Attira: 01
Tahimik na nagmamasid ang isang babaeng may mapuputing balat, mahaba at itim na itim na buhok sa labas ng kaniyang bintana, mula sa kaniyang silid na nasa pinakatuktok na tore. Nakasuot ito nang isang magandang damit na tumitingkad sa tuwing natatamaan ito nang liwanag ng buwan. Nakatingin lamang ito sa mga gusali sa labas habang hinahaplos ang kaniyang malaking tiyan.
"Ano ang ginagawa mo riyan, Morgana?" Tanong ng isang lalaking kakarating lamang. Naka-suot ito nang isang manipis na damit na may mahahabang manggas at pulang balabal na may gintong mga disenyo na itinahi rito. Sa kaniyang ulo ay nakalagay ang isang gintong korona na nagpapahiwatig na isa itong hari ng lugar na kaniyang pinamumunuan. Puti rin ang kaniyang balat at mapupula ang labi, hindi maitatanggi ang kagandahan ng lalaki.
"Nagpapahangin lang," tugon ng babae at bumuntong hininga, "Malapit na rin pala lumabas ang ating anak."
Lumapit ang lalaki kay Morgana o mas kinikilala bilang si Azazel. Ang lalaking namamahala sa mundo ng Underworld. Yinakap nito mula sa likod ang kaniyang asawa sabay haplos sa umbok na tiyan ni Morgana. Ipinikit ni Azazel ang kaniyang mga mata habang nakangiting pinapakiramdaman ang pagsipa ng bata sa tiyan.
"Mukhang masaya ang ating anak na maramdaman ang aking paghaplos," bulong ni Azazel, "Hindi ko maipagkakaila na sobrang sabik ko na talaga siyang makita at makasama."
Kumalas sa pagkakayakap si Morgana at tinignan ang kaniyang asawa. Nagpakawala ito ng isang malalim na buntong hininga atsaka pilit na ngumiti, "Gayon din naman ako," sambit nito at umiwas ng tingin.
Hindi mapigilan ni Azazel ang hindi magtaka sa kinikilos ng kaniyang asawa.
"May problema ba, Morgana?" Nagtataka at nag-aalalang tanong ni Azazel at ma-ingat na hinawakan ang kaniyang braso, "Pwede mo sabihin sa akin kung ano man iyon."
Hindi umimik si Morgana at nanatili itong nakatingin sa labas ng kanilang bintana. Sa katunayan niyan ay kinakabahan lamang si Morgana sa posibleng mangyari sa oras na manganak na ito. Alam niyang maraming gustong patayin ang anak ni Azazel, lalong-lalo na iyong mga demonyong may galit sa asawa nito. Ayaw nilang mayroon pa na susunod na isang moonlight na mamamahala sa kanilang mundo. Ang mga Moonlight ang makakapangyarihan sa Underworld at hindi iyon matanggap ng lahat dahil na rin sa inggit.
"Nag-aalala lang ako sa possibleng mangyari sa araw ng kapanganakan ko," biglang sambit ni Morgana at nag-aalalang tumingin sa kaniyang asawa, "Alam mo naman na labis ang panghihina ko sa mga oras na iyon at hindi ko siya kayang protektahan."
Lahat ng mga babae sa Underworld ay pagdadaraanan ang ipinag-aalala ni Morgana sa oras ng kaniyang kapanganakan. Lahat sila ay panandaliang mawawalan ng kapangyarihan sa mga oras na iyon, dahil hihigopin ng kanilang anak ang mga ito. Labis din ang mararamdaman nilang panghihina dahil na rin sa tindi ng enerhiya na pumapalibot sa kanilang mundo.
"Huwag kang mag-alala," ani ni Azazel, "Nandito naman ako para protektahan ka. Sa oras ng iyong kapanakan ay sisiguraduhin kong lahat ng mga kawal natin ay magbabantay sa kahit saan man sulok ng ating kastilyo. Hindi ko hahayaan na mayroong mangyaring masama sa inyo."
Hinawakan ni Azazel ang kamay ni Morgana at tinignan sa mga mata, "Ikaw ang tinatawag nilang Mother of Demons, walang magtatangkang patayin ka rito o ang supling natin. Isa ka sa mga makapangyarihang tao dito sa ating mundo at tinitingalaan ka ng lahat."
