako ang pinakamalapit kay Papa, mas malapit pa nga ako sa kaniya kaysa kay Mama. Pero hindi ako nagpatalo sa pagsubok. Panganay ako sa aming magkakapatid, kaya sinabi ko sa sarili na hindi ako dapat magpakita ng kahinaan sa kanila. Halos patayin ko noon ang sarili sa pagtatrabaho para lang hindi siya maalala dahil sobrang sakit sa tuwing maiisip kong hindi na namin siya makakasama kahit kailan.” Kumuha siya ng baso at uminom ng tubig. “Wala kang kapatid na umaasa sa ’yo. Pero kailangang mas maging matatag ka kasi sarili mo na lang ngayon ang kakampi mo. Tandaan mo din, hindi kita papayagang hindi kumilos dito sa bahay. Kaya huwag kang palamya-lamya. Kahit pa magalit sa akin si Belen at multuhin niya ako, wala akong pakialam. Iniwan ka na niya sa puder ko kaya kargo na kita. Nag-iwan si Mama ng sulat bago niya k*tilin ang sariling buhay. At isa sa mga nakapaloob sa sulat ay ang pagpapaubaya niya sa akin kay Tita dahil naniniwala daw siya na hindi ako hahayaang mapariwara ng nakatatanda nilang kapatid. Wala din naman akong pagpipilian. Ayaw ko din namang sumama kay Tito Romel sa ibang bansa. Marami kaming alaala dito ni Mama kaya mas gusto kong dito na lang tumira.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD