Hindi ako kaagad nakasagot kay Eli. Patuloy pa ring pino-proseso ng utak ko ang mga sinabi niya. Natatakot ako na magsalita dahil ayokong pagsisihan ko ang sasabihin ko.
Mahal ko si Eli pero hindi pa ko handa sa ganitong bagay, e. Seryosong bagay ang hinihingi niya sa 'kin, at dapat pag-isipan kong mabuti kung sasagot ba ko sa kaniya ng oo o hindi.
Seryosong bagay ito, oh? Hindi naman ito simpleng quiz lang na ang isasagot mo ay Tama o Mali, e. Tapos kapag hindi ka sigurado sa sagot mo, e pwede mong hulaan na lang o mag-mini-mini-mayni-mo ka, 'di ba?
"Sorry, naiwan ko 'yong ballpen ko sa upuan," nanumbalik ang ingay sa paligid nang pumasok si Dylan.
Dahil pumasok si Dylan sa classroom ay laking pasasalamat ko dahil kahit papaano ay nakahinga ako nang maluwag. Sa sobrang occupied ng isip ko sa sinabi ni Eli, nalilito na rin ako kung anong dapat kong isipin, e.
"Hindi ko sinasadyang mapakinggan ang naging pag-uusap niyo," sambit ni Dylan tiyaka hinarap si Eli. "Ang maipapayo ko lang sa 'yo bro, huwag mong madaliin ang mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay ay nakatakdang mangyari sa tamang panahon, at kapag minadali mo 'yan ay hindi mo magugustuhan ang kahihinatnan.
Bigyan niyo pa ng oras ang mga sarili niyo na kilalanin ang isa't isa. Isang seryosong bagay ang marriage proposal, kaya dapat pag-isipan niyong mabuti ang gagawin niyong iyan. Bago kayo humantong sa ganiyang desisyon, siguraduhin niyo munang sigurado na kayo sa isa't isa."
Matapos sabihin iyon ay umalis na rin ito sa classroom at iniwan kaming muli ni Eli sa loob nito. Nakakainis man ang taong iyon pero sa pagkakataon na 'to ay sumasang-ayon ako sa sinabi niya.
"Pasensya ka na kung hindi ko matatanggap ang proposal mo sa ngayon, Eli. Hindi pa 'ko handa, at kagaya ng sinabi ni Dylan, huwag nating madaliin ang mga bagay-bagay. Huwag tayong magpadalos-dalos ng desisyon, at hintayin natin ang tamang panahon para sa bagay na 'yan." Lakas-loob na sambit ko sa kaniya.
Nginitian niya 'ko at hinawakan ang kamay ko, "Huwag ka mag-alala, naiintindihan kita. Siguro masiyado nga 'kong nagmamadali. Nakuha ko naman ang sinasabi ni Dylan kaya hindi ko na ipipilit pa 'tong gusto ko."
"Pasensya na---"
Hindi ako natapos sa pagsasalita nang ikulong niya ko sa kaniyang bisig. Ramdam ko ang init habang yakap niya ko at nararamdaman ko sa mga yakap niya na wala siyang sama ng loob sa 'kin.
Salamat naman kung gano'n.
---
Alas-otso ng umaga nang magising ako ngayong araw. Buti na lang ay walang klase kundi, e na-late pa 'ko sa pagpasok. Nagkapuyatan kasi kami kagabi nina Julia at Delancy sa video call dahil nga kinulit nila 'kong dalawa na i-chika sa kanilang dalawa ang tungkol sa napag-usapan namin ni Eli kahapon.
Wala naman akong magagawa kundi ang kausapin sila at ikwento since golden rule sa pagkakaibigan naming tatlo na bawal maglihim. Ang corny, 'no? May pa-golden rule pa, malamang si Julia ang may pakana niyan, sino pa ba?
