SA DALAWANG magkasunod na araw ay magkasamang kumain ng tanghalian sina Mabel at Kellan. Nasasanay na si Mabel sa presensiya ng lalaki ngunit hindi pa rin humuhupa ang kaguluhan sa kanyang sistema. Tila mas lumalala pa iyon sa paglipas ng mga araw. Tila mas nagiging makisig sa kanyang paningin si Kellan. Tila mas bumibilis ang t***k ng kanyang puso. Mas nasasabik siya sa bagong umaga dahil muli niya itong masisilayan.
Marami na silang nagpakuwentuhan. Naikuwento na ni Mabel ang kanyang ina at ang naging buhay niya sa Tarlac. Naikuwento na niya ang naramdaman nang unang makita ang nakaratay na ama. Naikuwento na rin niya ang iyon sa kanyang mga kapatid. Nakikinig naman si Kellan sa kanya. Minsan ay aliw na aliw pa ang lalaki. Minsan ay titig na titig sa kanya na medyo ikinaiilang niya.
Bahagyang naikuwento ni Kellan sa kanya ang tungkol sa buhay sa Ireland. Ulila na ang binata sa magulang. Nag-iisang anak lamang ito. Ang ama ng binata ay nag-iisang anak din lang kaya wala ring mga pinsan ang binata. Sa palagay niya ay malungkot ang buhay nito sa Ireland kaya palaging nagtutungo sa Pilipinas.
“I love the Filipino concept of family,” sabi ni Kellan. “It’s like you’re never alone. Everyone hovers. Everyone cares. You’re so lucky to belong in a huge family.”
“I’m lucky I found them.” Noon ganap na nabatid ni Mabel kung gaano katotoo ang kanyang sinabi. Ngayong adjusted na siya sa bagong buhay, nakatimo na sa isip na hindi na siya mag-isa. Hindi lang mommy ang mayroon siya. Hindi na tuloy niya malaman kung paano pasasalamatan ang sperm donor sa pagiging maloko nito sa babae. Totoo nga marahil ang sinasabi ng iba, may dahilan ang bawat nangyayari sa buhay ng isang tao.
“In Ireland, all I do and think is work. I don’t have time for myself. I do all the relaxing here. For the past seven years, I’ve not been to other places, only Sagada.”
“Ganoon mo kamahal ang Sagada?” Bago malaman ni Mabel ang tungkol sa kanyang pamilya, hindi gaanong nagkaroon ng impresyon sa kanya ang lugar. Ni hindi niya iyon gaanong naririnig mula sa mga kaibigan. Hindi siya interesadong puntahan dati ang Sagada dahil masyadong malayo. Ngunit ngayon ay maituturing na niya iyong pangalawang tahanan. Hindi na lang Tarlac ang safe haven niya.
“Let’s just say I’m looking for something.” Hindi gaanong naunawaan ni Mabel ang tinuran ni Kellan ngunit hindi naman na nag-elaborate ang binata. Hindi nakaligtas sa kanya ang biglang pagpanglaw ng mga mata nito. Tila may naalala ang lalaki na nakakalungkot. Inakala niyang naalala lang nito ang pamilyang wala na sa tabi nito.
Ilang araw nang masiglang umuuwi si Mabel sa mansiyon. Lahat ng tao roon ay napapansin ang kakaibang sigla niya. Iba raw ang glow ng mukha niya. Abala ang kanyang mga kapatid sa kanya-kanyang gawain, ngunit nakakaroon pa rin ang mga ito ng pagkakataon na tudyuin siya. Hindi na raw siya nagta-tantrums. Hindi na niya pinagmamalditahan ang mga luto ng chef.
Kung siya marahil ang dating Mabel, malamang na pikon na pikon na siya sa mga panunukso. Malamang na nagta-tantrums na uli siya at hindi lang si Chef ang mabibiktima. Hindi pa rin niya maipaliwanag ang nararamdaman at hindi na niya gaanong iniisip. Kapag masyado kasi niyang pakakaisipin ang kakaibang epekto sa kanya ni Kellan, pakiramdam niya ay nagtatanim siya ng takot at pangamba sa kanyang puso. Aalagaan niya iyon at payayabungin hanggang sa matabunan ang kaligayahang kanyang nararamdaman.
Sino naman ang taong nais malungkot? Gusto ni Mabel ang nararamdaman niya. Gusto niya ang pakiramdam na para siyang idinuduyan sa alapaap ng kaligayahan tuwing kasama si Kellan.
Ngunit sadya yatang may mga taong gustong maging malungkot siya. Hinila siya pababa ni Aunt Carrie sa alapaap ng kaligayahan. Wala pa ring ginagawang hindi maganda sa kanya ang madrasta. Sa totoo lang ay parang concerned pa nga ito sa kanilang magkakapatid. Ngunit hindi talaga makaramdam si Mabel ng amor kay Aunt Carrie. Pakiramdam niya minsan ay napaka-plastic ng ngiti nito.
