“Mag-iingat po kayo ama,” sabi ni Amelia sa kanyang ama at tumango naman sa kanya si Tom saka niya hinalikan ang kanyang anak sa kanyang buhok.
“Konse?” tanong ni Tom dahil naabutan niyang nililibot ni Konse Gerardo ang kanyang paningin sa kabuuan ng kanilang sala at kusina.
“Sir Tom, pasensya na kung pumasok na ako dahil nakita kong nakabukas ang inyong gate,” sabi ni Gerardo.
“Ayos lang iyon konse, pero pwede ko bang malaman kung ano ang sadya niyo konse?” tanong naman ni Tom sa kanya at napapansin niya pa rin na parang may hinahanap pa rin si Gerardo at kinakabahan pa rin siya dahil baka tuluyan na nga niyang nakita si Amelia. “Konse?”
“Ah pasensya na, pero may nakita kasi akong tumakbo kanina sa inyong kusina. Nagulat lang rin ako dahil akala ko ay kayong dalawa nga lang ng asawa mong si Ma’am Susana ang nakatira dito,” pakiramdam ni Tom ay umurong ang kanyang dila ngunit kinakailangan niya na manatailing kalmado sa harap nito kaya naman hindi niya ipinahalata dito ang kanyang natatarantang emosyon.
“Ah, asawa ko iyon, nagmamadali kasi siya dahil may nakalimutan siya sa likod ng aming bahay. Parehas kasi kaming abala sa araw na ito eh. Tayo sa loob konse upang mas kumportable pa tayong makapag-usap,” aya ni Tom kay konse saka siya umuna na pumasok sa loob ng kanilang bahay.