Dahil nga walang pasok ngayong araw at medyo maaga-aga pa para sa 'kin ang alas-otso, bumangon na 'ko sa pagkakahiga sa kama ko at mabilis na kumain ng agahan. Matapos no'n ay gumayak ako't inaya ang driver namin na pumuntang mall. Naisipan kong i-treat ang sarili ko ngayong araw since wala naman akong gagawin masyado, at mahigit isang buwan na rin yata ang nakakalipas nang huli akong nakabili ng damit para sa sarili ko, e.
Mayroon kasi akong babalikan na damit sa isang boutique na fav ko, e. Last time na nanggaling ako sa mall ay hindi ko nabili 'yong damit na 'yon kasi nabitin ang budget ko, kaya ngayong araw ko 'yon babalikan.
Nang makarating ako sa mall ay agad kong tinungo ang direksyon ng fav boutique ko para lang malaman ko na sold-out na pala 'yong damit na balak kong balikan. Nanlumo ako dahil doon, at mukhang maghihintay ako ng ilang linggo para magka-stock no'n.
Badtrip naman.
Ang ginawa ko na lang ay namili ng magandang blouse na babagay kay Lola kaso puro pang-bagets ang mga available na blouse kaya wala rin akong napili.
Pagkagaling doon ay dumiretsyo ako sa Bench para balikan naman iyong oversized t-shirt na bet na bet ko. Unang kita ko pa lang kasi roon, e napukaw na agad talaga ang mata ko kaya naman sabi ko sa sarili ko na babalikan ko kako 'yon.
"Out-of-stock na rin?" tanong ko roon sa sales lady.
Nakakayamot naman talaga. Bakit gano'n? Bakit out-of-stock na?! Sayang naman ang pinunta ko rito sa mall, e 'yong pakay kong bilhin, e ubos na. Grabe naman, ang boring na nga ngayong araw tapos ang malas ko pa.
Palabas na ko ng Bench nang bigla kong makasalubong sina Warren at Harris. Nang makita nila ko ay agad nila kong kinawayan at nilapitan ako.
"Mag-isa ka lang?" tanong sa akin ni Harris.
"Bro, may nakikita ka bang kasama niya?" pambabara naman sa kaniya ni Warren.
May point naman siya.
"Oo, e. May kasama siyang lalaki, nakaakbay nga sa kaniya, oh."
Pinalo naman siya sa braso ni Warren.
"Kumalma ka nga, Warren. Napaka-chickboy mo pero sa multo lang, e takot ka. Halika nga rito, payakap."
Napangiwi ako sa nakikita ko. Kailangan talaga sa harap ko sila magganyanan? Hindi man lang sila nahiya, 'no?
Itinulak naman siya ni Warren palayo at tila same reaction kami sa inasta ni Harris. Ito ang isang na-miss ko talaga kay Harris e, ang pagiging clingy niya at iyong way niya rin ng pang-aasar.
"Anyway, gusto mo sumama sa amin? Tara sa World of Fun! Ang aga pa para umuwi, oh!" aya ni Warren sa akin na tinanguan ko na lang.
Sa totoo nga niyan, e ayaw ko pa talagang umuwi. Masyado pa ngang maaga tiyaka ano namang gagawin ko sa bahay, 'di ba? Matutulog na naman? Sawang-sawa na kaya 'kong matulog.
Nasa second floor ang World of Fun. Pagkarating nga namin dito ay medyo marami ang tao sa loob pero keribels namin iyan. Gustong-gusto ko pa namang makapaglaro ulit. Parang ang tagal na no'ng huli akong nakapasok dito.
Nakaka-miss.
Nagtatakbo ako sa loob matapos makapagpapalit ng tokens at ang una ko talagang pinuntahan ay ang basketball. Babae ako, guys, pero baliw na baliw ako rito sa game na 'to.
"Pataasan? Ano, game?" aya ni Harris at p-um-westo siya sa katabi kong pwesto habang si Warren naman ay p-um-westo sa kabilang gilid ko.
Aba, naghahamon itong dalawa na 'to, ah?
"Game. Ang may pinakamababang score ay manlilibre sa Jollibee." Sabi ko at tinanguan lang nila ako.
'Humanda na kayong matalo.'