Pakiramdam din minsan ni Mabel ay napakasama niyang nilalang sa pag-iisip ng ganoon. Kaysa mainis sa isang taong wala namang ginagawang masama sa kanya, bakit hindi niya uunawain ang madrasta? Ano kaya ang naramdaman nito nang malaman ang tungkol sa kanilang mga anak ni Alfie? Walo sila. Walong babae ang naanakan ng asawa nito. Idagdag pang hindi nito mabigyan ng anak ang asawa. She could only imagine what she had been going through.
Isang gabi ay kinatok si Mabel ni Aunt Carrie. naghahanda na siya sa pagtulog nang mga sandaling iyon. Maging ang madrasta ay papahiga na dahil nakaroba na lamang ito.
“Puwede ba kitang makausap, hija?” tanong ni Aunt Carrie bago tumuloy sa kanyang silid.
“Oo naman po.” Wala na siyang choice, nasa loob na ng kuwarto niya ang madrasta.
“Hindi ako magtatagal. Alam ko namang maaga ang pasok mo bukas.”
Hindi sumagot si Mabel, hinintay lang na magpatuloy si Aunt Carrie sa sinasabi.
“Medyo concerned lang ako, hija. Ilang gabi na akong hindi mapakali, alam mo ba?”
“Tungkol po saan?”
“Tungkol kay Kellan. Sa intensiyon niya sa paglapit-lapit sa iyo. Nakausap ko kasi ang isang kasamahan mong mananahi. Kinumusta kita. Huwag mo sanang mamasamain. Concerned lang ako sa iyo. Alam ko na hindi ka sanay sa pagtatrabaho. Gusto sana kitang alalayan para maging mas madali sa `yo ang lahat, pero base sa magagandang narinig ko ay hindi mo na iyon kailangan.” Napangiti si Aunt Carrie. “I’m so proud of you.”
Sinubukan ni Mabel na maniwala na bukal sa loob ng madrasta ang sinabi ngunit hindi talaga niya ito mapaniwalaan.
“Salamat po,” tugon niya gayunman.
“So, balik tayo kay Kellan. Nasabi sa akin na palagi kang pinupuntahan ni Kellan sa habian. Magkasabay raw kayong kumakain ng lunch. Mukhang close na kayo.”
“Medyo po.” Hindi malaman ni Mabel kung saan patungo ang usapang iyon.
“Is it safe to presume na siya ang dahilan ng magandang mood mo nitong mga nakaraang araw?”
Hindi na siya sumagot, binigyan na lamang niya ng tipid na ngiti ang madrasta.
“Well, hindi naman kita masisisi. Guwapo talaga siya. Matagal-tagal ko na rin siyang kilala. Mabait at magalang. Hindi ko lang talaga maiwasang mag-alala, ewan ko ba. Habang narito kayong magkakapatid ay ako ang inyong ina at okay lang naman sigurong maging concerned ako, ano?”
Tumango si Mabel, hindi pa rin malaman kung bakit hindi siya dinederetsa ni Aunt Carrie. Naghikab siya at umaktong inaantok na upang sabihin na nito ang nais sabihin.
Hinaplos ni Aunt Carrie ang kanyang buhok, may masuyong ngiting nakakabit sa mga labi. Hindi malaman ni Mabel kung bakit parang creepy sa paningin niya ang ngiting iyon.
“Hindi ko lang maiwasang mag-isip ng ibang motibo sa pakikipaglapit sa iyo ni Kellan.”
Nagsalubong ang kanyang mga kilay. “Motibo? Malapit po siya kay Lolo, hindi po ba?”
“Malapit na malapit. Siyempre, tinulungan siya ng lolo mo. Hindi lalago ang kompanya niya kung hindi dahil sa tulong ng lolo mo.”
Tumango siya. “Alam ko na po ang bagay na `yan.”
“Ah, so wala naman pala akong dapat ipag-aalala dahil alam mo na.” Dumagsa ang relief sa mukha ni Aunt Carrie.
Bakit pakiramdam ni Mabel ay arte na naman iyon?
“Kinakausap ka na marahil niya tungkol sa pagbebenta mo ng parte sa kanya. Ngayong wala na ang lolo mo, mababawi na niya ang shares na nawala sa kanya. Iyong kasamahan mo naman kasi, parang pinapalabas na nagkakaigihan na kayo—nagkakagustuhan sa romantikong lebel. Nagkamali lang siguro siya ng interpretasyon. Masyadong binigyan ng kulay ang nakikita. So tungkol sa business ang pinag-uusapan ninyo tuwing tanghalian? Nagkaroon ka na ba ng pagkakataong makita ang ilang dokumento? Don’t be naive and gullible. Ikonsulta mo kay Attorney Ferrer ang lahat ng hakbang na gagawin mo. Huwag kang masyadong magpapabola kay Kellan kahit gaano pa siya ka-charming.”
