Chapter 2

3080 Words
Kaagad kong binitawan ang hawak na bouquet of roses at mabilis na umalis sa nagkukumpulan na 'yon. Pansin ko rin kasi na naagaw na namin ang atensyon ng mga tao dahil na rin sa nasalo namin parehas iyong bouquet of roses. Sa totoo lang, naiinis ako. Ano pa bang dahilan para magkita kami ng manyakis na 'yon? Pagkatapos ng ginawa niyang kabastusan sa 'kin, ang lakas naman ng loob niya na magpakita sa 'kin ulit. Kung i-demanda ko kaya siya ng s****l harassment, baka sakaling matakot na siya, 'no? "Magi," ramdam ko ang kamay ni Delancy na nakahawak sa kamay ko upang pigilan akong maglakad. Nandito pa rin naman ako sa loob ng venue at ang balak ko lang naman talaga ay bumalik sa pagkakaupo sa table namin. OA lang talaga masyado 'tong si Delancy. "Gusto ko lang na maupo---" Hindi pa man ako natatapos sa pagsasalita ay natigilan ako bigla nang mahagip ng mata ko 'yong manyakis na 'yon at talagang kasama pa siya ni Julia, ah? "At bakit kasama ni Julia ang bwiset na 'yon?" may halong panggigil na tanong ko kay Delancy. "Magi, may ginawa ba siyang hindi maganda sa 'yo at ganyan ka na lang magalit sa kaniya?" nagtatakang tanong sa 'kin ni Delancy. Sigurado naman akong ang tinutukoy niya sa tanong niya ay iyong lalaking kasama ni Julia na indenial pa na malibog. "Magi, bakit mo naman tinawag na manyakis itong kapatid ko?" dinig kong sabi ni Julia habang papalapit silang dalawa sa kinaroroonan namin ni Delancy. Nalaglag ang panga ko sa narinig. Akala ko imagination ko lang, o kaya naman ay nananaginip lang ako nang gising pero mukhang hindi, e. Sinubukan kong kurutin ang sarili ko pero nasaktan ako kaya sure ako na hindi 'to panaginip. "K-Kapatid mo 'yan?" tanong ko habang nakaturo ang daliri sa lalaking kasama niya ngayon. "Oo, siya 'yong crush ni Delancy. Siya si Dylan, gosh!" umiirap pang sabi ni Julia. Siya 'yong kapatid ni Julia at iyong lalaking gusto ni Delancy. Siya lang naman iyon, pero bakit nahihirapan pa rin akong i-absorb itong mga nalalaman ko? Hindi ako makapaniwala. "Ahh okay," sabi ko. "Siya lang naman pala 'yong kapatid mo at iyong crush ni Delancy. Ang liit nga naman ng mundo, 'no?" "Bakit? Ano bang nangyari? Nagkakilala na ba kayo?" naguguluhang tanong ni Delancy. "Oo, siya lang naman iyong nagpasama ng mood ko ngayon. Silipan ka ba naman habang nasa restroom ka, hindi ka ma-ba-badtrip no'n?" Bakas sa mukha nina Julia at Delancy ang gulat at halos hindi sila makapaniwala sa sinabi ko. Habang itong si Dylan na manyakis, e nanatiling tahimik at walang reaksyon. "Ginawa mo 'yon? Sinilipan mo si Magi? Hala, kailan ka pa natutong gumawa nang ganyan---" "Uulitin ko lang, hindi ako nanilip sa 'yo." May diin na sabi ni Dylan habang mataman ang tingin sa 'kin. "Nagkataon lang na napadaan ako sa restroom at aksidenteng natanggal ang sintas ng sapatos ko kaya lumuhod lang naman ako para sana itali 'yon pero nagkataon namang palabas ka ng restroom kaya inakala mong sinisilipan kita. Ngayon, kung ayaw mo 'kong paniwalaan, edi huwag. Hindi naman kita pinipilit, kaya bahala ka nang mag-isip ng kung ano-ano tungkol sa 'kin. Wala akong pakialam." Matapos ng mahaba niyang speech ay nauna na siyang lumabas ng venue habang kaming tatlo ay ilang minuto ring nanatiling tahimik sa kinatatayuan namin. "Ikaw naman kasi, hindi naman pala naninilip si Dylan sa 'yo pero kung makabintang ka naman, wagas!" sabi ni Delancy. "Next time kasi, sana matutunan mo na pakinggan iyong explanation ng iba bago ka mag-conclude agad. Iyan kasi ang hirap sa 'yo, sarili mo lang ang pinapakinggan