Nagsimula na ang tatlong minuto naming pagsu-shoot. Hindi ko na inintindi kung masu-shoot ba 'yong inihahagis kong bola, basta hagis lang ako nang hagis. Gano'n kasi ako maglaro, malay mo naman sa sampong hagis na ginagawa ko, eh may siyam doon na na-shoot, 'di ba? Malay lang natin.
Second round na at gumagalaw na ang ring na sinu-shoot-an namin kaya medyo humihirap na para sa akin na maka-shoot. Lalo na 'yong galaw no'ng ring is taas-baba, e hindi naman ako gaanong katangkad para maabot iyong ring kapag tumataas ito.
Napakalugi naman.
Samantalang itong dalawa sa tabi ko, e walang kahirap-hirap na mag-shoot. Palibhasa, mas matangkad sila sa akin. Hmpk! Ang unfair.
Third and last round. Ang galaw naman ng ring is right and left. Medyo naging madali na sa aking mag-shoot ng bola dahil hindi ko na kailangang tumingkayad pa.
OMG! Tatlong bola na lang ang natira sa akin dahil iyong apat na bola ay naka-lock na. Wala na akong pake basta inihagis ko na lang iyong tatlong bola na 'yon nang sunod-sunod. Iyon nga lang, sa tatlong hagis ko, isa lang ang pumasok.
Tiningnan ko ang score ko..
65...
Samantalang si Harris naman ay naka-75 at si Warren ay naka-69. OMG!
"Sino ulit iyong manlilibre, bro?" pang-aasar ni Warren at umakbay pa kay Harris.
Nakakainis naman. Sana pala hindi ko na lang sila nakasalubong, edi sana ngayon nakatipid ako.
"Maaga pa para mag-lunch. Ibang game naman i-try muna natin," sabi ko sa dalawa. Tiyaka isa pa, may natitira pa kong token kaya hangga't hindi 'to nauubos, hindi kami aalis dito.
"Huwag mo kaming simplehan, Magi. Hindi ka namin pauuwiin hangga't hindi mo kami nababayaran." Sabi ni Harris.
Grabe naman ito, ano akala niya sa akin, talkshit?
"Kumalma nga kayo, para kayong takot na takot na hindi mabayaran, e. Huwag kayo mag-alala, hindi ko kayo tatakasan."
"Aba dapat lang. Wala pang babaeng tumatakbo sa amin." Sabi ni Harris tiyaka nag-pogi sign pa.
Ngi, anong connect? Hindi ko na lang sila pinansin at dumiretsyo sa susunod kong gustong laruin.
Tekken.
Yieeee, parang no'ng araw lang, e sa bidyuhan ko 'to nilalaro tapos ngayon ay dito na. Anyway, doon sa mga hindi nakakaalam ng bidyuhan, ito 'yong sinaunang pisonet. Basta sa bidyuhan, e makakapaglaro ka roon ng iba't ibang games like Tekken tapos karera ng kabayo. Basta 'yon, nakalimutan ko kung anong game 'yon. Tapos hinuhulugan din siya ng piso. Tanda ko pa nga no'n na nagtitira talaga ako ng baon ko no'ng elem ako para makadiretsyo ako sa bidyuhan na malapit sa amin. As in dati, adik na adik ako roon.
"Ang ko-corny naman ng mga nilalaro mo, Magi." Komento ni Warren.
"Walang pakialamanan ng trip, Warren."
Tinawanan niya lang ako kaya hindi ko na siya pinansin pa. Nag-focus na ko rito sa nilalaro ko. So, this is it. Sa wakas ay magsisi—
"Anong nangyari?" bulong ko sa sarili nang biglang namatay iyong monitor ng bidyuhan ko.
"Sorry Ma'm, nagkaroon ng technical problem sa mga gamit namin." Sabi sa akin no'ng isang staff na lalaki.
Oo nga, halos iyong ibang mga game ay natigil dahil biglang mga nag-power off. Hala, nakakainis naman. Gusto ko pa man din makapaglaro ng Tekken.
Sabi na e, ang malas ko talaga ngayong araw.