"Alam ko iyon, pero alam mo naman na halos lahat ng mga nilalang na nandito sa mundong ito ay gustong mawala ang ating anak." Sabi ni Morgana at tumalikod na sa kaniyang asawa. Patuloy lamang ito sa paglalakad hanggang sa tuluyan na siyang makarating sa kanilang higaan at umupo. Natahimik si Azazel at hindi makapagsalita. Hindi man lang niya kayang pagaanin ang nararamdaman ng kaniyang asawa, kung kaya ay labis na lang ang kaniyang galit sa sarili. Ikinuyom nito ang kaniyang mga kamao habang nakatingin lamang sa sahig.
Lumipas na ang halos isang oras at nanatili pa rin itong tahimik habang nakatalikod kay Morgana. Nagpakawala ng hangin si Morgana bago nito naisipan na humiga na sa kaniyang kama at ipinikit ang kaniyang mga mata.
"Huwag kang mag-alala," biglang sabi ni Azazel na naging dahilan ng kaniyang pagmulat, "Ako ang bahala sa kanila."
Kasabay no'n ay ang pagbukas at sarado ng pinto ng kanilang silid. Alam ni Morgana na aalis na naman si Azazel upang dumalo sa panibagong pagpupulong. Laging abala ang kaniyang asawa na atupagin ang mga obligasyon nito bilang isang hari ng Underworld. Ipinikit na lang ni Morgana ang kaniyang mga mata habang hinahaplos ang kaniyang tiyan. Hindi naman nito mapigilan ang hindi mapangiti nang bigla na lang itong sumipa muli.
"Malapit na rin kitang makita, anak ko," bulong nito, "Napakarami ko nang plano para sa iyo. Hindi ko nga alam kung saan ako magsisimula, pero, sinisigurado ko na ikaw 'yong pinakamalakas sa lahat ng mga kaedad mo. Walang dapat mas makakalamang sa iyo."
Sa kanilang mundo ay normal lamang ang maging isang maka-sarili para sa kanilang anak. Si Morgana ay kinikilala bilang isang Mother of Demons, nire-respito at tinitingalaan ng mga mamayan doon. Kung kaya ay karamahian sa kanila ay hindi matanggap na magkakaroon na ito ng sariling anak na pagtutuonan ng kaniyang buong atensiyon.
Nakangiting patuloy na hinahaplos ni Morgana ang kaniyang tiyan, samantalang patuloy naman sa pagsipa ang kaniyang anak. Nagsimula nang kumanta si Morgana at kasabay nito ang paghangin ng malakas. Ilang araw simula sa gabing iyon ay masisilayan na rin nilang dalawa ang kanilang anak. Sa tuwing iniisip ni Morgana ang bagay na iyon ay kaba at pagkasabik ang kaniyang nararamdaman.
Nanatiling nakapikit ang mga mata ni Morgana habang kinakantahan ang kaniyang anak. Hanggang sa lumipas ang ilang minuto at tuluyan na siyang nakatulog habang naka-hawak sa tiyan nito. Wala siyang kaalam-alam na nasa labas lamang ng pinto si Azazel at nakangiting nakikinig sa kaniyang asawa. Tanging ito lamang talaga ang nagbibigay liwanag sa kaniyang masamang araw. Alam nito na sa oras na umalis na siya sa pwesto niyang iyon ay haharapin na naman niya ang iba pang mga namumuno ng Underworld. Sa tuwing nagkakaroon ng pagpupulong sa kanilang kaharian ay parati na lang itong magulo na nagiging dahilan ng pagsakit ng kaniyang ulo.
Kahit isa itong hari ng mga demonyo at ang pinakamakapangyarihan sa lahat, hindi niya basta-bastang kakalabanin ang mga iyon. Sapagkat, ang mga pinuno rin ang nagbibigay balanse ng kanilang mundo.
Nanatili lamang si Azazel na nakatayo sa harap ng pinto nang lumapit ang kaniyang tauhan at yumuko.
"Mahal na Hari, pinapatawag na po kayo ng pitong pinuno." Sabi ng isang lalaking nakasuot ng kulay itim na damit na kitang-kita ang kalamnan nito. Malamig na ekspresiyon ang ibinigay ni Haring Azazel sa kaniyang tauhan bago ibinalik muli ang tingin sa pinto.
"Susunod ako." Tugon ng hari. Tumango naman ang kaniyang tauhan atsaka ito bigla na lang nawala sa kaniyang tabi. Nagpakawala ng isang malalim ng buntong hininga si Azazel bago ito tumalikod upang puntahan ang mga naghihintay na pinuno.