mo." Dinig kong sabi ni Julia. "Okay, nagkamali na 'ko roon. Pasensya na," ang tanging nasabi ko. "Tara na---" "Pero teka, iyon na 'yong crush mo, Delancy? Ano namang nagustuhan mo roon, e mukha namang puro kayabangan lang ang alam." Inis kong sabi. "Ayan ka na naman, Magi. Baka nakakalimutan mo, kapatid ko 'yon." "Hindi mo ko masisisi kung nayayabangan man ako sa kaniya. Niyabangan niya kaya 'ko kanina tapos inulit niya pa ngayon. For sure, may masama na rin akong impression sa kaniya kaya gantihan lang, 'no?" Napapailing na lang sa 'kin si Julia at alam kong hindi na siya magsasalita pa. Medyo umaandar na naman iyong pagka-isip-bata ko, ewan ko ba. "Simple lang naman ang nagustuhan ko sa kaniya," at nagsalita na nga si Delancy. "Ang talented niya at sobrang saya niya kasama at kausap. Maaaring ngayon ay ganyan kasama ang tingin mo sa kaniya kasi hindi naging maganda ang una niyong pagkikita, pero alam ko na mapapalitan iyan as you knew him very well. " Duda 'ko sa sinasabi ni Delancy. Buong akala ko nga ay makakasundo ko si Dylan since same age din naman kami kagaya ni Eli, pero tingnan niyo ang nangyari, 'di ba? Unang pagkikita, hindi na agad maganda ang kinalabasan kaya ayoko nang umasa na magiging close kaming dalawa at mararanasan ko pa kung totoo nga ba na masaya siya kausap at kasama kagaya ng sinasabi ni Delancy. Tyaka isa pa, hindi ko rin naman hinahangad na maka-bonding si Dylan. No'ng makita ko pa lang siya, alam ko na agad na ang panget niya ka-bonding. "Hindi na bale, wala rin naman akong balak na makipagkaibigan sa kagaya niya. Nararamdaman ko na hindi kami same vibes." Lumabas na kaming tatlo ng venue after ng pag-uusap na 'yon. Lumalalim na rin kasi ang gabi kaya kinakailangan na rin naming g-um-ora na dahil hindi kami pupwedeng magpuyat dahil start na ng second sem bukas. Back to action na naman ako. I'm currently on my third year in college at masasabi kong ang stage na 'to ang pinakamahirap sa lahat. Tambak na tambak kami ng activities, thesis and lesson plans na kailangang maipasa kaagad, unless ibabagsak ka ng mga walang-pusong Professor ng aming university. Sobrang strict nila in terms of passing the activities and such, pero sana naman strict din ang university sa mga Professors at sana ipagbawal na nila ang paggamit ng roleta as their grading system. Nakakabwiset lang kasi, tipong nag-aaral ka naman nang mabuti, at sinisikap na makapagpasa ng mga activities and such bago mag-deadline, pero imbes na mataas na grado ang makuha mo, e talagang manlulumo ka na lang kapag bigayan na ng grades. Ang sarap lang murahin ng demonyong nagpauso ng roleta sa grading system. Sana hindi siya papasukin ni San Pedro sa langit. --- Panibagong semester, pero wala namang pinagbago halos ang classroom namin. And I'm not expecting naman na may magbabago dahil lang nabago na 'yong semester. Like may pa-brigada eskwela sila rito or what. Like duh, hindi na uso 'yon sa college, pang-elementary and high school lang iyon para sa 'kin. Same atmosphere, and at the same time, wala pa ring pinagbago ang upuan ko. Si Julia at Delancy pa rin ang seatmate ko kaya nakakasigurado akong may discussion na naman akong ma-mi-missed lalo't nasa gitna namin ni Delancy ang putak nang putak na si Julia. Tipong workaholic kami ni Delancy at aral na aral, pero dahil may maingay na nasa gitna namin, ayon mas napapakinggan na lang namin mga ikinukwento niya kaysa sa idini-discuss ng Prof. Speaking of Prof, hanggang ngayon ay wala pa ring Prof na pumapasok kaya ang ingay pa rin sa classroom namin. Pasilip-silip