"Huwag ka na sad, Magi. Kain na lang tayo." Muli na naman akong b-in-wisit nitong si Warren. Nananahimik na nga ako, e.
"Punuan sa Jollibee ngayon kasi lunch kaya mayamaya na. Nood muna tayo sa sine." Aya ko roon sa dalawa. Hindi naman sa tinatakasan ko sila sa utang ko pero parang gano'n na nga.
"Libre mo?" sabay pa nilang tanong. Kung kotongan ko kaya 'to ng tig-isa?
"Pagkain lang ang sagot ko sa inyo, huwag kayong abuso." Sabi ko sa kanila at na-una na kong magpunta sa sinehan.
Nasa kabilang dulo lang naman dito sa second floor iyon kaya hindi kami natagalan na makarating doon. Napagkasunduan naming tatlo na 'yong Unexpectedly Yours na lang iyong panoorin namin. Taong 2019 ata ni-release 'yong movie na 'yon pero ni-re-show rito sa mall sa lugar namin at hindi ko rin alam ang dahilan. Tamang-tama rin, kasi matagal ko na ring balak panoorin ito.
Naka-download na nga ang movie na 'to sa IFlix ko, pero hanggang ngayon ay hindi ko napapanood dahil sa katangahang ginawa ko. Aksidente kong na-uninstall iyong IFlix ko kaya ayo'n, iyong tatlong oras ko na d-in-ownload na movie ay naglahong parang bula. Yamot na yamot talaga ko no'ng mga oras na 'yon pero wala akong magagawa, nangyari na, e.
Teka ang daldal ko naman, hindi ko namalayang nandito na pala kami sa loob at saktong nagsisimula na ang movie. At dahil nga sa napakadaldal ko sa monologue ko, e nakalimutan kong bumili ng popcorn sa labas kaya eto ako ngayon, tamang buraot lang ng popcorn sa mga katabi ko.
Mabuti na lang at hindi sila madadamot.
Bida sa movie na 'to si Sharon Cuneta at ang katambal niya rito ay si Robin Padilla. And may special exposure naman sina Joshua Garcia at Julia Barretto. Anak ni Sharon si Julia tapos pamangkin naman ni Robin si Joshua. Nagkakilala ang mga karakter nina Sharon at Robin sa isang hotel kung saan nalasing si Sharon no'n at aksidenteng sa room ni Robin siya pumasok imbes na sa room niya.
'Yon iyong una nilang pagkikita na nasundan pa kasi hindi inaasahang magiging mag-kapitbahay pa silang dalawa. No'ng una ay hindi bet ni Sharon si Robin. I mean parang hindi niya gusto 'yong ugali nito na palaging nagpapapansin sa kaniya. Kulang sa atensyon na akala mo hindi siya pinapansin ng mga kaanak niya kaya sa iba siya naghahanap ng atensyon. And ito pa pala, magka-batchmate sila no'ng highschool, so magkakilala sila. No'ng una ay hindi alam ni Sharon pero no'ng nagtagal ay nalaman din niya and nalaman niya ring longtime crush pala siya ni Robin.
Fast forward, naging close silang dalawa. Hanggang sa hindi napapansin ni Sharon na nahuhulog na siya kay Robin. Magiging maayos na sana ang lahat kaso umeksena ang pasaway na anak ni Sharon na si Julia at nagpupumilit itong magpuntang London para daw makita niya 'yong boyfriend niya roon and also i-pursue niya 'yong career niyang maging artist.
Hindi naman siya napigil ng nanay niya at napapayag ito kaya lang ilang linggo lang din ay umuwi si Julia dahil niloko raw siya ng boyfriend niya. At doon napagpasiyahan ni Sharon at ng ex-husband niya na tutukan ang anak nila dahil nga sa naranasan nito. Tapos doon naman nagselos si Robin. Sila na kasi that time. I mean may label na sila no'n nang nagkaproblema si Julia. Siyempre bilang boyfriend ni Sharon si Robin, e magseselos talaga siya lalo na at biglang lumalapit na naman itong babaerong asawa ni Sharon.