“H-hindi ko po kayo gaanong m-maintindihan.” Bahagyang sumakit ang ulo ni Mabel sa mga sinabi ng madrasta.
“You own fifteen percent of his timber business, right? At saka isang vacation house sa Ireland. Hindi mo iyon maaaring ibenta sa iba. Hindi mo naman kailangang ibenta iyon, hija, so huwag kang gaanong padalos-dalos sa pagdedesisyon.”
“Pero hindi pa po ganap na naililipat sa akin ang mga ari-arian, Aunt. May mga proviso pa akong kailangang tuparin.”
Sandaling natigilan si Aunt Carrie. “Oh. So ano ang ibig sabihin nito? Bakit siya nakikipaglapit sa `yo?” Naging mapanudyo ang ngiti ni Aunt Carrie. “He likes you! Oh my, God.”
Hindi malaman ni Mabel kung ngingiti o ano. Abala siya sa pag-iisip kung ano ang talagang pakay ni Aunt Carrie.
Muling hinaplos ng madrasta ang kanyang buhok. “Huwag mong iisipin na nakikipaglapit lang siya sa `yo dahil gusto niyang mabawi ang fifteen percent shares sa kompanya niya. O dahil gusto niyang bilhin sa iyo ang vacation house na dating sa grandparents niya. Hindi ganoon si Kellan.”
Pakiramdam ni Mabel ay pinaglololoko siya ni Aunt Carrie. Sasabihin nito iyon pagkatapos itanim sa isip niya ang isang negatibong bagay?
“Uhm, Aunt, hindi po sa itinataboy ko na kayo. Kaso lang po, gabi na at medyo pagod po ako sa work. Maaga pa ang pasok ko bukas.”
Kaagad tumayo si Aunt Carrie. “Of course, darling. Matulog ka na.” Hinagkan nito ang kanyang noo. “Huwag mag-iisip ng kung ano-ano. Kellan likes you.”
Paglabas ng madrasta ni Mabel sa kanyang silid ay nanggigigil na ibinaon niya ang mukha sa unan. Hindi niya gustong mag-isip ng mga negatibong bagay ngunit paano niya iyon gagawin kung itinanim na ni Aunt Carrie ang ideya?
Hindi tuloy niya maiwasang tanungin, totoo kaya? Totoo bang nakikipaglapit sa kanya si Kellan dahil nais nitong masiguro na ibebenta niya ang parteng minana sa negosyo nito? Iyon ba ang dahilan ng lahat ng lunch dates nila?
Parang nanlata ang puso ni Mabel. Hindi siya nilalapitan ni Kellan dahil gusto siya nitong maging kaibigan. Hindi siya nilalapitan ng binata dahil gusto siya. Kunsabagay, bakit siya magugustuhan ni Kellan? She was plain and boring. Gaga siya sa pagbibigay ng ibang kulay sa pakikipaglapit nito.
Bakit hindi kaagad niya naisip ang sinabi ni Aunt Carrie? Pagkamatay na pagkamatay ni Lolo Alfonso ay kaagad siyang nilapitan ni Kellan. Siya, hindi ang kanyang mga kapatid. Siguro ay alam na ng binata na sa kanya ibinigay ang ilang ari-arian sa Ireland. Dati nitong pag-aari ang bahay-bakasyunan. He wanted to take them all back.
Hindi gaanong nakatulog si Mabel nang gabing iyon. Kinabukasan ay napansin ng lahat, maliban kay Aunt Carrie, ang katamlayan niya. Nagtaka ang mga kapatid niya dahil masaya at masigla pa siya kagabi. Tinanong siya kung may nangyari sa kanyang ina. Sinabi niyang maayos ang kalagayan nito. Nagpaalam na siya. Nakangiting iniabot sa kanya ni Aunt Carrie ang kanyang thermal bag. Ipinagluto siya ng madrasta ng beef salpicao para sa kanyang tanghalian.
“Dinamihan ko dahil alam ko namang sasalo sa iyo si Kellan.” Ngiting-ngiti si Aunt Carrie, tila hindi napapansin ang tamlay ni Mabel. O napapansin nito, sadya lamang natutuwa sa kalagayan niya.
She mentally shook her head. Hayun na naman siya, nag-iisip ng hindi maganda sa madrasta. Tinanggap niya ang bag at nagpasalamat.
Umalis na ng mansiyon si Mabel, hinihiling na sana ay umakyat ng bundok si Kellan sa araw na iyon upang hindi niya makasalo sa tanghalian.