din ako sa pintuan dahil inaabangan kong pumasok si Eli pero wala e, ang tagal niyang dumating. Hindi naman siya nale-late ng pasok dati, e pero bakit ngayon wala pa rin siya? Five minutes na lang before the time pero ni anino niya, e 'di ko makita. "Miss mo na agad si Eli? Parang kahapon lang, e magkausap kayo tapos miss mo agad..." at nakialam na naman sa buhay ko ang pakialamerang si Julia. "Hindi ko lang siya makita nang isang araw, parang masisira na ang ulo ko. Kaya huwag ka nang magtaka kung ganito ako." Diretsya kong sagot. "Kasama nga dapat siya kahapon sa party kaso ang dami niyang na-missed na activity dahil freelance artist and model siya sa Hybe Network, 'di ba?" "Now I know, kaya pala tutok iyang oras mo kay Eli, ay dahil nagiging busy na rin siya sa career niya." Dinig kong sabat ni Delancy. "Ang sakit no'n, tipong wala na siya halos oras sa 'yo, habang ikaw willing kang i-donate lahat ng oras mo para lang sa kaniya. Alam mo 'yon, para at least hindi mawala 'yong communication niyo sa isa't isa." Sang-ayon ako sa sinabi nilang dalawa. Sa totoo lang, hirap na hirap na rin ako sa ganitong setup naming dalawa ni Eli. Nagiging busy na rin siya sa sarili niyang career at hindi ko itatangging nawawalan na rin siya ng oras para sa 'kin; para sa 'ming dalawa. Ako na lang din iyong gumagawa ng paraan para manatili pa rin iyong sweetness sa relasyon namin. Para hindi magbago at maging cold iyong relasyon naming dalawa. Ako na lang iyong nagtitiis at pinipiling huwag na iyon sabihin sa kaniya kasi ayokong isipin niya na hindi ko suportado ang tinatahak niyang daan ngayon. Support ko siya sa kagustuhan niyang maging artist at model pero syempre hindi niyo maikakaila na bilang girlfriend niya 'ko, ma-mi-miss ko pa rin iyong bonding namin no'ng mga panahong wala pa siya sa landas niya ngayon. Tyaka bilang girlfriend ni Eli, natatakot din akong may makilala siyang ibang babae at hindi na siya mag-hesitate pa na ipagpalit ako roon. Paano kapag naging successful siya sa career niya? Paano kung tuluyan na siyang sumikat at maging artista? Paano ako? Paano 'yong relasyon naming dalawa, 'di ba? Hindi naman sa ayaw kong matupad ang mga pangarap niya. Takot lang talaga 'ko na maiwan sa bandang huli. "Hey, love." Nabalik ako sa wisyo nang maramdaman kong may humalik sa pisngi ko at nagsalita. Napangiti naman ako nang matamis nang makita ko si Eli, "Bakit ngayon ka lang? Muntik ka nang ma-late, ah?" "Nakiusap kasi sa 'kin itong si Dylan na daanan ko raw siya sa bahay nila, dahil iniwan nga raw siya ni Julia kaya wala siyang sasakyan papasok." At doon ko lang napansin na kasama pala ni Eli si Dylan ngayon. So it means, magiging kaklase ko pa ang manyakis na kapatid ni Julia? 'Bakit naman ganito, Lord? Nagrorosaryo naman ako gabi-gabi, pero bakit kailangan niyo 'kong parusahan nang ganito at talagang ito-tropa niyo pa 'ko sa isang alagad ng demonyo?' "Are you okay?" muling tanong ni Eli. "Oo, I'm more than okay!" tatawa-tawang sagot ko. "Excuse me, pero hindi ko siya iniwan. Iyong driver ang nang-iwan sa kaniya at hindi ako." Dinig kong pagdepensa ni Julia sa sarili. "Na-late lang ako nang five minutes kasi nagkape lang ako, iniwan niyo na agad ako. Ganyan ka, ang sama ng ugali mo." Ani Dylan bago ito umupo sa upuan sa likod namin. "Huwag mo na silang pansinin. Usap tayo mamaya, ah?" Tinanguan ko na lamang siya bilang sagot at dumiretsyo na rin si Eli sa likod ng upuan namin kung saan nakaupo rin si Dylan doon. Parang dati, si Eli lang ang kasama namin sa classroom bilang kaklase namin pero