Nagkalamat ang relasyon nila. Wala naman kasing relasyong perpekto. Lahat ng relasyon ay sinusubok ng panahon pero dahil mahal nga nila ang isa't isa, e sa dulo ay naging sila rin pala.
Akalain niyo 'yon, kahit anong pagdaanang pagsubok ng relasyon niyo, kung mahal niyo naman ang isa't isa, e walang pagsubok na hindi niyo malalampasan nang magkasama.
At akalain niyo rin iyon? Ang multi-tasker ko dahil habang nanonood ako ng movie ay nagagawa kong ikwento sa inyo ang napapanood ko? Aysus, gano'n ko kasi kayo kamahal!
Patayo na sana ko sa upuan ko nang pigilan ako ng katabi kong si Harris. Napatingin ako sa kaniya at pabulong na sinabi ang "bakit?"
"May next movie pa, kaya umupo ka." Aniya.
Nagtaka naman ako. Bakit hindi ko alam na may isa pang movie kaming papanoorin? "Dalawa 'yong ticket na binili namin. Lutang ka kasi kaya hindi mo alam," bulong sa akin ni Harris.
Ahh oo nga pala, 'yon iyong time na dinadaldal ko kayo, readers. Hays! Next time nga, huwag niyo na ko daldalin.
So ayon, dahil sayang ang bayad namin kung aalis kami rito ay nag-stay na lang kami at nanood ng isa pang movie. Ang title nito ay 'Abakada Ina'. Hindi ako pamilyar sa movie basta romance/thriller daw iyan. Medyo na-bo-boring ako sa movie pero mabuti na lang at may popcorn pa si Harris kaya naman kahit papaano ay nalalabanan ng popcorn ang antok ko.
Madako tayo sa movie. Ang pangalan ng bidang babae ay Estella. Siya ay isang babaeng hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Kasal siya kay Daniel at may tatlong mga anak. Ginagawa niya ang lahat para sa kaniyang mga anak.
Dahil nga hindi nakapagtapos si Estella ay lagi siyang inaapi ng ina ng kaniyang asawa na si Matilda, ngunit si Matilda ay mahal ang kaniyang mga apo at ayaw niyang matulad ito kay Estella na 'di nakapagtapos ng pag-aaral kaya itinuro nito sa kanyang mga apo ang kanyang mga nalalaman. Sinubukan niyang maging ina sa mga anak ni Estella, tila nais ng biyenan ni Estella na palitan ito sa pagiging ina nito sa kanyang mga anak.
Sa kabilang banda, pakiramdam ni Estella na wala siyang lugar sa tatlo niyang mga anak at ang magagawa niya lang ay ang pagtitinda. Dahil nga sa biyenan niya na napamahal nang tuluyan ang kanyang mga anak at nasanay na rin sa mga luho na kahit minsan ay hindi niya maibibigay sa kaniyang mga anak.
Nang makauwi ang kaniyang asawa na si Daniel ay nagdesisyon silang humiwalay ng kanilang pamilya sa ina nito upang abutin ang pangarap nilang buong pamilya, ngunit maraming mga problema ang dumating sa kanilang buhay at wala silang ibang nakikitang solusyon kundi ang bumalik sa poder ng ina ni Daniel.
Pagkabalik nila ay inaapi na naman si Estella ng kanyang biyenan hanggang sa naghiwalay silang mag-asawa. No'ng naghiwalay silang dalawa ay pawang gumawa ng paraan ang tadhana upang sila ay bumalik sa isa't isa. Marami mang pinagdaanang pagsubok ang kanilang relasyon at dumating sila sa puntong kinailangan nilang maghiwalay, ngunit ang tadhana ang umaksyon para sila ay muling magkabalikan at magmahalang muli.
Nang maayos ang kanilang relasyon ng ay nagpasya si Estella na mag-aral muli dahil iyon naman talaga ang pangarap niya. Ang makapagtapos ng pag-aaral upang maipagmalaki siya ng kaniyang mga anak at makuha na niya ang mga ito sa poder ng kaniyang biyanan.