ngayon, dalawa na sila. Habang si Israel naman ay nasa second year; si Yuwi at Warren naman ay nasa fourth year habang sina Alec at Harris ay mga nagtatrabaho na ngayon. Bigla kong na-miss iyong dati kung saan kumpleto sila; pero hindi kasama si Dylan, at nagpe-perform silang anim dito sa campus tuwing may event. Sikat kasi silang banda rito at talagang tinitilian sila ng mga kababaihan. Vocalist nila si Harris, Israel at Eli habang drummer si Warren, guitarist naman si Yuwi at sa piano si Alec. Nakaka-miss iyong time na 'yon, na parang isang taon lang ang lumipas pero para sa 'kin ang tagal na no'ng huli 'yon mangyari. Kaya lang ngayon ay mukhang hindi na 'yon posible pang mangyari dahil hindi na sila kumpleto since ang pianist nila na si Alec at ang vocalist nila na si Harris ay kaka-graduate lang dito. Masaya naman ako na mayroon na silang pinagkakaabalahan ngayon, pero bilang naging fan na nila 'ko, hindi ko rin siyempre maiwasan na ma-miss iyong gano'ng jamming. --- Nang matapos ang klase, nagpaalam sa 'kin si Eli na kailangan niyang magpunta agad sa studio ng Hybe for another photo shoot. Iyon pala ang gusto niyang sabihin sa 'kin kaya in-oo-han ko na lang siya. Aaminin ko, nag-expect ako na kaya niya 'ko gustong kausapin ay dahil gusto niya 'kong yayain na mag-date since it's been a month already no'ng huli kaming lumabas. Pero nasira 'yong expectation ko na 'yon dahil wala namang bago, mas priority niya talaga ang career niya kaysa sa 'kin. "Okay, iintindihin ko na lang siya. Para din ito sa future namin." Pagmo-motivate ko sa sarili ko at para na rin hindi na puro negative thoughts ang mga naiisip ko. "Anong nangyari sa pag-uusap niyo? Iniwan ka na naman, 'no?" base sa tono ng boses niya, mukhang nang-aasar pa talaga 'to. "Para sa career niya kaya kaunting sakripisyo para doon, 'di ba?" depensa ko. "Hindi naman sa inaayawan ko si Eli para sa 'yo. Alam mo naman, 'di ba na botong-boto kami ni Julia para kay Eli. Mabait kasi si Eli at alam kong matino siyang tao, pero hindi mo 'ko masisisi kung biglang magbabago ang tingin ko sa kaniya sa isang iglap. Naiintindihan ko na ginagawa niya ang lahat para sa career niya. Gusto niyang mag-artista, maging sikat na singer o model. Naiintindihan ko na pangarap niya talaga 'yon at gusto niya 'yong abutin. Pero ang hindi ko maintindihan, bakit parang inaabuso naman ata niya 'yang pasensya mo? Ang hirap kasi sa inyong dalawa, ikaw kaya mo siyang intindihin palagi tapos iyang si Eli, dahil alam niyang naiintindihan mo siya, e kung makaabuso naman siya sa 'yo ay wagas." Natamaan ako sa sinabi ni Delancy. Siguro nga ay masyado akong naging maluwag kay Eli kaya naging ganito na lang bigla ang trato niya sa 'kin. Siguro kung may magbago man sa relasyon naming dalawa, ako dapat ang sisihin doon dahil ako mismo ang nagbigay sa kaniya ng dahilan para abusuhin niya ang pasensya ko para sa kaniya. "Hangad ko lang naman para sa kaniya, e ang matupad niya ang pangarap niya sa buhay. Suportado ko siya sa lahat ng gusto niya kaya bilang girlfriend niya, 'yon lang ang nakikita kong way para makatulong man lang ako sa kaniya kahit papaano." Nagulat naman ako nang duruin ni Julia ang noo ko. Medyo masakit ang pagkaka-poke niya, ha? "Ngayon mo pinatunayan sa 'kin na hindi mo deserve ang title na PRESIDENT'S LISTER, kasi sa totoo lang, ang tanga mo, Magi!" bakas sa boses niya ang pagkainis. "Inisip mo man lang ba ang sarili mo bago siya? Oo, may pangarap siya pero ikaw ba, wala ka bang pangarap na gustong ma-achieve? Kaya mo talagang mabuhay para lang sa