Habang ang asawa naman niyang si Daniel ay kumuha ng kursong nais niyang pag-aralan. Malayo man sila sa isa't isa ay nanatili pa rin ang pagmamahalan nila na mas pinatibay at hindi basta-bastang matitibag ng kahit na anong unos.
"Ang gagaling niyong pumili ng movie na papanoorin. Talagang love story? Hindi ako makarelate." Komento ni Warren habang palabas kami ng sinehan.
Maski ako ay hindi rin maka-relate sa napanood kong movie, basta in-enjoy ko na lang ang panonood.
"Noong isang taon ka pa jowang-jowa, naalala ko pa nga na sabi mo may ipapakilala ka na sa aming jowa mo. Ano na bro? Asan na?" pang-aasar naman ni Harris.
Ang hirap namang makisingit sa usapan nila.
"Syempre joke lang iyon," sabi naman ni Warren.
"Nako, Magi. Huwag mong tutularan itong si Warren, ha? Sa aming pito, siya ang pinakagago." Natatawa pang sabi ni Harris.
Ang lutong naman no'ng pagkakasabi niya ng gago.
Pagkababa ng second floor ay agad kaming dumiretsyo sa Jollibee. Kagaya nga ng naging pustahan kanina, hindi ko ubrang takasan ang dalawa na 'to dahil feeling ko, hindi nila ko pauuwiin nang buhay hangga't hindi ko sila nalilibre, e.
Um-order lang sila ng kanin at 1 piece chicken joy at gano'n na lang din ang in-order ko. Habang sa drinks naman ay mabuti at napapayag ko silang magtubig na lang. Buti at nauto ko sila na expired na kako 'yong softdrinks na sini-serve ng Jollibee.
HAHAHAHAHAHAHA
Nakakaloka 'yong palusot ko pero 'di bale na, basta ang mahalaga ay nakatipid ako.
"Tatlo kaya kaming gago sa grupo." Pagpapatuloy ni Warren. Akala ko nag-change topic na sila.
"Si Dylan at Israel kasi babaero lang iyon pero ikaw bro, walang tatalo sa 'yo, e. Babaero na, gago pa."
"At higit sa lahat, gwapo." Dugtong ni Warren kay Harris.
Okay, nakaka-op na sila, ha?
"Uyy, Magi. Magsalita ka naman d'yan, baka mapanis laway mo." Sabi sa akin ni Harris. Napansin niya pala 'yong pananahimik ko. Buti nakaramdam.
"Don't talk when your mouth is full." Sabi ko na lang. Kasi naman itong si Harris, parang bata. Magsasalita, e kitang namumuwalan ang bibig.
Mabilis naman niyang nginuya ito at nilunok tiyaka muling nagsalita. "May boyfriend ka na ba, Magi?" biglang tanong sa akin ni Harris.
Maski si Warren ay nagulat sa biglang pagtanong ni Harris sa akin ng gano'n, e. Hindi ni-respeto si Eli. Teka, barahin ko kaya 'to?
"Oo, mayroon. Gusto mong dumagdag?" sagot ko at pinipilit ang sariling hindi matawa.
Nakakainis kasi, 'yong mukha ni Harris. Para siyang natalo sa jueteng, e HAHAHAHAHAHA.
"May all the cheating girls lose their eggcell." Aniya.
Hala baliw?
"Okay lang, ayoko rin namang magkaanak, e. Gusto mo sa 'yo na lang eggcell ko, mura lang." Pagbibiro ko pa.
"Pwede utang muna?"
"Ayy hindi pwede. Cash basis ako, hanap ka na lang iba, 'yong pumapayag magpautang."
"Para kayong gago. Pinag-uusapan niyo 'yan sa harap ng pagkain." Sita sa amin ni Warren.
Ayy oo nga, 'no? Grabe naman kasi 'tong si Harris, biglang in-open iyong eggcell, ayan tuloy pati ako nawalan ng gana kumain. Hindi ko tuloy naubos iyong manok ko, kasi na-imagine ko bigla na eggcell ko 'yon tapos kakainin ko? Yuck!
Bandang alas-kwatro nang sabay-sabay kaming lumabas ng mall. Papunta na sana kong parking lot nang makalabas kaso inaya 'ko nina Warren at Harris na maupo muna sa may bench na nakita namin.
Ano ba 'yan, uwing-uwi na 'ko!
"Joke lang iyong kanina, ah? Alam ko namang going strong kayo ni Eli, e. Kung baga, biro lang kaya huwag ka na lang magsumbong, ha?" iyon agad ang sinabi ni Harris.
Alam ko naman iyon kaya tinawanan ko na lang siya bilang sagot.
"Nagiging busy na rin ako sa trabaho kaya hindi na ko nakakasagap ng balita tungkol sa inyo. Kwentuhan niyo nga ko, baka lang gusto niyo." Sambit ni Harris.
Grabe 'to makautos, parang responsibilidad namin na i-report sa kaniya lahat ng nangyayari. Hay nako, si Harris talaga.
"Kuya Harris---"
"Hindi nga ko nagpapatawag ng Kuya, 'di ba? Isang ulit mo pa Magi, titilapon ka sa kalsada." Inaasahan ko naman na sasabihin niya 'yon, e. Nakakatanda raw kasi na tawaging Kuya, pfft.
"Sa gwapo mong iyan, hindi naman halatang may edad ka na." Natatawang sabi ni Warren.
"Isa ka pa," sabay tusok sa noo nito. "Nang mapanood ko 'yong cover ni Eli, bigla kong na-miss kumanta. Ang tagal na rin simula nang makapag-perform tayo nang buo, 'no?"
"Hindi tayo buo kasi hindi natin kasama si Dylan no'n." Sabi ni Warren.
"Bakit ba palagi mo 'kong kinokontra, ha? Palitan mo na kaya ko? Pakiramdam ko wala na 'kong sinasabing tama sa pandinig mo, e."
And in an instant, mukhang mag-aaway sila. World War 3 na ba 'to? Sayang wala kong baon na popcorn.
"Nagsasabi lang naman---"
"Gusto ko lang naman makibalita, bakit niyo ba ko kailangang pahirapan nang ganito? Nakakatampo kayo, parang hindi ko na kayo kilala. Iisang taon pa lang nang magkahiwa-hiwalay tayo dahil graduate na kami ni Alec, grabe ang laki na talaga ng pinagbago niyo, ha!" at nagtampo na nga si Harris.
Nagulat naman ako nang banggain ni Warren gamit ang balikat niya ang balikat ko. "Ikaw na nga magkwento, bago pa 'yan magwala."
Napabuntong-hininga ako. Mukhang wala rin naman akong choice, e.
"Wala naman masiyadong pagbabago, e. Tulad ng nakagawian mong makita noon---"
"Akala mo paniniwalaan kita? Kilala na kita Magi, nararamdaman kong nagsisinungaling ka. Ayan ang ilong mo, patagong humahaba!"
Wala sa sariling napahawak ako sa ilong ko pero nanatili namang normal ito---SARCASM kasi 'yon, Magi!
"Nagkakilala na sina Magi at Dylan, bro. Iyon ang inaabangan mo, 'di ba?" at si Warren na nga ang nagsalita.
Nakita ko naman ang gulat sa mukha ni Harris. Parang ang big deal naman sa kaniya na nagkakilala na kami ni Dylan.
"Bakit? Anong problema?" 'di ko na naiwasan na magtanong.
"Mukhang hindi magandang balita na nagkakilala na kayo, Magi." Seryosong sambit ni Harris habang nakatingin sa 'kin. "Sigurado akong magugulo ang buhay niyo---"
"Ano bang sinasabi mo, bro? Nahihibang ka na, 'no?" pagputol dito ni Warren at alanganing natatawa.
Mataman na tiningnan siya ni Harris bago ibinalik ang tingin sa 'kin, "Sana maging sapat iyong tagal ng pinagsamahan niyo ni Eli para hindi mo siya magawang talikuran."