kaniya habang hindi mo iniisip ang sarili mo? Oo, sabihin natin na ginagawa mo lahat iyan kasi gusto mong suportahan siya kasi nga girlfriend ka niya, e. Pero natanong mo man lang ba ang sarili mo kung nagawa niya rin iyan sa 'yo? Habambuhay ka na lang bang magiging supporter niya, Magi? Ang hirap kasi sa 'yo, mas inuuna mo siya kaysa sa sarili mo. Dumadating ka na sa point na nakakalimutan mo na ang sarili mo kasi occupied na ni Eli ang buhay mo. Huwag mo naman sanang hayaan na kay Eli lang iikot ang mundo mo. Oo nga, mahal mo siya. Pero sapat bang dahilan iyon para kalimutan mo ang sarili mo? Sapat bang dahilan iyon para hindi mo mahalin ang sarili mo? Sana naman kahit kaunting pagmamahal ay may natitira ka para sa sarili mo. Huwag mong ibuhos lahat kay Eli, dapat magtira ka rin para sa sarili mo." Hindi ko na naiwasang maiyak. Mabuti na lang talaga ay nandito kami sa isang bakanteng classroom kung saan kami lang ang nandito kaya naman payapa kaming nagdadramahan dito. "Alam kong sobra na 'yong ginawa ko para sa kaniya, alam kong sobra na ang sakripisyo na ginagawa ko para lang tumagal at tumibay lalo ang relasyon namin. Sobra na, to the point na hindi na 'ko aware kung nasusuklian niya ba lahat iyon, o nagbubulag-bulagan na lang ako? Hindi ko naman kasi pwedeng pigilan siya na tahakin ang landas na gusto niyang tahakin. Pero dahil tama kayong dalawa, siguro ito na 'yong oras para kausapin siya tungkol sa relasyon namin. Kung hindi niya na 'ko kayang bigyan ng oras, edi itigil." Napapailing si Delancy, "Akala ko talaga si Eli na ang the one mo pero mukhang mali ako ng pagkaka-spoil." 'Pero umaasa 'ko na sana siya pa rin.' "Teka, nauhaw ako. Bibili lang ako ng tubig sa cafeteria. Dito na lang muna kayo, libre ko na kayo." "Yown, nararamdaman kong makakatikim na ulit itong dila ko ng milk tea!" masaya pang sabi ni Julia. "Ng tubig," at umalis na 'ko ng room. Habang naglalakad ako patawid sa may direksyon papuntang veranda, bigla akong natalisod. Muntik na 'kong makipag-lips-to-lips sa sahig, buti na lang kamo ay may agad na nakaalalay sa 'kin. "Next time kasi mag-iingat ka," Nang makabalik ako sa pagkakatayo nang maayos, doon ko nakilala kung sino ang taong iyon--- "Ahh, siguro sinadya mo na talisurin ako para maka-tyansing ka sa 'kin, 'no? Ang bastos mo talaga, 'no? Pero ang hina ng loob mo para aminin iyon. Ibang klase kang manyakis ka, mahiyain ka pala." Heto na naman nga ang ulo ko at nagsisimula na namang mag-init. Makita ko lang talaga ang Dylan na 'to, parang gusto kong magkaroon palagi ng gyera. "Ako na nga 'yong tumulong, ako pa 'yong nasisi. Ano bang problema mo sa 'kin? Hindi naman porke hindi maganda ang una nating pagkikita, e gano'n na ang magiging character ko. Nasa manyakis issue ka pa rin, hirap ka ba mag-move-on? Gusto mo tulungan kita?" Napaawang ang bibig ko. Saksakan talaga ng yabang. Hindi talaga 'ko nagkamali ng hula na talagang puro kayabangan ang laman ng utak ng bwiset na 'to. "Ang yabang mo talaga! Mayabang na nga, ang kapal pa ng mukha! Excuse me lang, pero hindi ko kailangan ng tulong mo para mag-move-on! Tyaka pwede ba, huwag na huwag mo sa 'kin gagamitin iyang technique mo sa pamboboso dahil alam ko na 'yan---" "Ahh, so dati ka palang manyakis?" Pinanlisikan ko siya ng mata, "Tarantado ka ba---" "Both of you, please lower your voices. Nakakaabala kayo sa klase!" pagsingit ng isang Professor sa kalagitnaan ng away namin ni Dylan. Nakakahiya, hindi ko napansin na nasa gilid lang pala kami ng classroom.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD